Kakaibang saya ang naramdaman ni Amira habang pinagmamasdan ang binata. Kung wala lang sigurong mesa sa pagitan nila ay baka nayakap niya ito sa sobrang excitement.
“Nandito ka!” Kung kailan inaakala niyang hindi na ito magpaparamdam sa kanya at kalilimutan siya ay bigla na lang itong magpapakita. “Anong... paano ka nakarating agad dito? Akala ko nasa Sagada ka?"
Nakasuot ito ng plain white T-shirt na humakab sa dibdib nito at nag-emphasize sa malapad nitong balikat. His hair was a bit ruffled giving him a rogue look. His grey eyes had a mischievous glint when he smiled. "Nasa Sagada nga ako. Nag-magic lang ako para makarating dito."
"Come on! Be serious.”
"Mamimili ako ng bakery supplies kaya ako lumuwas. At siguro naramdaman ko rin na kailangan mo ako." Ibinuka nito ang mga bisig. "So here I am."
Nahiya siya nang malamang may iba pala itong lakad. "Hindi ka na sana pumunta dito. May iba ka palang gagawin."
"Matatanggihan ba naman kita kapag tumawag ka sa akin? Kahit siguro nasa Sagada ako, luluwas ako ng Baguio basta sabihin mo lang sa akin.”
“You really say the sweetest words. Anong gusto mong kainin? My treat,” sabi niya at tinawag ang waiter. Nasa mood na siyang kumain ngayong may kasama na siya at makakausap.
Ube cake lang ang in-order nito at sumubo agad nang i-serve dito. Mukhang gutom din ito dahil sa biyahe. “”So what's bothering you? Kinakabahan ka dahil bukas na ang simula ng trabaho mo sa Banal Mining Corporation?"
"Hmmmm... medyo,” aniya at sumubo ng lasagna. “Nag-aalala lang ako kasi baka mamaya hindi ko magawa ang mga gusto kong gawin. O kaya pumalpak ako. O may mga expectations ang mga tao sa akin. Mahirap maging Banal.”
"You think too much,” anitong napapailing.
“Really. At kapag Banal ka, parang di pwede na ang pwede na sa pananamit, sa mga kilos mo, sa sasabihin mo… lahat!” Iwinaksi niya ang isang kamay. “Parang di na ako pwedeng kumain sa karinderya o sumakay ng jeep o taxi man lang. Ganoon ba talaga ang buhay isang mayaman?”
Amused lang siya nitong pinagmasdan. “Masyado ka lang maraming iniintindi. Kailangan mong mag-unwind.”
“Ngayon ko pa ba iisiping mag-unwind? May meeting ako bukas ng umaga,” protesta niya.
“Gaano na ba katagal mula nang hindi mo inisip ang kahit anong seryosong bagay gaya ng trabaho mo o pagiging Banal mo? ‘Yung hindi mo inisip na para sa kalikasan ang dapat mong gawin o hindi mo naisip ang isyu ng pamilya mo?”
Ipinikit niya ang isang mata at tumingala. “I… I can’t really remember. And is that even possible? Marami akong kailangang gawin.”
Hindi na mawawala sa kanya ang tungkol sa kalikasan. At ngayon ay parang di niya maiiwasang isipin ang pagiging Banal niya. Sa sobrang abala niya, di na niya naiisip ang maglibang.
Hinawakan ni Francois ang kamay niya. “Pwede ba kahit ngayong gabi lang kalimutan mo ang tungkol sa trabaho mo o sa pagiging Banal mo o ano pang iniisip mo? Think about yourself. Think about pleasure.”
“Pleasure?” tanong niya
Nang titigan siya ni Francois sa mga mata ay naramdaman niya ang pag-iinit ng katawan niya na parang hinaplos siya nito. Di niya maintindihan kung bakit ganoon ang reaksiyon niya. Anong klaseng pleasure ba ang tinutukoy nito?
Tumango ito. “Tapusin mo na ang pagkain mo. I know just the place where you can relax."
Hindi na nagtanong pa si Amira at tahimik na inubos ang pagkain. Saan kaya sila pupunta? Anong gagawin nito sa kanya na “pleasureable”?
Nang dumating ang bill ay nag-unahan sila ng paglalabas ng pera ni Francois. Subalit dahil hawak nito ang bill nila ay ang bayad nito ang tinanggap ng waiter.
“Hey! Sabi ko ako na ang magbabayad,” kontra niya.
