Chapter Twenty-Six

Agad ko na siyang itinulak nang mapagtanto ko ang ginawa niya. Agad na nagtaas-baba ang dibdib ko dahil sa matagal na pagpigil ko ng hininga saka sinampal siya nang malakas sa pisngi.

"Mamamatay ka na nga't lahat lahat, nagawa mo pang manghalik!" naiinis na sabi ko.

Tila natauhan naman siya saka napahawak sa pisngi niya habang titig na titig sa 'kin.

"Damn, you're real," napapangiwing sabi niya saka muling napahawak sa tiyan niya na may tama ng baril.

Napailing na lang ako, hindi ito ang tamang oras para isipin ang halik niya.

"T-tumayo ka, dadalhin kita sa ospital," sabi ko na lang at inalalayan siya sa pagtayo.

Kahit nanghihina pa siya at tila hindi makapaniwala na totoo ang nangyayari ngayon, pinilit niya pa ring tumayo. Agad kong ikinapit ang braso niya sa balikat ko at buong lakas siyang dinala sa kotse, sa may shotgun seat. Agad akong sumakay ng kotse at pinaharurot 'yon.

"Dadalhin kita sa ospital, k-kayanin mo muna," nauutal na sabi ko habang napapatingin sa kanya habang nagd-drive ako.

Baka pareho pa kaming mamatay nito sa ginagawa ko, hindi ako makapagfocus sa mina-maneho ko dahil napapatingin ako sa kanya na nakapikit lang na tila ba tinitiis ang sakit.

"D-don't mind me, just drop me off somewhere, I'll call Adham. I don't want to be in a fucking hospital," tila nahihirapang sambit niya. Napakunot naman ang noo ko.

"Wag ka na ngang mag-inarte! Dadalhin kita sa ospital sa ayaw at sa gusto mo!" naiinis na sambit ko.

"Then do it, Jonalyn. Fucking do it and I'll kill the doctor who will treat me in front of you," sabi niya sa mariing tono.

Natatarantang napasabunot na lang ako sa buhok ko habang pasimpleng napapatingin sa sugat niya.

"Tawagan mo si Adham, natataranta na ako rito!"

Pinaharurot ko na lang ang sasakyan papuntang vet clinic. Malamang sarado na 'yon ngayon pero mayroon namang susi sa bag ko. Bahala na..

Hindi kumilos si Arken at napapikit na lang habang nakahawak sa sugat niya. Hinubad ko ang jacket ko gamit ang isang kamay ko at inilapat 'yon sa sugat niya.

"W-wag kang pipikit! Natatakot ako!"

Pakiramdam ko kapag pumikit siya baka hindi na siya dumilat pa. Gustong gusto ko na siyang dalhin sa ospital pero alam kong may posibilidad na seryosohin niya ang sinabi niya na papatayin niya ang doktor na gagamot sa kanya.

Baka naman kasi mauna pa siyang mamatay sa lagay niyang 'yan eh!

Agad akong bumaba ng kotse pagkarating namin sa vet clinic. Agad kong binuksan ang pinto sa may shotgun seat at mahinang tinampal ang pisngi ni Arken na nakapikit pa rin.

"Arken! Gumising ka riyan, tinatakot mo 'ko!"

Nararamdaman ko na ang panlalabo ng mga mata ko dahil sa takot. Wala na akong pakialam sa kanya, pero ayoko namang mamata siya sa harapan ko ng basta basta.

Nakakaawa si Arkia kapag nagkataon.

"Arken!"

Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata niya. Agad kong kinuha ang braso niya at isinabit iyon sa batok ko saka inalalayan siya palabas ng kotse.

Mali ako ng akala, bukas pa ang clinic. Halatang nagulat sina Ember nang makita ako, lalo na kay Arken na duguan ngayon.

"T-tumawag ka ng doktor, Ember!"

Tinulungan nila ako na ipasok si Arken sa operating room namin para sa mga hayop. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at dahan-dahang inihiga sa hospital bed si Arken.

"B-bakit hindi mo siya dinala sa ospital para sa mga tao?" tila natataranta ring tanong ni Jian.

