Present
LUMIPAS pa ang dalawang linggo pagkatapos makauwi ni Maria sa ospital ay maayos na maayos na ang lagay niya. Sa huling check-up rin niya sa Doctor ay inabisuhan siya nito na puwede na siyang mamuhay ng normal kagaya ng dati. Si Maria ang namamahala ng farm na siya na rin naging bahay niya sa mga nakalipas na taon kaya naman pakiramdam niya ay normal na rin ang buhay niya nang makauwi roon. Hindi rin naman kasi ganoon kabigat ang trabaho niya sa farm dahil marami siyang tauhan roon.
Sa mga nakalipas na linggo ay nanatili sa tabi niya si Santo kaya masasabi ni Maria na naging mabilis ang kanyang paggaling. Nagustuhan niya ang presensiya ng anak. Nakabawas rin ng alalahanin niya na walang pagdadamot na naganap sa parte ni Cristiano. Ito ang nag-adjust sa sitwasyon. Tuwing weekends ay pumupunta ito sa farm para doon na lamang bisitahin ang anak. Pinagbigyan siya nito.
Kapansin-pansin rin na sumigla si Santo sa dalawang linggo na iyon. Nagustuhan nito ang sitwasyon. Gusto nito na kahit papaano ay nagkakasama sila ni Cristiano. Tuwing Sabado ng gabi ay natutulog rin ito sa farm. Tuwang-tuwa si Santo. Kahit papaano daw kasi, nagsasama sa iisang bubong ang magulang nito. Naging mas madalas kaysa sa dati ang pagkikita nila ni Cristiano. Umaasa ito na magkakaroon pa rin ito ng masaya at buong pamilya kasama ang tunay na magulang nito kagaya ng pinsan nitong si Jaysen.
Aminado si Maria sa sarili niya na naapektuhan siya roon. Kagaya ni Santo, parang nagugustuhan rin niya na nagkakasama sila ng dating asawa sa iisang bubong. Na-miss niya ito. Naghiwalay man sila ay hindi naman niya masasabi na galit siya rito. Malaki ang naitulong sa kanya ni Cristiano. Malaki ang pasasalamat niya sa dating asawa dahil sa kabila ng lahat, naging mabait ito sa kanya.
Ang farm na tinutuluyan at pinamamahalaan niya ngayon ay binili sa kanya ni Cristiano nang malaman nito na buntis siya kay Santo. Ito ang naging regalo nito sa kanya. Nang maghiwalay sila ay hindi nito iyon binawi sa kanya kagaya na lamang ng iba pang ibinigay nito sa kanya. Kahit na ba masasabi niya na isa siya sa may kasalanan ng pagkasira ng kanilang relasyon, hindi siya nito sinisi. Tinanggap nito ang lahat ng kagustuhan niya. Sinigurado nito na sa paghihiwalay nila ay hindi rin siya maghihirap. Gusto rin siya nitong sustentuhan pero iginiit niya na hindi kaya tumigil ito. Tama na sa kanya ang farm. Pinamahalaan at pinalago niya pa iyon lalo para maging source of income niya.
Business graduate si Maria kaya nakaya niyang pamunuan iyon nang maganda. Mas pinili rin niya iyon kaysa ang bumalik sa America kagaya nang nangyari sa kanya noon dahil alam niyang lubos na maapektuhan si Santo. Dito nakabase sa Pilipinas si Cristiano at kapag bumalik siya roon ay magiging mahirap lalo ang lahat sa bata. Gusto rin naman niya na lumaki ito na nakikita ang parehong mga magulang. Gusto rin niyang makilala nito si Cristiano. Malaki ang kita ng farm kaya hindi na rin siya nahirapan na magdesisyon.
Pero hindi lang dahil sa pagtanaw ng utang ng loob kaya nagkakaganoon si Maria. Nararamdaman niya na hindi. Pero ano ang dahilan? Iyon ba ay dahil parang nagkakagusto muli siya sa dating asawa? Hindi niya maiwasan na mapansin muli ang mga pisikal na pinagbago nito. Nararamdaman pa rin niya ang tila mainit na hangin sa pagitan nila kapag nagkakalapit sila.
Parang hindi pa rin talaga nawawala ang nararamdaman niya rito.
Ayaw pakaisipin iyon ni Maria. Hindi puwede. Bawal. Hiwalay na sila. Matagal na. Ginusto niya iyon. Ginusto rin nito iyon. Baka kaya dahil nagugustuhan lang niya na nasa paligid ito dahil nagugustuhan niya ang sayang nakikita sa anak. Na nabubuhay ito sa pantasya na may dalawang magulang ito na nagkakasama sa iisang bubong kagaya ng pinapangarap nito. Nagugustuhan rin niya ito dahil malayang ibinibigay nito sa kanya ang anak.
