Chapter BTSSM 32

“Surprisingly, her brain is intact. Dahil sa shock parang di niya naalala ang nangyaring pagkontrol sa kanya ng dominare niya pero sa palagay ko babalik din iyon. Magkakaroon lang siguro siya ng kaunting trauma kaya makakabuti kung paggising niya ay nasa tabi niya ang mga taong malalapit sa kanya lalo na si Kristian,” paliwanag ni Antoine. Umupo ito sa sofa at nag-dekuwatro. “Paano mo nga pala nagawang kontrolin ang utak niya, paalisin ang dominare niya at i-lock ang utak niya mula sa impluwensiya ng dominare niya? Hindi iyon madali. Kahit nga ako hindi ko alam kung paano gagawin iyon.”

Nakatitig ang lahat sa kanya habang hinihintay ang sagot niya. Pinawisan siya ng malamig. Ito ang mas kinatatakutan niya kaysa nang harapin si Homer sa utak ni Alta. “I just waited until her defenses were down…”

“Paano mo nga naibaba ang depensa niya?” may iritasyong tanong ni Vladimir at naningkit ang asul nitong mga mata. “Mukhang may itinatago ka sa amin.”

“Mas maganda yata kung i-check na lang natin ang surveillance camera sa area na iyon. Baka mas makatulong,” nakangiting suhestiyon ni Nicodomes.

Damn! There was no way in hell that he could allow them to watch it. Mas matinding kahihiyan iyon para sa kanya at baka makaabot pa kay Alta. Mabuti nga’t wala itong masyadong matandaan. At kapag nakita ng mga ito ang video, malalaman din nito ang katangahan niya. Kung gaano siya kahina pagdating kay Alta.

Tumayo siya ng upuan. “I kissed her, alright! Doon bumaba ang depensa niya.”

“Just kissed her?” nakataas ang kilay na tanong ni Antoine na nang mga oras na iyon ay nakabukas ang PC tablet at inire-record ang lahat ng findings nito. Mukhang interesado ang mga ito sa kaso niya.

“French kissed her. Enough to rock her world, Master,” he answered snidely. Naiirita siya dahil kailangan pa siyang i-dissect ng mga ito. “Iyon lang ang naiisip kong paraan para i-distract siya. And it worked. Nakapasok ako sa utak niya at nagawa kong paalisin ang dominare niya. Katulad lang iyon ng ginawa ko kapag inila-lock ko ang utak ko sa pagkontrol ko sa ibang tao. Pero sa pagkakataong ito, nagawa ko iyon sa utak ni Alta.”

“At nagawa mo iyon nang hindi nasisira ang utak niya,” anang si Antoine na nakakunot ang noo. “Kung sa iba nangyari iyan, baka dumugo na ang utak ng kinontrol mo kahit pa ng isang mezzo. You turned her brain into a battlefield.”

“Ikaw lang ang makakagawa noon dahil siya ang babaeng itinakda para sa iyo, Kristian,” seryosong sabi ni Vladimir. “Ganyan din ang nangyari sa amin ng asawa kong si Alixia.”

Si Alixia ay isang prinsesa sa Dutch court na nagustuhan nito. Subalit ang alam nila ay ginawa itong bampira ng isang prinsipeng manliligaw nito at sinagip lamang ni Vladimir.

“Paanong siya ang babaeng itinakda para sa akin? Kasi iyon ang nasa nobela ng kresme?” This was worse. Alta was suddenly his destined one. At wala sa plano niya na magkaroon ng babaeng itinakda para sa kanya.

“I don’t actually like Alix. She was a brat. A princess brat. Pero nang sagipin ko siya at sinubukan siyang kontrolin ng dominare niya ay wala na akong nagawa kundi halikan siya.” Itinapik nito ang daliri. “The only difference was we didn’t stop with the kiss. The rest is history. The point is the kiss temporarily drove her dominare away. Ang paraan para tuluyan mong maputol ang ugnayan nila ng dominare niya ay kung aangkinin at pakakasalan siya ng lalaking itinakda para sa kanya. And that’s you.”

