LUMIPAS pa ang mga araw. Kahit hindi masasabi ni Clara na maayos na ang lahat, masaya na rin siya. Ang mahalaga ay nakakasama niya ang anak na masayarin sa buhay nito kasa-kasama si Alekos at pati na rin ang pamilya nito. Masaya siya na kahit papaano, nagkaroon ng iba pang pamilya si Lexi. Kahit hindi pa rin ito tanggap ng sa kanya at kahit siya sa panig noon.
Maayos naman ang buhay ni Clara. Kung tutuusin, hindi na dapat niya iniisip pa ang mga kalungkutan sa buhay niya. Nanatili na maayos ang relasyon nila ni Alekos sa kabila ng hindi pa rin kasiguraduhan sa relasyon nila. Itinuturing pa rin siya nito ng ayos at nararamdaman pa rin niya ang pagpapahalaga nito. Naging mabuti itong ama kay Lexi. Ang mga iyon ay maituturing na ni Clara na sapat. Isa pa, sinusuportahan rin siya ni Alekos sa mga gusto niya.
Naipapagpatuloy pa rin ni Clara ang business niya. Hindi siya pinipigilan ni Alekos. Suportado nito ang lahat ng gusto niyang gawin at tinutulungan pa nga siya tuwing may umo-order sa kanya kahit na ba pagkatapos ng tulong nito ay palaging may kapalit iyon. Pero isang kapalit iyon na kagaya rin ng baking ay paboritong-paborito rin niya na gawin...
“Hmmm... Kailangan ba talaga na umalis ka ngayon, Babe?” wika sa kanya ni Alekos nang linggo ng umaga ay kailangan niyang umalis upang mag-deliver ng cake at cookies na in-order sa kanya. Mas gusto ni Clara na personal na mag-deliver ng mga gawa niya dahil ganoon ang nakaugalian niya. Isama pa na maganda rin iyon sa kanyang business dahil nakakausap niya ang mga nagiging kliyente niya at nasasabihan ng iba pang services na puwedeng i-avail ng mga ito sa kanya sa susunod na gusto muli ng mga itong kuhanin ang serbisyo niya.
“Yes, pero `wag ka na mag-alala. Isasama ko naman si Mang Raul,” ang tinutukoy niya ay ang driver ni Alekos. Palaging ginigiit ni Alekos na kapag umaalis siya ay isama niya ang driver. Minsan ay pinapasamahan rin siya nito sa bodyguard nito, lalo na kapag kasama niya si Lexi. Sinusuportahan man siya ni Alekos sa mga gusto niya ngunit sinisigurado nito na protektado siya sa mga gagawin niya. Hindi naman niya masisisi ito dahil kahit siya ay nadala na rin at nag-iingat dahil na rin sa nangyari kay Lexi.
“Hmmm... Kung puwede lang nga akong sumama sa `yo,” nakangiwi na wika ni Alekos pagkatapos ay tinignan ang nakaayos ng si Lexi. Dahil day off ni Alekos, niyaya ito ni Lexi na sumama rito sa swimming party nito at ng mga pinsan nito sa farm house nina Cristiano sa Batangas. Makakasama nito ang mga pinsan sa kapatid ni Alekos. Gusto ni Lexi na samahan ito ni Alekos papunta roon dahil nasabi na niya rito na may lakad siya.
“Susunod naman ako sa inyo mamaya, eh. Plus sobra-sobra na ang kagabi.”
“Well, sabi ko nga,” ngumisi si Alekos sa kanya at mapanuksong tumingin sa kanya. Tila ba tumakbo sa isip nito ang nangyari sa kanila na kapag naalala rin niya ay namumula siya. Pero pinigilan iyon ni Clara. Umaga ngayon at may iba silang plano ni Alekos bukod sa madalas na ginagawa nila sa gabi.
“Sa ngayon, kay Lexi ka na lang bumawi,” wika niya at as if on cue, ay lumapit ang anak nila sa kanila galing sa kuwarto nito. Buong pagmamahal na tinignan ni Alekos si Lexi. Niyakap at hinalikan ito ni Alekos at nang lumapit sa kanya si Lexi ay ganoon rin ang ginawa niya.
“I’m going to miss you, Mommy. Basta po sunod ka po later, huh?”
