Chapter BTSSM 47

TAHIMIK na umiiyak si Alta habang nakaupo sa tabi ng hot spring. Umaga noon at mag-isa lang siya doon. Bugbog na bugbog ang puso niya matapos ang pag-uusap nila ni Kristian tungkol sa pagpapakasal.

“Responsibilidad? Ako pa ang walang alam sa responsibilidad ngayon? Ako pa ang mali? Ako pa ang iresponsable? Hindi ko naman gusto ang ganitong buhay! Hindi ko pangarap magpakasal sa lalaking ‘di ako mahal! Na kailangan lang makipag-sex sa akin dahil sa responsibilidad? Gago ka! Hindi ko alam bakit mahal pa kita!”

Umalingawngaw ang boses niya sa buong kagubatan at nag-echo iyon. Nabulabog marahil niya ang mga ibon at mga paru-paro. Wala namang ibang makakarinig sa kanya dahil may kalayuan iyon sa mansion at tulog pa ang mga rojo.

Ano ngayon kung marinig ng mga ito? Mabuti na rin na malaman ng mga ito na may damdamin din siyang nasasaktan. Na may mga simpleng pangarap din siya sa buhay na walang kinalaman sa pagiging rojo niya o pagiging itinakda.

“Excuse me,” untag sa kanya ng boses ng isang babae. “Are you okay?”

Natigil siya sa pag-iyak nang mapagmasdan ang nagsalita. Hanggang balikat ang tuwid at itim nitong buhok. Nakasuot ito ng puting dress na may handpaint ng Mayon Volcano. Napansin din niya ang umbok sa tiyan nito, senyales na nagdadalang-tao ito.

Dali-dali niyang pinahi ang luha. “Sorry. Nakaabala ba ako sa iyo? A-Akala ko kasi ako lang ang tao dito.”

“I-I’m good. Nagmimiryenda lang naman ako. Gusto mo akong samahan?” yaya nito sa kanya. “You are Alta de Angelis, right? I am Jermaine Monsalvo.”

Ipinunas niya ang palad sa pantalon at saka inabot dito. “Ikaw si Artemis Locsin, ang romance novelist na nagkakatotoo ang sinusulat.”

“Oo. Ngayon lang tayo nagkakilala. Hindi kasi ako masyadong makalabas ng kuwarto.” Ang alam niya ay maselan ang pagbubuntis nito dahil tao pa rin ito at ‘di ginawang sanguis ng asawang si Enricus. “Masarap ang cake at chocolate pagkatapos umiyak. Gusto mo ba akong samahan? Malapit lang ang writing cottage ko dito.”

Hindi pa siya maaring kumain ng pagkain ng tao. Matinding sakit daw ang maari niyang maramdaman kapag ginaw niya iyon. At kailangan niyang uminom ng dugo para maibsan ang sakit.

Ano ngayon kung masaktan? May mas sasakit pa ba sa ginawa sa akin ni Kristian? At least sa cake at chocolates magiging masaya ako.

Nami-miss na rin niyang kumain ng pagkain ng normal na tao, ‘di ‘yung ihinahanda lang para sa mga rojo. May istriktong diet ang mga ito. Wheat bread, gulay at karne na ‘di gaanong luto ang madalas nakahain sa kanila.

Idinala siya nito sa cottage na ‘di kalayuan sa hot spring. Parang katulad iyon ng mga cottage na nasa gitna ng gubat na nababasa niya sa fairy tale.

“Ganoon siguro kalakas ang ngawa ko at nabulabog ka dito,” usal niya.

“Hindi naman. Naglalakad-lakad ako nang marinig ka ni Nitro,” tukoy nito sa isang sentinel na tagabantay doon. “Sabi niya parang may umiiyak.” Napansin niya ang laptop nito na nakaharap sa salaming bintana at tanaw ang magandang tanawin ng gubat at hot spring. Isang refrigerator na may anim na klase ng cake ang ‘di kalayuan sa working area nito. “Mamili ka na.”

“Ikaw lahat ang kakain nito?” tanong ng dalaga.

“Hindi. Hanggang titig lang ako dahil bawal ang mataas na sugar sa buntis,” anang babae. “But cakes make me feel good. Asawa ko ang kumakain niyan. Siya na lang daw ang kakain ng cake para sa akin.”

Parang maiiyak si Alta sa saya nang malasahan ang chocolate cake. Iyon nga marahil ang gamot sa sakit sa puso gaya ng nababasa niyang artikulo sa internet. Bagay sa mga bigong katulad niya.

