SIMULA nang maghiwalay silang dalawa na mag-asawa, hindi kailanman naisip ni Maria na makikita ng dalawang mata niya na nagkakaroon ng ganoong klase ng bonding ang mag-ama niya. Hindi kailanman inisip niya na maaaring saksihan niya iyon. Isama pa na hindi rin sporty na tao si Cristiano. Ang makipag-bonding ng ganoon sa anak ay hindi kailanman sumagi sa isip niya. Kahit ang pagsasakripisyo mismo ni Cristiano sa trabaho nito para sa anak ay ni hindi rin naisip ni Maria noon.
Pero siguro nga ay pinagbabago talaga ng panahon ang mga tao. Masyado lang siyang nawalan ng pag-asa noon kaya hindi na niya pinagbigyan si Cristiano. Pero masaya siya na nakikitang nagbago na ito ngayon. Hindi na lang sa anak nila kundi pati na rin sa kanya. Naging malaking gulat sa kanya ang mga ibinigay ni Cristiano kahapon. Kahit noong mag-asawa na sila, hindi kailanman siya nito binigyan ng mga ganoon, isa sa mga dahilan kung bakit pakiramdam niya, lalo lang siya na nadi-disappoint rito. Paano kasi, bukod sa ilang beses na pagbigo nito sa mga pangako nito, hindi rin ito sweet na tao. Hindi nito ginagawa ang mga ganoon, hindi ito kagaya ng kapatid nitong si Daimon. May pagkamatigas ito. Nakakapagsabi man ito ng mga damdamin sa kanya, ramdam pa rin niya na may kulang.
O dahil may mga pinagdadaanan lang rin talaga siya ng mga panahon na iyon kaya ganoon?
Hindi na rin naman niya gustong alalahanin iyon. Kahit na ba kung sana ay inasikaso niya ang mga nararamdaman bago pinairal iyon, hindi na siguro nila pagdadaanan ang ganito ngayon ni Cristiano. Siguro ay mas maayos pa kaysa sa nangyayari ngayon ang relasyon nila.
Maraming sana. Pero hindi na nila maibabalik ang nakaraan.
Nang halos isang oras ng tinuturuan ni Cristiano si Santo ay nagpasya ang dalawa na magpahinga. Lumapit ang mga ito sa kanya. Kagaya ng ginagawa ng normal na ina sa anak, agad niyang inasikaso ito. Pinunasan niya ng pawis ang anak.
“Si Daddy naman po, Mommy. Pawisan rin po siya,” pangungulit naman si Santo pagkatapos.
“Ha?” bahagya pang napanganga si Maria sa sinabi ng anak.
“Dali na, Mommy. Nakikita ko po kasi si Tita Anna na pinupunasan si Tito Daimon kapag pinagpapawisan ito. `Di ba po hindi na kayo magkagalit ni Daddy? Magiging kagaya na rin naman po kayo nina Tito Daimon `di ba? Pareho na po kayo naka-live sa iisang house.”
“Santo---“
Pinutol ni Cristiano ang pagsasalita niya nang lumapit ito sa kanya. Ibinigay nito sa kanya ang towel nito. “Pagbigyan mo na siya. Lets not ruin his dreams...” bulong nito sa kanya pero nandoon pa rin ang nakakalokong ngisi sa labi.
Bumuntong-hininga si Maria at pagkatapos ay ginawa rin ang kagustuhan ng anak. Na hindi naman nagtagal ay naramdaman na rin niyang nagiging kagustuhan na rin niya. Kahit nakakatakot ay nagustuhan niya ang paglapat ng mga kamay niya sa katawan ni Cristiano, ang pag-explore niya sa katawan nito sa pamamagitan ng pagpunas rito. Napakaganda pa rin kasi ng pisikal na katawan nito na kahit hindi mahilig mag-work out ay milagro pa rin na nagagawa nitong pangalagaan at maging ganoon kaganda.
