Hindi pa rin makapaniwala si Alta na nakalabas siya ng Valle nang hindi gumagamit ng dahas. Sa mismong gate pa sila duman ni Rafflesia at napapayag nito si Hideo na tangayin siya papunta sa bar nang ganoon-ganoon lang?
“Paano mo nagawa iyon?” tanong niya dito. “Hindi ka naman gumamit ng mind control, di ba?”
“Mind control? Hindi ko magagamitan ng mind control si Hideo-sensei. Sasabog ang utak ko. Ayokong maging magandang baliw. Simpleng art of persuasion lang ang ginawa ko.”
Pilit niyang inaalala kung ano ang mga sinabi nito. “A-Alam ni Hideo-sensei na may gusto ako kay Kristian at ni-reject niya ako?” namumutla niyang tanong.
“Uhmmm… hindi ako sure pero malamang may idea na siya. Okay lang iyon. Kakampi naman natin si Hideo-sensei,” anito at humagikgik.
Bigla siyang kinabahan. “Siguradong magagalit si Kristian kapag nalaman niya kung saan tayo pupunta.”
“Hayaan mo nga siyang magalit. Kung gusto niyang pigilan tayo, sumunod siya sa bar. Basta tayo magpa-party.” Huminga ng malalim si Rafflesia. “Ano ka ba? Dadalhin kita sa bar para mag-enjoy tapos puro si Hideo pa rin iniisip mo. Wala naman siyang pakialam sa iyo.”
Hindi pa rin maalis ang kaba niya. Biglang nawala ang lakas ng loob na nakuha niya kanina nang pumayag siyang sumama dito. Parang may hindi magandang mangyayari. “Ewan ko. Hindi maganda ang pakiramdam ko.”
Iniikot nito ang mga mata. “Ngayon ka pa ba uurong? I got you covered. If this stunt won’t work, hindi na ulit kita isasama doon. Gusto ko lang naman na maging masaya ka. Mahirap na mabuhay nang matagal sa mundong ito at maging malungkot. Masyado na akong maraming nakitang kalungkutan sa itinagal-tagal ko sa mundo. Nakakatanda lang iyon.”
“Hindi tumatanda ang mga bampira,” paalala niya.
“It’s all physical, my dear. Mararamdaman din iyon ng isang bampira kapag malungkot siya. Kahit nga ang mga tao na nabubuhay lagi sa lungkot parang matanda ang pakiramdam. Naranasan mo na bang maging bata at mag-enjoy?”
Mag-enjoy at kalimutan ang problema. Iyon na lang ang inisip niya hanggang makarating sa Club Rouge. Ipinakita nila ang special pass nila mula sa Valle at pinapasok agad sila ng guwardiya. She could sense that they were also sanguis. Tinanguan ng mga ito si Rafflesia at nakita niya ang paggalang sa mga mata ng mga ito.
“Sa agency namin sila nag-training pero under sila ng clan nila Claude,” sabi ni Rafflesia. “Look at the crowd.”
Kumaway ito kay Claude na may kausap na redhead. Punong-puno ng mga tao ang bar kaya kinailangan pang sumingit ni Claude sa mga tao na nagsasayaw ultimo sa gilid ng dance floor para lang makalapit sa kanila.
“Bon soir, mademoiselle,” bati nito sa kanilang dalawa at hinalikan sila sa pisngi. “This is a surprise. Rafflesia, paano mo siya nailabas ng Valle? Pumayag si Nitro?”
“Don’t mention his name. Hindi naman siya ang boss. Napapayag ko si Hideo-sensei na palabasin kami. Kailangang makalanghap ng ibang hangin si Alta bukod sa hangin ng Valle. At kailangan din niyang ma-expose sa ibang lalaki.”
“Doon tayo sa VIP area,” sabi ni Claude at akmang igigiya sila paakyat sa taas.
“We want to mingle with the crowd,” anang si Rafflesia at umupo sa kababakante pa lang na upuan. “Okay na kami dito.”
“Staff ko na ang bahala sa inyo. That redhead model is charming.” Pagdating sa magagandang babae ay iiwan talaga ni Claude ang lahat. He was that romantic.
