Chapter 17

HINDI sana gusto ni Maria na matulog si Santo pero dahil alam niyang kailangan ng anak ang isang afternoon siesta, hinayaan na lang niya ito. Mag-iisang linggo na siya sa ospital at simula nang dalhin sa kanya ang anak apat na araw na ang nakakaraan, ito rin ay nanatili roon. Inalagaan siya nito ng walang karekla-reklamo. Dahil sa anak, naging mas maayos kaysa sa inaasahan ang pakiramdam ni Maria. Bukas rin ay maaari na siyang lumabas ng ospital dahil naging maganda ang resulta ng obserbasyon sa kanya.

Pero lahat ay may katapusan. Mamayang alas-singko ay susunduin na ng driver ng dating asawa na si Cristiano si Santo. Sa susunod na tatlong araw ay mananatili ito sa piling ng ama nito. Mami-miss niya nang husto ang anak. Gusto niya pa na makasama ito. Kung puwede nga lamang ay huwag na itong malayo sa kanya. Ngunit ang usapan ay usapan.

Gustong lubusin ni Maria ang natitirang oras kasama ang anak. Ito na lang ang maituturing niya na pamilya. Gusto niya ang pag-aalaga nito. Gusto niya na sa mga sumunod na araw ay makasama niya pa ito. Kahit hindi sana gusto ng mga Doctor na manatili ang anak sa ospital dahil sa edad nito, nang makita naman ng mga ito ang matinding pagbabago sa kanya ng dumating ang anak ay hinayaan na rin ng mga ito. Si Santo ang naging dahilan kung bakit naging mabilis siyang maka-recover.

At hindi matinding dinamdam ang nangyari sa kanya...

“Maria?” untag ni Aling Rosita sa kanya nang mag-aalas kuwatro na ng hapon. “Inihanda ko na ang gamit ni Santo.”

Bumuntong-hininga si Maria. “Hindi ko pa po kayang mawalay sa kanya. Hindi sa sitwasyon ngayon.”

“Kung ganoon ay subukan mong pakiusapan si Cristiano. Siguro naman ay maiintindihan ka niya kung sakaling sabihin mo sa kanya ang nangyari...”

Tinignan niya si Santo. Hindi sila kadalasan na nag-uusap ng ama nito. Kahit araw-araw rin itong tinatawagan ni Cristiano ngayong nasa poder niya ay hindi pa rin nito alam ang sitwasyon. Sinabihan niya ang anak na huwag sabihin. Isama pa na hindi rin naman nito tinatanong ang anak tungkol sa kanya. Matagal ng tapos ang relasyon nila. Wala na silang pakialam sa isa’t isa. Iyon ang pinakadahilan ni Maria kung bakit ayaw niyang ipasabi sa anak sa ama nito kung ano ang lagay niya. Hindi na dapat nito malaman.

Pero gusto niya pa na makasama si Santo. Kailangan niya ito. Sinubukang sundin ni Maria ang suhestiyon ni Aling Rosita. Tinawagan niya si Cristiano.

“Hello?” mararamdaman ang pagkairita sa boses ni Cristiano nang sagutin ang tawag niya.

Sandaling natigilan si Maria. Nakaramdam siya ng kakaiba sa puso niya nang marinig ang boses nito. Kahit iritado iyon, ang pakiramdam na makausap ang dating asawa ay nagdala ng kakaibang epekto sa kanya. Paano pa kaya kung hindi ganoon ang sitwasyon? Mukhang nasa hindi siya magandang pagkakataon na tawagan ang dating asawa. Pero inisip niya si Santo. “C-Cristiano? Its Maria...”

Hindi agad nakapagsalita ang lalaki. Kagaya niya ay natigilan rin ito. Mukhang hindi nito inaasahan na tatawag siya rito. Hindi niya masisisi ito. Simula nang maghiwalay sila ay halos hindi na sila nag-uusap. Tumikhim ito. “What’s it? May problema ba kay Santo?”

“W-wala naman. May gusto lang sana ako na ipakiusap sa `yo.”

“Ano iyon?”

“Puwede bang manatili muna si Santo ng ilang araw dito sa farm?”

“Bakit?”

Lumunok si Maria. Dapat ay inaasahan na niya na magtatanong ng dahilan si Cristiano. Pero malaking bahagi ng isip niya ang nagdadalawang-isip kung sasabihin niya pa rito ang dahilan. May sakit siya. Kailangan niya ang anak. Pero dapat pa bang malaman ni Cristiano na may sakit siya? Wala na itong pakialam sa kanya. Wala na silang pakialam sa isa’t isa. Ang kung ano man na nangyayari sa personal na buhay nila ay hindi dapat makakaapekto kung paano nila paghahatian ang anak nila.

