Chapter 16

Five Years Later

NAPANSIN ni Cristiano na may kakaiba sa apat na taong gulang na anak na si Santo habang pauwi na sila galing sa birthday party ng pamangkin niya at pinsan nitong si Jaysen. Dahil magka-edad, magkalapit na magkalapit ang dalawang magpinsan. Madalas rin na magkasama ang mga ito. Tuwing Sabado ay binibisita ito ng pinsang babae sa bahay nila pero dahil ngayong araw ay kaarawan nito, si Santo ang bumisita rito. Madalas naman na malungkot ito sa tuwing maghihiwalay ito at ang pinsan pero ramdam niya na parang mas malungkot ito ngayon. Sinubukan ni Cristiano na tanungin ang anak.

“Hmmm...?” untag niya rito nang pagkatapos niyang tanungin ito ay nanatiling sinalubong lang din nito ang magkapareho nilang berdeng mga mata.

Huminga nang malalim si Santo. Hindi nakaligtas kay Cristiano na lumamlam ang mata nito. Parang naiiyak. Sandaling may kumirot sa puso ni Cristiano. Bihirang umiyak ang kanyang anak. Kahit noong sanggol pa lamang ito ay hindi ito iyakin. Nagmana ito sa kanya. Matapang. Matatag. Kahit sa murang edad ay ipinapakita na nito sa kanya ang maraming pagkakatulad nila.

“May problema ba, Santo?” inilapit niya ang sarili rito. Hinawakan niya ang pisngi nito.

“Jaysen’s going to have a younger sibling,” sa wakas ay naggawa na rin sabihin ng anak ang problema.

Kumunot ang noo ni Cristiano. Hindi niya alam iyon. “Paano mo nalaman?”

“Sinabi niya kanina sa akin. Iyon daw ang pinaka-birthday gift sa kanya nina Tito Daimon and Tita Anna.”

Tumango-tango si Cristiano. Kahit hindi pa nasasabi sa kanya ng nakababatang kapatid ang balita, dapat ay inaasahan na rin niya iyon. Ilang buwan na rin simula nang maging maayos ang relasyon nito at ng asawa na si Anna. Dahil humabol lamang siya sa birthday party ng pamangkin, sandali lang siyang nanatili roon. May kinailangan kasi siyang asikasuhin sa opisina sa buong araw. Gabi na nga siya nang makarating roon. Ang tanging nagawa na lang niya ay ang batiin ang pamangkin at sunduin ang anak. Hindi na rin siya nagkaroon ng oras para makausap ng matagal ang kapatid dahil pare-pareho na silang mga pagod.

“At ano ang problema roon? Hindi ba dapat ay maging masaya ka dahil magkakaroon ka na rin ng isa pang bata na makakalaro?”

Umiling si Santo. “Paano po kung dahil magkakaroon na siya ng kapatid, kalimutan niya na ako? Hindi na kami mag-play?”

“`Wag mong isipin iyon. Jaysen is your cousin. You’ll always be her playmate. You’ll always be the best friends.”

Umiling muli si Santo. “No, Daddy. Palaging kinukuwento sa akin ni Jaysen na marami rin siyang friends sa school. Parang lumalayo na siya sa akin. Kanina nga po ay puro mga classmates niya sa school ang kalaro niya. I felt out of place. Hindi ko po gusto iyon. Wala naman akong ibang friends kung hindi siya dahil hindi pa ako pumapasok sa school.”

Kahit apat na taong gulang na ay hindi pa rin pumapasok sa eskuwelahan si Santo. Hindi naman sa hindi pa nito kaya. Ayon sa huling check-up nila sa Doctor nito, mataas ang IQ ni Santo. Mahilig rin itong magtanong at palaging nire-report sa kanya ng Yaya nito na kapag sinusubukan nitong bigyan ng mga lessons ang anak ay napakagaling nitong sumagot. Pero dahil komplikado ang sitwasyon nilang dalawa ng ina nito, hindi pa nila napapagdesisyunan nang maayos kung paano mag-aaral si Santo.

Ginulo ni Cristiano ang buhok ng anak. “Next year, I’ll make sure makakapasok ka na sa school. `Wag ka ng malungkot, okay? Malapit na tayo sa bahay. Baka pagod ka lang kaya naiisip mo ang ganyang mga bagay.”

Umiling muli si Santo. “No, Daddy. Nagugulo po ako. Hindi ko po gusto ang nararamdaman ko Palagi na lang ako mag-isa. Yes, nandiyan sina yaya but I don’t want them. Hindi ko naman po sila totoong pamilya.”

