At nagmamadali itong lumabas ng silid at muntik nang mabangga si Nicodemos na kakatok pa lang. "What is that scene?" tanong nito nang di man lang ito pansinin ni Atrisha ang presensiya nito.
"Si Atrisha. Di niya matanggap na si Alta ang pinili ko. "
Nagkibit-balikat ang lalaki. "I can't really blame her. After waiting for more than a century, friendzone lang pala. That’s a bit cruel.”
"I hurt her. Nagiging totoo lang ako. Actually, the real talk I gave her was liberating. Wala na akong pakialam sa sasabihin ng mga tao. I want to be with Alta.” Mas nakakahinga na siya ngayon. Di tulad dati na ‘di siya makahinga tuwing may sasabihin kay Atrisha na maaring makasakit dito.
TInapik ni Nicodemos ang balikat niya. "She'll come to her senses soon. Marami ka nang nagawa para sa kanya. Oras na para sarili mo naman ang isipin mo.”
MABIGAT ANG dibdib ni Alta habang nakatunghay sa pool at dagat sa labas ng resort na tinutuluyan niya. Wala siya sa mood na mamasyal sa labas dahil wala siyang kasama. May meeting pa si Kristian at nauna siya sa hotel. Ni wala si Rafflesia at iba pang rojo na naging kaibigan niya dahil bukas pa daw darating ang mga ito para sa anniversary party ng kompanya ni Kristian.
Humugot siya ng malalim na hininga at naisip ang kapamilya at mga kaibigan na naiwan sa dati niyang buhay. Hindi niya alam kung kailan niya makikita ang mga ito. Nag-request siya sa tiyuhing si Kristoff kung maaring madalaw ang mga ito pero walang tiyak na sagot ang mga ito. Titingnan pa daw ng mga ito kung pwede siyang makipagkita sa di sakop ng sirkulo ng mga rojo.
Nasa magandang lugar nga siya pero mag-isa lang siya. Kung pwede lang na makasama niya ang mga mahal sa buhay kahit na isang araw lang.
Nagsisimula na siyang antukin nang may kumatok sa pinto. Sumilip siya sa peephole at tumili nang makita ang kaibigang si Chienni sa kabilang pinto. Kasama nito ang tiyahin niya at ang mga pinsan.
Binuksan niya ang pinto at niyakap ang mga ito. Napahagulgol na lang siya ng iyak sa sobrang saya na makita ang mga ito. “Miss ko na kayo.”
“Lalo naman kami,” sabi ni Chienna. “Akala namin nanalo na kami nang bakasyon sa raffle at may pa-shopping si Mayor. Iyon pala ikaw ang may pakana.”
“A-Ako?” naguguluhang tanong ni
“Actually, idea ito ni Kristian Cordero, ang boyfriend ni Miss Alta,” sabi ng isang babae na noon lang niya nakita. Morena ang balat nito pero light brown ang buhok. Nakasuot ito ng peach dress na nakahapit sa katawan nito at nakasuot ng itim na stiletto shoes. Maganda ito pero may aura na suplada. Di nawala iyon kahit na ngumiti ang babae. “Hi, I’m Atrisha. Assistant ako ni Sir Kristian. Bakit hindi muna kayo pumasok sa loob at magkwentuhan?”
Saglit lang sila sa kuwarto at lumabas din sila para mamasyal sa tabing-dagat. Sa sobrang excitement niya, nakalimutan niya na magpahid ng sunscreen na ginawa para sa mga rojo. Nagkaka-rashes na naman ang balat niya at mahapdi. Kaya naman naiwan siya sa restaurant para umorder ng pananghalian nila.
“Here. Mukhang kailangan mo ng sunscreen,” alok ni Atrisha sa kanya.
“Thank you.” Kinuha ni Alta ang squeeze tube ng sunscreen at naglagay sa palad niya. Nadakama siya ng ginahawa matapos maipahid iyon at ibinabalik sa babae. “Thank you din sa pagdadala sa mga kaibigan at kapamilya ko dito.”
“No biggie. Si Kristian ang dapat mong pasalamatan. Plano niya ang sorpresa na ito sa iyo para makasama mo ang malalapit sa iyo na tao.”
She pursed her lips. “I-Ikaw ba ‘yung Atrisha na bestfriend ni Kristian na galing sa Amerika?” maingat niyang tanong.
“Naikwento ba niya ako sa iyo?”
Umiling siya. “Naikwento ka sa akin ni Jermaine.” Sinabihan siya ng kresme na mag-ingat kay Atrisha dahil gustong-gusto nito si Kristian noon pa. Na nagkaaway ang mga ito nang iba ang gawing heroine ni Jermain sa kwento. At ngayong nagkatotoo ang kwento nito, nasa panganib siya.
Mapait itong ngumiti. “Nahusgahan na ako bago pa man tayo nagkakilala.”
“Wala akong ibang ibig sabihin doon. Pero bilang kaibigan ni Kristian alam ko na importante ka sa kanya.”
“Yes. At masaya ako kung masaya din siya. Alam ko na may mga narinig ka nang bagay tungkol sa akin pero sana mabigyan mo ako ng pagkakataon para maipakita ang sinseridad ko bilang kaibigan ni Kristian. Pwede naman akong magbago, hindi ba?” Inalok nito ang palad. “Friends?”
Tinanggap niya iyon. “Friends.”
“At trabaho ko ngayon na tiyakin na maganda kayo para sa party. So, after lunch may gown fitting kayo. Pwede kayong mamasyal at bukas may spa and massage treatment kayo.”
“Sasama ka ba sa amin?”
Umiling ito. “Hindi ako kasama diyan.”
Hinawakan ang kamay nito. “Sige na. Gusto rin kitang makilalang mabuti.” At matutuwa si Kristian kung magkakasundo sila ng babae.
“HINDI pa rin ako makapaniwalang may boyfriend kang mayaman, Alta. Tingnan mo nga mukha kang rich at amoy rich,” puno ng paghangang sabi ni Chenie habang parang ginagawang tubig lang ang champagne.
Nasa ballroom sila ng Moonlight Hotel para ipagdiwang ang anniversary ng kompanya ni Kristian. Ini-anunsiyo doon ang engagement niya pati na rin ang pagiging de Angelis niya. Iyon din ang unang beses na muli siyang nakita ng publiko pati kamag-anak at kaibigan niya. Pormal ang okasyong iyon kaya tulad niya ay naka-gown din ang mga ito at mukhang sosyal. Si Kristian ang sumagot sa damit ng mga ito para hindi daw mailang sa magarbong okasyon. Gusto siyang ipagmalaki ni Kristian sa mga business colleagues nito pati na rin sa ibang mga bampira na nakikisaya doon.
"Hindi lang basta mayaman. Guwapo pa. Hanggang ngayon inggit na inggit pa rin ako dahil ikaw ang nagustuhan niya. Buti na lang magpinsan tayo. Pakurot naman, Ate,” kinikilig na sabi ni Emaii na gustong-gusto si Kristian noon pa man.
Pinanlakihan niya ng mata si Emaii. "Ano 'yon? Litson? Magtigil ka nga diyan. Akin lang siya,” aniya at pabirong umingos. Hindi na niya kailangan pang balaan ang mga babaeng may interes kay Kristian dahil ito mismo ang nagbibigay ng babala sa mga babae na malilintikan oras na guluhin sila. She felt safe. Hindi na niya kailangan pang magselos.