Chapter BH: Amira 36

KAGAT ni Amira ang dulo ng daliri habang pinagmamasdan ang hilera ng mga damit na naisukat niya. Hindi niya alam kung alin sa mga nakahilera ang bibilhin niya. Maraming ipinasukat sa kanya ang mismong fashion designer at may-ari ng Skyland Boutique na si Jennascia Almayda-Lizardo. Pagdating pa lang niya ay nakahanda na ang mga creation nito na sa palagay nito ay babagay sa kanya.

This must be one the hardest choices in her life. Isang kilalang fashion designer si Jennascia. Napangasawa nito ang Olympic gold medalist sa taekwondo na si Michael James Lizardo na tubong-Sagada. Ang mga creation nito ay inspired ng kultura ng Cordillera. Nagustuhan niya ang strip ng woven strip sa blouse, sa pants at skirts at maging sa belt at pati accessories. Parang masakit sa dibdib kung may maiiwan siyang ibang disenyo. She wanted everything.

"Amira, is there a problem?" malambing na tanong ni Jennascia sa kanya. "May problema ba sa designs ko?"

Umiling siya. "No. I like everything. Lahat bagay sa akin kaya hindi ako makapili ng kahit ano. Lahat kasi ay magaganda. I like the ethnic touch." Pinagsalikop niya ang palad. "Hindi ko tuloy alam kung ano ang pipiliin ko."

"Kuhanin na po ninyo lahat, Ma'am," sabi ni Brynette na kasama niyang namili. "Mayaman naman po kayo. Mabibili po ninyo ang lahat ng gusto ninyo."

"Hindi naman ako sobrang hilig sa damit. I mean, I am always practical. May mga damit pa ako at plano ko lang bumili ng isa o dalawang piraso. Three would be the maximum,” sabi niya habang kino-compute ang natitirang pera sa ATM niya. Naka-leave siya sa trabaho kaya walang papasok sa sweldo sa kanya.

“May naka-set up kang account dito,” sabi ni Jennascia. “Accountant na lang ng lolo mo ang bahalang makipag-coordinate sa amin sa bills.”

“I prefer to pay my own,” sa halip ay sabi niya.

“Come. Take a seat first para ma-relax ka habang nagde-decide,” anang si Jennascia. Isang sa mga shop attendant nito ang nag-utos na maghanda ng mountain tea para sa kanila at saka umupo ito sa tabi niya.

Nakatingin lang siya sa mga damit. Parang tinatawag siya. Wala naman siyang kailangang bayaran sa mga iyon kaya bakit siya tatanggi?

Ipinilig niya ang ulo. “Pasensiya ka na, Jennascia. Everything is just new to me. You see, hindi ako sanay na iba ang gumagastos para sa akin.”

"You see, I am fond of your grandfather. Isa si Don Alfonso sa mga unang tumangkilik sa akin sa Sagada. He used to grace my events when he was stronger. Two months bago siya mamatay, ipinatawag niya ako sa mansion. Nagbilin siya sa akin na ipapadala niya sa akin ang apo niya at gusto daw niya na bihisan ko nang maganda. He even showed me your picture. Sinabi niya sa akin kung gaano kalapit ang puso mo sa kultura ng Cordillera at kung gaano mo kamahal ang kalikasan. As a matter of fact, these designs were created just for you."

"Ipinagawa ni Lolo sa akin lahat iyan?"

"Yes. He approved the designs. Kaya parang regalo na rin niya sa iyo iyan. Parang iyan ang huling hiling niya sa akin bago siya mamatay. But I don't mind if you don't like it. Pero naisip ko na bagay iyan sa iyo lalo na kapag um-attend ka ng meetings at conference abroad. You will definitely look great on those."

Regalo iyon ng lolo niya sa kanya. Isa sa mga huling kahilingan nito. Nagtatalo ang pride niya at ang totoong gusto ng puso niya. She love those clothes. Wala naman siyang gagastusin.