“Of course. By now, enjoy with your Daddy,”
Tumango-tango si Lexi at nagpaalam na kasama si Alekos. Nauna lang na umalis ng ilang sandali ang mag-ama niya pagkatapos ay umalis na rin siya kasama si Mang Raul. Naging mabilis rin naman na nakarating sila sa bahay kung saan niya dadalhin ang mga orders. Kaya lang nang makarating roon ay kailangan pa muling tignan ni Clara ang papel na ibinigay niya kay Mang Raul upang masigurado na tama talaga ang lugar na napuntahan nito. Pamilyar sa kanya ang lugar na iyon at hindi niya inaasahan na makakapunta muli siya roon...
“Papa...” naisip agad niya nang makababa at magkaroon ng mas malaking view sa lugar. Pamilyar sa kanya ang lugar ngunit hindi ang eksaktong address noon kaya hindi niya naisip na magkakaroon ng kakaiba sa pagdadalhan. Pangalawang bahay iyon ng pamilya niya na tanging madalas na pumupunta ay ang kanyang Papa. Isama pa na iba ang pangalan na ginamit ng um-order kaya hindi niya naisip na maaaring magkaroon ng kaugnayan ang um-order sa kanyang pamilya.
Nakumpirma ni Clara ang iniisip nang bumukas ang pinto. Ang ama niya iyon. Muntik nang mapaiyak si Clara. Na-miss niya ang ama. Sa loob ng maraming taon ay bihira niya itong makita. Pinipilit niya na mag-reach out rito pero madalas na binabalewala siya nito. Hindi nito tinatanggap ang lahat ng regalo niya rito, kapag sinusubukan niyang dumalaw rito o sa kahit sino man sa parte ng pamilya nila ay pinapalayo siya nito. Lahat ng nakukuha niya sa mga ito sa loob ng anim na taon ay puro pagtanggi.
Ngunit mukhang sa pagkakataon na iyon ay nagbago na iyon. Ito na mismo ang nagpapunta sa kanya sa kung nasaan ang mga ito.
Binitawan ni Clara ang hawak. Sinubukan niyang yakapin ang ama na kahit hindi nito ibinalik iyon. Pero hindi naman siya nito tinanggihan sa kanyang ginawa.
“I missed you so much, Papa. And I’m sorry for everything I’ve done to you...” umiiyak na si Clara dahil sa mga nararamdaman ngayong nakapiling na muli niya ang ama.
“Hindi ko masasabi na maayos na ang lahat, Clara. Lalo na sa mga nalaman ko sa mga nakalipas na linggo...”
Kumunot ang noo ni Clara. Ano ang tinutukoy ng kanyang ama? Ang tungkol ba iyon sa pagkabuo ng pamilya nila ni Alekos? “Papa, kung tungkol po ito kay Alekos ay---“
Tumiim ang bagang ng kanyang ama. “Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya kayang tanggapin, Clara!”
“Papa...” biglang nanikip ang kanyang dibdib. Nararamdaman na niya ang gustong palabasin ng kanyang ama.
“Maaaring maraming taon na ang nakalilipas pero hindi ko pa rin kayang makalimot, Clara. Napakasakit. Masakit para sa akin na pagtaksilan mo, ang sumuway sa akin, lalo na at ginawa mo pa iyon kasama ang isang lahi na kinamumuhian ko. Pero anak kita. Kahit papaano, kaya kitang patawarin. Susubukan ko na gawin.”
Matagal ng ninanais ni Clara na marinig iyon sa ama. Matagal na niyang hinihiling ang kapatawaran at tanggapin ng mga ito. Tanggap niya na may malaki siyang kamalian at tanggap niya ang pagkakamali. Nararapat lang para sa kanya ang ginawa ng mga magulang kaya hindi niya maggawang magtampo sa mga ito at pinagpatuloy pa rin na mag-reach out sa mga ito sa kabila ng mga sakit na paulit-ulit na ibinigay ng mga ito sa kanya. Hindi kagaya ni Alekos noon, malaki ang tiwala niya sa pamilya. Mas malaki ang pagmamahal niya sa mga ito. Inalagaan siya ng mga ito sa maraming taon. Napakahalaga ng mga ito sa kanya kaya ganoon na lang ang pagsusumamo niya na makuha ang loob at mapatawad siya ng mga ito.
“Sinadya ko na um-order sa `yo upang makausap ka. Gusto ko na makipagkita sa `yo ng sorpresa. Gusto kong kausapin ka. Sa tingin ko ay ito na ang tamang oras na magkaayos tayong muli, Clara. Pero sa tingin ko ay alam mo na rin na lahat ay may kapalit.”
