Chapter 19

One Month Ago

“AND THE BEAUTY and her former beast lives happily ever after,” masayang pagtatapos ni Mira sa story book na binabasa niya para sa reading class ng mga batang tinuturuan niya ngayon. Isang missionary teacher si Mira at bilang ganoon ay madalas pumupunta ang grupo nila sa iba’t ibang lugar upang magturo ng salita ng Diyos. Halos nalibot na niya ang buong Pilipinas dahil sa kanyang ginagawa. Sa ngayon ay kasalukuyan siyang nasa Davao at mahigit isang taon ng nagtuturo sa isang liblib na baranggay roon. Simula kasi nang malaman niya ang sitwasyon sa lugar na iyon ay mas pinili na lang niya na manirahan roon upang hindi lang ipalaganap ang salita ng Diyos. Mas lumaki ang pagkagusto niya na makapagturo nang mas malawak dahil na rin sa kawalan ng mga guro roon. Sa ngayon ay nagtuturo siya bilang public school English and Reading Teacher ng mga Grade One to Three sa Baranggay Sto. Cristo. Nakatapos naman talaga siya ng Education at major niya ang elementary English kaya naging madali lang iyon sa kanya. Nagtuturo rin siya ng religion para masabi pa rin niyang active missionary teacher pa rin siya. Tuwing Sabado at Linggo ay umaalis siya ng Sto. Cristo para pumunta pa sa iba’t ibang lugar sa Davao para ipalaganap ang salita ng Diyos.

Active church member si Mira. Nang mag-highschool siya ay niyaya siya ng mga kaibigan na sumali sa Youth For Christ at iyon ang naging dahilan upang mapalapit siya sa Diyos. Nang dahil rin roon ay napasali siya sa iba’t ibang organizations kaya naman sa halip na maging regular na teacher pagkatapos niyang makapasa sa LET exam ay mas pinili niya ang maging missionary teacher. Hindi man kalakihan ang suweldo niya ay satisfied naman siya sa ginagawa niya. Para sa kanya ay iyon ang pinakamahalaga kahit na ba tutol roon ang mga magulang niya.

Tatlo silang magkakapatid at si Mira ang pinakamahina. Sakitin siya mula pagkabata. Mahina ang resistensya niya at madalas rin siyang atakihin ng hika noon. Ayaw ng mga magulang niya na mapagod siya nang husto na hindi maiiwasan sa klase ng trabaho na mayroon siya. But she was persistent, too. Gusto niyang gawin ang makakapagpasaya sa kanya, ang sa tingin niya ay tama. Lalo na at sa panahon ngayon na marami na ang nawawalan ng tiwala at pananalig sa Diyos. Sa huli ay napapayag rin niya ang mga magulang sa gusto niya. Hindi rin naman siya pinabayaan ng Diyos dahil kahit sakitin siya ay wala pang nangyayaring masama sa kanya sa nakalipas na taon. She remained healthy.

Blessing na rin siguro ng Diyos na maging healthy siya sa kabila ng hectic schedules at activities niya. Para naman kasi rito ang ginagawa niya. At masaya siya sa ginagawa lalo na at nakikita niya na masaya rin ang mga bata na naroroon siya. Kulang na kulang kasi sa guro ang public school na iyon sa Sto. Cristo at nang dumating siya ay nabawasan ang problema ng mga ito. Naging maganda rin ang performance niya at kinagigiliwan siya ng mga estudyante niya. Magaling daw siya na teacher.

Nagpalakpakan ang mga estudyante ni Mira pagkatapos niyang magkuwento. Nakangiting ibinaba niya ang libro. Pero napalis ang ngiti niya nang makitang may isang bata ang wala man lang kangiti-ngiti at hindi pumapalakpak sa ginawa niya. Nakakunot-noong tumingin siya rito pero naglihis ito ng tingin sa kanya. Akmang lalapitan niya ang bata nang patunugin ng co-teacher niya na nasa kabilang classroom lang ang bell. Hudyat iyon na uwian na ng mga bata. Naghiyawan ang mga estudyante niya at halos sabay-sabay na nag-ayos ng bag at tumayo. Napailing-iling na lang si Mira sa nakita. Alam niyang excited na ang mga bata na umuwi dahil Biyernes ngayong araw at may bakasyon na dalawang araw. Gayunpaman ay hindi pinalampas ni Mira ang problema ng bata kanina. Nilapitan niya ito bago pa man ito makaalis.

