NANGHINA si Clara nang makatanggap ng tawag sa kanyang ama. Mula nang tanggihan niya ang ginawa nitong pagpili sa kanya, inasahan na niya hindi na sila magkakausap pa nitong muli. Masakit man sa kanya na magdesisyon, kailangan rin niyang timbangin kung sino ba ang mas mahalaga sa buhay niya.
At iyon ay ang mag-ama niya.
Masakit para kay Clara ang mamili. Gusto niya na makilala ng pamilya niya si Lexi. Gusto niya na maging maayos ang lahat. Pero kung pipiliin niya ang unang pamilya, mas lalong hindi aayos iyon. Nasanay na si Lexi kay Alekos. Ganoon rin siya rito. Hindi niya kayang mawala pa ang mga ito sa kanya...
Kaya mas pinili niya si Alekos. Hindi kagaya ng pamilya, hindi siya pinapapili ni Alekos. Sinusuportahan siya ni Alekos. Wala man siyang kasiguraduhan kay Alekos ay sa lalaki naman niya nararamdaman ang buong kasiyahan. Nagkaroon siya ng bagong pamilya sa tulong nito. Masaya siya sa piling ni Alekos kahit na ba tila may kulang. At mas gusto niya ang pakiramdam ng saya na nararamdaman niya rito sa kabila ng lahat kaysa ang pagbalik muli sa pamilya niya.
Pero sa kabila ng lahat, mukhang hindi nagustuhan ni Alekos ang sitwasyon...
“Hindi ako nakikipag-ayos kay Alekos, Clara. Hindi ko gustong makipag-ayos sa kanya. Tanging kayo lang ng anak mo ang magagawa kong tanggapin. Pero hindi siya!” iyon ang bungad na tawag sa kanya ng ama.
“Naiintindihan ko naman po kayo, Papa. At hindi ko po kayo gustong pilitin kaya nga po pinili ko si Alekos kaysa sa inyo---“
“Kung ganoon, bakit kailangang kausapin niya ako tungkol sa `yo?”
“A-anong ibig niyong sabihin---“ wala siyang sinasabi kay Alekos na ayusin ang lahat. Para sa kanya ay masaya na siya na makasama ito. Masakit na bitawan na ng tuluyan ang kanyang pamilya pero hindi naman siya humihingi ng kahit ano kay Alekos. Ni ayaw nga niyang malaman nito ang lahat. Nahirapan lang talaga siya na itago ang damdamin kaya nakahalata at nasabi rin niya rito ang lahat.
“Hindi ko kayang tanggapin siya, Clara. Sa tuwing nakikita ko siya ay palagi kong naalala si Dimitri at ang ginawa niya sa Tita Serena mo. Mahirap para sa akin na patawarin siya. Kaya pagsabihan mo ang asawa mo. Tanging kayo lang ng anak mo ang kaya kong papasukin sa buhay ko. Hindi siya. Hinding-hindi siya!” iyon lang at tinapos na ng ama ang tawag.
Napaupo si Clara. Hindi niya inaasahan na gagawin iyon ni Alekos. Ayaw niyang mangialam pa ito. Ayaw niyang mag-alala ito. Problema niya ang kanyang pamilya. Mas gusto niya kung siya na lamang ang aayos niyon. Sobra-sobra na ang ginawa para sa kanya ni Alekos. Ang pagbibigay importansya at pagtanggap lang nito sa kanya sa buhay nito ay sapat na para sa kanya. Lalo na at hindi pa rin naman talaga niya sigurado kung ano nga ba talaga siya sa buhay nito. Ayaw niyang humingi pa ng kahit ano kay Alekos.
Kinompronta niya si Alekos. Tinawagan niya ito. “Mag-usap tayo,”
Mukhang nahimigan naman nito ang nasa isip niya. “Papunta pa lang ako sa opisina. Saan mo gustong mag-usap?”