“Pinaiyak ka ni Kristian.” Tumango siya. “Dahil sa responsbilidad kaya gusto ka niyang pakasalan at ayaw mong maging responsibilidad.”

Tumango ulit si Alta at mariing pinagdikit ang labi. Ine-echo nito ang nararamdaman niya. “Alam mo ang tungkol doon? Kumalat na ba sa lahat?” Wala ba siyang maitatago sa lugar na iyon?

Malungkot siya nitong pinagmasdan at uminom ng hot tea. “Alam ko na bago pa kayo nagkita. Well, dati kasi kwento ko lang iyon. Malay ko ba na magiging totoo. I am sorry.”

“Naisulat mo na ang kwento namin?” marahan niyang tanong.

“Ilang buwan na ang nakakaraan, sabi ko mas bagay na maging atleta ang I-partner kay Kristian. Swimmer ka sa kwento ko.” Magaan itong tumawa. “Napaaway pa nga ako dahil diyan. “May gustong ipagpilitan na siya ang gawing heroine ni Kristian. Sorry kung hindi ko ipinaalam sa iyo ang tungkol dito. ‘Di ko rin naman alam kung sino ka. At hindi ko rin alam kung paano mo tatanggapin ang mga nakatakda sa iyo. Mas mabuti nang kusang mangyari ang lahat.”

“Hindi kita sinisisi kung di mo sinabi sa akin. Kahit naman sabihin mo, hindi ko maiiwasan kung sino ang mamahalin ko na tao. Di ko rin makokontrol ang nararamdaman niya. Di ko rin makokontrol kung sino ako.”

“Thank you. Madalas kasi nasisisi ako sa desisyon ng ibang tao kahit na sila naman ang nagdedesisyon sa buhay nila. Kaya ayoko rin ilabas ang mga kwento na sinusulat ko minsan. Iniisip ng mga tao dito sa Valle na dinidiktahan ko sila at umaaktong diyos. Kaya hinahayaan ko na lang sila sa buhay nila at sinasarili ko na lang ang mga kwento ko.”

“Mabuti ka pa okay kayo ni Sir Enricus.”

“Kami ni Enricus?” Pagak itong tumawa. “Ganyan din siya. Naging close sa akin dahil sa responsibilidad pero allergic na allergic na maging romantic sa akin. Ilusyon ko lang daw iyon na parang dinidiktahan ko daw siya na magkagusto sa kanya. Nakakababa ng self-esteem sa totoo lang. Pero ayaw naman akong ipa-date sa iba.”

“Nahihirapan ako. Alam ko naman na responsibilidad lang ang tingin niya sa akin. Na kailangan niya akong sagipin kaya… may nangyari sa amin. Nawalan na ako ng pagkakataon na magdesisyon para sa sarili ko. Pero ‘yung pakakasalan niya ako at ipapamukha sa akin na responsibilidad ko iyon, parang ‘di yata tama. Anong panahon na ba tayo ngayon?”

“Panahon ng Amerikano ipinanganak si Kristian. Huwag ka nang magtaka. Ang problema lang sa mga lalaking iyan, ayaw nilang harapin ang totoong nararamdaman nila. Kahit may gusto sila, ang sasabihin nila dahil iyon lang ang kailangan nilang gawin. As if loving someone is a luxury they couldn’t afford.”

“Sinasabi mo ba na gusto ako ni Kristian?” tanong niya.

“You have an undeniable connection. Hindi niya pwedeng ikaila iyon. Pero may mga napagdaanan siya sa buhay kaya takot siyang harapin ang nararamdaman niya. At siya mismo mag-isa lang ang maaring makapagdesisyon sa bagay na iyon kung paano niya malalampasan.”

Napatitig na lang si Alta sa kinakaing cake. “Anong gagawin ko kay Kristian? Sabi niya sa akin, ang tatay kong si Romeo de Angelis ang isa sa dahilan sa pagsiklab ng giyera dati. Nabuntis niya ang prinsesa ng mga umbra at nagpakamatay ito. At ayokong maulit iyon. Ayokong magkaaway ang mga pamilya namin. Ayokong madismaya ang mga kapamilya ko sa akin. Ngayon lang ako nagkaroon ng masayang pamilya na tanggap ako.”

“Ano ba ang gusto mong mangyari?”

“In love ako sa kanya pero ‘di ibig sabihin parang bulag na lang ako na susunod sa lahat ng gusto niya. Gusto ko ng normal na relasyon. Gusto ko na makipag-date tulad ng normal na tao. ‘Di yung dahil may nangyari sa amin ay pipilitin namin na magsama kahit di naman niya ako gusto. Gusto ko na alam niyang magiging masaya kami sa isa’t isa, di dahil sa hula o sa tadhana. Kundi dahil nagdesisyon kami na magsamang dalawa dahil gusto namin ang isa’t isa. That is what I deserve.”

