“Don’t worry. May bagong swimsuit sa guestroom at mga damit doon.” Pinagmasdan siya nitong mabuti. “I think kasya iyon sa iyo.”
“Ipapasuot mo sa akin ang gamit ng mga ka-date at girlfriend mo?” nanulas na sa dila ni Amira bago pa niya napigilan.
“Bakit ganyan iniisip mo sa akin? Pinsan ko ang may-ari ng mga damit dito. Nagbakasyon siya last year at sa dami ng pinamili niyang bagong damit, marami siyang di nadala. Hindi pa niya naisusuot ang swimsuit. Bumalik tayo sa loob para makapagbihis ka na.”
Napayuko siya. “Okay. I am sorry. Akala ko kasi…”
“Never mind. Wala sa akin iyon,” sabi nito at pumasok na sa loob ng bahay. “Manang Conching! Manang Conching!”
“Sir, I am here!” anang boses ng isang may edad nang babae mula sa isa sa mga silid sa loob. Biglang bumukas ang pinto at bumungad sa kanila ang matabang babae na nakatapis lang ng tuwalya. Nagulat na lang siya nang bigla nitong ibuka ang tuwalya at tumambad sa kanila ang naka-itim na one piece suit nitong katawan. “Ready na akong mag-swimming kasama ninyo, Sir. Matagal ko nang pinakahihintay ito.”
Bigla siyang tinakpan ni Francois at inilagay sa likuran nito. “Manang Conching, may bisita po ako!” sabi nito na parang magha-hyperventilate anumang oras. “Siya po ang inimbitahan ko para m-mag-swimming.”
“B-Babae? Nagsama na naman kayo ng ibang babae dito?” anang si Manang Conching at nasilip niya na bigla itong nagtapis ng tuwalya. “Akala ko mandin sa wakas napansin na ninyo ang alindog ko.”
“Manang, huwag na po kayong magtampo. Apo po ni Don Alfonso ang kasama ko. Si Amira.”
Sumilip siya mula sa likuran ni Francois. “M-Magandang gabi po. Ako po si Amira.”
“Kilala kita. Ikaw ang apo ni Don Alfonso na lumayas at nagpa-interview sa radio station. Ikaw din ang dahilan kung bakit…”
“Manang, tapos na po iyon,” putol ni Francois sa iba pang sasabihin ni Manang Conching.
Napayuko na lang si Amira habang malakas ang kabog sa dibdib niya. May ibang nakakaalam tungkol sa nangyari sa lolo niya. Akala niya ay iilan lang silang nakakaalam.. Parang isinampal sa mukha niya ang malaking pagkakamali niya. Bagamat nakahingi siya ng tawad kay Don Alfonso, natatakot siya kung anong magiging implikasyon nito kapag makarating sa iba.
“Dati siyang nagtatrabaho sa mansion pero doon siya sa may orchard naka-destino. Huwag kang mag-alala. Hindi naman niya iyon sasabihin sa iba,” pang-aayo ni Francois sa kanya.
Tumango na lang siya. “Okay.”
“Manang, pakisamahan na lang po si Amira sa guestroom. Ituro po ninyo sa kanya ang mga naiwang damit ni Izzy.”
“Ma’am, dito na po tayo,” anang si Manang Conching na nakatapis pa rin ng tuwalya. “Pasensiya na po sa mga nasabi ko. At condolence po sa nangyari sa lolo ninyo. Huling araw ko na po sa mansion nang atakihin siya. Inalok po ni Chef Aklay na bantayan ko na lang itong bahay niya dahil gusto ko pong iwasan ang manliligaw ko sa Sagada. H-Hindi man lang ako nakapagpaalam nang mamatay siya. Nakikiramay po ako.”
“Maraming salamat po. S-Sana po huwag ninyong isipin na masamang apo ako. H-Hindi ko po gustong atakihin si Lolo. H-Hindi ko po gusto na mamatay siya.”
“Hindi naman talaga kayo ang dahilan bakit siya inatake.”
Gulat niya itong tiningnan. “Anong di ako ang dahilan?”
“A-Ang ibig ko pong sabihin… mukha naman po kayong mabait. May ipinaglalaban lang.” Binuksan nito ang closet at tumambad sa kanya ang ilang piraso ng pants, dress, mga bagong underwear at swimsuits. “B-Bahala na po kayong mamili, Ma’am. Sige po. Bye! Enjoy po kayong mag-swimming.”