“Ano bang sabi ko? Wala kang iisipin na kahit ano, hindi ba? My treat. Sa ibang araw mo na lang ako ilibre kapag sumuweldo ka na sa Banal Mining,” anito at ikiniling ang ulo. “Let’s go.”
“Okay?”
“Sa Burnham naka-park ang kotse ko dahil walang parking dito sa Session,” sabi nito nang makalabas sila ng restaurant. “Malapit lang naman iyon dito. Five minutes na lalakarin. Okay lang sa iyo?”
Tumango siya at naglakad sa tabi ni Francois. Umihip ang malamig na hangin at niyakap ni Amira ang sarili. Dahil siksikan ang mga tao at marami silang kasalubong ay naramdaman na lang niyang nakadikit na siya sa katawan ng binata.
Nahigit niya ang hininga nang hapitin nito ang baywang niya at lalo pa siyang lumapit sa katawan nito. “Mahirap na at maraming mandurukot dito. Saka bigla kang mawala.”
Tipid lang siyang ngumiti at tumango. He was just protecting her. Walang malisya iyon. At sa lamig ng panahon, pabor sa kanya na maramdaman ang init ng katawan nito.
“Hindi ka ba nilalamig?” tanong niya dito dahil naka-tshirt lang ito at original Levis jeans.
“Mas malamig sa Sagada. Kapag nandito ako sa Baguio, naiinitan na ako. Nilalamig ka?” Tumango siya. “Huwag kang mag-alala. Hindi ka na makakaramdam ng lamig mamaya,” sabi nito at kinindatan siya.
Muntik na niya itong itulak palayo kundi lang mahigpit ang pagkakahapit nito sa baywang niya at siksikan ang mga tao. Paanong di na siya makakaramdam ng lamig mamaya? Anong gagawin nito para “mag-init” siya? May kinalaman ba iyon sa gagawin nila na “pleasureable”? Hindi kaya nasa balag ng alanganin ang virginity niya sa lalaking ito?
Nang makarating sila sa naka-park nitong sasakyan sa Burnham Park ay nag-aalinlangan siya kung sasakay sa pick up nito o hindi. Napansin ni Francois ang pag-aalinlangan niya. “Amira, may problema ba?”
“W-Wala,” nausal lang niya.
“Mabuti pa tawagan mo si Attorney Ferrer. Sabihin mo na magkasama tayo. Kung wala ka pa sa tinutuluyan mo, tiyak na mag-aalala iyon kung nasaan ka.”
“Yeah. Tama ka,” sabi niya at nanginginig ang kamay na inilabas ang cellphone. Bakit ba di niya naisip si Attorney Ferrer? “Hello, Attorney. Si Amira po ito.”
“Hija, nasaan ka na? Ang sabi ni Brynette ay di ka daw sumabay sa kanya at hindi ka sumakay sa kotse.”
“Huwag po kayong mag-alala. Kasama ko po si Francois ngayon,” aniya at tiningnan ang binata na nakasandal sa pick up nito at nakahalukipkip.
“Mabuti naman at magkasama kayo. Mapapanatag ang loob ko dahil kahit ang lolo mo ay may tiwala sa batang iyan. Mag-enjoy kayo. Magkita na lang tayo bukas, hija.” At nagpaalam na rin siya sa abogado.
“Okay na?” tanong ni Francois.
Tumango siya. “Yeah. Mag-enjoy daw tayo.”
Nang sumakay siya sa pick up nito ay inalis niya sa utak ang agam-agam. Safe na siya kay Francois. Di naman siguro siya nito pag-iinteresan lalo na’t alam ni Attorney Ferrer na magkasama sila. Mag-enjoy lang siya sa kung anong mainit at pleasureable na ihinanda nito para sa kanya.
May kinse minuto rin silang nagbiyahe sa kalsada ng Baguio hanggang magtungo sila sa bahaging di gaano ang bahayan. May mga puno sa gilid ng kalsada at mula sa taas ay nakita niya ang nagkikislapang ilaw ng lungsod.
“Parang malayo na tayo,” nausal niya.
“Don’t worry. Malapit na tayo.”
Di nagtagal ay ihinimpil nito ang sasakyan sa maliit na gate. Binuksan nito ang gate. “Pasok ka. Medyo mataas lang ang aakyatin mo pero ipinapangako ko sa iyo na mag-e-enjoy ka kapag nasa taas ka na,” sabi nito at inalok ang kamay sa kanya.
“Walang problema,” sabi niya at tinanggap ang kamay nito.
May dalawampu’t limang hakbang din ang inakyat nila bago narating ang tuktok. Isang maliit na bahay ang nasa taas na napapaligiran ng halamang namumulaklak sa paligid.