“Kahit diyan na lang. Baka marami kang kailangang gawin, ayaw ko ng mag-abala ka pa para puntahan ako.” sabi niya rito. Nasa school ngayon si Lexi at mamaya pang hapon ang labas kaya maaari niyang iwanan ito kahit ilang sandali. Isa pa ay hindi rin gusto ni Lexi na binabantayan ito. Iniwan na lang niya ang bodyguard upang magkaroon ng mas magandang seguridad ang anak.
Pumayag si Alekos. Nagulat siya nang sunduin pa siya ni Alekos sa parking lot. “Sa tingin ko ay kaya ko na naman na hanapin ang opisina mo. Hindi mo na kailangan na mag-abala pa ng ganito.”
“May iba pang dahilan kung bakit ko ginawa ito bukod sa alalayan ka,” hinawakan ni Alekos ang likod niya saka hinalikan siya. “Come,”
Sumunod siya kay Alekos. Sa lobby ay panay ang tingin sa kanya ng mga tao, mga nagtatanong ang mga mata. Hindi niya masisisi ang mga ito. Masyadong mahigpit ang pagkakahawak sa kanya ni Alekos. Masyadong madikit ito sa kanya.
Hindi iyon ang unang pagpunta ni Clara sa opisina ng Jason Shipping. Nang ipakilala ni Alekos si Lexi sa buong kompanya ay kasa-kasama rin siya. Pero hindi ganoon ang trato sa kanya ni Alekos kaya walang kahit sino ang nagtanong at nagtaka kung sino siya. Pero iba ang lagay ngayon.
Dinala siya ni Alekos sa multi-cubicle na malaking kuwarto kung saan rin nito ipinakilala si Lexi. “Attention ladies and gentleman!” pagkuha ni Alekos nang atensyon. “Last week ay ipinakilala ko sa inyo ang anak ko. Ngayon ay gusto ko naman sanang ipakilala sa inyo ang ina ng anak ko and well,” tumingin sa kanya si Alekos at ngumiti. “the love of my life,”
Medyo matagal bago nakapag-react ang mga tauhan ni Alekos. Mukhang hindi nakapaniwala agad sa ipinakilala. Ganoon rin ang nangyari nang malaman ng mga ito ang tungkol kay Lexi. Pero kagaya noong una ay nakabawi rin ang mga ito at maya-maya ay nagpalakpakan at binati sila.
Kahit tapos na ang pagbati at pagpapakilala ay ramdam pa rin ni Clara ang gulat. Tumatango at nagpapasalamat siya sa mga empleyado ni Alekos pero nahirapan na mag-sink in sa utak niya ang nangyari. Kung ganoon ang ginawa ni Alekos...ibig sabihin lang ay binibigyan na nito ang relasyon nila?
Mas lalong kailangan namin na mag-usap ng lalaking ito! Wika niya sa isip-isip. Hindi naman nagtagal ay nagkaroon na siya ng pagkakataon upang gawin iyon.
“Bakit mo ginawa iyon?” kompronta ni Clara kay Alekos nang makarating sila sa opisina at magkaroon ng privacy. Pinaupo siya nito sa couch at pinatabi rito.
Inakbayan siya ni Alekos. “Hindi mo ba gusto?”
Tinitigan niya nang mataman si Alekos. “Sigurado ka ba talaga sa ginagawa mo?”
“Sinabi mo na mahal mo ako, Clara. Hindi ba dapat umasa ka rin na may katugon iyon?”
“Alekos...” gusto niyang maluha kahit hindi pa siya sigurado sa sasabihin nito. Ganoon pa man, may kakaiba siyang nararamdaman sa ipinupunto nito.
Hinawakan ni Alekos ang pisngi ni Clara. “You’re important to me, Clara. And I want to respect you. Pero higit sa lahat ng iyon, mahal na rin kita.”
Napakurap-kurap si Clara. Gusto niyang sampalin ang sarili para masigurado kung nanaginip lang ba siya.
“Mahal kita, Clara. Naiintindihan mo ba?” pag-ulit pa ni Alekos nang hindi siya magsalita.
“Kaya ginagawa mo ito. Pati na rin ang pagkausap mo kay Papa...”