Nagtataka niya itong sinundan ng tingin hanggang maisara nito ang pinto. Weird. Napaka-weird talaga nito. Hindi niya alam kung bakit parang may laman ang sinasabi nito. Marahil ay nasa mansion ito nang atakihin si Don Alfonso. Pinatahimik lang marahil ito ni Attorney Ferrer at ng iba pa para di magsalita ng di masama tungkol sa kanya. Bumuntong-hininga siya. Bukod pa doon, parang may iba pa itong gustong sabihin sa kanya.
Ipinilig niya ang ulo. Ayaw na nga niyang isipin iyon. Basta nandito siya para mag-relax. Ayaw na niyang isipin ang nangyari sa nakaraan o ang mangyayari bukas.
Isang black na two piece swimsuit ang pinili niya dahil wala naman siyang choice. Pinatungan lang niya iyon ng ginantsilyong brown na dress na butas-butas. Nakikita pa rin ang two-piece swimsuit niya sa loob pero kahit paano naman ay natatakpan. Hindi niya gugustuhing ibandera nang tuluyan ang katawan niya sa harapan ni Francois.
Palabas na siya ng pinto nang makitang inaayos ni Francois ang mga prutas sa low table na pwedeng abutin mula sa pool. Lalapit sana siya dito nang bigla nitong hubarin ang robe nito at nakitang naka-swimming trunks lang ito. Tumambad sa kanya ang maganda nitong pangangatawan sa kabila ng malamlam na ilaw.
Naestatwa siya sa kinatatayuan. Nasapo bigla niya ang dibdib dahil pakiramdam niya ay mahuhulog ang puso niya. Parang wala itong pakialam kahit na makita ng mundo na naka-trunks lang ito.
He was toned all over. Mula sa muscles sa braso, ang dibdib nito, ang abs nito, and the buns. Lahat ay parang naghuhumiyaw para pisilin niya.
Bigla siyang nagtago sa likod ng pinto at sumandal. Tumingala siya habang pinakakalma ang tibok ng puso nito. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Naramdaman na lang niyang dahan-dahan siyang napapaupo dahil nanlalambot ang tuhod niya.
Bakit naman ganoon, Francois? Ano pa bang ilalait ko sa iyo? Guwapo ka, magaling magluto, mabait at may pamatay na katawan. Kahit na nakadamit ka, nag-uumapaw ang kakisigan mo. At ngayong wala ka halos damit, parang gusto mo akong ialay sa altar ng mga virgin. Maawa ka naman sa akin.
Basta ang alam ni Amira ay hindi niya kakayaning lumusong ngayon sa pool kasama ng binata. Mawawasak lahat ng pinaniniwalaan niya sa buhay. Matutunaw ang lahat ng tapang at tatag ng loob niya. Baka maglaho ang hinhin niya.
Where was that granite resolve that hardened all these years? Wala na. Lumipad na patungo sa kawalan. Hindi magandang ideya ang hot and pleasureable relaxation na iniisip ni Francois. Hindi magandang ideya.
Narinig niyang pumipito ito. Dahan-dahan siyang sumilip. Ihinagis nito ang roba sa kalapit na wicker chair at saka lumusong sa pool. Okay na siya na pasilip-silip lang siya. Ayos na itong distansiya. But there was no way in hell that she would join him in that pool if she wanted to preserve her chastity. Pagdating kay Francois Mosqueda ay isa siyang mahinang babae.
Hindi na niya ngayon masyadong lalaitin ang mga kababaihan na mabilis bumigay sa lalaking gusto ng mga ito, lalo na kung kasing kisig ni Francois Mosqueda. Napakahirap labanan ng tukso.
Muntik na siyang atakihin sa puso nang biglang magsalita si Manang Conching. “Ma’am, bakit po kayo nagtatago dito?”
“Shhhh!” saway niya dito.
“Ano bang mayroon?” tanong nito at sumilip sa dibdib. “Holy gawgaw! Ganda ng katawan ni Sir.”
“Shhhh!” Hinatak niya ito palayo ng pinto. “Huwag kayong maingay. Huwag ninyong sasabihin na…”
“Naninilip kayo?”
