Her touch was soothing. Unti-unting nawawala ang inis niya. Parang nawala na rin ang tampo niya dito. Sheesh! Kailan pa siya naging sensitive?
“Are you dating someone right now?” bigla niyang naitanong dito.
“Date? Sa dami ng kailangan kong pag-aralan, hindi ko naiisip iyan. Saka wala namang nagyayaya ng date sa akin. Sino lang ba naman ako?”
“You are a de Angelis now.”
“Kahit na de Angelis pa ako, hindi ko pa rin makukuha ang bagay na gusto ko,” makahulugan nitong sabi. “Hindi pa rin ako magugustuhan ng taong gusto ko.” Nahigit niya ang hininga at binitiwan nito ang kamay niya saka nakangiting tumayo. “Kailangan ko nang bumalik sa gym. Hindi pa tapos ang training ko. Sana makasama kitang mag-sparring next time. Pero kung ayaw mo okay lang din. Sanay na ako.”
Sa isang iglap ay wala na ito sa harap niya. Bago pa man niya ito i-reject ay inunahan na nito ang sarili. Kaya rin siguro ayaw nitong makipag-date dahil sa rejection niya. Pakiramdam nito ay ire-reject ito ng ibang lalaki. Gusto niyang habulin ito para sabihin na gusto niya itong maka-sparring. Na handa siyang i-date ito basta huwag lang itong makipag-date sa iba.
Sa huli ay pinigilan niya ang sarili. This was just temporary insanity. Kahit na si Alta pa ang nakatadhana sa kanya ay sasaktan lang niya ito sa huli. Mabuti pang masaktan na ito ngayon. At sasanayin na rin niya ang sarili na makita itong masaya kasama ang iba.
MALUNGKOT na pinagmasdan ni Alta ang picture ni Kristian sa website kasama ang isang bagong sexy star na isinama nito sa anniversary ng kompanya nito. Hindi siya pumunta dahil maraming naka-schedule na klase sa kanya nang araw na iyon. Mas intense ang mga pinag-aaralan niya ngayon. Bilang parte ng angkan ng mga de Angelis, dapat ay malaman niya kung paano poprotektahan ang sarili niya at ang mismong Valle. May sarili ring security agency na nagbabantay hindi lamang sa mga bampira kundi pati sa mga tao din. High profile cases ang hinahawakan nila at kapag handa na siya ay kasama siya sa mamamahala sa kompanya.
Mas gusto na lang niyang mag-focus sa training at pag-aaral para hindi na siya magkaroon pa ng panahon upang isipin ito at makita ang update sa buhay nito. Nasasaktan siya kapag may nakikitang picture nito kasama ang ibang babae. Anong kailangan niyang gawin para makuha ang atensiyong ibinibigay nito sa ibang babae?
Nagulat siya nang biglang mamatay ang monitor ng computer. "Sabi mo sa akin hindi mo na siya titingnan o iisipin. Ano na naman 'yan?" sermon ni Rafflesia.
"Magtse-check lang talaga ako ng email. Tapos..."
"Hindi ka na nakatiis na alamin sino ang ka-date niya matapos mong malaman mula kay Tita Lupita na may party siyang pupuntahan. Paano ka makaka-recover niyan?"
"Siguro ayoko talagang maka-recover. Alam mo ba 'yung gusto mo na siyang kalimutan dahil nasasaktan ka pero mas gugustuhin mong masaktan kaysa mawala ang nararamdaman mo sa kanya."
"Oo na. Alam ko 'yan. Ganyan din si Eskaya dati."
"Talaga? Na-in love na siya?"
"Oo. Pero nang mabigo nagmukmok na lang sa mga libro niya. Tingnan mo nga. Parang mas matanda pa siya sa nanay ko. Gusto mo bang ganyan ka na lang? Hindi mo maa-appreciate ang magandang mundo at ang iba pang mga guwapo dahil lang sa isang lalaking hindi ka mamahalin."
"Anong gagawin ko? Hindi ko nga alam kung anong gagawin para makalimutan siya."
"Huwag mong kalimutan. Hayaan mo lang siya diyan. Hindi kailangang mauwi sa pagmumukmok ang pagmamahal mo sa kanya. Maganda pa ang mundo. Hindi pwedeng sa kanyang naka-focus ang mga mata mo. Siguro dala lang ng pagkakakakulong mo sa Valle kaya ganyan. Magbihis ka. May bagong blouse ka na ipinatahi ni Mama."