Tumango si Alekos. Hinawakan nito ang kanyang pisngi niya. “Gagawin ko ang lahat para mapasaya ka. Ipinapangako ko na papatunayan ko sa `yo na tama lang na nagtiwala ka sa akin. Papatunayan ko na hindi mo dapat pagsisihan ang naging desisyon mo...”
Umiling si Clara. “Ginagawa mo lang ba ito dahil nagi-guilty ka? Dahil mas pinili kita kaysa kay Papa. Kahit papaano, gusto mong gumanti sa isinakripisyo ko---“
Tinanggal ni Alekos ang kamay nito na nasa pisngi niya. Pagkatapos ay kinuha nito ang kamay niya at dinala sa dibdib nito. Tinignan siya ni Alekos ng diretso sa mga mata at tila may kasamang panghihipnotismo iyon dahil ganoon rin ang naggawa ni Clara. And as their eyes met, mas lalong naramdaman ni Clara na tama ang desisyon niya na piliin si Alekos.
“Anong nararamdaman mo, Clara? Gusto mo ba ang nararamdaman mo?”
Sa tuwing tinitignan siya nang ganoon ni Alekos, pakiramdam niya ay siya na ang pinakaimportante na babae sa mundo. Na para bang napakaperpekto niya kahit alam niya na malayo siya roon.
Gusto niya ang pakiramdam na iyon. Gustong-gusto.
“Kung gusto mo ang nararamdaman, ganoon rin ako. Gustong-gusto ko ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita kita, nakakasama kita. Maraming mag-iisip na ang tanga ko para maramdaman iyon sa kabila ng ginawa mo sa akin. Kinuha mo sa akin ang anak ko. Itinago mo. I should hate you. Pero sa tuwing nakakasama kita, nawawala ang galit.
“Magulo ang pag-ibig. Mahirap intindihin. Kaya huwag ka ng magtanong dahil kahit ako, nahihirapan rin na intindihin ang lahat. Pero alam ko na hindi iyon dahil sa nagi-guilty ako kagaya ng sinasabi mo. Sa una pa lang, nararamdaman ko na natatabunan ng nararamdaman ko para sa `yo ang galit. Sana ay tama ng paliwanag iyan sa `yo dahil ayaw ko nang magulo. Ayaw ko ng umintindi. Dahil hindi naman talaga dapat nangugulo at nagpapakahirap intindihin ang pag-ibig `di ba? Isa iyong pakiramdam. And the best thing we have to do with it is just feel it. Be happy with it. So please, no more doubts, okay? Wala na rin na pagpapaliwanagan. Basta mahal kita, mahal mo ako, iyon na lang ang mahalaga.”
“Higit pa ito sa inaasahan ko...pero maraming-maraming salamat.” Hindi na napigilan ni Clara na mapaiyak.
Sumimangot naman si Alekos. “Hey, don’t do that. Ayaw ko ng umiiyak.”
“Masaya lang ako, Alekos. Wala kang dapat ikabahala dito sa mga iyak ko,”
“Pero kahit na...natatakot ako sa pagiging emosyonal mo. I can’t bear to see you cry. Baka mamaya hindi pa matuloy itong sumunod na gusto ko pa na gawin sa `yo.”
“Ano? Mayroon pa?”
“Of course...” hinalikan siya ni Alekos pagkatapos ay hinawakan nito ang kanang kamay niya. “I want you to marry me, Clara.”
Nanlaki ang mga mata ni Clara.
“Pero wala pa akong singsing sa ngayon. Gusto ko sana na gumawa ng isang romantic proposal. Pero magagawa ko lang iyon kapag maayos na ang lahat. Kaya lang, sa nangyari sa pagitan namin ngayon ng ama mo, alam ko na magiging mahirap pa iyon.” Huminga nang malalim si Alekos. “Ang totoo, hindi lang talaga ako na makapaghintay. Mahal kita. Hindi na ako makapag-antay nang matagal upang legal na kita na makasama habang buhay.”