“Maria?” untag sa kanya ni Cristiano nang hindi niya maggawang magsalita. “Look, my meeting will start in a few minutes. Hindi ko sigurado kung gaano ka-importante ang dahilan mo kung bakit gusto mo na manatili sa `yo si Santo sa mga susunod na araw. Pero sana ay isipin mo rin ako. I only have three days a week to spend with my son. Nag-leave rin ako sa opisina para lang makasama siya sa mga susunod na araw sa pagkakataong ito. Nangako ako sa kanya. Kaya hindi ko gustong ibigay na naman siya sa `yo sa susunod na mga araw.”

Tinanggal muna ni Maria ang bikig sa lalamunan niya bago nagsalita. “N-naiintindihan ko.”

“Mabuti. Tinawagan ko na ang driver. Maya-maya ay darating na siya riyan para sunduin si Santo. Kailangan ko ng umalis. Bye.”

Wala ng naggawa pa si Maria. Napabuntong-hininga na lang siya pagkatapos ng tawag. Sakto namang pagkatapos noon ay naggising si Santo. Lumapit ito sa kanya. “I will miss you, Anak...”

“Mommy, ayaw kong umalis.”

Ginulo niya ang buhok nito. “Kailangan mo. Nakausap ko na ang Daddy mo. Nag-leave pa siya sa work para magkasama kayo para sa mga susunod na araw.”

Umiling ito. “Pero mas kailangan mo ako dito, Mommy. You’re sick.”

“Maayos na nga ako. Lalabas na nga ako bukas sa hospital. I’ll see you after three days.”

“Sinong aalalay sa `yo kapag nasa farm ka? Hindo ka pa rin mukhang maayos, Mommy. Hindi ka pa nga po makapunta nang mag-isa sa bathroom. Ayaw kong umalis. Sasabihin ko po kay Daddy---“

Niyakap niya ang anak. “Okay lang. Magiging magaling lalo ang Mommy. Nandiyan naman si Aling Rosita. Aalgaan niya ako. Tatawagan rin kita araw-araw, okay?”

Nanatiling nakatitig lang sa kanya si Santo. Gusto niya ang concern na ipinapakita sa kanya ni Santo. Touch siya roon. Kahit apat na taong gulang pa lamang ang anak ay matinding naiintindihan na nito ang sitwasyon. Matalino ito sa edad nito. Pero sa kabila noon, hindi masasabing magandang ugali iyon ng anak.

Dahil sa pagiging matalino ni Santo, napakarami nitong tanong. Tanong na mahirap bigyan ng sagot at paliwanag.

“Kung magkasama lang po kasi kayo ni Daddy, hindi na po sana ganito, Mommy.” Biglang sabi nito na naging kasagutan naman sa mga tanong na sinasabi ni Maria pagmumuni-muni niya.

“Santo...”

“Ayaw ko na po ng ganito! I understand that Daddy wants me to be there. Pero may sakit ka. I want to be with you pero hindi puwede kasi kailangan na nandoon ako. Naka-schedule ako kasama si Daddy. Pero kung hindi lang po kayo magkagalit, edi sana hindi na nagkakaganito. Hindi na ako naka-schedule. Kasama ko na kayong dalawa. Palagi!”

“Hindi kami magkagalit ng Daddy mo, Santo.” It just simply didn’t work out.

“Ganyan rin po ang sinabi ni Daddy. Pero kung hindi po kayo magkagalit, bakit wala kayo pareho sa iisang house kagaya nina Tita Daimon at Tita Anna? I want you and Daddy to be like them, Mommy. Gusto ko na magkaroon ng pamilya na kagaya ng kay Jaysen. Gusto ko na tumira sa iisang bahay ang Mommy at Daddy ko!”

Huminga nang malalim si Maria. Hinalikan niya ang ulo ni Santo. Hangga’t maaari, iniiwasan niya ang komprontasyon na iyon nilang dalawa ng anak. Alam kasi niya na mahirap na paliwanagan iyon. Napakabata pa rin ni Santo. Paniguradong sa sitwasyon, ito ang pinakanahihirapan.

Lumamlam ang mata ni Santo. Nagiging malungkutin na ito sa mga nakalipas na linggo. Apektadong-apektado ito sa sitwasyon lalo na at palagi nitong nakakasalamuha ang pinsan nitong si Jaysen na may masayang pamilya. Ang parehong magulang nito ay nagsasama sa iisang bahay. Nagmamahalan. Malayong-malayo sa sitwasyon nila ng ama nitong si Cristiano.

