Chapter BTSSM 35

Ipinakilala siya sa iba pang mga bisita doon kaya pansamantala siyang nahiwalay kay Kristian at kina Pinunong Kaptan at Lupita. Nakasundo agad niya ang anak ni Kristoff na si Rafflesia. May pagka-boyish kasi ito at pakiramdam nito ay ito ang magte-take over sa posisyon ng ama nito sa consejo. It was high time she mingled with someone her age. Or looks like. Fifty years old na si Rafflesia pero sa tingin niya ay wala pa itong beinte.

“Sasabihin ko sa iyo kung sino ang pinaka-notorious na playboy dito na dapat mong iwasan. Si Claude!” anang si Rafflesia at itinuro ang anak na lalaki ni Antoine.

“Ah! Sa tagal nating magkaibigan, di ko alam ganyan pala ang tingin mo sa akin,” malungkot na wika ni Claude at sinapo ang dibdib. “We. Frenchmen, are romantic.”

“Totoo naman. Maraming babae kang nauto,” nakangising wika ni Rafflesia.

“No, no, no, ako ang pinaikot at nauto nila,” depensa ni Claude. Nang mukhang ayaw na rin niyang maniwala sa sinasabi nito ay sinapo nito ang dibdib. “This is sad.”

“Hindi namin bibilhin ang drama mo.” Siniko siya ni Rafflesia. “So what’s the score between you and Kristian?” direktang tanong nito.

“Wala! Wala talaga,” mariing tanggi niya.

Tinaasan siya ng kilay ni Rafflesia. “Pero gusto mo siya?”

Bumagsak ang balikat niya. Kahit siguro di bampira ay mahahalata siya. Ganoon ba siya ka-obvious? Mahirap sigurong itago lalo na’t iba’t iba ang babaeng nakikita niyang kasayaw ni Kristian pero kahit minsan ay di siya nito inalok magsayaw. “Sigurado akong ayaw niya sa akin.”

“I will tell you something about this world. Ang mga babae dapat kinukuha ang gusto nila o baka maunahan sila ng iba.” Inginuso nito ang babaeng kasayaw ni Kristian. “Nakikita mo ‘yang si Black Widow? Nakasampung asawa na ‘yan at lahat ng iyon inakit niya. Di niya magagawa iyon kung hindi malakas ang loob niya at makapal ang mukha niya.”

“Mukhang hindi siya titigil hangga’t di nagiging husband number eleven si Kristian,” wika naman ni Claude.

Nahigit niya ang hininga at muling lumingon. Nakalabas ang pangil ng babae. Ayon sa kwento ni Rafflesia, isa daw iyon sa pang-akit ng mga babaeng bampira sa kapwa nito. Those fangs were sexy. Mukhang alam na alam ng babaeng iyon kung paano akitin ang kahit sinong lalaking magustuhan nito. Wala siyang laban dito.

“Paano ko sila mapipigilan?” nanlulumo niyang tanong. “Wala yata akong pag-asa.”

“Aminin mo kay Kristian na gusto mo siya,” suhestiyon ni Rafflesia.

“Wala akong lakas para gawin iyon. Malulusaw ako sa hiya.”

“Ito ang kailangan mo para makuha mo si Kristian,” sabi ni Claude at inabutan siya ng mapulang inumin na mukhang juice.

“Gayuma?” diskumpiyadong tanong niya.

“Pampalakas ng loob.”

MAGAANG-MAGAAN ang pakiramdam ni Alta habang sumasayaw sa dance floor. Nang yayain siya nina Claude at Rafflesia na sumayaw ay nagpahatak na siya sa mga ito. Parang bawal ang killjoy sa party na iyon. Ang mga mas matandang bampira ay nasa tabi-tabi at puro negosyo o mga bagay na may kinalaman sa mga balita at pulitika ang pinag-uusapan pero manaka-naka ding humahalo ang mga ito para makisaya. Ayon kay Claude ay alam ng mga bampira na i-enjoy ang buhay. So a sanguis's life was not as gloomy as she thought.

"More Bliss?" alok ni Claude sa bagong inuming naimbento nito.

"Sure." Lumingon siya sa direksiyon ni Kristian at halos halikan na ito ng babaeng kausap nito. Gusto niyang hatakin ang buhok ng babae para siya na ang pumalit dito. Pero hindi pa ganoon kalakas ang loob niya. Kailangan pa niya ng maraming Bliss.

Maya maya pa ay idinala sa kanila ng waiter ang Bliss niya. Mukha iyong cranberry juice pero may sanguis twist. Mabentang-mabenta daw iyon sa bar na pag-aari nito.

Akmang iinom siya nang may pumigil na braso sa kamay niya. "That's enough. Marami ka nang nainom."