“Hindi mo naman kailangang ayusin ang lahat, Alekos. Tinapat ako nila Papa at---“
“Hindi pa rin nila ako gusto. Hindi nila ako magugustuhan habang buhay. Masakit pero kailangan ko na indahin. Pipilitin kong indahin. Pipilitin ko rin na baguhin. Para sa `yo, Clara. Gusto ko na maging masaya ka. Para rin kay Lexi. Gusto ko na makilala rin niya ang ibang bahagi pa ng pamilya niya. Nakita ko kung gaano siya kasaya nang makilala niya ang pamilya ko. Paniguradong magiging ganoon rin siya kapag nakita niya ang sa `yo.”
“Maaaring imposible. Mahihirapan tayo. Pero hindi na naman talaga kinakailangan, Alekos. Tanggap ko na ang lahat. Masaya na ako sa piling mo. Isa pa, hindi mo naman talaga kasalanan ang lahat. Wala kang kasalanan. Sila ang mali upang sisihin ka nang dahil roon. Matagal na rin na panahon iyon. Ang mahalaga sa akin ay alam ko ang totoo at alam ko na wala tayong pagkakamali. Masaya na ako roon. Masasabi man na may kulang ay sapat na sa akin na makasama ka at si Lexi. Sobra-sobra pa ang malaman na mahal mo ako...”
Umiling si Alekos. “Ayaw ko ng kulang, Clara. Hindi nararapat para sa mga taong mahal ko ang ganoon. Mahal kita at gusto ko na mapasaya ka. Ramdam ko na masaya ka sa piling ko pero alam ko na mas sasasaya ka kung magiging maayos ang lahat sa pagitan niyo ng mga magulang mo. Gagawa ako ng paraan.”
Tinitigan ni Clara si Alekos. Mukhang determinado ito. Nagustuhan naman iyon ni Clara. Pero nakaramdam siya ng mali.
“Hindi. Hindi tama ang lahat ng ito. Gusto ko na maging maayos ang lahat pero ayaw ko na madamay ka pa. Mas marami akong naging kasalanan sa `yo, Alekos. Sa relasyon natin, ako ang mas nagkaroon ng maraming kamalian. Ako dapat ang bumawi. Ako dapat ang mahirapan...”
“Kung ganoon, anong ipinupunto mo? Anong gusto mo na gawin?”
Huminga nang malalim si Clara. “Mahal mo ako. Dapat ay nagtitiwala ka sa akin.”
“But of course.”
“Kung ganoon, gusto ko na pagkatiwalaan mo ako ngayong sasabihin ko na ako ang gagawa ng paraan. Gusto kong ako mismo ang umayos ng lahat.”
Matamang tinignan siya ni Alekos. Nakita niya ang pagprotesta sa mata nito. Pero sandali lang iyon. Lumamlam rin ang mga iyon at maya-maya ay hinalikan na naman siya sa kanyang mga labi.
“Because I love you, I trust you. And it was also my responsibility to support you all the way.”
CHAPTER TEN
PINILIT ni Clara na maging positibo. Ang sabi nila, nakakahawa raw ang pagiging positibo sa mga bagay na gusto natin na makamit o gawin. Dahil gusto niyang maging maganda ang resulta ng gagawin ngayong araw, pinilit niya na ngumiti at mag-isip ng mga totoong bagay. Pagkatapos ng lahat, ayaw niyang ipahalata kay Lexi na kinakabahan siya.
Nginitian niya si Lexi nang tumigil ang sasakyan ni Alekos at nagtatakang tumingin ito sa kanya. “Nasaan po tayo, Mommy? Bakit po tayo tumigil?”
“Nandito tayo ngayon sa tapat ng bahay nina Lolo at Lola, anak.” Pagpaliwanag niya sa bata.
“Lolo at Lola?” kunot noo na tanong nito.
Tumango si Clara. Hindi niya masisisi si Lexi kung naguguluhan ito sa kanyang sinabi. Pagkatapos ng lahat, hindi ito expose sa salitang iyon. Matagal ng patay ang mga magulang ni Alekos at ganoon rin ang mga magulang ng mga asawa ng kapatid nito. Hindi napapag-usapan sa paligid ang mga ganoong bagay. “Kagaya mo, anak rin ako, Lexi. At ang mga Lolo at Lola mo ay ang mga magulang ko.”
“Oh, so family ko rin po sila?”