Nasaktan si Clara kahit hindi pa tapos ang sinasabi ng ama. Lahat na lang ba ay kailangan na may kapalit? Porke ba nagkamali siya noon, ganoon palagi ang mangyayari sa kanya? Lahat na lamang ng mga bagay na makakapagpasaya sa kanya ay palagi na lang may kapalit. May consequence. At alam niyang hindi kagaya ng ngayong natanggap niya kay Alekos, hindi isang consequence na masarap gawin ang sasabihin sa kanya ng ama. Ramdam niya.
“P-pero hindi ko rin po kaya na ipagpalit si Alekos, Pa. M-mahal ko po siya. Mahal na mahal. Masaya ako na kasama siya. Masaya si Lexi na kasama siya. Masaya ang pagsasama namin.”
Nagdilim ang mukha ng kanyang ama. “Anong masaya roon? Paano ka ba ituring ng lalaking iyon? Ina ka ng anak niya! Nagsasama kayo sa iisang bahay. Pero ano nga ba talaga ang mayroon kayo, Clara? Magkarelasyon ba kayo? Ni hindi ko man lang naririnig na pinakilala ka na niya sa mga tao bilang ina ng anak niya. Ang balita ko ay nag-anunsiyo siya sa kompanya ng tungkol kay Lexi pero hindi tungkol sa `yo...”
Iniwas ni Clara ang tingin sa ama. Hindi na niya gustong tanungin pa kung paano nito nalaman iyon. Malamang ay pinaiimbestigahan siya nito. Madali lang rin naman na gawin iyon. Lahat sa kompanya ay alam na ang tungkol kay Lexi. Inanunsiyo iyon ni Alekos noong isang araw kung saan naggawa na nilang ayusin ang pagpapalit ng apelyido ni Lexi sa apelyido ni Alekos. Pero kahit ganoon, ang tungkol sa kanila ay hindi pa rin inaamin nito. Tanging si Lexi lang ang naggawang bigyan ng pangalan ni Alekos. Siya, kahit ang lagay niya sa buhay nito ay hindi nito naggawang sabihin. Tanging sa pamilya rin lang nito nagagawang iparada.
Pero ayaw isipin ni Clara ang mga negatibo.
“Hanggang ngayon, wala ka pa rin na makukuha kay Alekos. Dapat sa ngayon ay pinakasalan ka na niya. May anak kayo. Nagsasama kayo sa iisang bahay. Pero ano nga ba ang aasahan mo sa isang kalahi ni Dimitri Jason? Igagaya ka rin niya sa Tita Serena mo, Clara.”
Umiling si Clara. “Hindi ko gustong paniwalaan iyon, Papa. I-I trust him.”
“Ama mo ako, Clara. Pamilya mo ako. Dapat ay mas pagkatiwalaan mo ako kaysa sa kanya.”
“Pero anong kondisyon, Papa? Ayaw ko ng magkaroon ng kapalit para sa ikasisiya ko. Lalo na kung ang kapalit rin noon ay isang bagay na nagpapasaya rin sa akin ngayon...”
“Magagawa ko lang na tanggapin ka, kasama ang anak mo, kung lalayuan mo si Alekos Jason,” buo ang boses ng kanyang ama. Determinado.
Sinubukan na salubungin ni Clara ang tingin ng kanyang ama. Gusto niyang magreklamo. Napaka-unfair noon.
Mahal niya ang ama, ang pamilyang kanyang kinamulatan. Pero mahal rin niya si Alekos at ang pamilyang kanilang binubuo. Balewala sa kanya kung wala man siyang opisyal na pangalan sa buhay ni Alekos.Ang mahalaga sa kanya ay ang makasama ito. Hindi man masasabi na pamilya na talaga sila pero pinapapahalagahan rin niya ito kagaya ng pagpapahalaga niya sa kanyang mga magulang.
Napakahirap mamili. Kung puwede nga lamang na sana ay makuha niya ang dalawa na walang gulo pa. Ngunit alam niya na kailangan niya. Napakataas ng pride ng kanyang ama. Kahit kailan ay mukhang hindi nito mapapatawad ang pamilya Jason. Napakarami ng taon ang lumipas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nito na maggawa.
Ngunit sa kabila ng lahat, gaano man naging kasama ang trato ng mga ito sa kanya lalo na nang nagkamali siya, pamilya niya pa rin niya ang mga ito. Kailangan niya pa rin na ikonsidera ang mga ito kahit na ba ang magiging kapalit rin niya sa pagpili sa mga ito ay isang bagay na magpapasakit rin nang matindi sa kanya...