Pero mabuti na ang ganoon. Kaysa naman mabuhay ang anak na may magulang na hindi nagkakaintindihan.

Hindi kagaya ng inaakala ni Santo ay hindi naman talaga sila masasabi na magkagalit ni Cristiano. Pero ginusto niyang makipaghiwalay rito dahil alam niyang hindi na umaayos ang relasyon nila. Kagaya ng mga madalas na kasal sa Las Vegas, itinuturing iyon ni Maria na isa lamang pagkakamali.

Matindi man ang nararamdaman ni Maria para sa dating asawa ay tila nawala rin iyon sa mga sunod na buwan na nagkasama sila. Madalas silang hindi nagkakaintindihan, nagkakaroon ng munting pag-aaway, at siya ang palagi na lang nasasaktan. Mali na sinunod lang niya ang damdamin at hindi kinilala muna nang husto si Cristiano. Ngunit naging masama man ang pagsasama nila ni Cristiano, ayaw niyang magtanim ng galit ditto.

May kasalanan rin siya. Nasa tamang huwisyo siya at edad pero kagaya ng asawa, nagmadali rin siya. Sa halip na makinig sa isip niya, mas pinanaig niya ang puso. Isama pa na kahit nagkahiwalay naman sila ng asawa ay nanatiling mabuti ito sa kanya. Nirespeto nito ang desisyon niya. Nagpapasalamat pa rin siya rito sa kabila ng lahat. Isama pa na kung hindi niya nakilala ito, hindi mabubuhay si Santo. Hindi siya magkakaroon ng anak. At kung hindi nangyari iyon, malamang ay wala na talaga siyang maituturing na kanyang pamilya. Na kanya lamang dugo....

Pinalis ni Maria ang nasa isip. Kinalma niya si Santo. Nahihirapan ito sa sitwasyon nito pero ganoon rin siya ngayon. Sa nangyari sa mga nakalipas na araw, lalo siyang nagkaroon ng urge na magkaroon ng full access sa anak. Pero kailangan niya ng makontento sa ganoon. Pagkatapos ng lahat, siya rin naman ang pinaka-nagdesisyon upang hindi niya makuha ng kanya-kanya si Santo. Siya ang nagpagulo sa lahat. Siya ang unang nagmungkahi na mag-divorce silang dalawa.

NAPANSIN ni Cristiano na malaki ang pinagbago ni Santo simula nang bumalik ito sa poder niya kahapon. Pansin na rin naman niya na naging malulungkutin ito sa mga nakalipas na araw, lalo na nang malaman nito na magkakaroon na ng kapatid si Jaysen, pero simula nang ibalik ito sa kanya ni Maria ay nagiging madalas ang pagkatulala nito. Noon naman ay naaliw ito kahit sila lamang dalawa. Masaya ito, lalo na kapag alam nitong pinahalagahan niya ito kaysa sa trabaho. Ngayon ay dinala niya ito sa isang amusement park. Gumala sila. Pero kahit tila napakasaya sa pinuntahan nila ay hindi ganoon ang reaksyon ng anak. Napakatahimik rin nito.

“May problema ba, Anak? May masakit ba sa `yo?” hindi na niya naiwasang tanungin ito nang panay iling na ito kapag niyaya niyang sumakay sa mga rides.

Tumingin sa kanya si Santo. Pero hindi ito nagsalita.

“Hindi ka ba masaya na gumala tayo ngayon?”

Umiling ito. “Gusto ko kasama si Mommy.”

Bumuntong-hininga si Cristiano. Dapat ay naramdaman na niya iyon. Bumaba siya para maging kasing pantay ng anak. Hinawakan niya ang pisngi nito. “A-alam mo na naman na hindi na kami nagsasama `di ba? Hindi na kami kagaya ni Tito Daimon at Tita Anna mo. Hindi na kami kasal...”

Ipinadyak nito ang paa. “Gusto ko na magsama muli kayo!” hinalukipkip pa nito ang kamay. “Gusto ko na kasama siya ngayon. Hindi ako masaya na isa lang palagi ang parents ko!”

“Santo...” may babala na sa tinig ni Cristiano. Alam niyang dapat na intindihin niya si Santo pero hindi na rin niya maiwasan na mainis sa ginagawa nito. Sinusubukan naman niya na bumawi rito. Malaking bagay sa kanya ang isakripisyo ang trabaho para lang sa isang tao. Aminado siya na workaholic siya. Pero dahil na rin sa nararamdaman niyang kalungkutan ng anak sa mga nakalipas na araw, gusto niyang bumawi rito. Iyon nga lamang ay sa halip na magustuhan nito iyon ay nagreklamo pa ito.