Mariin siyang pumikit at napaungol. Pakiramdam niya ay may naghampas ng ulo niya sa pader. It was bad enough that he had a destined mate. The kissing was okay. Making love was not a problem either. He was immensely attracted to Alta. Pero ibang usapan na yata kung kailangan pa niya itong pakasalan.

“Alam ko ang iniisip mo, Kristian,” nanlalaki ang matang sabi ni Lupita na may kasamang pagbabanta. “Hindi ako papayag na may mangyari sa inyo ni Alta pero hindi mo siya pakakasalan. Ako mismo ang lalatigo sa iyo kapag ginawa mo iyon sa kanya.”

Tumayo siya at isinuklay ang daliri sa buhok. Pati sila ng pamilya niya ay nagkakagulo na dahil doon. “Nanay, hindi ko po siya pakakasalan. Sa ibang paraan ko puputulin ang ugnayan nila ng dominare niya. Hahanapin ko si Homer at papatayin ko siya. Siya ang gumulo ng buhay ni Alta.”

“Tadhana niya ang maging kabilang sa atin, Kristian. Tadhana niya na magkasama kayo. Bakit hindi mo iyon tanggapin?” malumanay na tanong ni Pinunong Kaptan.

“Dahil isang kalokohan ‘yang tadhana at pag-ibig na iyan!” bulalas niya at nakita niya ang sabay-sabay na pagtalim ng apat sa mga consejo kasama na si Lupita.

“Sinasabi mo bang kalokohan ang pagmamahalan namin ng tatay mo?” angil nito “Limang daang taon na kaming magkasama kahit kahit na minsan hindi ko naisip na kalokohan ang pinakamagandang bagay na nangyari sa akin.”

Naggiyagis ang ngipin niya. Mukhang handa pa ang ibang mga miyembro ng consejo na isumpa siya oras na pasamain niya ang ngalan ng pag-ibig. Maswerte lang kasi ang mga ito dahil natagpuan ng mga ito at nakasama ang taong itinakda para sa mga ito. While he was destined to be damned forever.

“I didn’t mean any offense. Ang ibig kong sabihin hindi para sa akin ‘yang destiny na iyan. Hindi para sa akin si Alta. Hindi ko siya pwedeng pakasalan para lang mawala ang impluwensiya sa kanya ng dominare niya. Hindi pa nga siya nasasanay sa buhay niya kasama natin. Marami pa siyang haharapin sa mga darating na araw. Tapos sasabihin kong pakakasalan niya ako? That is too harsh. Magiging miserable lang ang buhay niya.”

“You can’t keep on kissing her and locking her here forever,” sabi ni Antoine.

“Tuturuan ko siya para kontrolin ang isip niya at protektahan ang sarili niya,” wika niya. “Malakas si Alta. Magagawa niyang itaboy ang dominare niya kung magagawa lang niyang palakasin ang utak niya.”

Hindi pa rin kumbinsido si Kristoff. “Habang nandito ka magagawa mo siyang protektahan. We have our force fields here. Makakatulong ang lock na inilagay mo sa utak niya. Pero oras na makalayo siya dito, paano mo siya poprotektahan? Kaya kasal lang ang pinakamabisang paraan para tuluyan mong maputol ang impluwensiya sa kanyang dominare niya. Wala nang ibang paraan.”

Ipinamulsa niya ang kamay at iniikot ang mata sa mga ito. He felt like a prisoner. Parang shotgun wedding ito. He didn’t like it. “Pwede bang bigyan natin ng pagkakataon si Alta para siya mismo ang magdesisyon sa gagawin sa buhay niya? Kasal ang pinag-uusapan natin dito. Habambuhay kaming magsasama. Ayokong kamuhian niya tayo na gawin ang isang bagay na ayaw naman niya.”

Tumango si Pinunong Kaptan. “Sige. Puntahan mo na siya.”

“Pero hindi mo matatakasan ang tadhana mo,” wika ni Nicodemos nang paalis na siya ng silid. “Tandaan mo iyan.”

Isang matalim na tingin ang iniwan niya dito bago isinara ang pinto. Sana ay matagpuan din nito ang babaeng itinadhana dito. At siya ang unang hahalakhak oras na mawala ito sa sarili at magulo ang mundo nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.