“Santo---“

“Si Jaysen na lang palagi ang kalaro ko kasi ayaw mo naman ako makipaglaro sa iba. Tapos ngayon, magkakaroon na siya ng kapatid. Padami na nang padami ang mga friends niya. Magkakaroon pa rin siya ng kapatid. Samantalang ako, palagi na lang mag-isa. Ayaw ko po nang ganoon, Daddy.” Mararamdaman ang malaking pagtatampo sa boses ng anak.

Pakiramdam ni Cristiano ay nanlamig ang buong katawan niya. Nangyayari na naman iyon muli. Kagaya ba ng ina nito ay binibigo rin niya ang nag-iisang anak? Naging masamang ama rin ba siya katulad ng pagiging masamang asawa niya?

Inalis muna ni Cristiano ang bikig na naramdaman niyang nakaharang sa kanyang lalamunan bago nagsalita. “Okay, I promise you next week, we will spend time together. I’ll file a leave for work and---“

Nanlaki ang mga mata ni Santo. “Gagawin mo `yun, Daddy?”

“Gusto kong sumaya ka, Santo. Gagawin ko ang lahat para mapasaya ka.”

May lumabas na ngiti sa labi ni Santo. Pero maya-maya ay nawala rin iyon. “P-pero hindi naman po talaga iyon ang gusto ko, Daddy.”

“Hindi mo gustong makasama ako?”

“Gusto. Pero tayo lang dalawa, Daddy? Sa tingin ko po ay hindi masaya.”

“Isasama natin ang mga yaya mo---“

“They are not my real family.”

Naramdaman na agad ni Cristiano ang pinupunto ng anak. “Alam mo na kami ng Mommy mo ay---“

Yumuko si Santo. “Palagi niyo na lang ako pinagpapasa-pasahan ni Mommy. Palagi na lang akong naiinggit kay Jaysen.”

Lumambot ang puso ni Cristiano sa sinabi ng anak. Pero pinilit niyang tatagan ang sarili. Ilang beses na rin naman na isinantinig iyon sa kanya ng anak. Sanay na sanay na siya. Pero kagaya ng dati, wala siyang magagawa.

Kagaya ng edad ni Santo, ganoon na rin na taon silang hiwalay ni Maria. Matagal na silang opisyal na hiwalay ng ina nito.

Ang buong akala ni Cristiano ay makabubuti iyon para sa anak nila. Nasaktan niya si Maria at natakot siyang kapag pinagpatuloy pa nila ang pagsasama ay lalo lang niya na masaktan ito. Hindi nila naiintindihan ang isa’t isa. Hindi siya nito naiintindihan. Alam niya kung ano ang nangyayari sa isang bahay na palaging nag-aaway ang mga magulang. Dinanas niya iyon. At kagaya ng dinanas niya, hindi rin niya gustong maramdaman iyon ng anak niya.

Pero sa paglaki ni Santo, sa pagdaan ng mga taon...pakiramdam niya ay nagkamali siya ng desisyon.

“Gusto kong magkaroon ng totoong pamilya kagaya niya. Masaya. Gusto ko na palagi kong nakikita si Mommy. Gusto kong tumira sa iisang bahay kasama siya at ikaw. Gusto ko rin na magkaroon ng kapatid kagaya niya. Pero sabi ni Jaysen, mangyayari lang daw iyon kapag magkasama ang Mommy at Daddy sa isang bahay.”

“Santo...”

“Ayaw ko ng ganito, Daddy. Kapag Monday hanggang Thursday, kasama ko si Mommy. Friday to Sunday, I am with you. Wala akong normal na family. Hindi rin ako magkaroon ng kapatid dahil hindi kayo magkasama sa bahay. Magkagalit po ba talaga kaya kayo ganoon? Kasi po kapag hindi nag-uusap, magkagalit `di ba?”

“Hindi kami magkagalit ng Mommy mo.”

“Pero bakit---“

Hinaplos ni Cristiano ang pisngi ng anak. “Balang araw ay maiintindihan mo rin ang lahat, Santo.”

Hindi na nagtanong pa muli ang anak. Pero natulog ito na ramdam niyang hindi pa rin magaan ang loob. Kagaya ng nararamdaman ng anak, parang kakambal rin iyon ng kay Cristiano. Nahirapan siyang makatulog dahil iniisip niya ang sinasabi nito.

Lumalaki na si Santo. Nagkakaisip, mas napapansin ang pagkakamali sa paligid nito. Lalo na at madalas na nakakasama nito ang pinsan na si Jaysen na kagaya ng anak ay matanong na rin sa edad ng mga ito. Hindi miminsan na ikinuwento sa kanya ng kapatid na si Daimon na madalas na nakakaapekto kay Santo ang relasyon nilang dalawa ng ina nito. Open kasi si Jaysen sa mga magulang nito. Madalas daw na ikinukuwento rito ni Santo ang nararamdaman nito tungkol sa kanya at sa ina nito.