“Ipinagpalit na naman tayo sa ibang babae. Gorgeous guys at nine o’clock. Kanina pa sila nakatitig sa atin,” sabi nito at ngumiti sa mga lalaki.
Di siya nag-abalang tingnan ang mga ito at binuksan ang menu. “Oorder muna ako para hindi sila ang i-hapunan ko.” Tatlong baso ng choco blood agad ang in-order niya. Kailangan niya ng marami niyon para hindi dugo ng tao ang pag-interesan niya. And it worked. Matapos ang limang minuto ay normal na ang pakiramdam niya. Saka lang nakalapit ang mga lalaki sa kanila.
Castor at Felipe ang pakilala ng mga ito. Guwapo ang mga ito at matanda lang ng dalawang taon sa kanila. Football players daw ang mga ito at kagagaling lang maglaro sa isang tournament sa isang bansa. Guwapo nga ang mga ito pero mas guwapo pa rin si Kristian.
Bigla niyang ipinilig ang ulo. Bakit ba niya naiisip si Kristian? No Kristian for tonight.
Maya maya pa ay nagsayaw na si Castor at si Rafflesia. Naiwan siyang kausap si Felipe. Naaaliw siya na kausapin ito habang ikinukwento nito ang mga lugar na napuntahan nito sa ibang bansa. Half-Mexican ito at kahawig nito ang bida sa Mexican telenovela na napapanood niya. Magaling din itong mag-Tagalog. Wala daw itong hilig magsayaw kaya nagkasundo sila na magkwentuhan na lang.
May inilapag na inumin ang waiter sa harap niya at ngumiti. “Order po ninyo.”
“Salamat,” aniya at ininom agad ang inumin. Ang mga inumin daw doon ay safe sa mga tao at sa mga bampira kaya malaya siyang makakainom ng gusto niya. Parang grape juice lang iyon. Di nagtagal ay nakaramdam siya ng kakaibang init. Parang umiikot din ang paningin niya at magaan ang ulo. Maya maya pa ay pinangangapusan na siya ng hininga.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong ni Felipe.
Tumayo siya at pilit na ngumiti. “I will just go to the restroom.”
“Sasamahan na kita,” pagmamagandang-loob nito at inalalayan siya hanggang sa pinto ng restroom.
Sumandal siya sa pinto pagkasara at mariing pumikit. Ano ba ang ipinainom sa kanya kanina? Nahihilo siya. Mukhang hindi maganda ang choco blood sa grape juice na ininom niya. Dali-dali siyang naghilamos sa sink. Pag-angat ng tingin niya ay hindi na siya nag-iisa sa restroom. Nakatayo sa likod niya si Homer at nakangiti sa kanya.
Inilahad nito ang palad. “Halika, mahal ko. Oras na para muli tayong magkasama. Oras na para maging akin ka.”
HINDI mapakali si Kristian habang nakatitig sa kawalan mula sa balkonahe ng condo niya. Kinansela niya ang date niya nang huling minuto at umuwi sa condo niya. Subalit kahit na nagtatrabaho ay hindi mawala sa isip niya si Alta. Hindi niya gusto ang ganitong pakiramdam. Ilang linggo na siyang hindi umuuwi ng Valle para iwasan ito. Lagi naman niya itong naiisip pero iba sa gabing iyon. Hindi maganda ang pakiramdam niya. Baka naman may ka-date itong ibang lalaki o mas malamang ay nasa peligro ito.
Sa huli ay hindi siya nakatiis at tinawagan si Hideo. Alam niyang naka-duty ito ngayon sa pagbabantay sa Valle. “Hello, Hideo. Gusto ko lang i-check si Alta.”
“Ahhh! Wala si Alta ngayon dito.”
“Natural wala siya sa gate,” iritado niyang sabi. “I mean is she okay? Walang nangyaring masama sa kanya? Baka naman may ka-date siyang iba ngayon.”
Balewala na sa kanya ang pagkakasapak niya dito nang nakaraan. Alam na niyang hindi ito interesadong makipag-date kay Alta. Gusto lang siya nitong inisin para aminin ang totoo niyang nararamdaman. Subalit pangangatawanan na niyang huwag lapitan si Alta. Kung tsine-check man niya ito ngayon, iyon ay dahil sa tungkulin niya dito.