“Hindi ako naninilip. Parang ayokong maligo sa pool.”
“E kung ayaw ninyo ako na lang.”
“Hindi! Kasi ano… kinakabahan ako.”
“Kailangan ninyo ng pampalakas ng loob, Ma’am,” sabi nito at ngumuso sa alak na nasa bucket na dala nito.
Tiningnan niya kung anong alak iyon. Hindi naman kasi siya palainom ng wine. Peach merlot. Pwede na. “Sige. Bigyan mo ako.”
Hindi naman nag-atubili si Manang Conching na ipagbukas siya ng alak at isinalin sa kopita. “Heto po, Ma’am,” anito at inabot ang kopita sa kanya. “Dadalhin ko na po it okay Sir. Sumunod na lang po kayo kapag mas malakas na ang loob ninyo. Sige kayo. Ako na lang ang maliligo sa pool kapag ayaw ninyo.”
No way. Nandito na siya. Kaya pangangatawanan na niya ito. Kailangan lang niya ng kaunting lakas ng loob. Merlot was fine. Di naman ito matapang na alak. She could handle it.
Nilanghap niya ang bango ng peach at ang ispiritu ng alak. Sumimsim siya. Nang masiyahan siya sa lasa ay lumagok na siya para mas mabilis ang epekto sa kanya. Nang gumuhit ang peach chardonnay sa lalamunan niya matapos laruin ng matamis na lasa ang dila niya ay nakaramdam siya na unti-unti siyang nare-relax. Pwede na iyan. Kaya na siguro niyang lumusong ngayon sa pool kasama si Francois nang walang masyadong inhibisyon.
“O! Bakit nakabukas na ang wine?” narinig niyang tanong ni Francois.
“Pinabuksan ko,” sagot ni Amira at saglit na sumandal sa hamba ng pinto. “Gusto kong ma-relax. I hope that is okay.”
Hindi niya alam kung anong imaheng ipinapakita niya sa binata nang mga oras na iyon. Nakasuot siya ng crocheted dress na umabot hanggang sa ibabaw ng tuhod at nakikita ang miniscule two-piece swimsuit niya sa loob. Nakatali ang buhok niya at nakapatong sa isang balikat niya habang hawak niya ang kopita ng alak.
Saglit na natulala si Francois at saka siya hinagod ng humahangang tingin mula ulo hanggang paa. Karaniwan ay naiinis siya sa ganoong mga tingin. But with Francois’ smoldering eyes on her, she didn’t mind. May kompiyansa na ang lakad niya nang lumapit sa pool. Ni wala siyang nararamdamang kaba. Salamat sa peach merlot, nawala ang inhibisyon niya pero alam niyang kontrolado pa naman niya ang sarili niya.
Lumusong siya sa pool. The heat of the water was comforting. Tumayo ang binata at inalalayan siya. “Hindi mo ba tatanggalin ang dress mo?”
Marahan siyang umiling. “N-Nilalamig ako.”
At least nasa matino pa siyang pag-iisip para tanggihan ito. Mistulang kalasag niya ang dress na iyon. Iyon ang pananggalang niya para hindi tuluyang bumigay sa kahinaan niya.
“That is unfair,” nanghahaba ang nguso nitong sabi na animo’y nagtatampo sa kanya.
“Gusto mo bang ganito ako o gusto mong si Manang Conching ang kasama mo dito habang naka-two piece?”
“Hindi ka na mabiro. Okay na iyang suot mo. Kahit na balutin mo pa ang sarili mo mula ulo hanggang paa, hindi ako aangal.”
Umungol siya nang sa wakas ay lumubog sa tubig. Parang langit ang pakiramdam niya nang yakapin ng mainit na tubig ang pagal niyang katawan. “Ahhh! This is heaven,” usal niya at inubos ang laman ng kopita niya.
“More wine?” alok ni Francois sa kanya. “Just another glass to relax you.”
“Hindi mo naman siguro ako lalasingin?”
“No. Hanggang dalawang baso lang ng wine ang pwede sa atin. May meeting ka pa bukas at ipagmamaneho pa kita pauwi.” Ni-refill nito ang kopita niya at sinalinan nito ang sariling baso. “So cheers to a new life and to happiness?”
Ipiningki niya ang baso sa baso nito. “Yes. To a new life and happiness.”