Mariin siyang pumikit. At nang dumilat siya ay tumutok nang tuluyan ang mga mata niya sa hilera ng damit para sa kanya. "Okay. I will take everything.”

"Good decision,” anang si Jennascia na hanggang tainga ang ngiti. Saka nito inutusan ang mga shop attendant para i-pack na ang mga damit niya.

Lutang ang pakiramdam ni Amira at excited din habang pinagmamasdang itupi isa-isa ang mga damit at ilagay sa paper bag. Clothes. Kinuha din ni Jennascia ang mga accessories at sapatos na babagay para sa mga iyon.

Wow! Ngayon lang siya nakapag-shopping nang todo sa buong buhay niya. Pinaka-marami nang nabili niya sa isang shopping-an ay tatlong pirasong damit.

“Thank you for visiting my store, dear,” anang si Jennascia at hinalikan siya sa pisngi. “Perhaps we can hang out when both of us is in Sagada? Ipapakilala kita sa asawa ko."

"Thank you. That would be an honor."

Dalawa sa shop attendants nito ang sumamang maghatid sa kanya sa sasakyan dahil hindi kayang bitbitin nina Brynette at ng driver ang mga pinamili niya.

Wow! Isusuot niya ang mga damit na gawa ng isang sikat na designer at makikilala pa niya ang asawa nito na isang Olympic gold medalist.

"Ma'am, makikilala ninyo si Michael James Lizardo. Crush ko kaya iyon,” sabi ni Brynette matapos ilagay ang mga damit sa loob ng kotse.

"Ako rin," aniyang di maiwasang kiligin.

Naalala niya noong teenager pa siya at nakikita niya si Michael James Lizardo sa commercial ng isang chocolate energy drink. Naging crush niya ito. Tapos ay makikilala niya ito.

Naiba ang mood niya nang makitang di halos magkasya ang mga pinamili sa loob ng kotse. "Magpahatid ka sa driver sa cottage. Pumunta ka kay Manang Nene para buksan ang cottage. Dalhin mo ang mga damit ko sa kuwarto at pwede ka nang umuwi."

"Paano po kayo, Ma'am?" tanong ni Brynette. “Saan pa po ba kayo pupunta?”

"Gusto kong maglakad-lakad muna. Gusto ko lang mag-stretch ng konti. Nakakapagod palang mag-shopping,” pabiro niyang sabi.

"Pero Ma'am, di po pwedeng mag-isa lang kayo at walang driver man lang. Paano po kung may mangyaring masama sa inyo? Paano po kayo uuwi?”

"Mas malalalang lugar pa ang napuntahan ko sa ibang bansa pero safe naman ako. Gusto ko lang talagang mapag-isa.” Tinanguan niya ang driver na si Manong George at inutusan na ihatid si Brynette matapos ang utos nito.

Habang naglalakad sa Session Road kasabay ang maraming mga tao ay hindi siya makapaniwalang inabot siya ng dalawang oras sa pamimili lang ng damit. Di naman masama ang ginawa niya pero di pa rin tanggap ng pride niya na nakuha niya ang mga damit na iyon nang wala man lang nagastos kahit isang kusing.

Bumuntong-hininga siya at pumasok sa Visco’s restaurant. Alas singko na noon ng hapon at kumakalam na ang sikmura niya. Baka sakaling mawala itong masamang pakiramdam niya kapag nakatikim siya ng masarap na cake.

Nakadama siya ng lungkot nang mag-isa siyang kumakain ng strawberry shortcake at lasagna. Bukas ay magsisimula na siya sa trabaho sa Banal Mining Corporation. May tatlumpung porsiyento siyang shares sa kompanya. That was a huge amount of money – mula sa ginto, pilak at copper na minimina ng kompanya. Bilyon ang halaga ng itatapon niya kapag ipinasara niya ang kompanya.

