Chapter BTSSM 36

Pinigilan niya ito at hinila sa braso. “Kristian, mahal kita.”

Natigagal ito. “Ano?”

Hinila niya ito hanggang magpantay ang mukha nila. “Mahal kita.”

Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob niya at idinikit ang labi sa labi nito. Tuluyan nang nawala ang hiya niya at ginaya niya ang halik na nakita niya sa panaginip niya nang halikan siya nito. Technically, it was her first kiss. Pero parang alam na niya ang gagawin.

Naalala niya ang panaginip niya kung saan siya hinalikan ni Kristian. Bumalik siya sa gabing iyon. Hinaplos niya ang pisngi nito at ang buhok nito. Marahan lang ang halik niya noong una subalit si Kristian mismo ang nagpalalim ng halik.

Niyakap siya nito at hinapit palapit ang katawan niya. Nang mga sandaling iyon ay tuluyan na siyang nalango sa sensasyon. Pakiramdam niya ay lumilipad siya sa ulap habang nasa mga bisig nito.

Subalit parang bigla siyang hinatak pababa sa lupa nang putulin ni Kristian ang halik. Dumilat siya sa pagtataka at nakita niya ang galit sa mga mata nito. “Stop it, Alta. Wala ka sa sarili mo. Lasing ka lang,” anito at binitiwan siya.

“Mahal kita, Kristian,” giit niya. “Wala ka bang nararamdaman sa akin?”

He let out a frustrated breath. “Saka na tayo mag-usap kapag nasa huwisyo ka na . Don’t embarrass yourself like this,” angil nito at iniwan siya sa silid.

Ibinagsak na lang niya ang sarili sa kama. Pumikit siya at hinayaan niyang umagos ang luha sa mata niya. Siguro ay iniisip nitong nagloloko lang siya dahil nakainom siya. Hindi ito naniniwala sa sinseridad niya pero tinalampak pa rin nito ang puso niya. Tuluyan nang lumipas ang lakas ng loob niya.

Itinakip niya ang braso sa mga mata at pinilit ang sarili na matulog. Akala niya ay pwede siyang pamanhirin ng alak subalit nasasaktan pa rin siya. Hindi niya alam kung may pagkakataon pa siyang sabihin dito na mahal niya ito. Natatakot siya na sa susunod na sabihin niya ay nararamdaman niya ay direkta nang sabihin ni Kristian na wala siyang mapapala dito.

PARANG pinupukpok ng maso ang ulo ni Alta nang magising kinagabihan. Gusto niyang isumpa si Claude sa Bliss na naimbento nito. It was not bliss. It was hell. Pinagsisisihan niyang napapayag siyang uminom ng nakakalasing na inuming iyon. Hindi lang siya napahiya sa lahat. Inulan pa siya ng sermon mula kay Kristian at hindi nito pinaniwalaan ang pagmamahal niya.

Nagpa-serve siya ng paborito niyang choco blood sa likod ng mansion kung saan may batis ng maligamgam na tubig. Ayon kay Lupita ay makakabuti daw ang sariwang hangin para mabawasan ang kalasingan niya. Subalit nakayukyok lang siya sa mesa habang nakatitig sa choco blood. Wala pang laman na kahit ano ang sikmura niya.

Nakakahiya talaga ito. Noong tao pa siya ay hindi siya nalalasing. Kung kailan siya naging bampira ay saka siya nawalan ng tolerance sa alcohol.

Hindi siya tuminag kahit nang marinig niya ang pamilyar na kotse ni Kristian na pumarada sa harap ng mansion. Narinig niya ang yabag nito na papalapit hanggang tumigil ito sa harap niya ay di pa rin niya inangat ang ulo. Di niya alam kung paano ito haharapin. Magkukunwari ba siyang walang alam sa nangyari kagabi? kaya ba niyang umakto ng normal kahit na malinaw pa rin sa utak niya na na-brush off nito ang pagtatapat niya ng pag-ibig?

“Masakit pa rin ang ulo mo?” tanong nito at hinaplos ang ulo niya na parang bata siya.

“Medyo,” aniya sa malamig na boses. “Sorry kung napahiya kayo nila Nanay kagabi. Hindi ko alam na nakakalasing ang ibinigay nilang inumin sa akin. Hindi ko alam na may nagpapalasing sa mga bampira.” Hindi siya pinagalitan nina Pinunong Kaptan at Lupita na nagkalat siya sa party dahil marami naman daw mas nakakahiyang eksena sa party na iyon. Subalit nahihiya pa rin siya para sa mga ito.

“Alam mo ba ang pinagsasasabi mo kagabi?” magkasalubong ang kilay na tanong nito.

“Oo. Natatandaan ko lahat,” aniya at pilit na inangat ang ulo.

“And…”

Sumandal siya sa upuan at direkta itong tiningnan. “Kung anuman ang gusto kong sabihin sa iyo kagabi, iyon pa rin ang sasabihin ko sa iyo. Mahal kita.”

“You can’t say that!” nanlalaki ang mata nitong wika. “You can’t love me.”

Masakit sa ulo at sa dibdib ang mga binitiwan nitong salita. “Bakit ba marunong ka pa sa akin? Iyon ang nararamdaman ko. At wala kang karapatan na sabihin sa akin kung sino at hindi ko pwedeng mahalin at kung sino at hindi pwedeng magmahal sa iyo. May hangover siguro ako pero malinaw ang utak ko. Mahal kita at hindi mo ako pwedeng pigilan na mahalin ka.”

“Well, I am telling you that you are not really in love with me. Hindi pagmamahal ang nararamdaman mo para sa akin.”

“Ano iyon kung hindi pagmamahal iyon?”

“You are just attracted to my power. Ako ang unang nagbigay ng dugo sa iyo. Natural lang iyan. Ako rin ang laging nakaalalay sa iyo habang nandito. Hindi mo kailangang bigyan ng bang kahulugan ang pagiging mabait ko sa iyo.”

“Maraming mabait sa akin at nag-aalaga sa akin dito. Hindi lang ikaw,” aniya sa malamig na boses. Hindi niya matatanggap na attracted lang siya sa kapangyarihan nito. “At bago mo sabihin na attracted ako sa iyo dahil lang sa donasyon mong dugo sa akin, gusto na kita noong unang beses pa lang kitang nakilala.”

“It doesn’t matter. Hindi mo ako pwedeng mahalin. You are just wasting your time with me. I am not cut for a relationship.”

“Hindi mo ba ako gusto?”

“Ubusin mo na lang ang oras mo sa mas importanteng bagay kaysa sa akin, Alta. Your love or your affection won’t do any good. Masasaktan ka lang. I could never love you back.”

“Why?”

Mahabang sandali siya nitong tinitigan. “Dahil hindi ako marunong magmahal. So drink your choco blood and take a shower. You have a self-defense training in two hours. That will help you more in survival than falling in love.”

Nanlulumo siyang umupo at pinagmasdan ito habang papalayo. Ayaw na niyang umiyak. It won’t accomplish anything. Tama ba si Kristian? Tama ba ito na sabihing wala siyang mapapala sa pagmamahal dito dahil hindi ito marunong magmahal? Hindi ba siya nito makikita kahit bilang isang babae man lang? Gusto niyang maramdaman ang katulad ng atensiyong ibinibigay nito sa ibang babae.

Or maybe she was not really worthy of his love. She was not good enough for him. Sino ba naman siya kumpara sa ibang babaeng nagugustuhan nito? Napakadali para dito na itapon ang pagmamahal niya.

Tama marahil ito. Dapat ay kalimutan na niya ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.