Gustong mapapikit ni Maria. Nakaramdam kasi siya ng kakaibang sensasyon sa ginagawa lang na iyon. Naalala rin niya ang mga sandali kung saan malaya niyang nagagawa iyon. Ang mga pribadong sandali sa kanilang dalawa ni Cristiano na pakiramdam niya ay dinadala siya sa kakaibang mundo sa sarap. Nagkaroon rin siya ng kagustuhan dahil lang sa simpleng pagpupunas rito na makabalik muli sa mga sandali na iyon. Pero kailangan niyang makontento sa ngayon sa ganoon. Ayaw niyang bumigay kaagad kay Cristiano. Dalawang araw pa lamang sila muling nagsasama sa iisang bahay. Kailangan niyang pigilan ang mga nararamdaman. Pati na rin ang inggit sa mga pawis dahil kung saan-saan ito nagkalat sa katawan ng dating asawa.
Pagkatapos ng pagpunta sa pantasyang mundo ay nagpahinga ang kanyang mag-ama at maya-maya ay ginusto na rin na magbalik sa paglalaro. Hinalikan niya si Santo bago ito pinayagan.
“Mommy, para naman akong baby pa rin sa ginagawa mo.”
Ngumiti siya at ginulo ang buhok nito. “Baby ka pa naman talaga `di ba? Isa pa, good luck kiss `yan para lalo ka pang gumaling.”
Doon naman napangiti si Santo. “Ganoon po ba? Feeling ko nga po, magaling na ako. Nakaka-shoot na po ako samantalang si Daddy po ay hindi,” may pang-batang basketball court sa subdivision na tinirahan nila kaya madali lang para kay Santo ang maka-shoot. “Kung i-kiss niyo rin po kaya si Daddy para maging magaling rin po siya?”
Namumuro ka na, Santo, ha! Gusto sanang sawayin ni Maria ang anak. Gusto niya ang mga nararamdamang kilig sa pang-aasar ng anak pero kailangan rin niyang magpigil. Napakabilis pa ng lahat.
“Dali na, Mommy! Gusto ko na muli na maglaro,” giit pa ni Santo.
Magre-react pa sana si Maria ngunit nakalapit na agad sa kanya si Cristiano. Sa gulat niya ay ito na ang humalik sa kanya. Hindi lang rin basta halik iyon dahil sa labi iyon at sa tingin niya ay tumagal ng mga nasa limang segundo.
“Para mabilis na rin kitang mapa-oo,” kinindatan pa siya ni Cristiano pagkatapos ay niyaya nang maglaro ang ngingiti-ngiting si Santo dahil na rin sa nasaksihan.
Bahagyang natulala si Maria sa ginawa ng asawa. Mali iyon. Napakamapangahas ni Cristiano. He was taking advantage of the situation. Pandaraya iyon. Pero bakit sa halip na magalit ay nagustuhan niya pa ang ginagawa nito? Bakit sa ibang lalaki ay hirap na hirap siyang magkaroon ng affection at nararamdaman? Pero bakit kapag Cristiano ay tila napakadali lang noon?
Ano ba ang mayroon talaga rito? Oo, minahal niya ito. Pero hindi ba at nakaraan na iyon? Dapat ay hindi na siya nakakaapektuhan nang ganoon. Apat na taon na silang hiwalay. Pero kagaya ng dati ay napakadali lang siya nitong mapasaya, tila madali siyang makuha kapag ito ang kasali. Mabilis na napapatibok nito ang puso niya. Wala na ba talaga siyang nararamdaman sa asawa o iyon lang talaga ang gusto niyang isipin? Inisip niya dahil nahihirapan siya sa sitwasyon. Kagaya na lang ng nangyari sa kanya apat na taon na ang nakakaraan na dala lang pala ng isang kakaibang klase ng sakit...
TATLONG linggo pagkatapos nilang mag-file ng divorce ni Cristiano sa Las Vegas ay opisyal na hiwalay na sila. Naging mabilis ang lahat, kagaya ng nangyari kung paano naging simula ang relasyon nila. Hindi na sila nahirapan na pareho ni Cristiano. Nang isantinig niya lang dito kung ano ang gusto niya, pumayag kaagad ito. Walang kahirap-hirap. Nag-file lang sila ng divorce sa rason na incompatibility na siyang pinaka-numero unong rason kung bakit nagpa-file ng divorce sa Nevada.
