Chapter BH: Amira 15

“What?” Nanlaki ang ulo ni Amira. Inatake si Don Alfonso? Malubha? Parang may sumipa sa dibdib niya. Dali-dali niyang binuksan ang pinto ng passenger seat ng Land Rover. “Bakit hindi mo sinabi agad?” paninisi niya.

Sumakay din sa sasakyan si Estephanie at umupo sa tabi niya. “Huwag mo nang sisihin si Francois. Sasabihin din naman sana niya sa iyo. Ikaw lang itong ayaw mamansin at sumama.”

Binigyan niya ng matalim na tingin ang kaibigan. Heto nga siya at nag-aalala na sa lolo niya ay kakampihan pa nito si Francois.

“Kanina pa kita hinahanap. Di rin matawagan ang number mo,” anang lalaki at minaniobra ang kotse papunta sa direksiyon ng ospital.

“Ano bang nangyari?” tanong niya at parang sasabog ang dibdib niya sa sobrang takot. “Maayos-ayos pa siya kahapon ng umaga bago ako umalis ng mansion.” Malakas pa nga ang loob nito na makipagtalo sa kanya.

“Hindi ko rin alam. Nasa Ambasing ako nang matanggap ko ang tawag ni Tita Carrie. Ikaw agad ang naisip kong hanapin nang malaman ko ang nangyari. Pinuntahan kita sa radio station pero sabi ni Mon na kumain daw kayo ng lemon pie dito sa baba. Kaya hinanap ko lahat ng restaurant dito na nagbebenta ng lemon pie pero di ko naman kayo nakita,” anang binata sa seryosong tono.

“Nasa palengke kasi kami. Baka di rin nasagot ni Amira ang cellphone niya dahil mahina ang signal dito,” paliwanag ni Estephanie.

“Alam na ba ng mga kapatid ko ang tungkol dito?” tanong ni Amira.

“Hindi ko pa sigurado. Ang alam ko nag-cave connection sila kaninang umaga. Siguro ay pabalik na rin sila dito kapag nalaman nila ang nangyari kay Don Alfonso,” paliwanag ni Francois sa kanya.

At the back of her mind, she was thinking about her interview at the radio station. Paano kung dahil doon kaya inatake ang lolo niya?

Oo nga at may di sila pagkakaunawaan. Matindi din ang pagtutol niya sa operasyon ng negosyo nito dahil sa di magandang dulot sa kalikasan ng malalaking minahan. Pero kahit kailan ay di niya hiniling na may masamang mangyari dito. Hindi siya ganoon kasamang tao.

Nagkasagutan pa mandin sila nang umagang iyon. Hindi magaganda ang binitiwan niyang salita. Ibinuhos niya dito ang lahat ng galit na kinimkim niya sa loob ng mahabang panahon. Dito niya ibinunton ang sisi sa lahat ng di masasamang nangyari sa buhay niya. It was an intense and emotional confrontation. Pati ang mga kasalanan nina Alfie at Carrie ay dito niya naibuhos.

Ginagap ni Estephanie ang kamay niya. “Magiging maayos ang lahat,” wika ng kaibigan niya.

“Sana nga,” aniya at mariing nagdikit ang labi habang pinipigilan ang sarili na maiyak. Dahil oras na kasalanan niya ang lahat ng nangyari kay Don Alfonso, baka hindi niya mapapatawad ang sarili niya.

Nang humimpil ang sasakyan ni Francois sa harap ng Sagada Doctor’s Hospital ay nanginginig ang tuhod ni Amira. Naramdaman niya ang pagkalat ng pamamanhid sa buong katawan niya. Isang malamig na hangin ang lumukob sa kanya. Natatakot siya dahil di niya alam kung anong naghihintay sa kanya sa loob. Pero kailangan niyang malaman kung anong sitwasyon ni Don Alfonso. Kailangan niyang malaman kung anong kalagayan ng lolo niya.