Gusto niyang gawan ng paraan iyon. Hindi naman rin niya gustong makitang nahihirapan ang kanyang anak. Kahit madalas ang akala ng mga tao na mayroon siyang pusong bato dahil hindi siya mahilig maglabas ng emosyon o ngumiti, nasasaktan siya kapag nasasaktan ang kanyang anak. Itinuturing niyang pinakaimportanteng tao sa mundo niya si Santo. Naiintindihan naman niya ito kung bakit nagkakaganoon ito. Naiinggit ito sa pinsan na si Jaysen, lalo na ngayong masasabing masayang pamilya na ito.

Gusto ni Santo na magkaroon ng masayang pamilya. Kahit naman siya ay ganoon rin. Noong bata siya, ilang beses na hiniling niya na sana ay maging masaya rin silang pamilya. Na magkaroon rin siya ng nagmamahalan na mga magulang...

Pero napagtanto rin niya na hindi lahat ng bagay sa mundo ay kaya mong makuha. Kahit gaano ka pa kayaman. Naiintindihan rin naman ni Cristiano kung bakit nahihirapan si Santo na intindihin iyon. Napakabata pa nito. Hindi rin naman maganda iyon. Pero anong magagawa niya? Matagal na silang hindi nagsasama ni Maria.

Kahit gaano pa siya kayaman, hindi niya makakayang ibigay kay Santo ang hinihiling nito. Hindi iyon ganoon kadali. Wala ng nararamdaman sa kanya si Maria. Wala ng pagmamahal.

MABIGAT ang pakiramdam ni Maria nang maggising siya. Naramdaman niya agad ang sakit sa tagiliran niya. Bahagya siyang napangiwi. Pero hindi na siya nagtaka o kinabahan kung bakit. Alam niya ang pinakadahilan kung bakit. Kahit parang nagdedeliryo na siya ng dalhin siya sa ospital dahil sa sobrang sakit ng tagiliran niya, alam rin niya kung ano ang nangyari.

Pumutok ang appendix niya. Malinaw sa kanya nang sabihin ng Doctor na kinailangan siyang operahan ng dahil roon. Wala siyang dapat ikabahala dahil normal lang naman ang nararamdaman niya dahil sa ginawa sa kanya.

Namulatan ni Maria ang puting kuwarto na pinagdalhan sa kanya. Napansin agad niya ang matandang naka-ub-ob sa tabi ng kama niya. Si Aling Rosita iyon---ang kasama niya bukod sa driver ng farm nang magpasugod na siya sa ospital sa sobrang sakit ng nararamdaman. Si Aling Rosita ay katiwala niya sa bahay at farm na tinutuluyan niya sa Batangas.

Nang maggising si Maria ay mabilis naman iyong naramdaman ni Aling Rosita. Tumingala ito sa kanya, mababakas ang pag-alala na nagsalita. “Mabuti naman at gising ka na, hija. Pinag-alala mo kami nang husto.”

Alinlangan na ngumiti si Maria. “Matagal po ba akong nakatulog? Naging matagumpay po ba ang operasyon?”

Tumango ang matanda. “Halos mag-iisang araw ka ng natutulog. Ang sabi ng Doctor ay normal naman iyon dahil naging matindi ang pinagdaanan mo. Inoperahan ka. Marami rin na pinainom na gamot sa `yo kaya ganoon na lang kahaba ang naging tulog mo.”

Hindi na nga nagtaka si Maria. “P-pero maayos na naman po ako `di ba? Wala naman po na kakaibang masamang nangyari bukod sa pagputok ng appendix?”

Napansin niya na nagbago ang kulay ng mukha ng matanda. “M-maayos ka na naman daw talaga. Naayos na ang problema mo sa appendix. Naging matagumpay ang operasyon. Pero sinabi ng Doctor na kapag naggising ka at maayos na ang pakiramdam mo, gusto ka sana niyang kausapin.”

“Okay na naman po ako sa tingin ko. Gusto ko rin po na makausap ang Doctor,” pinatawag niya sa matanda ang Doctor. Ilang sandali lang naman ay dumating na ang Doctor.

“Maayos na ba talaga ang pakiramdam mo, Miss Villanueva? Dahil gusto ko sanang ipaliwanag sa iyo ang lahat ng ito kapag nasa pinakamaayos ka ng kalagayan.”

“Bukod sa sakit ng tagiliran na sa tingin ko ay epekto ng ginawa niyong operasyon sa akin, wala na naman akong nararamdaman na kakaiba.” Pinakiramdaman ni Maria ang sarili. Bahagyang nanghihina pa rin siya pero alam niyang parte rin iyon ng pinagdaanan. Isama pa na sa tagal niyang nakatulog, hindi pa rin siya nakakain kaya wala siyang masyadong lakas. Pero hindi niya iniinda iyon dahil alam niyang normal lang iyon.uu “Kung ano po ang iba pang nangyari sa akin bukod sa pagputok ng appendix ko at pag-oopera sa akin, maaari niyo na po sabihin sa akin. Nagkaroon po ba ng impeksyon? May dapat po ba akong ipag-alala?”