“Welcome to my little haven. Actually, this is my mom’s place. Dito sila nakatira ni Papa noong nabubuhay pa siya kapag nandito sa Baguio. Siya mismo ang nagtanim at nag-alaga ng mga halaman dito,” sabi nito at inilahad ang kamay.
“Wow! This is nice,” namamangha niyang sabi.
Di kalakihan ang puting bahay na inspired ng American architecture. Karamihan ng mga bahay sa Baguio ay parang nakakatakot. This one was not. Sa kabila ng dilim ay mukhang relaxing at charming ang bahay.
May maliit na fountain sa gitna ng hardin. Maganda iyon kahit na gabi pero sa palagay niya ay mas maganda iyon sa umaga kung saan kitang-kita ang iba’t ibang kulay ng mga bulaklak.
“Ang totoo pangarap ko rin na magkaroon ng ganitong lugar kung saan makakapag-garden kami ni Nanay sana,” wika niya at umupo sa bench.
“Bakit hindi ninyo gawin?”
“Palipat-lipat kami ng tirahan mula pagkabata ko dahil sa trabaho niya. Alam mo bang hindi ako um-attend ng formal school? Home school lang ako. Noong college lang ako um-attend ng university at nag-settle sa Manila. I don’t have enough time to take care of the plants. Too busy studying… and now, too busy working.”
“And being an heiress.”
“Shhh!” saway niya dito. “Usapan natin na wala kang babanggitin tungkol diyan.” Sumandal siya sa bench. “Tama ka. Nakaka-relax nga dito.”
“Pumasok tayo sa loob. Malamig dito.”
“Pero akala ko idinala mo ako dito para mag-relax?” tanong niya.
“But this is not the hot and pleasureable that I told you.”
He rolled his tongue in that sexy French accent. Drat! His accent was making her body tingle. As if he was kissing her, or making love love with her. Kung saan-saan na tumatakbo ang isip niya.
“Francois…”
Inilahad nito ang kamay niya. “Come on. Trust me.”
Hinawakan niya ang kamay nito at hinatak siya papasok sa bahay nito. Sabi ni Attorney Ferrer ay safe ito. Hell! Kahit di ito safe ay ayaw na niyang mag-isip. She was being reckless, she knew. But she loved being reckless when it comes to Francois. Bahala na. Minsan lang naman ito. Isang gabi lang na iisipin lang niya ang sarili niya. Bago man lang siya bumalik sa normal niyang buhay – ang pagiging environmentalist, ang Banal Mining, ang pagiging Banal niya at ang tribo ng mga Lambayan.
Nadaanan nila ang sala pero di niya napansin pa ang interior at furnishing niyon dahil hinatak siya ng binata papunta sa likod ng bahay. May hardin pa rin doon pero mas kaunti ang mga halaman ngunit ang pinakatampok doon ay ang outdoor heated pool.
“Ohhhh! This is nice,” usal niya umupo sa gilid ng pool. Sa palagay niya ay one-fourth iyon ng isang Olympic-size swimming pool. “Mayaman ka para magkaroon ng heated pool sa Baguio considering na mahirap ang tubig dito.”
“My mother loves the water. Kaya nagpagawa ng pool si Papa. He installed a heater so we can enjoy it despite the cold weather. I promised you something hot and pleasureable, remember?”
Napatango na lang siya. “Ahhhh! Ito pala iyon.”
“Ano bang iniisip mo?” magkasalubong ang kilay na tanong ni Francois.
“Nothing,” aniya at hindi sinalubong ang tingin nito. “I had no idea kung anong warm and pleasureable na sinasabi mo. Pero dito sa labas ng bahay?”
“Wala namang ibang makakakita sa atin. Ikaw lang at ako.”
Napanganga siya. “T-Tayong dalawa lang?”
Pakiramdam niya ay nagka-tectonic earthquake nang mga oras na iyon sa lakas ng pagkakayanig ng katawan niya. Mukhang tuluyang manganganib ang virginity niya ngayon.
“Of course, nandiyan si Manang Conching na caretaker nitong bahay. Siya na ang bahala sa iyo.”
“Ah! May kasama pala tayo,” nausal niya.
“Parang malungkot ka na may kasama tayo.” Pinisil nito ang baba niya at nanunukso siyang pinagmasdan. Gusto mong tayong dalawa lang dito, ‘no? Akala mo naman ganoon mo ako kadaling makukuha. I am not easy.”
“Teka. Wala naman akong baong damit,” nag-aalangan niyang sabi. “Ano… paano ako?”