PANSIN ni Alekos na may nagbago kay Clara nang makasunod ito sa kanila ni Lexi sa farm house nina Cristiano sa Batangas. Kahit sinubukan man na itanggi sa kanya ni Clara iyon nang sitahin niya ito ay hindi niya pa rin maggawang kumalma. Lalo na nang mga sumunod na oras ay nakita niyang madalas na tulala si Clara. Mukhang may iniisip ito na malalim. Madalas ang pagbuntong-hininga ito na mas nakapagpalala sa hinala niya na may problema rito.
Gustong tuklasin ni Alekos kung ano ang problema. Gusto niyang solusyunan iyon. Pero sa kabilang banda ay nakaramdam rin siya ng takot. Paano kung sa kanya pala ang problema?
Matagal ng iniisip ni Alekos na sa kabila ng masayang pagsasama nila ni Clara ay may kulang pa rin. At ramdam niya na nasa kanya rin ang mali. Hindi niya masasabing kaya niyang panagutan si Clara. Sa ngayon.
Hindi maitatanggi ni Alekos na matindi ang atraksyon na nararamdaman niya kay Clara. He wanted her so much he could never think of any woman again. Parang kagaya ng nararamdaman niya noon kay Clara ang nararamdaman pa rin niya rito ngayon. Pero kung dati ay tila handa na siya napanagutan ito dahil sa kakaibang nadarama, ngayon ay nagdadalawang isip siya.
Sa tuwing naiisip ni Alekos na panagutan si Clara, naalala niya ang nakaraan. Minsan na siyang nasaktan ng dahil dito at natatakot siya na maulit iyon. Gusto niya si Clara. Gustong gusto niya ito. Pero walang kasiguraduhan rin na sinasabi sa kanya si Clara na pareho sila ng nadarama. Paano kung kagaya ng dati, lahat ng ginagawa nito ay dala lang ng nararamdaman nito sa kasalukuyan? Isang damdamin na hindi nito kayang panagutan...
Hindi maggawa ni Alekos na linawin ang lahat kay Clara dahil natatakot rin siya. Isama pa na kahit ramdam niya na mali ay masaya naman si Clara sa relasyon nila. Para bang ang makasama lang siya ay masaya na ito. Ganoon rin naman siya pero hindi ibig sabihin noon ay binabagabag siya ng sitwasyon nila. At ngayon, kung ganoon ang pinoproblema ni Clara, kailangan na talaga nila na magkaayos. Hindi puwede ang ganito na lamang.
Siguro nga ay sinaktan siya ni Clara ng ganoon at masama rin siya pagdating sa mga babae pero iba si Clara. Alam niya na dapat ay nirerespeto niya ito. Ina ito ng anak niya at ramdam niya na mahalaga ito sa kanya. Sa lahat ng babae na nakilala niya, ito ang pinakapinahalagahan niya ng ganoon.
“What’s it?” untag niya rito nang maihiga at maiayos nila si Lexi na nakatulog sa biyahe pagbalik nila sa Maynila.
Huminga nang malalim si Clara. “Nasabi ko na sa `yo `di ba? Wala ito. Hindi ganoon kahalaga. May naiisip lang ako,”
“Kung ganoon ay sabihin mo sa akin kung ano. Ramdam ko na may gumugulo sa `yo. Hindi ko gusto na makita na ganoon ka, Clara.”
Tinitigan siya ni Clara. Kapagkuwan ay huminga na naman ito nang malalim. “Si Papa kasi... kinausap niya ako kanina. Sinorpresa niya ako. Hindi ko alam na sinadya niya pala na um-order sa business ko para magkausap kami.”
Kung ganoon ay hindi ang estado ng kung ano sila iyon. Pero hindi pa rin napigilan ni Alekos na kabahan. Lumakas ang tibok ng puso niya. Sa tingin niya ay mas malaking problema iyon kaysa sa sitwasyon nila ngayon. “At ano ang nangyari?”
Umiling si Clara. “Ayaw kong pag-usapan. Pagkatapos ng lahat, sa tingin ko ay hindi rin naman makakaapekto sa kung ano tayo ngayon iyon. Magiging ganoon pa rin ang lahat.”