Nag-iwas ito ng tingin sa kanya. “Gusto ko na kasama si Mommy. Ihatid mo na lang ako sa kanya, Daddy.”

“Tatlong araw lang tayo magkakasama sa isang linggo, Santo. Kakabigay lang ng Mommy mo sa akin sa iyo.” Mahal niya ang anak niya. Kahit na madalas na abala siya, gusto niyang magkaroon pa rin ng maraming oras na kasama ito. Gusto niyang makasama ito.

Ipinadyak muli nito ang paa. “Gusto ko na kasama siya. Kailangan ako ni Mommy. Gusto ko doon.”

Naguguluhang tinignan niya ang anak. Ngayon lang ito gumiit sa kanya ng ganoon upang makasama ang ina nito. Anong mayroon? Masyado na bang napapalapit si Santo sa ina nito at mas gusto na nitong makasama ang ina nito kaya ganoon? Nagdala iyon ng masamang pakiramdam kay Cristiano. Bumabagsak na naman ba siya sa pagpapasaya sa mga taong importante sa kanya kaya nilalayuan siya ng mga ito?

Kagaya ba ng pagkakamali niya sa ina ni Santo ay ganoon rin ang mangyayari sa relasyon nila ng anak? Iiwan rin ba siya nito?

Biglang naalala ni Cristiano ang nangyari kahapon. Tinawagan siya ni Maria upang hiramin muli si Santo at manatili sa piling nito ang anak nila. Iyon ang unang beses na ginawa iyon sa kanya ni Maria. Kontento na ito sa sitwasyon nila. Hindi niya naitanong kung ano ang pinakadahilan dahil masyado siyang abala noon. Mahalaga ang meeting na pupuntahan niya at inisip na baka wala lang naman iyon. Kung may matinding problema, siguro naman ay hindi magdadalawang-isip kaagad ang dating asawa na sabihin iyon. Pero nagkamali siya ng iniisip. Kung kapareho ng anak ay iginigiit ng dalawa na manatili sa poder ng isa’t isa, paniguradong may kakaiba.

May problema. Lalong nagdala iyon ng masamang pakiramdam kay Cristiano. May problema ba si Maria kaya gusto nitong manatili si Santo sa tabi nito? At ano ang sabi ng anak niya sa kanya?

Kailangan ako ni Mommy...

May problema ba si Maria? May mali ba rito? Hindi niya gustong isipin. Kahit matagal na silang hiwalay ng asawa at bihira na mag-usap, hindi niya gustong malaman na may mali rito. Pagkatapos ng lahat, isa sa mga dahilan kung bakit pinalaya niya ito ay ayaw na niya itong masaktan pa.

Hinawakan niya ang balikat ng anak at kinompronta ito. Alinlangan pa si Santo pero sa huli ay bumigay na rin. Pakiramdam ni Cristiano, sa pagbigay ng impormasyon ng anak ay bumigay rin ang tuhod niya.

Sa kabila ng lahat, napatunayan ni Cristiano na malaki pa rin talaga ang epekto sa kanya ng dating asawa.

MASAYA si Maria na makakalabas na siya ng ospital. Kahit isang linggo pa rin siyang pinagbawalan ng Doctor na gumawa ng mabibigat na bagay at pinayuhan na magpahinga at huwag magpakapagod dahil sa ginawang operasyon sa kanya, masarap pa rin ang pakiramdam na makakalabas na rin siya sa lugar na iyon at makita ang labas. Pero lalo pang naging masaya si Maria na saktong paglabas niya sa ospital ay nakita niya ang anak. Sinalubong siya nito.

“Mommy!” masayang pagbati nito sa kanya. Sa kabila ng pagtataka ay niyakap niya muna ang anak bago nagtanong. Kahit kahapon lang naman sila simula nang huling magkita ay nangulila na agad siya rito.

“Masaya ako na nandito ka, Anak. Pero---“ naputol ang pagsasalita ni Maria nang maramdaman niyang may isang malaking bulto na sumunod kay Santo. Pakiramdam rin niya ay nawalan yata ng hangin sa paligid nang masigurado niya kung sino iyon.

Tumikhim si Cristiano nang magsalubong ang tingin nila. “Hindi mo naman sinabi sa akin ang kalagayan mo.”

“Hindi ko na inisip na importante. Pero salamat sa pagdala rito kay Santo.” Sinubukan ni Maria na sumagot at ngumiti kahit na ba ang gusto na lang niya ay ang matulala sa Diyos na tila nasa harap niya. Sa paglipas ng mga taon ay nakikita pa rin naman niya si Cristiano, kaya lang ay madalas sa mga larawan lamang na ipinapakita sa kanya ng anak. Kapag dinadala sa kanya ang anak ay palaging inuutos lamang nito iyon sa katiwala nito. Tuwing kaarawan lamang ni Santo niya nakikita ng personal si Cristiano. Madalas pa nga ay sandali lamang dahil halatang iniiwasan siya nito.

