Chapter 23

Months Later

“HAPPY Birthday to you... Happy Birthday to you...” kasabay ng mga bagong kaibigan ni Santo ay nakisabay rin sina Maria at Cristiano sa pagkanta para sa ika-limang kaarawan ng anak. Nagpa-party sila at dahil ngayon ay pumapasok na si Santo, inimbitahan nito ang mga kaklase na naging kaibigan na ng mga ito. Makikita ang matinding kasiyahan sa mukha ng anak habang nakapalibot rito ang mga taong mahalaga para rito. Ilang araw na rin nitong pinanabikan ang araw na iyon dahil ngayon ay masasabi raw nito na kompleto na ang pamilya nito. Hindi kagaya ng dati na kung nakokompleto man sila, halatang pilit lang iyon at sandali lang.

Kahit si Maria ay hindi rin maitatago ang kasiyahan. Lumalaki na ang anak nila ni Cristiano. Panibagong taon na naman. Pero higit sa lahat, masaya siya na maayos na talaga ang relasyon nila ngayon ni Cristiano.

Masaya si Maria sa relasyon nila ni Cristiano. Pinatunayan nito na tutuparin na nga nito ang mga pangako sa kanya. Pakiramdam niya ay nililigawan pa rin siya nito kahit binigyan na niya ito ng ekslusibong access sa kanya. Paminsan-minsan ay sinosorpresa siya nito ng bulaklak at kagaya ng dati, nagde-date rin sila nang sila lamang. Mas marami na itong oras kaysa noon. Madalas rin silang lumabas na pamilya. Wala na silang narinig pa na reklamo mula kay Santo tungkol sa kanilang dalawa. Kontentong-kontento na ito sa sitwasyon nila ngayon ng ama nito.

Ganoon rin ang nararamdaman ni Maria. Alam rin niya na ganoon ang kay Cristiano. Vocal pa rin ito sa mga nararamdaman nito sa kanya at ngayon nga ay mas nararamdaman pa rin niya iyon. Kapag mga importanteng okasyon ay lumiliban na ito sa trabaho. Kagaya ngayon. Natupad na rin ang masayang pamilya na pinapangarap niya. At alam niya na magiging totoo at legal na rin iyon. Ilang beses na nilang napapag-usapan ni Cristiano ang kasal at kahit hindi pa sana niya gusto dahil mas gusto niyang i-enjoy ang ganitong para lang silang mag-nobyo, pakiramdam niya ay nanabik na rin siya. Magkakaroon na muli sila ng legal at ekslusibong access sa isa’t isa.

“Make a wish. Blow your candle now,” masayang wika ni Maria sa anak pagkatapos ng kantahan.

Tumingin si Santo sa kanilang dalawa ni Cristiano bago nakangiting nagsalita. “I wish for a baby brother and sister!”

Nagulat si Maria sa wish ng anak. Tumingin siya agad kay Cristiano na napatingin rin sa kanya. Bahagya siyang namutla. Malinaw sa kanya na hindi na matutupad ang kahilingan ng anak.

“Matutupad niyo naman po `di ba, Mommy and Daddy? You’re back together.”

Pinili na lang ni Maria na tumango. Ayaw niyang magsinungaling sa anak pero gusto rin niyang maging sensitive sa nangyayari. Nasa isa silang masayang pangyayari ngayon. Kung sasabihin niya ang katotohanan, paniguradong masisira ang masayang mood ng anak. Mabuti ng siya ang mawala sa mood, huwag lang ang anak niya.

Ngunit ang akalang masayang araw ay lalo lamang sumama nang dumating si Alekos at may kasama itong babae---si Jewel. Hindi niya gustong magselos dahil gusto niyang magtiwala kay Cristiano. Gusto niyang maniwala na tapos na ang lahat sa mga ito. Pero naiirita siya sa presensiya ni Jewel. Paano kasi, ilang beses siyang binibigyan ng ngiting nakakaloko. Mukhang gusto siyang inisin na ewan. Hindi niya ba alam kung bakit naisip ni Alekos na ito pa ang dalhin na babae bilang date sa birthday ng anak.

“Happy Birthday,” binati ni Jewel si Santo at binigyan pa ng halik. Mukhang kilala naman ito ng anak. Napaisip tuloy siya. Pinakilala ba ni Cristiano si Santo sa babaeng ito? Lalo lang siyang nainis at nawala sa mood ng dahil roon.

Nakikita man ni Maria na masaya ang anak at dapat ay maging masaya siya para rito, hindi niya maggawa. Nalulungkot siya, lalo na at paulit-ulit rin na sinasabi ni Santo ang tungkol sa kagustuhan nito na magkaroon ng kapatid. Hindi na niya matutupad iyon.

Nang hindi na makaya ni Maria ang kalungkutan, sinubukan niya na lumayo. Nagpunta siya sa tagong parte ng garden. Naupo siya sa duyan roon at tahimik na napaiyak. Hindi na niya namalayan na may darating kaya hindi niya naitago ang nadarama.

“What’s wrong?” si Cristiano iyon. Punong-puno ng pag-aalala ang mukha nito.