Ngayon ay opisyal na single na muli si Maria. Dapat ay maging masaya siya. Nakuha na niya ang gusto niya. Wala na silang relasyon ni Cristiano. Pero bakit pakiramdam niya ay ang lungkot-lungkot pa rin niya?
Nakauwi na rin sila ng Pilipinas ay ganoon pa rin siya. Ramdam niya na may mali sa kanya. Sa loob ng tatlong linggo, nanatili sila sa Nevada sa pag-aasikaso ng divorce. Sa mga panahon rin na iyon ay iniwan nila ang anak na si Santo sa Yaya nito. Dapat ay manabik siya dahil sa ilang linggo na hindi nakikita ng personal ang anak. Pero hindi ganoon ang nararamdaman niya. Kagaya ng pagkairita niya kay Cristiano, tila irita rin siya kay Santo. Ngunit pinipilit niyang huwag ipahalata iyon. Anak niya si Santo, pamilya niya ito. Dapat ay mahal niya ito pero bakit wala siyang maramdaman na amor rito?
Pakiramdam ni Maria ay masama siyang ina. Hindi nila plinano ng asawa ang anak pero kahit ganoon, hindi dapat niya maramdaman iyon. Alam niya ang tama at mali. Nang magpatuloy pa rin ang nararamdaman sa loob ng ilang araw, sinubukan niyang magpatingin sa psychiatrist. Napagkasunduan nila ni Cristiano na sa loob na tuwing Lunes hanggang Huwebes ay sa kanya si Cristiano at tuwing Biyernes hanggang linggo naman ito sa parte nito. Nang mahiwalay siya kay Cristiano, doon niya isinagawa ang pagpapatingin. Hindi na niya nagugustuhan ang nararamdaman. Kahit noong pinagbubuntis niya ang anak, ganoon rin ang nararamdaman niya.
Pagkatapos sabihin sa Doctor kung ano ang nararamdaman niya ay nagtanong ito.
“Noong nagbubuntis ka ba, nararamdaman mo rin ang ganito?”
“Parang ganito rin po. I feel disappointed, irritated...” Inalala niya ang ilang beses niyang pagkairita kay Cristiano. Ang sa halip na intindihin ang sitwasyon nito, mas pinili niya na mabulag sa mga iyon. Hindi naging isang magandang experience sa kanya ang pagbubuntis.
Tumango-tango ito. “Bakit hindi mo naisip magpatingin kung ganoon?”
“Ang akala ko ay associated iyon sa pagbubuntis. Hindi namin plinano ng asawa ko ang anak. Pero ayaw kong isipin na dahil doon, hindi ko kayang mahalin ang anak ko. Isama pa na sa tingin ko kaya naman talaga ako madalas na ganoon noon ay dahil na rin hindi maganda ang pagsasama namin ng asawa ko. Palagi na lang niya akong binibigo.”
“Sa tingin ko ay nagkaroon ka ng depression in pregnancy. Pero wala na tayong magagawa diyan ngayon. Kung sana ay nagpatingin ka, maaari natin na malunasan ang nararamdaman mo ngayon.”
“A-ano po ba itong pinagdadaanan ko? Normal po ba ito?”
“Sinabi mo sa akin na dalawang buwan na simula nang manganak ka. Hindi natin masasabing common pero nangyayari ito. Masyado nang mahaba itong kalungkutang nararamdaman mo. Ang mga mild na kaso ay tumatagal lamang ng ilang linggo. Pero kapag severe na, maaaring tumagal iyon ng buwan o maaaring taon. Depende, lalo na kung hindi iyon malulunasan. Iyon ang sa tingin ko na kaso. Pero huwag ka naman na mag-alala. Nasa sampu hanggang labing anim na porsyento naman ng mga nanganak ay nagkakaroon ng ganitong sakit.”
Napalunok si Maria. “M-may sakit po ako?”
Tumango ito. “Ito ang tinatawag na postpartum depression, hija. Most likely, kung depress ka habang nagbubuntis, at risk ka na maramdaman ito. Na nangyari nga. Pero huwag kang mag-alala. May mga treatments naman para dito at sisiguraduhin natin na magiging maayos ang lahat. You’ll need to have appointments with me to treat this disease. Sessions. Counselling,”
“Kapag po ba natapos ang sessions, siguradong mawawala itong mga nararamdaman ko?”