“Robert,” pagtawag niya sa bata. Hindi siya nilingon nito. Nagtuloy-tuloy ito sa paglalakad at hindi siya pinansin. Napilitan si Mira na harangin ito dahil sa pambabastos nito. Banayad na hinawakan niya ang braso ng bata para patigilin. Galit naman na tinignan siya nito.

“Robert, kinakausap kita. Bakit hindi mo ako pinapansin?”

“Dahil puro kasinungalingan lang naman po ang sinasabi niyo, teacher!” sagot nito sa kanya.

Kumunot ang noo ni Mira. “Anong sinasabi mo, Robert?”

“`Yung kuwento ng Beauty and the Beast, hindi naman po totoo `yan!”

“Fairy tale ito kaya hindi nga totoo,” pagpapaliwanag niya rito. “Bakit ka nagagalit ng dahil roon? May problema ka ba, Robert? May maitutulong ba ako sa `yo?”

Tumingin ng diretso sa mga mata ni Mira ang bata. Nang mapansin ang sinseridad sa mga mata niya ng bata ay nagyuko ito ng ulo at umupo sa isang silya pagkatapos. Umupo rin siya dahil mukhang mahaba-habang usapan yata ang mangyayari. Hinagod-hagod niya ang likod nito. Bilang isang guro ay dapat siyang maging maalalahanin. Likas na naman iyon sa kanya.

“Puwede mong sabihin sa akin ang problema mo, Robert…” pag-e-engganyo niya sa bata nang hindi agad ito nagsalita.

Nag-reply naman ang bata sa pamamagitan ng pag-iyak. “Hindi po pinakawalan ng Beast ang Mommy ko, Teacher,”

SUNOD-sunod na “sorry” at “pasensya na” ang paulit-ulit na narinig ni Mira sa ama ni Robert na si Mang Nestor pagkatapos nitong magkuwento sa totoong kalagayan ng pamilya nito. Dahil sa sobrang pag-iyak ay hindi na naggawa ng batang ikuwento ang tungkol sa nangyari. Ilang sandali naman pagkatapos noon ay dumating ang ama nito na regular na sinusundo ang bata. May kalayuan kasi ang bahay ng mga ito kaya madalas ay gabi ng nakakauwi ang bata. Isama pang kagaya niya ay sakitin si Robert. Sa pagkakaalam niya ay inoperahan ito sa puso noong bata pa lang ito. Nag-iisang anak lang ito kaya alagang-alaga ito ng ama.

“Hindi niyo naman po kailangang humingi ng dispensa, Sir. Naiintindihan ko po kayo,” pagpapakalma naman niya sa ama.

Napag-alaman ni Mira na kaya pala si Mang Nestor ang palaging nakikita niya na sumusundo sa bata ay dahil sa klase ng trabaho ng ina nito. Nagtatrabaho raw bilang secretary ng isang writer na nakatira sa isang tagong isla na pagmamay-ari nito na sa Mindanao rin ang ina ni Robert. Nang dahil roon ay hindi nakikita ni Robert ang ina nito. Hindi ginusto ng pamilya ang pagkakalayo ng babae. Malupit raw kasi ang amo nito at selfish sa mga empleyado. Patunay na roon ang hindi pagpapauwi ng ina ni Robert. Dahil bata pa ay mahirap tanggapin iyon para kay Robert at kay Mang Nestor dahil na rin sa nalamang pagkamalupit nito.