"Huwag mong sabihing aalis tayo ng Valle," nanlalaki ang mata niyang usal.
"Ano pa nga? Apat na buwan ka nang nakaburo dito. I am sure nami-miss mong makisalamuha sa mga tao."
"Hindi pa ako handang makisalamuha sa kanila."
"Sa Club Rouge tayo pupunta," tukoy nito sa club na pag-aari ni Claude na popular sa mga bampira at mga tao. Ang mga drinks doon ay pwede sa mga bampira at pwede rin sa mga tao. "Magpapakasawa tayo sa mga guwapo at hot na lalaki."
"Hindi pa rin ako papayagan na lumabas," aniya at pinagsalikop ang mga kamay. "Paano kung nasa malapit lang si Homer? Paano kung pilit niya akong kunin?"
Diniinan ng daliri nito ang pagitan ng mata niya. "You are strong enough. Tinuruan ka na kung paano kokontrolin ang isip mo at lalabanan ang nagtatangkang kumontrol sa iyo. It's time to put your powers to test. Oras na para ikaw naman ang kumontrol sa buhay mo."
Hindi siya rebelde kahit kailan. Lagi siyang sumusunod sa mga patakaran. Masaya na rin siyang tanggapin na lang lahat ng ibinabato sa kanya mabuti man o masama. Siguro dahil nabuhay siya ng maraming kulang sa buhay. Laging wala siyang choice sa nangyayari sa kanya dahil iba ang nagdedesisyon para sa kanya. Ngayon lang siya nakaramdam na gusto niyang sumubok na maging malaya.
Dali-dali siyang tumakbo papunta sa kuwarto niya. What’s a little life without thinking about Kristian? Hindi pa niya nasusubukan. Baka kailangan nga lang niyang umalis ng Valle para makatakas sa anino nito. Hindi na niya mahihintay pa ang dalawang buwan bago mangyari iyon. Kailangang magsimula ang pagbabago sa gabing ito.
Rafflesia gave her an approving smile when they met outside de Angelis’ Mediterranean villa. “Nagpaalam na ako kay Nanay.”
Tumaas ang kilay niya. “Sinabi mo kung saan tayo pupunta?”
Iniikot nito ang mga mata. Ibig sabihin ay gumawa ito ng kung anong palusot. “Let’s go. The night is still young. Sakto pagdating natin sa bar mainit na ang party.”
Pagdating sa gate ng Valle ay hinarang sila ng bantay na si Nitro. He was a half-sanguis, half-werewolf. Ito ang pinakamalakas na daylight guard ng Valle. Madalas itong nakakalaban at nakakasagutan ni Rafflesia. “Hindi pwedeng lumabas ng Valle si Alta de Angelis,” wika ni Nitro sa malamig na boses. Matangkad ito at malaki ang katawan kaya nakaka-intimidate kahit sa malalakas na mga bampira. Bagay na bagay itong isa sa mga guwardiya doon.
“Hindi ikaw ang gusto kong kausapin kundi si Hideo-sensei,” nakaismid na wika ni Rafflesia na siyang nasa manibela ng kotse.
“Hindi pwedeng umalis ng Valle si Alta de Angelis,” ulit ni Hideo sa sinabi ni Nitro nang ito ang humarap sa kanila. “Bumalik na kayo sa loob.”
Isang matamis na ngiti ang ibinigay ni Rafflesia dito. “Baka naman pwede kaming mag-party ni Alta dito. Depressed na depressed na siya.”
“And pay for my incompetence?”
Humalukipkip si Rafflesia. “Kasalanan ‘to ng kaibigan mong si Kristian. Gusto lang naman ni Alta na maka-recover sa kanya. Hindi niya magagawa iyon kung nandito lang siya sa Valle. Doon lang kami sa bar ni Claude.” Pinagsalikop nito ang palad at ngumisi. “Please.”
“Okay,” sabi lang ni Hideo at inayos na ang pass nila. Nakangiti pa nitong ipinabukas ang gate. “Ibalik mo siya dito bago sumikat ang araw. Enjoy!”