Tumingin ang Doctor sa matanda na alinlangan naman na tumango. Napansin ni Maria na may kakaiba talaga. Ang pamumutla ni Aling Rosita kanina at tila alinlangan pagsasabi sa kanya ng Doctor ngayon. Kung maayos ang lahat sa kanya, kung matagumpay ang operasyon, bakit ayaw pang sabihin sa kanya ng Doctor? Bakit hindi ito nakangiti?

“Tell me. Hindi rin ako mapapalagay habang hindi ko alam kung ano ang tunay na nangyari...”

“Maayos naman ang operasyon mo. Walang dapat ipag-alala. Kung magiging maayos ang pakiramdam mo sa mga susunod na araw at magiging maganda ang resulta ng obserbasyon sa `yo dahilan para kailangan i-confine ka pa rin sa ospital sa mga susunod na araw, mapapabilis ang pag-uwi mo sa bahay. Pero sa kalagitnaan ng operasyon ay may isang bagay na hindi namin inaasahan na mangyari at maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa `yo. Depende kung paano mo titignan iyon, Miss Villanueva.”

Kinabahan si Maria. “A-ano po iyon, Doc? Kailangan ko po ba talaga na ikabahala iyon?”

Huminga nang malalim ang Doctor bago nagsalita. “Napag-alaman ko kay Aling Rosita, na siyang nagsilbing guardian mo at pumayag sa kinailangan pa namin na gawin na operasyon sa `yo bukod sa pagtanggal ng appendix mo na may anak ka na raw, Miss Villanueva.”

Tumango si Maria pero naguluhan pa rin. “Anong kinalaman ni Santo rito?” pinaglipat-lipat ni Maria ang tingin sa Doctor at matanda. “Saka anong isa pang operasyon na ginawa sa akin?”

“Kagaya ng inisip mo, nagkaroon nga ng impeksyon, Maria. Napansin iyon habang inooperahan ka kaya napagdesisyunan na namin na ayusin na rin iyon para hindi na mauwi pa sa mas masamang lagay. Severe na iyon at kung hinayaan pa namin na ikonsulta iyon sa iyo pagkatapos ng operasyon mo sa appendix, maaaring mas may masama pang mangyari. Minabuti na lang namin na ikonsulta iyon sa guardian mo. Dahil wala ka ng pamilya bukod sa anak mo na nasa poder ngayon ng ama niya at wala pa rin naman sa tamang pag-iisip para magdesisyon para sa `yo, si Aling Rosita ang ginawa namin na guardian mo.”

“Nandito ba si Santo ngayon? H-hindi ko sana gustong malaman niya ang nangyari sa akin. Ayaw kong mag-alala siya nang husto...”

Umiling si Aling Rosita. “Na kay Cristiano pa rin si Santo. Wala kang dapat ipag-alala, Maria. Sinunod ko ang utos mo bago ka operahan na huwag ipaalam sa kanila ang nangyari habang hindi ka pa nagiging maayos,”

Nagpasalamat si Maria. Nagpasalamat rin siya na sa araw na inopera siya ay wala ang anak niya sa poder niya. Ayaw niyang dalhin ito sa sitwasyon. Napakabata pa nito. Ayaw niyang mag-isip ito nang masama. Pero alam niyang darating rin naman sila sa punto na iyon pero gusto niya munang malaman na maayos na ang lahat sa kanya. Kaya ginusto rin niya na malaman ang lagay niya sa Doctor kaagad-agad.

“P-pero ano po ba talaga ang nangyari? Anong klaseng isa pang operasyon?”

“Dahil nagkaroon ng impeksyon sa pagputok ng appendix mo, may ilang parte ng katawan mo ang naapektuhan. Sa sitwasyon mo, nagresulta iyon sa pagbabara ng fallopian tube mo. Dahil doon, may kinailangan kaming gawin sa fallopian tube mo which results to---“

Sandaling natigilan pa ang Doctor sa pag-amin sa kanya sa totoong nangyari. Pero kahit ganoon, naramdaman na agad ni Maria kung ano ang sasabihin noon. Bakit pa isasama ng Doctor ang anak niya sa usapan kung hindi iyon magiging isa sa problema? O ang kakayahan na magkaroon noon. At ang fallopian tube...malinaw sa kanya kung ano ang function noon.

Pero sa kabila ng lahat...matagal pa rin na natulala si Maria. Hindi niya lubos maisip na mangyayari iyon sa kanya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.