Sa paglipas ng mga taon ay naging mas guwapo pa si Cristiano. Tila umaayon rito ang paglipas ng mga taon. Gumanda pa ang dating maganda ng bulto ng katawan nito. Naging mas maayos ang tindig at kahit parang tila bahagyang umitim, hindi pa rin naman iyon nakabawas sa karisma nito. Mas dumagdag pa iyon sa intimidating pero alam niyang mas lalong nakakahatak ng atensyon ng mga babae.

Dapat ay hindi na nakaramdam pa ng kakaiba si Maria sa simpleng pagtingin lang sa dating asawa. Batang version nito si Santo. Parehong biniyayaan ang mga ito ng green na mga mata na namana ni Cristiano sa ama nito. May lahi kasing Greek ang pamilya nito. Bahagyang kulot rin ang buhok ng anak niya kagaya ni Cristiano. Matangos ang ilong ng mga ito at mapupula ang labi. Bumagay rin sa itsura ng mga ito ang golden brown na kutis. Matangkad rin kaysa sa kaedad nitong bata ang anak. Si Cristiano naman ay halos nasa anim na talampakan na ang taas na hindi iilang beses siyang nailang kapag kasama. Paano kasi ay nasa 5’2 lamang ang height niya. Ngunit kahit ganoon, madalas na nagiging proud siya noon kapag kasama niya ito. Napakaguwapo ni Cristiano at maraming nagsasabi na napakasuwerte niya na maging asawa ito.

Ngunit ayaw ng isipin ni Maria ang kakaibang nararamdaman sa ama ng kanyang anak. Matagal na silang tapos. Kahit na ba lumalabas na naman ang matinding pakiramdam niya ngayong nasa paligid si Cristiano, kailangan niyang pigilan iyon. Hindi na dapat siya nagpapadala roon. Natutunan niya na nang magaling ang aral sa pakikipagrelasyon rito.

Kumunot ang noo ni Cristiano sa sinabi ni Maria pero kapagkuwan ay tumango rin. Kinuha nito mula kay Aling Rosita na siyang nanatiling kasama niya at nag-ayos ng paglabas niya sa ospital ang mga gamit. “Ihahatid ka na namin pauwi,” wika ni Cristiano nang maramdaman nito ang pagtataka niya sa ginawa nito.

Tumango si Maria. May driver naman siya at gusto sana niyang sumakay roon pauwi pero hindi pumayag si Santo. Iginiit nito na sa kotse ng ama nito sila sumakay. Si Nanay Teresita na lamang ang pinasabay niya sa driver na driver rin ng farm na pinamamahalaan niya at tinitirhan sa maraming taon. May sariling driver rin si Cristiano kaya ang nangyari ay silang tatlo ang nasa back seat ng kotse. Inalalayan rin siya ni Cristiano na makapasok roon at gustong manginig ni Maria sa senasyon na nararamdaman nang maglapat ang katawan nila. Ang akala niya ay malakas na siya pero nakita lang niya ang dating asawa, nalapitan at nahawakan ito ay naging malaki ang epekto sa kanya. Napakamakapangyarihan ng presensiya nito na inuubos ang lakas niya. Nanginginig ang mga tuhod niya, nanghihina siya, kapag nasa tabi niya si Cristiano.

“Salamat,” wika niya kay Cristiano sa pag-alalay nito. Kagaya ng dati ay walang reaksyon ito at tahimik lamang na sumakay rin sa kotse pagkatapos.

Tumabi sa kanya si Santo sa kotse. Nilapitan siya nito at niyakap. “Ang saya ko po na kasama na muli kita, Mommy. Ang sabi ni Daddy ay puwede rin po ako na manatili sa farm sa weekend!”

Napangiti si Maria. “Maganda iyon.” Tumingin siya kay Cristiano. “Salamat,” wika niya pero hindi na naman ito nagbigay ng reaksyon. Sa halip ay nanatili lamang itong nakatitig sa kanilang mag-ina.

“Masaya po ako na kasama kayong dalawa ni Daddy sa iisang lugar, Mommy. Ganito po palagi si Jaysen, Tito Daimon at Tita Anna. Pakiramdam ko kagaya niyo na rin po sila,” masayang pagpansin pa ni Santo pagkatapos. Inalis nito ang yakap at pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa ng ama nito. “Kayo po ba, Mommy, masaya rin po ba kayo na kasa-kasama niyo na rin ngayon si Daddy?”