Tumango si Clara. “And we will meet them today.”
Tumingin si Lexi kay Alekos na nasa driver’s seat. Wala itong pasok ngayon kaya ito ang nag-insist na ihatid sila sa bahay ng mga magulang. Hindi man iyon ang unang beses na pagtatangka niya na kumbinsihin muli ang mga ito na makipag-ayos sa kanya pagkatapos ng pagbibigay ng mga ito sa kanya ng pagpipilian, umaasa si Clara na sa paraan na gagawin niya ngayon ay makukumbinsi na rin niya ang mga ito. “With Daddy?”
“Susunod na lang ako, baby,” wika ni Alekos. Ramdam niya na kagaya niya ay kinakabahan rin ito pero kagaya ng pagrespeto nito sa kanya ay nirerespeto rin nito ang naging desisyon niya. Tinutupad naman ni Alekos ang pangako nito na susuportahan siya nito. Isa na roon ang paghatid pa nito sa kanya at pangako na pag-aantay sa kanilang dalawa ni Lexi ano man ang mangyari ngayong araw.
“O-okay po,”
Hinawakan ni Clara ang kamay ni Lexi at nagpunta na sa tapat ng gate. Isang katulong ang nagbukas sa kanila. Nakilala naman siya agad nito at naramdaman niya ang pamumutla nito nang makita siya kasama ang anak.
“May orders ba?” matagal-tagal na rin simula nang makabalik si Clara roon. Hindi niya sigurado kung kagaya ng mga unang mga taon na nagre-reach out siya sa pamilya ay ganoon pa rin ang mga ito. Dati ay may patakaran na bawal pa siyang papasukin.
“W-wala na naman po, Ma’am. Pasok po kayo. Nasa garden sina Sir...” wika ng katulong at tumingin sa garden. Napansin naman agad ni Clara iyon.
Sumunod si Clara. Hawak-hawak pa rin ang mga kamay ni Lexi ay naglakad sila papunta roon.
“Papa...” wika ni Clara. Nakatalikod sa kanila ang ama kasa-kasama ang kanyang ina kaya hindi agad sila napansin ng mga ito hanggang sa magsalita siya.
Nang lumingon ay nagulat ang mga ito, lalo na nang makita si Lexi. Napansin niya ang panlalambot ng mukha ng kanyang ina. Nabuhayan ng pag-asa si Clara roon. Hindi siya umaasa ng malaki mula sa ibang miyembro ng pamilya niya. Puppet ng kanyang ama ang mga ito. Pero gusto niyang umasa na maaaring pagbaguhin ng pagpapakilala niya sa mga ito ng personal kay Lexi ang lahat. Madalas na nagpapadala siya ng larawan ng anak sa pamilya na isa sa mga ginagawa niyang paraan upang mag-reach out sa mga ito. Pero dahil padala lang iyon, hindi niya nakikita ang reaksyon ng mga ito. Ngunit nakita niya ngayon ang tila kapanabikan ng ina. Isa sa mga nakikita niyang positibong bagay.
Walang reaksyon ang kanyang ama nang makita si Lexi. Bagkus ay ngumisi pa ito. “Ito na ba ang pinakahihintay ko, Clara? Nagkahiwalay na kayo ni Alekos? Iyon ba ang ibig sabihin ng pagbalik mo rito?”
Umiling si Clara na ikinasama ng mukha ng kanyang ama. Kahit gusto niyang kuhanin ang loob nito, hindi siya maaaring magsinungaling. Sa mga nakalipas na buwan ay naging mas maayos pa kaysa sa dati ang pagsasama nila ni Alekos. Sa katunayan nga ay ilang linggo na lang at ikakasal na sila. Kaya ito siya ngayon, inilalabas na lahat ng naiisip niyang paraan upang ayusin ang lahat. Isa sa mga pangarap niya ay ang maglakad sa altar kasama ang mga magulang.
“No, Papa. Nandito po muli ako upang humingi ng patawad sa inyo.”