Pinahid ni Maria ang kanyang mga luha. “Its about Santo. Ayaw kong magsinungaling sa kanya pero ayaw ko rin na malungkot siya kapag nalaman niya ang lahat.”

Niyakap siya ni Cristiano. “Maiintindihan rin niya ang lahat sa tamang panahon.”

“Napakahirap tanggapin na hindi na ako muling magkakaanak. I’m infertile. Hindi ko kayang ibigay ang magiging kasiyahan ng anak ko. Hindi ko na rin kayang ibigay ang pangarap mo. Naalala ko, minsan na sinabi mo sa akin na gusto mo na magkaroon ng isang malaking pamilya. Paano mangyayari iyon ngayong wala na akong kakayahan? I feel like a failure.”

Dahil sa masayang mga buwan na nakalipas, hindi na naisip pa ni Maria ang kalagayan. Hindi rin nila iyon napapag-usapan. Si Santo ay hindi rin umuungot nang ganoon. Dahil doon, ngayon lang din niya naramdaman ang sakit ng nangyari sa kanya ilang buwan na ang nakalilipas. Hindi na niya maibibigay pa kay Santo ang gusto nito.

Hinalikan ni Cristiano ang noo niya para pagaanin ang pakiramdam niya. “It’s okay. Maaari naman na magbago ang pangarap. Ang tanging mahalaga sa akin ngayon ay nandito ka na sa tabi mo. Nandito si Santo. Kompleto tayong pamilya. Huwag mo na rin na alalahanin si Santo. Balang araw ay matatanggap rin niya ang lahat. Hindi rin lahat ng gusto niya, maaari niyang makuha. Everything will be all right. Don’t worry,”

Matagal-tagal rin na nakatitig si Maria kay Cristiano. “Tanggap mo talaga ang lahat tungkol sa akin?”

“Siyempre naman. Mahal kita, Maria. Alam mo iyan. Hindi man na buo ang pagkatao mo ngayon, nanatiling buo pa rin ang pangalan mo sa puso ko.”

Niyakap ni Maria si Cristiano. Nagustuhan niya ang sinabi nito. Gumaan ang pakiramdam niya. Hindi man ganoong kagaan dahil alam niyang kahit nakuha na niya ang kasiguraduhan kay Cristiano, kahaharapin pa rin niya ang mahirap na pag-amin sa anak. Ngunit sa ngayon, sapat na sa kanya na tanggap siya ni Cristiano. Hindi niya dapat ikahiya ang kalagayan niya dahil may taong tumatanggap sa kanya.

Naniniwala rin si Maria na totoo ang sinabi ni Cristiano. Nagtitiwala siya rito. Nagbago na ito. Alam niya na hindi ito magsasabi ng bagay na totoo. Lahat ng ginagawa sa kanya ni Cristiano ay para sa ikabubuti niya. Mahal siya nito. Mahal niya ito. Ang pagmamahal nila sa isa’t isa ang tutulong sa kanila upang makayanan ang lahat ng pagsubok na darating.

SIMULA nang magkasundo sila Maria at Cristiano, nakasanayan na ni Maria na maging isang full-time Mom at tila simpleng may bahay. Noon ay kasabay ng pag-aalaga kapag nasa poder niya si Santo ay namamahala rin siya ng farm. Pero ngayong sa Maynila na siya nakabase, minabuti na lang niya na ipamahala iyon sa isa sa mga tauhan. Maayos naman ang takbo noon at kapag nagkakaoras, binibisita rin niya iyon. Ilang beses rin nila na binisita at ginugol ang araw roon na mag-anak. Masaya siya sa nangyayari sa farm, masaya rin naman siya na pamahalaan iyon pero mas masaya at kontento ang pakiramdam niya sa buhay niya ngayon. Masaya siya na pagsilbihan ng buo, araw-araw ang anak niya at pati na rin si Cristiano.

Bilang isang full-time Mom, ninais ni Maria na ihatid at isundo ang anak sa eskuwelahan nito. Ngayong araw ay nagyaya ito na magpunta sila sa mall upang gumala. Friday ngayon at dahil wala itong pasok kinabukasan, pinagbigyan niya ito. Nagtingin rin siya ng damit na isusuot dahil sinabihan siya ni Cristiano na isasama sa isang party ng isa sa mga kaibigan nito sa negosyo. Habang namimili, nagpahayag si Santo ng pagkainip. May gusto daw itong puntahan sa department store at gusto siyang isama nito.

“Saan ba kasi iyon, Anak?”

Itinuro ni Santo ang baby stuffs section ng department store. Hindi pa man nito naipapaliwanag kung bakit ay namutla na si Maria. “Gusto ko po mamili tayo ng baby stuffs. Magkakaroon na po ako ng kapatid kagaya ni Jaysen `di ba? Tutuparin niyo po ang wish ko `di ba? Kayo ni Daddy? Ikinuwento po kasi sa akin ni Jaysen last time, namili daw po sila diyan.”

“Santo, walang baby...”

Kumunot ang noo ni Santo. “Ang ibig sabihin niyo po, wala pa?”