Tumango ang Doctor. “Dapat nga ay matagal mo ng ginawa ito. Para mas mabilis natin na malunasan. Alam mo kasi, maraming mga bagay ang naapektuhan dahil sa pag-uugali at kinikilos ng isang tao. Kung depress ka, madalas na nakakagawa ka ng mga bagay na hindi mabuti. Ang mga ginagawa, nararamdaman at mga desisyon mo habang pinagdadaanan ang mga ganoong bagay ay lubos na maapektuhan. Sana naman ay wala kang mabigat na desisyon na ginawa sa mga nakaraan. Wala ka sa tamang pag-iisip. Ang mga bagay na ginawa mo ay epekto lang nitong mga pinagdadaanan mo.”
Natulala si Maria nang marinig iyon. Naalala niya ang mga ginawang desisyon at kung gaano naging kabilis iyon. Bahagya siyang nanghina. Nagsisi. Ang divorce nila ni Cristiano... kung gaano kabilis silang nagpakasal ay ganoon din kabilis silang naghiwalay.
Ni hindi man lang niya ito binigyan ng isa pang pagkakataon. Naging padalos-dalos siya sa desisyon. Paano kung dahil lang sa pinagdadaanan niyang ito, kaya niya naggawa iyon?
Napakasamang pangyayari kung ganoon. Pero sa kabila ng lahat, nangyari na ang nangyari. Hindi na maibabalik ni Maria ang nakaraan.
GUSTONG paikutin ni Maria ang kanyang mga mata nang malaman niya kung ano ang plano ni Cristiano ngayong araw. Linggo ngayon at wala itong pasok. Pero sa halip na gugulin nila ang day off nito kasama si Santo para pumasyal, iniwan pa nila ito sa bahay nina Anna at Daimon. Nagpresinta rin kasi ang anak dahil nabitin raw ito sa paglalaro nito at ng pinsan na si Jaysen. Gusto rin nitong pumunta sa bahay ng mga ito upang bisitahin ang play house ni Jaysen na simula nang ibinili ni Daimon ay naging paboritong laruan nito at palaging isinasama si Santo na maglaro roon. Iniwan nila si Santo roon kasama ang dalawang yaya nito.
Dahil doon, naggawa nilang mag-solo ni Cristiano. Na ayon rito ay nagustuhan naman nito. Niyaya siya nitong mag-date sila. Pakiramdam tuloy niya ay teenager sila dahil kailangan pa nila ng date. Nililigawan siya nito kahit dati na silang mag-asawa. Pero kahit sa kabila ng pagtingin na weird sa date thing na gusto ni Cristiano, hindi rin naman niya maiwasan na matuwa. Pagkatapos ng lahat ay siya ang may gustong magpaligaw. Sa ngayon ay masasabi niyang magagawa naman nila ng asawa ang mga bagay na hindi nila naggawa noon.
Pumunta sila sa mall. Dinala siya nito sa department store na pinagtakahan niya. Ang akala kasi niya ay kagaya ng isang simpleng date, manonood sila ng sine. Mamasyal o `di kaya ay kakain sa isang magandang restaurant.
“Bakit dito?”
“Naalala ko kasi dati na nirereklamuhan mo ako kapag hindi kita nasasamahan na mag-shopping, lalo na noong nag-shopping ka para kay Santo noong baby pa siya.”
Naalala nga niya ang pagkakataon na iyon. Ipinangako sa kanya ni Cristiano na gagawin iyon pero sa halip ay ang driver at ang sekretarya lang nito ang sumundo sa kanya. Pinasamahan siya nito sa sekretarya nito para mag-shopping dahil kagaya ng dati, may importante na naman itong gagawin na mahirap ipagpalit.
“At ngayon? Gusto mong bumawi sa pamamagitan ng pag-shopping?”
Tumango ito.
“Hmmm... All right. Pero binabalaan na kita ngayon, ha? Matagal ako mag-shopping. Paniguradong masusubukan ang pasensya mo.”