Natigilan at napakunot noo si Maria sa tanong ng anak. Hindi niya inaasahan iyon. Pero gusto niyang mamula lalo na nang magkasalubong ang tingin nila ni Daimon. Medyo matagal iyon kaysa sa kanina. Kagaya ng reaksyon niya ay mukhang nagulat rin ito sa tanong ng anak.

Hindi sumagot si Maria sa tanong ng anak. Bagkus ay pinaulit-ulit niya lamang ang tanong ng anak sa kanyang isip. Gusto niyang sumagot ng oo. Nagustuhan niya ang pakiramdam na makita ang dating asawa at ngayon ay para silang isang pamilya. Isa rin naman siya sa mga babaeng nangangarap na magkaroon ng ganoon. Pero dahil hindi umayon ang lahat sa kanila ni Cristiano, hindi natupad iyon. At ramdam ni Maria na siguro ay hanggang pangarap na lang din ang magkaroon pa siya ng masasabing pamilya sa sitwasyon. Kaya gusto na lang niya na kontentuhin ang sarili sa munting pamilya na mayroon siya ngayon: si Santo. Ang nag-iisa at natatanging pamilya niya.

Umahon ang pagsisisi sa dibdib ni Maria. Bumangon ang mga paano. Paano kung sinubukan niya? Paano kung hindi siya nagpadala sa kondisyon niya noon? Mahihirapan ba siya ngayon sa sitwasyon ng anak nila? Hindi ba masasaktan si Santo? Magiging masayang pamilya ba sila kagaya ng palagi na lang hinihiling at gusto ng anak niya?

Inalala niya ang mga pangyayari sa relasyon nila ni Cristiano. Masaya naman siya na kasama si Cristiano. Minahal niya ito. Pero hindi dahil masaya ang isang tao at nagmamahal, kaya na nitong tiisin ang lahat.

CHAPTER THREE

Four Years Ago

HINDI maiwasan ni Maria na makaramdam ng inggit nang makita ang kakaibang ningning ng bilas niya na si Anna. Nasa ika-anim na buwan na ito ng pagbubuntis nito at dahil hindi ito gustong pagtrabahuhin ng asawa nito, madalas ay nasa bahay lang ito. Ganoon rin sa kanya ang isang buwan na niyang asawa na si Cristiano. Simula nang magpakasal sila sa Las Vegas isang buwan na ang nakakaraan ay dinala siya nito sa Pilipinas kung saan nakabase ito. Dahil mahal niya ito, iniwan niya ang trabaho sa Los Angeles upang makasama ito.

Pumayag si Maria sa gusto ni Cristiano na maging ordinaryong house wife lamang siya. Kaya naman kasi nitong mag-provide sa kanya nang higit-higit pa. Isa si Cristiano sa nagpapatakbo ng pinakamalaking shipping company sa Pilipinas---ang Jason Shipping. Pagmamay-ari iyon ng pamilya nito at ang asawa ang kasalukuyang Chief Operating Officer noon. Kahit hindi siya magtrabaho ay kayang-kaya niya na mabuhay nang marangya.

Pero sa mga nakaraang araw, pakiramdam ni Maria ay pinagsisihan niya ang pagpayag kay Cristiano. Masyado kasi siyang naiinip. Hindi niya gusto ang set-up nila ni Cristiano na ito ay palagi na lamang nasa trabaho at para siyang aso na nag-aantay sa amo nito tuwing uwian nito. Isama pa na hindi rin si Cristiano ang tipo ng asawa ni Anna na si Daimon. Na sa kabila ng pagiging abala sa trabaho ay marami pa rin na naibibigay na oras sa asawa nito.

Okay lang siguro kay Maria kung palaging umuuwi si Cristiano nang tama sa oras. Naiintindihan naman niya na masyado itong abala sa trabaho, na mahirap iyon. Ngunit madalas ay alas-nuwebe na ng gabi ito nakakauwi at minsan pa nga ay inaabot ng alas-dose. Isang buwan pa lamang silang kasal pero ganoon na ang ginagawa nito sa kanya. Kung tutuusin nga, dapat ay nasa honeymoon stage pa lamang sila. Dapat ay hindi pa ito nagtatrabaho at mas maraming oras ang binubuhos para sa kanya.

“A-ang sweet naman niya,” komento ni Maria nang ikuwento nito sa kanya kung paano ito alagaan ni Daimon. Minsan daw kapag masama ang pakiramdam nito ay talagang hindi pumapasok si Daimon sa trabaho para alagaan lang ito. Ramdam na ramdam niya ang pagpapahalaga ng asawa nito kay Anna.