Naalala niya ang pag-uusap nila ng madrastang si Caridad. Kung paanong nais nitong maki-alyansa siya dito kaysa magkabanggaan sila. Paano kung masilaw siya sa salapi? Paano kung masyado na niyang na-enjoy ang pagiging heredera at makalimutan na niya ang lahat ng pinaniniwalaan at ipinaglalaban niya?

Niyakap niya ang sarili. Natatakot siya sa pagtapak niya sa panibagong mundo bilang si Amira Banal. Di siya takot sa mga kalaban ng kalikasan. Mas natatakot siya sa sarili niya. Paano kung dumating ang panahon na hindi na rin niya makilala ang sarili niya?

Gusto niyang tawagan ang nanay niya pero baka mag-panic lang ito at sabihing umuwi na lang siya. Iisipin nito na ngayon pa lang y pumapasok na sa utak niya ang pagiging heredera. Mabubulilyaso ang plano niya. Di niya matutulungan ang tribo ng Lambayan at mapoprotektahan ang sagradong lupain ng mga ito.

Bumuga siya ng hangin. Hindi niya gustong bulabugin si Estephanie dahil kasama nito ang nobyong UFC fighter na kagagaling lang sa laban sa ibang bansa. Kailangang mapag-isa ng mga ito.

She can't talk to her sisters either. May kanya-kanyang problema ang mga ito dahil sa proviso ng lolo niya. Considering na may tatlong porsiyento ng Banal Mining Corporation na mamanahin ang mga ito, kalaban niya ang mga ito sa ngayon. Sino bang hangal ang tatanggi sa mana?

Nagbalik-balik siya ng scroll sa contacts sa cellphone niya sa paghahanap ng makakausap hanggang tumigil sa pangalan ni Francois. Wala sigurong masama kung tatawagan niya ito. Sana lang ay sumagot ito at hindi ito busy.

Nakalimang ring ang cellphone bago ito sumagot. "Hello, Amira."

"Hello, Chef. Are you busy?"

"Nagda-drive ako. May problema ba? Where are you right now?"

"Visco’s Restaurant sa may Session Road."

"Mag-usap tayo after ten minutes. Okay?"

"Bye." Then she started drumming her fingers on the table.

Iyon yata ang pinakamahabang ten minutes sa buhay niya. Na akala mo ay lifeline niya na makausap si Francois tungkol sa bumabagabag sa kanya.

Hindi siya halos makakain ng cake habang hinihintay ang tawag ng binata. Paano kung hindi na ito tumawag sa kanya matapos ang ten minutes? Siya ba mismo ang tatawag dito? Paano kung busy na ito o kaya ay nakalimutan na siya? Baka mamaya ay naisip nito na masyado na siyang dependent dito.

Bakit ba? Siya naman ang nagsabi sa akin na tawagan ko siya kapag kailangan ko ng kausap. No choice lang talaga ako ngayon.

Umandar pa ang oras at maya't maya niyang tinitingnan ang pagpapalit ng numero ng oras sa cellphone niya. Nang lumagpas ang sampung minuto ay nakadama siya ng panlulumo. Parang di siya sinipot sa date ng crush niya. Napayukyok na lang siya sa mesa habang sinisisi ang sarili.

Kasi naman aasa-asa ako. Nakalimutan na yata ako ni Francois. Sabi naman huwag mag-expect. Siyempre sabi lang niya 'yung nariyan siya lagi basta kailangan ko siya. Pero di naman pwedeng lagi ko siyang asahan. Kailangan kong problemahin itong mag-isa.

Natigil ang pagdadrama niya nang marinig niyang umurong ang bakanteng upuan sa tapat niya. Sino ba iyon? Nakiki-share ng table nang hindi man lang nagpapaalam.

Inangat niya ang ulo para sabihing okupado na ang upuan sa tapat niya. "Excuse me, that seat is..."

"I know. Taken."

Natigagal si Amira nang makita kung sino ang nakaupo sa tapat niya. "Francois!"

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.