“I guess, parte ng panliligaw ang pagsubok sa pasensya.”
Muntik ng matawa si Maria sa sagot nito. Nasubok na nga niya si Cristiano sa pagpayag lang nito na manligaw. Knowing Cristiano, bago para rito ang salitang manligaw. Nasabi na kasi nito sa kanya noon na hindi naman talaga nito iyon ginagawa sa mga babae. Hindi na rin kataka-taka iyon dahil sa angking kaguwapuhan ng asawa, babae na mismo ang nalapit rito.
Masyadong natuwa si Maria sa date na gusto ni Cristiano kaya kagaya ng sinabi niya rito, natotoo nga niya iyon. Hindi naman siya mahilig mag-shopping pero dahil natuwa siya na may bantay siya habang ginagawa iyon at malayang natatanong kung bagay ba sa kanya ang isang damit, hindi na niya namalayan ang oras. Tatlong oras na pala silang nagsa-shopping. Nasa sampung damit rin yata ang nabili niya at walang reklamo na binitbit ni Cristiano ang mga iyon. Pinag-day off ni Cristiano ang bodyguard nito. Pero sa halip na magmukhang alalay eh mas nagmukha pang hero si Cristiano sa ginawa niya.
“Wow, ang sweet naman ng asawa na `yun. Hindi talaga pinagbibitbit ang misis niya. Buhay pa rin pala ang mga gentleman `no?” narinig niyang pag-uusap ng mga kasunod nila sa counter nang mag-insist si Cristiano na ito na ang magdadala ng lahat ng kanyang ipinamili.
“Oo nga. Saka ang guwapo pa. Haay, ang suwerte naman ng misis niya.”
Hindi maiwasan na mapangiti ni Maria. Natuwa siya sa kabila ng naging nakaraan nila ni Cristiano. Hindi niya masasabing naging masuwerte siya nang misis siya nito pero ngayong nagkakaroon na sila muli ng pangalawang pagkakataon, masasabi naman niya na masaya siya. Lalo na ngayong ramdam niyang bumabawi talaga si Cristiano sa kanya at sa anak nila.
Pagkatapos mag-shopping ay kumain naman sila sa isang Japanese restaurant. Kung nagde-date man sila dati ni Cristiano, madalas na dinner date lang iyon. At sa mismong Japanese restaurant kung saan siya dinala nito sila madalas na mag-date.
“The usual?” tanong nito nang tinanong na sila kung ano ang order.
“Alam mo pa rin ba iyon?”
Sinabi ni Cristiano ng walang pag-aalinlangan ang lahat ng paborito niyang order-in. Sandali pang nagulat si Maria sa nangyari.
“Tama `di ba?” ngingisi-ngising sabi nito nang makaalis ang waiter at hindi siya nag-object.
“Hindi ko inaasahan na maalala mo ang lahat. You see, I feel neglected wife in our marriage. Palagi. Kapag nagkukuwento ako, pakiramdam ko, hindi mo naman talaga ako pinapakinggan dahil madalas na nasa isip mo ang tungkol sa trabaho mo.”
Kumunot ang noo nito. “Halos isang taon rin tayo nagsama. Importante ka sa akin. Kapag nagkukuwento ka, kahit na madalas na pagod ako, sinusubukan ko na pakinggan. Tinatandaan. Importante iyon, alam ko. Dahil importante ka rin sa akin. Mahalaga sa akin ang ma sinasabi mo. You know I loved you. Very much.”
Sinalubong niya ang tingin ni Cristiano. Nakita niya ang sinseridad doon. Alam ni Maria na dapat ay maging secure siya sa pagmamahal ni Cristiano dahil vocal ito. Pero dahil hindi niya maramdaman, o mas masasabing dahil sa pinagdadaanan noon, hindi niya maiwasan na magduda.
“Kung minahal mo talaga ako nang matindi, bakit mo ako pinakawalan nang basta-basta? Bakit pumayag ka na lang basta na maghiwalay tayo?”