“Ang tanging gusto ko lang ay ang lumayo ka sa lalaking iyon at---“
“P-pero hindi ko po kaya, Papa. Mahal ko po kayo pero mahal ko rin po si Alekos. Please, ayusin na po natin ang lahat ng ito...” nagsimula nang mabasag ang boses ni Clara. Ramdam niya na ilang sandali na lang ay babagsak na naman ang luha niya.
“Ano po ang aayusin, Mommy?” takang tanong at sabat ni Lexi.
Lalong nagngitngit ang kanyang ama. “Bakit mo pa kasi dinala dito ang batang `yan, Clara? Sa tingin mo ba ay makakabuti `yan sa lahat? Sa tingin mo ay mas maaawa ako sa `yo, samantalang kapag nakikita ko ang anak mo ay mas lalo ko lang naman na naalala si Alekos? Kamukhang-kamukha niya ang bata at---“
“K-kung ganoon, kung pinili kong bumalik sa piling niyo ay hindi niyo pa rin po ako matatanggap talaga, Papa? Hindi niyo matatanggap si Lexi...”
Nag-iwas ng tingin ang kanyang ama.
“Apo niyo pa rin po siya pagkatapos ng lahat, Papa. At kagaya ni Alekos, wala siyang kasalanan. Inosente siya sa lahat.”
Hindi pa rin tumingin sa kanya ang ama. Lalong bumigat ang loob ni Clara sa napagtanto.
Huminga nang malalim si Clara. Alam naman niya na hindi magiging madali ang lahat pero hindi niya inaasahan na ganito. Pero ipinilit pa rin niya sa sarili na intindihin na lamang ang lahat. Inilabas niya ang isang invitation mula sa bag niya. “In two weeks time, magpapakasal na po kami ni Alekos. Sa kabila ng lahat, inaasahan ko rin po kayo na pumunta. Pagkatapos ng lahat, magulang ko pa rin po kayo. Mahal ko pa rin kayo.”
Iyon lang at hinila na ni Clara si Lexi palayo mula sa mga magulang niya. Ramdam niya ang pagtataka ng anak pero ayaw na niyang magpaliwanag. Nang makarating sila sa kotse ni Alekos ay niyakap niya ito. Nang mapaiyak siya, mukhang ramdam na nito ang lahat ng nangyari.
“It’s going to be all right, love...”
Palagi na lang ganoon. Palagi na lang rin ganoon ang nasa isip ni Clara. Sa loob ng maraming taon ay tiniis niya ang rejection ng mga ito. Sinubukan niya na mag-reach out sa mga ito dahil alam niya na may mali siya. Sinuway niya ang mga ito.
Sa mga rejection na natanggap niya mula sa mga magulang, nakaramdam siya ng maraming sakit. Ngunit sa kabila ng mga iyon, nanatili pa rin na mahalaga sa kanya ang mga magulang. Mahal pa rin niya ang mga ito. At ngayon, kahit pakiramdam niya ay sobra-sobra na ang mga pagtangging ginawa ng mga ito sa kanya, naramdaman niya na hindi pa rin naman nawawala iyon.
Tumingin si Clara kay Alekos pagkatapos niyang yumakap. Naalala niya ang sinabi nito tungkol sa pag-ibig. Siguro nga ay magulo talaga iyon. Kahit nasaktan, may puwersa pa rin na nagsasabing tumuloy. May damdamin na nagsasabing kailangan pa rin na manatili dahil sila ang nagbibigay kasiyahan sa `yo sa kabila ng lahat ng sakit. Minsan na binigyang kasiyahan ka rin ng mga ito.
Loving someone again after you’ve hurt them is something you really have to work for. Kagaya ng mga nangyari sa kanila ni Alekos sa mga nagdaang buwan. Naging malalim ang sugat sa kanyang mga magulang kaya kailangan talaga ng malaking pag-aayos. Malaki ang pagmamahal niya sa mga ito. But still, Clara does want to believe that if you true and love deeply, it is always worth fighting for...
EPILOGUE
“MOMMY, bakit ka po umiiyak? Hindi ka po ba happy?” nakatingala na tanong ni Lexi kay Clara habang nasa bridal car sila. Ngayon ang kasal nila sa simbahan. Kasama niya si Lexi dahil ito rin ang maghahatid sa kanya sa altar.