“Tama iyan. Kung di pa niya mare-realize iyan, isang malakas na baylan ang hipag ko. Itatanong ko kung pwede niyang gawing tipaklong.”

Tumawa siya pero saglit lang. May pangamba sa mga mata niya nang iangat ang tingin sa babae. “Pero ang mga de Angelis at ang pamilya ni Kristian, paano kung ako ang makasira sa kanila.”

“Hindi naman siguro ganoon kakitid ang mga isip nila. Kausapin mo sila. Sabihin mo kung ano ang gusto mo.”

“N-Natatakot pa rin ako sa hinaharap. Ano ang mangyayari sa akin? Paano kung magkaroon kami ng anak gaya ng nakatadhana? Anong buhay ang ibibigay ko sa kanya? Paano namin siya poprotektahan mula sa panganib?”

“You have to be brave. Lahat tayo kailangang maging matapang sa panahon ngayon. Sa pag-ibig at laban sa mga Umbra. At may mg rojo na poprotekta sa kanya. Isa na tayong malaking pamilya ngayon. Di ka namin pababayaan. At kahit hindi ko gusto ang pagiging anal ni Kristian sa responsibilidad, hindi niya pababayaan ang magiging anak mo. That man will die for you.”

Her lips twisted. “Anong ending ng kwento ko sa iyo?”

“Siyempre happy ending. Di pa ako gumagawa ng malungkot na ending. Maniwala ka lang na mangyayari iyon sa iyo.”

Kung sana kasing simple lang ng lahat ang buhay niya kagaya sa mga nobela.

NAGISING si Kristian nang may bumagsak na mainit sa mukha niya. Bigla siyang bumalikwas ng bangon at awtomatikong lumabas ang pangil, handang makipaglaban sa kung sinumang gumising sa kanya.

Natigilan siya nang makitang nakatayo sa harap niya si Enricus at isang tetra pack pala ng choco blood ang ihinagis nito sa niya. “What?” angil niya.

Masakit pa ang ulo at sikmura niya dahil sa ininom na alak. Hindi niya alam kung anong pinagsasabi niya sa mga kaibigan pero malamang ay napag-trip-an siya ng mga ito. Iniwan na lang siyang nakahandusay sa carpeted na sahig ng cottage ni Claude. He was wasted and the hang over was killing him.

“Inumin mo iyan para mahimasmasan ka naman,” anang kaibigan sa malalim na boses. Madalang na niya itong makasama mula nang mag-asawa ito.

“Bakit ka nga pala nandito?”

“Sinunsundo ka. Nasa bahay si Alta de Angelis at namimilipit sa sakit.”

Namutla siya. “Anong nangyari sa kanya?”

“Kumain ng cake at chocolates.”

“What? I told her no solid food unless it is laced with blood, synthetic or otherwise. Sinabi ko naman sa kanya na magkakasakit siya.”

“Nagse-celebrate daw siya sabi ng asawa. Alukin mo ba naman ang itinakda ng kasal dahil sa responsibilidad. That is such a fabulous proposal.”

He huffed. “Anong magagawa ko? Alam mo naman kung gaano kalaking gulo ang nangyari nang hindi pakasalan ni *

“Susunduin ko siya,” aniya at tumayo pero napaupo ulit sa sahig at talaksan ng throw pillow nang maramdaman ang hapdi ng sikmura. Shit! Kung ano ang nararamdaman niya ngayon, mas matindi pa marahil ang nararamdaman ng dalaga.

“Sabi niya mas mabuti na daw na masaktan siya sa sikmura kaysa maramdaman niya ang sakit sa puso niya. Thank you very much.”

Matalim ang tingin niya kay Enricus habang sinisimsim niya ang naka-tetra pack na choco blood. Awtomatiko siyang nakaramdam ng ginahawa nag sumayad sa lalamunan niya ang dugo. “Don’t start with me, Enricus. You are the one who is big in responsibility,” aniya sa pagitan ng pag-inom.

“I learned my lesson. Pero ‘di ka pa natuto ng leksyon sa akin.”

“Ano ba ang gusto ng mga babae?”

“Love and time. Gusto nila na ‘di sila minamadali. Baliw man ang mga iyan kapag na-in love, pero alam nila kung ano ang deserve nila. Be gentle with her heart. Huwag mong hintayin na mawala siya sa iyo bago mo ma-realize kung ano ang pinakawalan mo dahil gusto mong protektahan ang puso mo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.