Hindi kagaya niya kay Cristiano.

Tumango si Anna. “Sweet talaga si Daimon. Kaya nga kahit takot talaga ako na umibig, sumugal ako dahil iba siya sa ibang lalaki. Mahal niya ako. Ramdam na ramdam ko,” nagniningning ang mga mata na kuwento sa kanya ni Anna. Kasalukuyan siyang nasa bahay ng mga ito dahil na rin naiinip siya sa sariling bahay ng asawa. Payag naman si Cristiano na dumalaw-dalaw siya dahil kamag-anak si Anna. Pinasundo pa nga siya nito sa driver nito. “Ikaw, kumusta naman kayo ni Cristiano? Sweet rin ba siya kagaya ni Daimon?”

Kiming ngumiti lang si Maria. Pagkatapos ay sinubukang ikuwento kay Anna ang sitwasyon.

“Oh...Pero hindi mo ako masisisi. Sa pagkakilala ko sa tatlo, hindi talaga mahilig magpakita ng emosyon si Cristiano. May pagka-masungit siya. Tahimik. Ganoon nga lang talaga siguro siya.”

Bumuntong-hininga si Maria. “Pero kahit na. Noong nasa Las Vegas naman kami ay asikasong-asikaso niya ako. Lahat ng oras niya ay binubuhos niya lang sa akin. Isa pa, bagong kasal pa lang kami ngayon. Tama ba na palagi siyang maging abala sa trabaho? I-I feel neglected.”

Tinitigan siya ni Anna. “Nasabi mo na ba ito kay Cristiano?”

“Minsan ko na ipinaramdam. Sabi naman niya ay babawi siya. Ipinasyal niya ako noong linggo, ang araw ng day off niya, para makabawi. Pero ilang oras lang kaming namamasyal ay may tumawag sa kanya. Importante raw iyon kaya kailangan niyang umalis. Mas inuna niya iyon kaysa sa akin.”

Hinawakan ni Anna ang likod niya. “W-well, hindi pa rin siguro siya nakaka-adopt sa pagbabago sa buhay niya. Ang alam ko rin ay sadyang may pagka-workaholic siya pati na rin ang panganay nila na si Alekos. Magiging maayos rin ang lahat,” nginitian siya nito pagkatapos ay tumingin sa tiyan nito. “Malay mo kapag nabuntis ka, magbago siya. May nabasa ako na nagsasabi na nagiging malaki raw ang pagbabago ng asawa kapag nagkakaanak. Nagiging mas home-based. Nagiging pamilya na ang mas priority,”

Natatawang umiling si Maria. “Wala pa sa plano namin ni Cristiano iyon.”

Si Maria ang nagmungkahi sa asawa na kung maaari ay huwag muna silang gumawa ng pamilya. Hindi niya pa gusto na magkaanak. Para kasi sa kanya ay napakabata pa niya. Isama pa na gusto rin niya na sa isa’t isa muna ang oras nila ni Cristiano. Naging mabilis ang pagpapakasal nila. Gusto niya muna na makilala talaga nila nang husto ang isa’t isa bago magkaroon ng anak. Pumayag naman si Cristiano sa gusto niya.

Sumang-ayon naman si Anna sa paliwanag niya. Sandaling nag-usap pa sila hanggang sa maya-maya ay sumama ang pakiramdam ni Maria. Bigla siyang nahilo at naghanap ng banyo para magsuka. Inalalayan siya ni Anna sa kabila ng kondisyon nito.

“Ayos ka lang ba, Maria? Gusto mo ba na tumawag ako ng Doctor?”

Umiling si Maria. “H-hindi na siguro. Baka may nakain lang akong masama kagabi. Kaninang umaga ay naramdaman ko rin ang ganito...”

Tinitigan siya ni Anna. “Alam mo bang ganyan rin ang mga nararamdaman ko noong unang trimester ko ng pagbubuntis? Dalawang beses sa isang araw ako nagsusuka.”

“Sinabi ko na sa `yo na---“

“Uh-oh. Not all contraceptions work, Maria. But don’t worry about it. Kung buntis ka man, alalayan kita. Maaaring bata pa ako pero positibo ako sa kondisyon ko. Matutulungan kita, sa tingin ko. Sinabi ko rin sa `yo na nakakapagbago ng ugali ng lalaki ang magkaroon ng anak? Magiging mas maayos ang relasyon ni Cristiano kung ganoon. Isa pa, hindi ba maganda na halos sabay na lalaki ang anak natin? Yay! Na-excite tuloy ako bigla.”