Namumungay ang mata niyang pinagmasdan ang intrimitidong pumigil sa kanya. Bigla siyang ngumiti nang makita si Kristian. “Hi, Kristian!” Hinila nito ang baso mula sa kanya at kasama siyang natangay dahil sa mabuway na tayo niya. Nawalan siya ng balanse at bumangga sa katawan nito. Humagikgik siya at tiningala ito. “Isasayaw mo ba ako?”

Dumilim ang mukha nito. “No. You are drunk and I don’t dance with drunk women.”

Kumunot ang noo niya. “Hindi ako lasing. Juice lang naman ang ibinigay sa akin ni Claude. Kahit tanungin mo pa si Rafflesia.”

“It’s just Bliss,” wika ni Rafflesia na patuloy sa pagsayaw kasama si Claude.

“It’s my new concoction that everyone is raving about,” sabi ni Claude.

“Ah! ‘Yung inumin mo na pwedeng makapagpabagsak kahit sa mga bampirang matataas ang tolerance sa alcohol. Great! Anong pumasok sa utak ninyo at pinainom ninyo si Alta noon? She’s still a baby,” sermon ni Kristian.

“Hindi na ako bata!” sigaw niya at pilit na kumawala kay Kristian. “Twenty-one na ako. Nakaboto na ako at may lisensiya na akong uminom ng alak. Pwede na akong mag-date at pwede na rin akong mag-asawa nang walang consent ng guardian ko. Naiintindihan mo?”

“Okay lang iyan kung kaya mong dalhin ang sarili mo. Obviously, you don’t know what you are doing,” anito at binuhat siya. “I am taking you home.”

Pumiglas siya. “Hindi ako lasing at kaya ko ang sarili ko. Ibaba mo ako! Nakakahiya sa mga tao ang ginagawa mo!”

Hindi siya nito pinakinggan hanggang makarating sila sa labas ng kastilyo ni Maria Francesca at isinakay agad siya sa naghihintay na SUV. Malungkot niyang tinanaw ang mga kaibigan na sina Claude at Rafflesia. “Ni hindi ako nakapagpaalam sa kanila.”

“Hindi ka pwedeng tumanggap ng kahit anong inumin nila sa susunod. Kung anu-anong ibinibigay nila sa iyo.”

Bumagsak ang balikat niya at nilaro ng daliri ang burda ng gown niya. “Ni hindi mo man lang ako naisayaw bago mo ako inalis sa party,” masama ang loob na usal niya.

“Kung hindi ka sana nalasing, isasayaw kita.”

Sinungaling. Puro ibang babae naman ang isinasayaw mo. Mas gusto mo pang maging husband number eleven kaysa isayaw ako.

“Anong Husband Number Eleven?” tanong nito at matalim siyang tiningnan.

Bigla niyang natutop ang labi at tiningnan ito. “Narinig mo ako?”

“Kahit langgam na nag-uusap naririnig ko. Hindi ko lang sila maintindihan.”

Humagikgik siya ng tawa. “Patawa ka, no?”

Nagsalubong ang kilay nito. “Seryoso ako.”

Ayaw niya kapag ganito kaseryoso si Kristian. Mukhang namemeligro siya. Oras na ba para sabihin niya dito ang nararamdaman niya? Parang kulang pa ang Bliss na nainom niya.

Nang tumigil sa harap ng main mansion ang sasakyan ay dali-dali siyang bumaba ng kotse. Gusto niyang patunayan dito na kaya niyang tumayong mag-isa at pampalakas na rin ng loob. Subalit paglabas pa lang niya ng sasakyan ay muntik na siyang umurangod.

Kumapit siya sa katawan ng sasakyan at pilit na tumayo. “I am okay. I am okay.”

“Nasasabi mo pa iyan kahit na bumabalandra ka na?” tanong nito at binuhat ulit siya. “So what’s with Husband Number Eleven? At ipaliwanag mo nga sa akin kung bakit naglasing ka.”

“Kung hindi mo siguro ako pinigilan kanina, Husband Number Eleven ka na,” aniya at dinuro ang dibdib nito habang nakahilig ang ulo sa dibdib nito.

“You mean Duquessa Mariana? No. Wala akong planong pakasalan siya. Naglasing ka ba para mapansin kita?”

“Hindi ako naglalasing at hindi ako nagpapapansin. May gusto lang akong sabihin sa iyo,” sabi niya habang papasok sila sa kuwarto.

Mataman siya nitong pinagmasdan bago siya inilapag sa kama. “Bukas mo na lang sabihin sa akin iyan kapag nasa huwisyo ka na. Tatawagin ko lang si Estancia para…”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.