Pero ganoon pa man ay hindi maggawang iwanan ng babae ang trabaho. Nirekomenda daw kasi ng dating kapitbahay ng mga ito ang tungkol sa trabahong iyon na dati rin naging sekretarya ng amo nang nangailangan ang mga ito ng pera sa pagpapa-opera para kay Robert. Malaki raw magpasuweldo ang lalaki at nagpapautang raw. Kaya lang ay kapag nangutang, kailangang bayaran ng serbisyo bilang sekretarya nito ang perang hiniram. Dahil gipit at hindi naman kataasan ang edukasyon ng ina nito ay wala ng naggawa ang babae kundi ang patulan ang offer. Pumalit ang ina ni Robert sa dating kapitbahay. Sa ngayon ay tapos na naman ang pagbabayad ng mga ito sa pag-opera kay Robert at tanging ang utang na loob na lang sa amo ang dahilan kung bakit hindi ito makaalis. Hindi kasi pumapayag ang amo nito na umalis ito hanggang hindi ito nakakahanap ng kapalit. Dahil nakakulong sa isla ay wala talagang mahahanap ang ina ni Robert na kapalit nito. Isama pang mahihirapan makahanap ng kapalit dahil na rin sa ugali ng amo at sa lugar ng trabaho.

Ngayon naiintindihan ni Mira kung bakit hindi nagustuhan ni Robert ang kuwento na Beauty and the Beast. Na-disappoint siya noong una dahil sa lahat ng fairy tales ay iyon ang pinakapaborito niya. May “Belle” rin kasi sa pangalan niya na siyang bida sa fairy tale at iyon ang madalas itawag sa kanya ng mga nakakilala at kaibigan niya. Halos pareho pa sila ng ugali ni Belle. Mahilig rin siyang magbasa ng libro at matalino rin siya sa klase. Niloloko nga siya ng mga ito na baka ang Mr. Destiny niya ay isang Beast rin. Tinatawanan niya lang madalas iyon dahil hindi naman ganoon ang pangarap niya talaga. Paborito niya lang ang kuwento dahil na rin sa similarities nila ng heroine. Ngayon ay naiintindihan niya na dahil pala sa kuwento kaya ayaw iyon ni Robert. Hindi nga naman kagaya ng nasa Beauty and the Beast ang kuwento ng Mommy nito dahil hanggang ngayon ay kinukulong pa rin ito ng Beast sa lair nito.

“Missed na missed ko na po si Mommy, Teacher. Sana po ay makabalik na siya sa bahay namin at magkasama na kami nang matagal….” Umiiyak na dagdag ni Robert.

Pakiramdam ni Mira ay nadudurog ang puso niya kapag umiiyak si Robert. Sa totoo lang ay kanina pa talaga masama ang pakiramdam niya dahil sa mga pag-iyak nito. Hindi man niya naranasan ang malayo sa magulang noong bata ay ramdam niya ang sakit na nararamdaman ni Robert. Mahirap ang mawalay sa mga magulang sa maagang edad lalo na at may sakit pa ito. Noong bata pa siya ay gustong-gusto niya na kasama ang mga magulang kapag may sakit siya. Ganoon rin siguro si Robert kapag nagkakasakit ito.

Huminga nang malalim si Mira. Marami na siyang batang nakasalamuha at sa tuwina ay talagang gumagawa siya ng paraan para maalis ang mga kalungkutan nito. Iyon kasi ang pinakamisyon niya sa buhay: Ang pasayahin lahat ng mga taong makikilala niya. Saka ano ba ang sabi niya kay Robert kanina? Tutulungan niya ito. Kung puwede nga lang talaga. Pero may mga estudyante siya na nangangailangan sa kanya. Hindi siya puwedeng umalis. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang biglang may pumasok sa isipan niya.

Sila na lang ang tao sa classroom dahil nag-alisan na ang mga bata. Ang mga co-teachers naman niya ay may meeting ngayon. Dapat ay kasali siya sa meeting pero dahil sa pag-open-up sa kanya ni Robert at nang ama nito ay hindi na siya nakasama roon. Pagmi-meeting-an ang tungkol sa pagdating ng mga bagong guro sa Sto. Cristo sa susunod na linggo. Nalaman rin niya na i-o-open-up rin ng principal ang tungkol sa estado nilang mga nag-volunteer lang talaga na magturo sa Sto. Cristo. May usap-usapan na mababawasan na ang load nila dahil sa nakuhang mga guro. At kung gugustuhin nga raw nila ay maaring puwede na nilang ipagpatuloy ang mga ginagawa noon bago ang magturo sa lugar.