Sinubukan na pahirin ni Clara ang kanyang mga luha. Masaya siya na ikakasal na sila ngayon ni Alekos. Ito ang lalaking pinapangarap niya. Ang minamahal niya. Ngayong araw ay magiging opisyal na silang buong isang pamilya. Pero hindi pa rin niya maiwasan na maging emosyonal. Hanggang ngayon, umaasa pa rin siya na magkakaayos sila ng pamilya niya. Kahit mukhang malabo na iyon. “I’m happy, baby. I just missed your Lolo and Lola...”
Tinitigan siya ni Lexi pagkatapos ay tumango. “You’re wishing they will attend the wedding?”
Hindi sinagot ni Clara si Lexi. Bagkus ay niyakap lang niya ito. “Wish ko rin po na nandito sila, Mommy.”
Nakakapagtakang isipin na ganoon rin ang gusto ng kanyang anak. Pero kagaya ng palagi niyang sinasabi, pamilya niya pa rin ang mga magulang. Ganoon rin naman ang palagi niyang sinasabi kay Lexi sa tuwing nagtatanong muli ito simula nang malaman ang existence ng mga ito kaya kahit hindi pinapakitaan ng mabuti, nanatili pa rin na maganda ang image ng mga ito sa anak niya.
Limang minuto bago ang kasal ay huminto ang bridal car sa tapat ng simbahan. Kagaya ng sinabi sa kanila ng wedding coordinator, hindi sila bababa ni Lexi habang hindi pa tapos ang buong entourage. Pinababa lamang sila ng wedding coordinator nang maisara na ang pinto ng simbahan. Pinilit ni Clara na maging positibo. Pakiramdam niya ay may kulang pero ganoon nga siguro talaga ang buhay.
No matter how hard you try, you’ll always miss something in life.
Pinili niya si Alekos at ang kapalit noon ay ang mga magulang niya....
“Clara?”
Bago pa man bumukas ang pinto ng simbahan ay narinig ni Clara ang pagtawag na iyon. Naramdaman niya ang panginginig nang makilala niya ang boses. At nang magsalita si Lexi na naunang lumingon pa kaysa sa kanya ay nakumpirma ni Clara na hindi lang siya nagha-hallucinate.
“Lolo and Lola!” kumawala mula sa hawak niya ang anak. Tumakbo ito patungo sa mga dumating. Nang lumingon si Clara ay nakita niya ang isa sa pinakamagandang tagpo sa buhay niya.
Niyakap ng kanyang ama si Lexi. Ganoon rin ang kanyang ina. Ginantihan naman ni Lexi ang mga ito ng yakap. Pati ang kapatid niya na hindi man niya gaanong naikukuwento sa anak at hindi pa naipapakilala ay niyakap rin ni Lexi.
“Thank you po at dumating kayo.”
Ginulo ng kanyang Papa ang buhok ni Lexi. May inilabas ito mula sa likod nito. “Kasi natanggap ko ang letter mo. This is your latest letter, inviting me to come to your parent’s wedding.”
Ngumiti si Lexi. “Dahil alam ko po na gustong-gusto ni Mommy na makapunta kayo. Mabuti po na naibigay ni Daddy sa inyo.”
Nagulat si Clara. Hindi niya alam na nagsusulat ng mga ganoon ang kanyang anak. Alam niyang mahilig itong magkulong sa kuwarto kasama ang ama nito pero hindi niya alam na may munting sikreto ang kanyang mag-ama. Gumagawa pala ang mga ito ng sulat at si Alekos ang letter sender.
Nangingialam si Alekos sa mga gusto niyang gawin sa paraan niya. Nangingialam ang mag-ama niya. Hindi niya sana iyon gusto pero sa naging resulta ngayon, hindi na magagawang magreklamo pa ni Clara...
Tumango ang kanyang ama at lumapit sa kanya hawak-hawak ang kamay ni Lexi. Hindi na napigilan pa ni Clara ang luha. Umiiyak na yumakap siya sa ama. “You came...”