Nakaramdam ng kaba si Maria. Gusto niya na mag-iba ng ugali si Cristiano pero hindi sa ganitong paraan. Hindi pa siya handa.

SA MGA sumunod na araw ay naramdaman muli ni Maria ang pagsusuka at madalas na pagkahilo. Dahil doon ay inabisuhan na siya ni Cristiano na magpa-check up. Sinabihan pa siya nito na sasamahan siya pero dahil nagkaroroon na naman ito ng biglaang importanteng meeting ay pinasundo na lang siya nito sa driver nito upang ihatid sa ospital. Nanlumo si Maria pero lumala pa iyon nang malaman kung ano nga ang dahilan ng pagsusuka niya.

Tama ang hinala ni Anna. Buntis siya.

Sinunod ni Maria ang bilin sa kanya ni Cristiano na pagkatapos ng check-up ay tumuloy siya sa opisina nito. Kakatapos lang ng meeting ng asawa nang dumating siya. Sinabi niya rito ang nangyari.

Niyakap siya ng asawa. Mukhang masaya ito sa nangyari. Dapat ay matuwa si Maria pero malungkot pa rin ang mukha niya hanggang matapos ang yakap ni Cristiano. Nang tanungin siya ni Cristiano ay huminga muna siya nang malalim bago magpaliwanag.

“Alam mo kung bakit. Plinano naman natin na huwag magkaganito `di ba? Gumamit naman tayo ng proteksyon---“

“Contraceptons failed sometimes. At nang minsan sa shower ay---“

May punto si Cristiano. At naalala nga niya ang isang beses na hindi ito gumamit ng proteksyon. Pero isang beses lang iyon. Hindi niya inasahan na magiging ganoon kadali. “H-hindi pa ako handa...”

Bahagyang nagdilim ang mukha ni Cristiano. “Nandiyan na iyan. We couldn’t do anything about it.”

Nanatili lamang nakatitig si Maria kay Cristiano. Huminga ito nang malalim. “Look, Maria. Sana ay maintindihan mo na hindi ako pabor sa abortion.”

Bahagyang nagulat si Maria sa naisip ng asawa. “Hindi sa ganoon---“

“Pero ano? Hindi na natin maibabalik ang pagkakamali. Nangyari na ang nangyari. Baka ganito talaga ang ginusto ng Diyos.” Hinalikan ni Cristiano ang noo niya, pagkatapos ay ang kanyang labi. Niyakap rin siya nito. “I’m happy that you are bearing my son right now. Hindi ko man nasasabi sa `yo pero pinanabik ako ng ideya na magkaroon ng isang pamilya na kasama ka. Gusto ko rin sana nga ng isang malaking pamilya kaya mabuti na napaaga. Para mas makarami tayo `di ba? Ano sa tingin mo?”

Nanatili lang siyang nakatitig sa asawa. Gusto rin naman niya na magkaroon ng isang malaking pamilya. Bilang solo na anak at sa kalungkutan na dinanas pagkatapos sabay na mamatay ang mga magulang, mas naisip niya ang kahalagahan ng isang pamilya. Pero hindi pa sana ngayon.

“Don’t worry, my Love. Nandito ako para sa `yo. Hindi ba at pinangako ko naman iyan sa `yo sa kasal natin? Hindi kita pababayaan. Susubukan ko na maglaan ng oras sa `yo. I just can’t do it on the past few weeks. Nagkaroon kasi nang matinding problema sa kompanya. Palaging galit si Alekos. Ramdam na ramdam ko dahil na rin sa katayuan ko sa kompanya. Hindi naman namin maasahan pa si Daimon dahil bago pa lang siya sa kompanya. Mas dapat kaming dalawa ni Alekos ang gumawa ng paraan dahil mas experienced kami. Pero sa oras na maayos namin ito, ipinapangako ko na magkakaroon na ako nang maraming oras kasama ka. Aalalayan kita. Patutunayan ko sa `yo na hindi mo dapat pagsisihan ang pagpapakasal sa akin. Tutuparin ko ang mga wedding vows ko sa `yo. Hindi kta papabayaan. I love you, Maria...”

Napangiti na si Maria. Nagustuhan niya ang pangako nito. Naramdaman niya ito. Siguro nga ay tama si Anna. Magiging maayos ang pagsasama nila kung magkakaroon sila ng anak. Mahal niya ito. Mahal siya nito. Hindi dapat siya matakot. Palagi lang ito na nasa tabi niya. Hindi siya nito pababayaan.

Nagtitiwala siya na tutuparin talaga ni Cristiano ang pangako nito. Pero bakit parang nakaramdam yata siya na may isang malaking mali ang mangyayari?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.