Kung gugustuhin ay puwede na talaga siyang umalis at matulungan si Robert.

Pero hindi ba’t parang sobra-sobra yata ang isasakripisyo niya para lang makatulong? Kaya ba niyang ipagpalit ang kalayaan niya para lang makatulong sa isang pamilya?

KANINA pa tinitiis ni Mira ang sama ng tiyan na nararamdaman kasama ng takot. Mahigit dalawang oras na silang nasa laot pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nararating ang isla kung nasaan ang ina ni Robert. Mula Davao ay bumiyahe sila papuntang Cagayan de Oro dahil doon ang pinakamalapit na lugar para makapagbiyahe papunta sa isla kung saan nagtatrabaho ang ina ni Robert. Madaling araw pa lamang ay nagbiyahe na sila papunta roon.

Nanaig kay Mira ang kagustuhan na tulungan si Robert at ang pamilya nito. Pinanganak yata siya talagang may ginintuang puso. Pati ang kalayaan niya ay kaya niyang ipagpalit para tumulong. Natatakot man ay pinanaig ni Mira ang kagustuhan na matulungan si Robert. Mahalaga sa kanya ang kagustuhan na maging masaya ang isang estudyante niya.

Dahil delikado ang gagawin ni Mira ay naisipan niyang huwag ng ipaalam sa iba ang gagawin. Nagpapaalam siyang aalis na sa eskuwelahan pero hindi niya sinabi sa mga ito ang dahilan. Nagpaalam na lang siya basta. Kahit sa mga magulang niya ay hindi niya sinabi na magsi-shift siya ng career. Alam kasi niya na sa oras na malaman ng mga ito ang gagawin niya ay hindi siya papayagan ng mga ito. Naisip naman niyang mako-contact pa rin niya ang mga magulang dahil ina-assume niya na may signal o internet naman sa isla. Nakausap kasi ni Mang Nestor ang sa asawa nito para sabihin ang “heroic act” na gagawin niya rito. Agad raw na pumayag ang Ginang at sinabi ang araw kung kailan puwede silang pumunta roon at magpalit. Pumayag rin naman raw ang boss nito basta may kapalit. Mataas rin ang credentials ni Mira kaya kampante siya na matatanggap siya sa trabaho. Sinamahan siya ni Mang Nestor papunta roon. Hanggang sa pagpunta sa isla ay kasama niya ito. Hinabilin na lang muna sa isang kapitbahay na pinagkakatiwalaan si Robert.

“Mang Bobby, malayo pa po ba?” hindi na niya mapigilang magtanong sa bangkero na nirentahan nila ni Mang Nestor para makapunta sa isla. Pamilyar daw ito sa Isla Basilico, ang pangalan ng isla kung saan nagtatrabaho ang ina ni Robert. Minsan raw ay napapadaan ito roon kapag nagbabangka dahil sumunod na isla roon ang tirahan nito. Pero ngayon ay gustong magduda ni Mira kung alam nga ba talaga nito ang lugar. Ang tagal na nilang nasa laot pero wala pa rin siyang nakikitang isla. Malapit na siyang masuka dahil medyo maalon ang dagat.

“Malayo talaga ang isla, Mira,” kakamot-kamot ng ulo si Mang Bobby.

Napatango-tango na lang si Mira. Ilang sandali pa ay may natatanaw na silang isla. Tumingin siya kay Mang Bobby para magtanong kung iyon na nga ba ang hinahanap nila. Tumango ito.