Naging malaki ang epekto kay Maria ng ginawang operasyon sa kanya at naging kalakip noon. Napakabata pa niya kung ituturing para mangyari iyon at kahit na ba may anak na siya, mahirap pa rin na tanggapin. Hindi naman siya nangangarap na maging matandang dalaga. Kahit pagkatapos ng nasirang relasyon kay Cristiano, umaasa pa rin siya na darating ang araw na makakaramdam rin siya nang matinding damdamin sa ibang tao kagaya ng naramdaman niya rito. Pero sa kasamaang palad, kahit marami-rami naman na nagtatangkang manligaw sa kanya, walang kahit sino ang nagparamdam sa kanya ng ganoon.
Dahil sa sinabi ng Doctor, naging mas matindi ang nararamdaman ni Maria na maging kanya na ng tuluyan si Santo. Mas kailangan niya ito kaysa kay Cristiano. May mga kapatid pa si Cristiano, siya ay wala ng maituturing kung hindi ang anak nila. Malaya itong makakapag-asawa ng walang kahit anong aalalahanin. Maaari pa itong magkaroon ng maraming anak.
Samantalang siya...
Si Santo na lang ang natitira sa kanya. At gusto niyang manatili na kanya.
Kahit na ba hindi naman ipinagkakait sa kanya ni Cristiano ang anak, iba pa rin ang pakiramdam ni Maria. Siya man ang ina ay mas makapangyarihan si Cristiano. Mas mayaman ito kaysa sa kanya. Sasabihin ng iba na mas makakabuti ito kay Cristiano kaysa sa kanya. Paano kung isang araw ay maisip na lang ni Cristiano na ilayo sa kanya ang anak niya? Pagkatapos ng lahat, kailangan rin naman ni Santo ng stable na buhay. Sa susunod na pasukan ay papasok na ito. Dapat nga ay noong nakaraan pa pero dahil hindi sila nagkasundo ni Cristiano roon, na-postpone iyon. Hindi pa kasi napapag-usapan kung saan mas dapat na manatili si Santo habang nag-aaral ito. Sa Maynila rin nakabase si Cristiano at mas masasabi na sa kung saan nakabase ito mas magandang mag-aral ang anak kaysa sa kanya na nasa probinsya. Hindi niya gusto iyon. Mas kailangan niya si Santo.
Gusto niyang magkaroon ng full access sa anak.
Dahil sa mga nararamdaman, nagdesisyon si Maria na kausapin si Cristiano sa pangatlong Sabado na nagdesisyon itong manatili muli sa farm upang matulog. Kakatapos lang nilang patulugin ang anak nang kausapin niya ito.
Tumango si Cristiano. “Good. May gusto rin sana akong sabihin sa `yo.”
“Tungkol ba ito kay Santo?”
“Medyo.” Sagot nito at sinabayan na siya sa paglalakad palabas ng kuwarto ng anak. Nagpunta sila sa malaking garden ng villa ng farm. Naglakad-lakad sila at doon inumpisahan ang pag-uusap.
“Sa susunod na buwan ay umpisa na ng school year. Sa tingin ko ay kailangan na nating pag-usapan kung saan mag-aaral si Santo.” Panimula ni Maria.
“Tama ka. Anong pasya mo?”
“Gusto ko sana na manatili siya sa akin. Gusto kong dito siya sa probinsya na mag-aral. Alam ko na mas makakabuti sa kanya ang Maynila dahil mas maganda ang quality ng edukasyon roon pero gusto ko na makasama ang anak ko, Cristiano. Gusto ko na makita pa lalo ang paglaki niya. Gusto ko ng full access sa kanya. K-kung puwede sana ay ibigay mo na lang siya sa akin.”
Kumunot ang noo nito. “At anong tingin mo kay Santo, Maria? Isang laruan na basta-basta na lang ipinamimigay? Anak ko siya. May karapatan rin ako sa kanya. Hindi ko puwedeng ibigay na lang siya sa `yo nang basta-basta na lang. Kailangan ko rin siya. Kailangan rin niya ako.”
“Naiintindihan ko. Pero mas kailangan ko siya kaysa sa `yo. Si Santo na lang ang natitira sa akin. Ang tunay na pamilya ko hanggang mamatay ako...” nakaramdam ng kirot sa puso si Maria habang sinasabi ang huling pangungusap.
Lalong lumala ang pagkunot ng noo ni Cristiano. “Alam mo na puwede ka pa na mag-asawa muli.”
