Chapter BH: Amira 16

“H-Hindi ko naman g-gusto n-na ganito ang mangyari sa kanila,” anang si Amira na parang gusto nang pangapusan ng hininga. “G-Ginawa ko lang naman ang trabaho ko. Ipinunta ko dito ang para ipatigil ang minahan.”

Minulagatan siya siya ng mata ni Carrie. “Gusto mong maghiganti sa kanya. Gusto mong maghiganti sa lahat ng Banal dahil sa lahat ng nangyari sa buhay mo. Gusto mong sirain ang lahat ng pinaghirapan ni Papa. Basta ka na lang pumunta dito at gusto mong ipahiya si Papa sa buong. Hindi man dito ipinanganak si Papa pero mahal niya ang Sagada. Ikaw? Sino ka ba? Basta ka na lang pumunta dito at akala mo ay kung sino kang nagmamagaling. Ano bang alam mo?”

“Ginagawa ko lang ang trabaho ko. Ginagawa ko lang ang alam kong tama,” aniya sa matatag na tono. “Nagkataon lang na mga Banal ang nagpapatakbo ng minahan pero di ko kayo pinepersonal. Kahit na sino pa ang lumalapastangan sa kalikasan ay ganoon pa rin ang gagawin ko. Wala akong ginagawang masama. Wala akong ginagawang masama.”

Di niya alam kung ang mga ito ang kinukumbinsi niya o ang sarili niya. The guilt was eating her up. Parang napakasama niyang apo.

Ngumisi si Carrie. “Kasalanan mo ang lahat ng gulong ito. Dapat di ka na lang nagpunta dito. Dapat di ka na lang nagpakita kay Papa. Sana ay di ka na lang bumalik ng Sagada. Ginulo mo ang lahat dahil sa pagdating mo sa buhay namin. Kaya umalis ka na! Ayokong makita ka pa! Hindi ka namin kailangan dito. Palalalain mo lang ang kondisyon ng Papa. Tuluyan lang siyang mamatay dahil sa iyo.”

Gusto niyang mangatwiran na may karapatan din siyang manatili doon at hintayin ang pagbuti ng kalagayan ni Don Alfonso pero walang lumabas sa labi niya. Dahil alam niyang tama si Carrie. Siya ang nagdala ng gulo. Dahil mas masaya siya noong una na alam niyang masasaktan si Don Alfonso. Gusto niyang parusahan ito. Gusto niyang ilabas ang lahat ng galit sa dibdib niya dahil di siya nito pinagbigyan na isara ang operasyon ng minahan sa Sagada.

Umakto siya na parang spoiled brat. Akala niya ay entitled siya na masunod ang anumang gusto niya dahil may kailangang patunayan si Don Alfonso sa kanya. Dahil gusto niyang ipakita nito ang sinseridad sa kanya, na gusto nitong bumawi sa kanya sa lahat ng paghihirap at sama ng loob na dinanas nilang mag-ina sa loob ng dalawampu’t tatlong taon.

Hindi kailangan ni Don Alfonso ng isang apong tulad niya. At kung mananatili siya doon, baka mas mapaaga ang buhay ng matandang lalaki. Mula nang magkita sila ni Don Alfonso ay wala siyang ipinakita dito kundi galit at pagkamuhi. Na kung pwede lang ay itapon na niya dito ang lahat ng galit niya sa mundo. And she kept on defying him when all he wanted was to claim her as his granddaughter and spend more time with her. Ni hindi man lang niya ito napagbigyan. Dahil walang ibang laman ang puso niya kundi pagkamuhi.

“Carrie, stop it! Hindi magugustuhan ni Alfonso na nagsasalita ka ng di maganda sa apo niya. Mahina na si Alfonso kaya di pwedeng isisi mo ang lahat ng nangyari kay Amira,” saway ni Attorney Ferrer sa babae. “At huwag na huwag kong malalaman na sinabi mo iyan sa iba lalo na sa ibang apo ni Alfonso. Ayaw niyang magkakagulo ang mga apo niya.”

Mariing nagdikit ang labi ni Carrie at humakbang paurong. “Pwes, isa lang ang pwedeng matira sa amin dito. Siya ang aalis o ako?” naghahamong tanong ng madrasta niya. “Ako na nag-alaga kay Papa at di siya pinabayaan mula nang maging asawa ko si Alfie o ang apo niya na walang idinala sa kanya kundi sama ng loob?”

“Tita, di po ba pwedeng magkasundo na lang kayo kahit para kay Don Alfonso?” malumanay na tanong ni Francois.