“Yes. At hindi dapat iniiyakan ang pagdating ko, Clara. Hindi iyon ang gusto ko. Kaya ako pumunta dito upang mapasaya ka. I-I think I owe that to you and your family. For still not giving up on me despite of everything.”
“Naiiyak lang po ako dahil ang saya-saya ko, Papa.”
“Pero masisira ang make-up mo. Sa tingin mo ba, magugustuhan ni Alekos iyon? Don’t be so emotional.”
“Kung ganoon, iniisip niyo na rin ang feelings ni Alekos...”
Huminga nang malalim ang kanyang ama. “Napagtanto ko na ang lahat. Wala siyang kasalanan. Wala kayong kasalanan. Ang pride ko lang palagi ang pinapairal ko, Clara. And I’m sorry.”
“Its okay, Papa. I’m happy you’ve come to your senses. Binuksan niyo ang isip niyo...”
“I-its because of Lexi. Dahil sa sulat na ginawa niya sa akin, naalala kita, Clara. Noong bata ka pa ay mahilig ka rin na gumawa ng mga ganoong sulat. Kahit walang okasyon ay gumagawa ka rin ng mga sulat. Sa tuwina ay ikinatutuwa ko iyon. Lahat ng ginagawa mo sa akin ay ikinatutuwa ko. You are a very sweet child. Ikaw rin ang nag-iisang anak ko na babae. I adore you. Kaya ganoon na lang ang sakit ng suwayin mo ako. Nahirapan akong tanggapin ang lahat dahil ang pinakamabait ko na anak ay sinira ang tiwala ko.
“Nagalit ako sa `yo. Kahit matagal ng panahon ang mga lumipas, nahirapan akong tanggapin ang mga iyon. Namuhay ang galit sa puso ko at masakit rin iyon para sa akin. Ngunit nagsasawa na ako sa lahat ng sakit. Nagsasawa na ako sa galit. Siguro nga ay oras na para mag-move on. Pagkatapos ng lahat, naging mabuti ka pa rin na anak. At ganoon rin si Lexi at Alekos. Hindi kayo sumuko sa akin. Sa kabila ng kamalian ko, patuloy niyo pa rin ako na sinusuyo.
“Ayaw ko ng ma-miss pa ang lahat sa buhay ni Lexi. Sa buhay mo. Gusto ko na rin na mag-move on. Oras na, sa tingin ko. Sana ay mapatawad mo rin ako sa lahat, Anak...”
“Ang pagpunta niyo lang sa kasal ko ay lubos pa sa sapat para mapatawad ko kayo, Papa.”
Ngumiti ang kanyang ama saka hinawakan ang kanyang ama. Pumuwesto ito sa kanan niya at ang kanyang ina naman sa kabila. Humawak si Lexi sa ama at ang kapatid naman niya ay tumabi sa kanyang ina. Nang bumukas ang pinto ay nagulat ang lahat ng mga tao sa nakita. Ganoon rin ang nakita niya sa mukha ni Alekos na napakaguwapo sa suot nitong puting suit na matiyagang nag-aantay sa kanyang paglalakad. Ngunit sandali lang ang naging gulat. Ngumiti si Alekos at nakita niyang kagaya niya ay may tumulo na rin na luha mula sa mga mata nito.
“Take care of my daughter,” bilin ng ama ni Clara kay Alekos nang makarating sila sa altar.
“Certainly, Sir,”
Ngumiti ang kanyang ama pagkatapos ay iniwan na silang dalawa sa harap ng altar.
“Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahan na nararamdaman ko ngayon,” bulong niya kay Alekos bago mag-umpisa ang kasal.
“Ako rin. Ito na ang simula, Clara.”
Ngumiti si Clara at mataman na tinitigan ang mga mata ni Alekos. Parang nagpapangako ang tingin nito ng habang buhay na kasiyahan. When she looked into those eyes, it seems like forever made sense.
Nakuha ni Clara ang higit pa sa inaasahan niya. Ngayon ay magiging lubos na masaya na ang pagsasama nila ni Alekos.
Nothing’s gonna stop what they are feeling right now.
THE END