“Hindi. Gusto ko na pag-usapan ang lahat. Anong ginawa niya sa `yo? May sinabi ba siya na masama sa `yo?” pangungulit ni Alekos.
“Kapag nalaman mo ay baka magulo ka rin, Alekos. Ayaw ko na mangyari iyon. Sapat ng ako na lang ang may dala-dala noon. Problema ko ang pamilya ko at ako na lang dapat ang mamroblema noon.” Pinilit ni Clara na ngumiti.
Matamang tinitigan ni Alekos si Clara. Kita niya ang pait sa ngiti na ibinigay nito at nakaramdam siya ng sakit ng dahil roon. Ayaw niyang makita na ganoon si Clara. Hindi niya gustong masaktan ito...
“M-mahalaga pa rin sila sa `yo pagkatapos ng lahat?”
“Siyempre, pamilya ko pa rin sila. Kahit itinakwil nila ako, mahal ko pa rin sila. Mahalaga pa rin sila sa akin,” huminga nang malalim muli si Clara. Hinawakan nito ang pisngi niya saka pinilit muli na ngumiti. “Pero mas mahalaga kayo sa akin ni Lexi. Mahalaga ka sa akin.”
Natulala si Alekos. “A-ang ibig mo ba na sabihin ay pinapili ka ng ama mo---?”
“Kaya ayaw kong sabihin, eh. Ayaw ko ng malaman kung ano ang iisipin mo. Pero dahil nahulaan mo na rin naman, ganoon nga ang kaso. Sinabihan niya ako na tatanggapin niya ako muli kasama si Lexi basta layuan kita.”
“At pinili mo ako.” Naninikip ang dibdib ni Alekos sa naisip. “Mas mahalaga ako sa `yo kaysa sa pamilya mo.
“Kayo na ang pamilya ko ngayon. Kayo ni Lexi,”
“Pero sila ang unang pamilya mo...”
“Hindi na mahalaga iyon. Nakapagdesisyon na rin naman ako. Mas kailangan kita, Alekos. Mas kailangan ka rin ni Lexi kaysa sa kanila. Masakit sa akin ang desisyon na iyon pero alam ko na hindi makikinig si Papa sa akin. Hindi ka niya kayang tanggapin. Hindi ko kayang makiusap sa kanya kaya sa tingin ko ay tama na lang din naman ang ginawa ko.”
“Iyon lang ba ang dahilan mo kung bakit mo ginawa iyon, Clara?”
“Marami pa. Kailangan ko na ikonsidera rin ang pamilya ko pero hindi ko na kayang mawalay pa sa `yo, Alekos. Sa bawat araw na dumadaan, pakiramdam ko ay mas nahuhulog ako sa `yo. At kung kagaya ng dati na mawawalay muli ako sa `yo, sa tingin ko ay hindi ko na kakayanin. I fall in love you. Fast and hard. Harder than the love I had with my family. Hindi ko na kayang kumawala pa sa `yo.”
“M-mahal mo ako kahit alam mo na maaaring hindi ko maibalik iyon sa `yo? Kahit hindi natin masasabi kung ano nga ba ang relasyon natin?”
Yumuko si Clara. “Kung ganoon ay naiisip mo rin pala iyon.”
“And I’m a jerk because of that. Pero kahit ganoon, mahal mo pa rin ako. Mas pinili mo ako kaysa sa pamilya mo. Pinagkatiwalaan mo ako kahit na ba kagaya nila, kaya pa rin kita na saktan...”
“Paanong hindi? Tinanggap mo ako sa kabila ng lahat. Kahit nag-inarte pa ako sa `yo, hindi mo pa rin ako pinabayaan. Sa kabila ng lahat ng nangyari, tinanggap mo pa rin ako at kung binigyan man ng parusa ay isang parusa na nagustuhan ko rin naman sa huli. Mali talaga na hindi ako nagtiwala sa `yo. Mali na itinago ko sa `yo si Lexi. Mali na basta na lang ako sumuko sa `yo...”
Umiling si Alekos. Naguluhan sa huling sinabi nito. “Sumuko? Paano mo masasabing sumuko ka kung sa una pa lang naman ay hindi mo sinubukan? Fine, sinubukan mo nga na sumulat sa akin pero kulang pa iyon. Ni hindi mo man lang ako sinubukan na puntahan. Sa ganoong pagkakataon, malamang ay maaari pa kitang harapin.”