Napapikit si Maria. “Hindi iyon ang punto.” Huminga nang malalim si Maria bago magpatuloy. Sinalubong niya ang berdeng mata ni Cristiano na mukhang takang-taka sa pagka-tense niya. Kahit na ba wala na silang relasyon at hindi na niya dapat maisip pa ang magiging opinyon nito, nakakaramdam pa rin si Maria ng lungkot sa isipin na sasabihin niya rito ang totoo. Wala naman iyon na maidudulot kay Cristiano. Sinabi nito noon na gusto nito na magkaroon ng isang malaking pamilya. Pero ngayong malaya na ito, puwede na rin naman nito na maisakatuparan iyon sa iba. Hindi dapat siya matakot na malaman nito ang kondisyon niya dahil wala na dapat itong pakialam. Hindi iyon makakaapekto sa pangarap nito. Tanging sa kanya lang. “The operation...alam mo na naman `di ba? They removed my appendix. Pero hindi lang iyon.”
Bumakas ang pag-alala sa mukha nito. “Anong ibig mo na sabihin? Mayroon pa na ibang nangyari? Ang tanging sinabi lang sa akin ni Santo ay---”
“Dahil hindi ko na ginustong sabihin sa kanya. Nagkaroon ng blockages sa fallopian tube ko dahil sa pagputok ng appendix. Kagaya ng appendix ko, tinanggal rin nila iyon.”
Namutla si Cristiano. “Which can cause you to---“
Yumuko si Maria. “Hindi na ako maaaring magkaanak. Infetile na ako.”
“Oh no... Oh God. I-I’m sorry,” nakita niya ang pagkagulo sa mukha ni Cristiano. Parang nasaktan talaga ito sa narinig.
Inalis muna ni Maria ang bikig sa lalamunan niya bago muli nagsalita. “Ikaw magkakaanak ka pa. Kaya mo pang bumuo ng sariling pamilya ng walang inaalala. Kaya mo pang magkaroon ng maraming anak. Samantalang ako...” huminga muli nang malalim si Maria. Mahirap para sa kanya na sabihin iyon kay Cristiano. Naiintindihan niya ito. Pero gusto rin niyang sana ay maintindihan siya nito at mapagbigyan. “Look, hindi ko naman talaga ipagkakait sa `yo si Santo. Kapag bakasyon niya, libre siya, puwede pa rin naman kayo na magkasama. Libre ka rin na bisitahin siya rito sa farm ano man na oras na gustuhin mo. Pero gusto ko siyang manatili ng permanente sa tabi ko. Gusto ko na dito siya sa Batangas mag-aral. Mas mahaba ang oras na nasa akin siya.”
Sinalubong ni Cristiano ang tingin niya. “Pero hindi ko kayang ibigay na lang ng ganoon ang anak ko. Gusto ko rin na makuha siya ng permanente, Maria. He was my first. Napakahalaga niya para sa akin. Kagaya mo, mahal ko rin siya.”
“Intindihan mo ang sitwasyon ko---“
Tumango ito. “Napaksamang balita ng sinabi mo. Pero naiintindihan ko. Tinatanggap ko rin.”
Nagliwanag ang mukha ni Maria. “Kung ganoon, ibig bang sabihin nito ay pumapayag ka na sa gusto ko?”
Umiling si Cristiano. “Not really. Pero sa sinabi mo, mas tumindi lang ang naisin ko para sabihin sa `yo ang dahilan kung bakit gusto kitang makausap. Ang plano ko.”
“A-anong ibig mong sabihin? Ano nga ba ang gusto mong sabihin?”
Nagulat si Maria nang bigla-bigla ay kinuha ni Cristiano ang kamay niya. Bahagyang nanlaki ang mata niya, gusto niyang magprotesta. Bakit nito ginawa iyon? Pero hindi ang kanyang puso. Nagustuhan niya na mahawakan muli ni Cristiano. Dumaloy ang init na tanging ito lang ang nakakapagbigay sa tuwing hinahawakan siya. Init na palaging gustong magpapikit sa kanya at ngayon ay hindi niya mapigilan na maramdaman. Bahagyang lumamlam rin ang kanyang mata pagkatapos. She missed this. Mali talaga siya ng iniisip. Hindi niya lang nararamdaman kay Cristiano ang pagkagusto na nasa tabi ito dahil na rin kay Santo.
Gusto niya ito para sa sarili niya. Dahil kapag nasa tabi niya si Cristiano, parang nabubuhay siya sa isang pantasya. Nakakaramdam siya ng tila out of the world na pakiramdam. Kakaibang kasiyahan na tanging si Cristiano lamang ang may kapangyarihan na magbigay sa kanya.
“Alam mo na apektadong-apektado na si Santo sa sitwasyon natin. Kahit ako ay nahihirapan na rin sa kanya. Pero hindi ko gustong ibigay siya ng dahil roon. Mas gusto kong ayusin ang lahat ng iyon. Gusto kong ayusin ang problema, pati na rin ang mga ikinatatakot mo. Ngayon ay sa tingin ko, tama lang talaga ang nasa isip ko.” Nanatiling seryoso ang mukha nito habang bahagyang itinaas ang hawak-hawak nitong kamay niya. “Magsama muli tayo. Lets get married again.”