Nawala ang alinlangan ni Mira nang mapagmasdan ang isla kahit sa malayo. Kagaya ng karamihan sa mga isla ay marami rin iyong puno. Maganda rin ang dalampasigan noon at puting-puti ang buhangin. Pero ang mas nakaagaw ng pansin ni Mira ay ang isang malaking bahay na natanaw agad niya dahil sa laki. Parang hindi kapani-paniwala na sa isang malayong isla ay may ganoong kalaki at kagandang bahay. Medyo madilim ang itsura ng bahay pero parang kastilyo iyon sa isang sinumpang isla. Napakalaki at maganda kasi ang istraktura noon. At ano nga ang tawag ni Roberto sa amo ng ina nito? Beast? Hindi kaya ay ito na ang katotohanan ng mga loka-loka niyang mga kaklase na Beauty and the Beast story of her life niya?

“Nandito na tayo,” napatigil ang pagkahanga ni Mira nang marinig ang boses na iyon ni Mang Bobby. Sa pagkatulala ni Mira ay hindi niya napansin na nakadaong na pala sila sa dalampasigan. Pagkababa niya ng bangka ay ibinaba rin ni Mang Bobby ang mga gamit niya.

Napansin kaagad niya na may babaeng nakaabang na roon. Ang mga gamit nito ay nakaempake na. Agad na yumakap ito kay Mang Nestor. Ito na siguro ang asawa ng lalaki.

Binigyan siya nito ng tingin pagkatapos. “So ikaw pala si Teacher Mira. Maraming salamat sa pagtulong sa akin. Tatanawin kong malaking utang na loob sa `yo ang ginawa mong ito para sa akin,”

Sinuklian ni Mira ng ngiti ang sinabi ng Ginang. Akmang magsasalita pa sana siya nang may biglang sumigaw mula sa malayo. Nanlaki ang mata ng Ginang at niyaya na ang asawa nitong umalis. Siya naman ay nanlaki ang mga mata sa ginawa nito. Hindi ba man lang siya nito tutulungan kung ano ang mga kailangang gawin?

“Ma’am, wait!” sigaw ni Mira pero pinagmadali na nito ang asawa at si Mang Bobby. Hindi siya pinansin ng mga ito hanggang makalayo na ang mga ito sa isla. Mira felt tricked. Consequences ba iyon ng sobrang kabaitan niya? Hindi niya maiwasang mainis. Pero ganoon pa man ay nandito na rin siya. Wala na siyang magagawa. Inisip na lang niya si Robert at ang magiging kasiyahan nito dahil sa pagsasakripisyo niya. Mahihirapan man siya, she knew, she had helped one person. Iyon ang pinakaimportante sa lahat.

Isa-isang binitbit ni Mira ang mga gamit niya at naglakad patungo sa nakita niyang bahay. Hirap na hirap siya habang binibitbit iyon. Medyo may kalayuan pala ang malaking bahay sa dalampasigan. Medyo hinihingal na siya sa pagbibitbit ng gamit nang marating niya ang bahay.

Hindi tinitignan ang kabuuan ng bahay ay kinuha ni Mira sa shoulder bag niya ang cellphone. Gusto sana niyang kuhanan ng larawan ang bahay sa unang pagtuntong pa lamang niya. Nang itaas niya ang cellphone na siyang ginagamit niya rin bilang pangkuha ng mga larawan ay napapitlag siya. Noon lang kasi niya natignan mula sa screen pa ng cellphone niya ang kabuuan ng bahay. At sa gulat niyang iyon ay basta na lang naglandas pababa sa kanyang kamay ang cellphone.

Nanlaki ang mga mata ni Mira nang makitang hindi sa buhanginan nahulog ang cellphone. Nahulog iyon sa isang malaking bato dahilan para mabasag ang screen noon at mamatay. Tinangka niya muling buhayin ang cellphone niya kaya lang ay hindi na niya maggawa. Then it hit her. Nasira ang cellphone niya.

Nanlumo si Mira sa nangyari. Isa lang ang cellphone niya. May magagawa ba siyang ibang paraan para ma-contact ang pamilya niya bukod roon? Paano na siya ngayon?

Pero mas lalong nanlumo si Mira nang muli ay magkaroon siya ng tanaw sa bahay na kanina ay tinatanaw lang niya sa malayo.

Nagkamali siya ng isipin niya na mukhang kastilyo ang malaking bahay. Mas appropriate ang salitang “Haunted House” para i-describe ang kaninang hinahangaan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.