“Sinubukan ko, Alekos. Pagkatapos nila akong palayasin ay pinuntahan kita. Sinubukan na lumapit sa `yo sa kabila ng pananakit na ginawa ko sa `yo. Pagkatapos ng lahat, isa ka rin sa may gawa kay Lexi. Karapatan mo rin na malaman ang lahat. Pero nasaktan ako nang may makitang babae sa kama mo. Nasaktan ako sa isipin na sumuko ka na agad.” Ikinuwento ni Clara ang tungkol sa pagsubok nitong puntahan siya. “Sinubukan ko na sulatan ka rin pagkatapos ng lahat pero nakumpirma ko na balewala na talaga.”
“Nasaktan mo ako, Clara. Hindi mo dapat inasahan na magiging maayos ang lahat sa akin.”
“Alam ko. Pero ipinangako mo sa akin na kahit masaktan ka ay hindi mo ako isusuko `di ba? Pinanghawakan ko iyon, Alekos.”
Naramdaman ni Alekos ang pagkatakas ng kulay sa kanyang mukha. May punto si Clara tungkol roon. Sa una pa lang, alam na niya ang risk kapag pinanagutan niya ito. Kahit na ba iba ang inisip niya na maaaring sakit na mararanasan niya sa pagmamahal niya rito, ipinangako pa rin niya na hindi siya susuko sa kahit anong aspeto. Pero hindi man lang niya binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag sa kanya si Clara.
“Sa ating dalawa, ako ang may masasabing may kasalanan. Sa una pa lang, hindi ko sinabi sa `yo na engaged na ako. Pinaasa kita. Pero binalaan na naman kita `di ba? Sinabi ko sa `yo na maaari kang masaktan kung pipiliin mo na panagutan ako. Pero sumige ka pa rin. Naniniwala at nagtiwala naman ako sa `yo. Pinanghawakan ko ang mga sinabi mo na iyon, Alekos. Pero hindi mo rin pinanagutan iyon. Nasaktan ako. Pinili ko na lumayo sa `yo, lalo na at nagsunod-sunod ang mga balita tungkol sa mga naging pambabae mo. Hindi ko kayang mamuhay sa ganoon. Pati sa mga artista ay napakabit ang mga pangalan mo kaya mas lalong naging maugong iyon.
“Lalo akong nag-alinlangan na sabihin sa `yo ang lahat. Naisip ko kung makakabuti ba para sa anak ko ang magkaroon ng isang ama na kagaya mo. Isang ama na babaero, hindi kayang magpakatino sa isang babae. Natakot ako sa mga maaaring mangyari. Hindi ko maggawang magtiwala sa `yo dahil sa mga iyon. Kaya pinili ko na lang na mabuhay nang mag-isa at itago sa `yo ang lahat. Pero mali ako. Maling-mali ako upang maisip ang lahat ng iyon. Dahil ngayon, sa kabila ng lahat, tinanggap mo pa rin ako, Alekos. Hindi mo man masabi na mahal mo ako, nararamdaman ko naman iyon. Iyon lang ang mahalaga sa akin...”
Pagkatapos ay niyakap siya ni Clara. Lalong nanikip ang dibdib ni Alekos. Pakiramdam niya ay sasabog siya. Naging malaking pasabog sa kanya ang sinabi ni Clara.
Hanggang ngayon ay naging isang malaking palaisipan pa rin kay Alekos kung bakit niya naggawang tanggapin ng ganoon kabilis si Clara. Malaki ang kasalanan nito sa kanya. Pero sa tuwing nakakasama niya si Clara, nawawala ang galit. Isama pa na sa mga pinagdaanan nito sa mga nakalipas na taon, nagkaroon ng udyok sa sarili niya na protektahan ito. Dahil doon, kailangan niyang tanggapin ito. Kailangan niyang limutin ang nakaraan gaano man iyon naging kasakit.
At ngayon, pakiramdam niya ay worth it ang lahat ng iyon. Masaya siya sa piling ni Clara. Masaya rin ito sa kanya. Mahal siya nito. Pinagkakatiwalaan siya nito. Hindi na rin dapat siya matakot na aminin ang lahat ng nasa dibdib niya. Ngayon ay may kasiguraduhan na siya rito.
Simula ngayon, ipinapangako ni Alekos na tutuparin na talaga niya ang lahat ng ipinangako niya rito sa simula pa lang. Pananagutan niya si Clara---kahit alam niyang ang unang hakbang para gawin iyon ay masasaktan na siya. Kagaya nito, hindi rin siya basta-basta na susuko.