Iginiya siya ni Francois sa waiting area na napansin niyang may copper plate sa gilid na sliding door na nakapangalan sa mga Banal. “May sariling waiting area para sa pamilya ninyo. Naghihintay na sa loob si Tita Carrie at si Attorney Ferrer,” sabi ng binata at iginiya siya sa loob.

Hindi na niya napansin ang karangyaan ng lugar na may sarili pang home entertainment system. Nakaupo sa gilid ng pulang sofa si Attorney Ferrer habang kinakausap si Carrie na nakayukyok naman habang sapo ang noo. Both of them looked distressed.

“Attorney, nandito na po si Amira,” sabi ni Francois.

Tumayo ang matandang abogado at pilit na ngumiti. Ang alam niya ay ito ang isa sa malapit na kaibigan ni Don Alfonso. “Hija, mabuti at nandito ka na.”

“Ano pong nangyari kay Lo- kay Don Alfonso?” Hindi pa rin niya magawang tawagin na lolo ang don.

Malungkot na umiling ang abogado. “Nasa ICU siya ngayon. Mahina na siya. Ang totoo ay ilang araw na lang ang taning na ibinibigay sa kanya ng doktor.”

Natutop niya ang bibig. “Diyos ko!”

Akala niya ay paraan lang iyon ng don noong una. Na ginagamitan lang siya nito ng emotional blackmail pero mukhang malubha na nga ang kalagayan nito.

“Anong ginagawa mo dito? Ang lakas naman ng loob mo na magpakita dito,” angil ni Carrie. Madilim ang mukha nito at dahan-dahang tumayo habang matalim ang tingin sa kanya. “Hindi ba umalis ka na ng mansion? Hindi ba ayaw mo nang maging Banal? Bakit ka pa nandito?”

“G-Gusto ko lang malaman kung ano ang kondisyon ni Don Alfonso,” aniya sa nanginginig na boses at lumunok.

“Anong gusto mo? Gusto mo bang malaman kung napatay mo siya?” Pasugod siyang nilapitan ni Carrie at sinurot. “Gusto mo bang malaman kung gaano kalaking perwisyo ang ginawa mo sa kalusugan niya matapos niyang marinig ang interview mo sa radio program habang binabatikos ang minahan? Pwes! Nakuha mo na ang gusto mo! Nasa ICU ngayon si Papa at malubha ang kalagayan niya. At kasalanan mo ang lahat.”

Parang tinadyakan sa sikmura si Amira at napaurong. Naging mabuway ang hakbang niya at pakiramdam niya ay matutumba siya. Mabuti na lang at nakaalalay agad ang matipunong katawan ni Francois sa kanya at hinawakan siya sa balikat. “Hey,” usal lang nito at inalalayan siya.

Pero di iyon nakatulong para bumuti ang pakiramdam niya. Parang umiikot ang lahat sa paligid niya. Umaalingawngaw sa isipan niya ang mga sinabi ng madrasta. Lahat ng kinatatakutan niyang marinig ay narinig na niya mula dito.

Narinig nga ni Don Alfonso ang panayam niya sa radio program. Malakas ang loob niyang ginawa iyon kahit alam niyang masasaktan niya ito. Oo nga at trabaho lang iyon. Walang kaibahan kung sinuman ang kalaban niya. Katwiran niya, mas matinding paglapastangan naman ang ginagawa ng mga naninira ng kalikasan. Di na niya kasalanan kung anuman ang maramdaman ng mga ito dahil siya ang nasa tama. Pero sa pagkakataong ito ay di niya inaasahan na makakadama siya ng matinding guilt.

Dahil ba kahit ano pang ginawang masama ng mga Banal sa kanilang mag-ina ay magkadugo pa rin sila? Dahil kahit isang halimaw pa ang tingin niya kay Don Alfonso Banal ay lolo pa rin niya ito?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.