“No!” sagot agad ni Carrie. “Hindi ko magagawang magpakahinahon sa mga oras na ito na nasa panganib ang buhay ni Papa at alam kong nasa iisang silid lang ang responsable sa lahat. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at anong magawa ko babaeng iyan.”

“Aalis na lang po ako,” malumanay na sabi ni Amira. “Tawagan na lang po ninyo ako kung anuman ang nangyari kay Don Alfonso, Attorney Ferrer.” Nakayuko siyang tumalikod. Kung siya man ang lumagay sa kalagayan niya ay baka madukot niya ang mata niya dahil sa galit.

“Ihahatid ko lang sila,” anang magalang na boses ni Francois.

Parang wala si sarili si Amira habang naglalakad sa hallway palabas ng ospital. Animo’y isa siyang zombie. She had never felt so bad and guilty her whole life. Kilala niya ang sarili niya bilang patas na tao. Ginagawa lang niya kung ano ang tama at alam niya na may masasaktan at masasaktan. Natuto siyang patatagin ang sarili sa pagharap sa mga pagsubok. At sa trabaho niya ay natuto siyang ihiwalay ang emosyon niya lalo na’t alam niyang sa bawat pakikibaka niya sa kalikasan ay may mga taong una pa ring nabibiktima – ang mga mahihirap, ang mga walang pampagamot, ang mga di nakapag-aral – ang mga ito ang unang naaabuso ng mga mapagsamantala.

Ngayon ay bumaligtad ang mundo niya. Habang nagagampanan niya ang trabaho niya, nasaktan niya ang sarili niyang kadugo. And it was wrecking up her emotions.

Hindi ko kasalanan ang nangyari. Ginawa ko lang ang trabaho ko. Ginawa ko lang ang tama. Binigyan ko ng pagkakataon si Don Alfonso pero di niya ako pinakinggan. Di ako dapat ma-guilty. Hindi. Hindi…

Iyon ang naging mantra niya habang sakay sila ng Land Rover ni Francois pabalik sa bahay ni Estephanie. Pero kahit yata isang libong beses niyang ulit-ulitin iyon ay hindi nagbabago ang pakiramdam niya. She was cold and dead inside. Ang umuukil lang sa isipan niya ay nakaratay sa ospital si Don Alfonso at kasalanan niya. Kasalanan niya. Kasalanan niya.

“Salamat sa paghahatid sa amin ni Amira, Chef Aklay,” sabi ni Estephanie.

“Salamat,” tanging nasabi lang ni Amira at nanatiling nakayuko. Parang hindi niya kayang tingnan sa mga mata ang kahit sino ngayon. Kahit nga yata ang sarili niya ay di niya kayang tingnan sa salamin.

Hinawakan ni Francois ang balikat niya. “Amira.”

Nanatili siya sa kinatatayuan pero di niya ito tiningnan. Hinintay lang niya kung anong sasabihin nito habang nakatitig lang siya sa leather sandals nito.

Hinawakan nito ang baba niya at inangat iyon. “Amira, makinig ka sa akin. Hindi mo kasalanan ang nangyari kay Don Alfonso. Matanda na siya. It is bound to happen anytime. Okay? Huwag mong pansinin kung anuman ang sinabi sa iyo ni Tita Carrie. Hindi totoo iyon. Huwag mong sisihin ang sarili mo.”

Nakatingin siya sa guwapong mukha ni Francois pero parang di rin niya iyon nakikita. Tanging blurred na mukha lang ang rumehistro sa utak niya. Kahit ang mga sinasabi nito ay parang di rin niya naintindihan.

“Okay,” matamlay niyang sabi at saka pumasok sa loob ng bahay ni Estephanie.

Sinundan lang siya ng kaibigan. “Amira, gusto mo bang mag-usap?”

“Sa kuwarto lang ako,” nausal niya at parang robot na naglakad patungo sa kuwarto niya. Matapos ikandado iyon ay ibinagsak niya ang sarili sa kama at saka tumitig sa kisame.

Naramdaman na lang niya na dumaloy ang luha sa mga mata niya. Ang tahimik na pagluha niya ay naging hagulgol. Kahit ano pang sabihin ng mga tao na wala siyang kasalanan, kahit na sabihin niyang wala siyang kasalanan, alam niyang tuluyan nang nagkaroon ng marka ang pangyayaring iyon sa kaluluwa niya.

At alam niyang may bahagi niya na di kayang patawarin ang sarili niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.