Kung hindi sinubukan na magpakonsulta ni Maria sa Doctor pagkatapos ng divorce nila ni Cristiano, siguro ay si Cristiano pa rin ang sinisisi niya. Ngunit pagkatapos ng lahat ng sessions, napagtanto niya na hindi ito ang dapat sisihin. Siya rin. Kaya masasabi niya na hindi talaga siya nagtanim ng galit sa lalaki dahil may kasalanan rin siya. Dahil sa kalagayan niya, nahirapan siya na intindihin ito. Gusto sana niya na magpaliwanag kay Cristiano tungkol doon pero dahil naalala rin niya kung gaano naman kabilis itong pumayag sa isang divorce. Kung mahal at mahalaga talaga siya rito, bakit basta-basta na lang siya nito pinalaya?
“Alam mo na galing ako sa isang broken family. Naalala ko sa relasyon natin ang tungkol sa nangyari sa mga magulang ko. Hindi ko gustong nag-aaway tayo, hindi nagkakaintindihan at sa huli, makaapekto rin iyon sa anak natin. Sa aming tatlong magkakapatid, alam ko na si Alekos ang pinakanaapektuhan. Dahil sa mga magulang namin, nagkaroon siya ng takot na magmahal. Samantalang ako, ginawa ko lang naman na aral iyon. Ayaw ko na maggaya ka kay Mama, Maria. Ayaw ko na maggaya ako sa ama ko na sinaktan siya. Ayaw kong saktan ka kaya ibinigay ko sa `yo ang kagustuhan mo. Pagkatapos ng lahat, kapag mahal mo ang isang tao ay kailangan mong palayain ito. Tinanggap ko ang lahat dahil alam ko na magiging masaya ka.”
Natulala si Maria sa rebelasyon nito. “A-at ikaw, naging masaya ka ba?”
Hindi kaagad sumagot si Cristiano. Hinawakan nito ang kamay niya. “Nandito ka na muli sa tabi ko ngayon. Hindi ko na dapat iniisip pa ang nakaraan. Masaya ako na nasa tabi na muli kita ngayon.”
Pinakiramdaman ni Maria ang sarili. Nagustuhan niya ang hawak ni Cristiano. Masaya rin naman siya na nasa tabi niya ito kagaya nang sinabi nito sa kanya. Ngunit hindi niya maiwasan na ma-guilty.
Naghiwalay sila ni Cristiano dahil lang sa pansariling kagustuhan niya... na napagtanto naman niya na sa huli ay kasalanan rin niya. Nasaktan niya si Cristiano. Isang hindi lang pagkakaunawan ang lahat. Na-guilty si Maria pero kapag naiisip ang sitwasyon nila ngayon ay nawawala rin naman iyon. Nagkaroon na sila ng panibagong pagkakataon.
Sa pagkakataong ito, hindi pinanguna ni Maria ang guilt. Ngumiti si Maria. Ngayon niya napagtanto na tama lang ang ginawa niyang pagbibigay ng panibagong pagkakataon sa relasyon nila ni Cristiano. At ngayon, gusto niyang aliwin ang sarili sa pamamagitan noon.
Pagkatapos nilang kumain ay natupad ang kaninang iniisip ni Maria. Niyaya siya ni Cristiano na manood ng sine. Mahilig siya sa romantic movies kaya iyon ang pinili niya. Hindi naman nagreklamo si Cristiano at tahimik na sumunod lang sa kagustuhan niya. Nang magsimula ang palabas ay inakbayan siya nito. Tumingin siya rito at napansin niyang humihingi ng permiso ang mga mata nito. Nang tumango siya at ngumiti ay ngumiti rin ito. Naging malaking bagay iyon para kay Maria. Bahagya pa siyang natulala. Minsan lang ngumiti si Cristiano. At kung guwapo ito kahit madalas na poker-face at nakakunot ang noo, ngayon ay naging sampung beses ang pagkaguwapo nito.
Gumaan ang pakiramdam ni Maria lalo na nang hapitin siya nito palapit rito sa pamamagitan ng pag-akbay nito. Hindi naman napigilan ni Maria ang pagbigay rito. Sumandig siya sa balikat nito, inaliw at kinontento ang sarili
na pangyayaring nangyayari ngayon.