Napapikit si Maria. Paano ba niya ipapaliwanag sa anak ang lahat? Ilang araw na itong nangungulit pero nahihirapan pa rin si Maria na sabihin rito ang totoo. Hindi siya makahanap ng tamang salita para ipaliwanag ang lahat, lalo na at nakikita niya ang saya nito sa kaalamanan na puwede itong magkaroon na ito ng kapatid. Ganoon rin naman si Cristiano. Iniisip kasi nila ang edad ni Santo. Ayaw naman nilang buhayin ito sa lungkot kapag nalaman nito ang totoo. Paniguradong mahihirapan itong intindihin ang lahat sa edad nito.

Pero alam niya na dapat na rin siya na magpaliwanag sa anak. Hindi rin naman nila ito puwedeng buhayin sa kasinungalingan.

Nagulo si Maria pero mas lalo siyang nagulo nang may isang babae na bigla na lang lumapit sa kanila. Nakilala niya na si Jewel iyon. “Fancy seeing you both here!” bineso pa siya nito pagkatapos.

“Hello po, Tita Jewel,” nakangiti naman na pagbati ni Santo rito. Ngumiti rin naman nang pagkakatamis-tamis si Jewel. Nagustuhan ang affection na ibinigay rito ng anak. Kakaiba naman sa naramdaman ni Maria. Iba ang nararamdaman niya kay Jewel. Hindi niya gusto ito. Iyon ba ay dahil sa naging dati itong kasintahan ni Cristiano? Nagseselos ba siya? O naiisip lang niya na kung si Jewel ang nakatuluyan ni Cristiano, maaari pa nitong mabuo ang pangarap nito na magkaroon ng malaking pamilya? At si Santo, na magkaroon ng kapatid?

Sa kabila ng lahat, hindi pa rin maiwasan ni Maria na ma-insecure sa ibang babae. Maaaring buo pa ang mga ito at ito siya, kulang. Tanggap man siya ni Cristiano ay parang kulang pa rin. Masakit para sa kanya na hindi maibigay ang pangarap ng dalawang taong pinakamahalaga sa kanya.

“Anong ginagawa niyo ritong dalawa?”

Si Santo ang sumagot. “Namimili po. Later, doon naman po kasi may baby section. Mamimili rin po kami para sa future baby brother o sister ko po!”

Sa halip na pagkagulat, natawa si Jewel. “Baby brother o sister?”

“Opo,”

“Seryoso ka, Santo? I thought your mom is infertile...” tumingin sa kanya si Jewel at sa halip na awa, isang malaking ngiti ang nakita niya sa mukha nito. Mukhang sayang-saya pa ito na sabihin iyon sa bata at ipamukha sa kanya.

“Infertile? Ano po iyon?” kunot ang noong wika ni Santo.

Hindi sigurado ni Maria kung insensitive si Jewel o ginagawa talaga nito in purpose ang pagpaliwanag kay Santo tungkol doon. “Wala na siyang kakayahan na magka-baby. Hindi ka na magkakaroon ng kapatid.”

Namutla si Maria nang bumakaas ang lungkot sa mukha ni Santo. Nasaktan ito sa biglaang pagsabi rito ng katotohanan.

Pero sa halip na kalmahin ang anak, inuna muna ni Maria ang curiousity niya. Kailangan niyang malaman kung paano nito nalaman iyon. Iilang tao lang ang nasasabihan niya tungkol roon at ayon sa pagkakaalam niya, hindi ikinukuwento ni Cristiano sa mga kapatid nito ang tungkol roon. Naniniwala siya na masyado iyong sensitibo para sabihin na lang basta-basta sa mga kapatid nito. Gusto rin niya na maniwala na kung alam man iyon ng mga ito, hindi naman ng mga iyon ipagkakalat iyon.

“P-paano mo nalaman?”

Napansin niya na sandaling natigilan si Jewel. Mukhang nag-iisip pa ito ng sasabihin. Kapagkuwan ay ngumiti.

“Cristiano and I still remain friends.” Sagot lang nito at kapagkuwan ay nagpaalam at umalis na.

Nanlambot si Maria. Ikinuwento ni Cristiano sa babaeng ito ang tungkol sa kapansanan niya? Bakit? Hindi ba nito naisip na kapag kumalat ang impormasyon ay maaaring masaktan siya? Napaka-sensitibong impormasyon noon. Nahihiya siyang malaman ng marami ang masakit na kalagyan niya.

Nasaktan si Maria. Pero lalo pa siyang nasaktan nang mapatingin siya kay Santo at nakita ang matinding lungkot sa mukha ni Santo.

“T-totoo po ba ang sinabi niya, Mommy? Hindi na po ako magkakaroon ng kapatid?”

“Santo... I’m sorry...” niyakap niya ang anak. Pero hindi ito gumanti sa kanya. Ramdam niya na napakasama ng loob ni Santo sa kanya. Pero hindi naman niya ito masisisi.

Pakiramdam ni Maria ay ang pangyayari ang naging malaking kabiguan niya. And at the same, she felt very insecure.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.