"Ayaw niya! P-paano ang gagawin ko?" nauutal na tanong ko.

"I-I'm fine, Adham will be here, h-he's a doctor now. J-just leave, fuck." Napalunok na lang siya habang nakahawak sa sugat niya.

"Baka patay ka na bago pa dumating si Adham!" naiinis na sigaw ko sa kanya.

Buti na lang at walang tao ngayon dito sa vet clinic maliban kina Ember, Jian at Elein, pati na rin ang guard. Malamang ayaw ni Arken na makaagaw ng atensyon sa publiko kaya ayaw niyang magpadala sa ospital.

"Arken naman! Tumawag na tayo ng doktor, kailan pa ba dadating si Adham?!"

Literal na natataranta na ako. Namumutla nang maigi si Arken, halos wala ng kulay ang labi niya at mukhang marami ng dugo ang nawala sa kanya pero nagagawa niya pang mag-inarte.

"Doc Ayen, i-ikaw na kaya ang gumamot sa kanya, diba nakapag-opera ka na namang ng ilang beses?" tila natatarantang tanong din ni Elein habang nakatingin kay Arken.

"Mga hayop ang inooperahan ko, Elein. Tao ang lalaking 'yan, a-ayokong mawalan ng lisensya," napapailing na sabi ko na lang saka muling napatingin kay Arken.

"Emergency naman 'to eh, saka tatahiin mo lang naman ang sugat niya. N-nabaril ba siya? Tatanggalin mo lang ang bala at tatahiin mo, diba nagawa mo na 'to sa aso dati?" pangungumbinsi ni Jian sa 'kin.

Nakagamot ako noon nang aso na nabaril, pero magkaiba pa rin naman ang aso at tao.

Muli akong napatingin kay Arken na nakapikit at pawis na pawis na. Napakagat ako sa ibang labi ko nang makita ang hitsura ni Arken.

Bakit naman kasi sa ganitong sitwasyon kami nagkita ulit?

"E-Ember, ihanda ninyo ang mga gamit, wag niyong kalimutan ang anesthesia. Sa emergency room ninyo kuhanin, nandoon ang mga gamit para sa paggamot sa tao," sabi ko na lang habang hindi maalis ang titig ko kay Arken.

Buti na lang at mayroon kaming anesthesia at mga gamit para sa tao sa mga ganitong sitwasyon, pero kinakabahan pa rin ako, kung literal na hayop siya, hindi ako kakabahan nang ganito.

Inayos at inihanda ko na ang sarili ko nang madala na ni Ember ang mga gamit. Huminga ako nang malalim at dali-daling hinubad ang puting dress shirt niya.

Napalunok ako at napatingin sa dugo sa bandang tagiliran niya, napapikit ako nang mariin.

Kaya ko ba talaga 'to? Paano kung magkamali ako at may mangyaring masama sa kanya? Habang buhay kong sisisihin ang sarili ko.

"Mayor!"

Pakiramdam ko nakahinga ako nang maluwag nang makita si Adham na pumasok. Agad akong lumapit sa kanya.

"D-doktor ka na raw ngayon? P-pwede bang ikaw na ang gumamot sa kanya?" nauutal na tanong ko kay Adham.

Hindi siya nagsalita at agad na sinuot ang mga kagamitan na kailangan. Nanghihinang napasandal ako sa pader at tila nakahinga nang maluwag, agad naman akong nilapitan nina Ember.

MATAGAL DIN kaming naghintay nina Ember sa labas ng silid nang lumabas na si Adham. Agad akong tumayo at nilapitan siya.

"K-kumusta na ang hinayupak na 'yon? Okay na ba siya?" may bahid ng pag-aalala na tanong ko. Tumango na lang si Adham, halata sa mukha niya na kinabahan din siya sa nangyari.

"He's okay now. This is not my first time treating his gunshot wound, but damn, this shit still scares me," mahinang sambit niya.

Ibig sabihin hindi ito ang unang beses na nabaril si Arken? Ano ba ang pinaggagagawa niya sa buhay niya?

"B-bakit ba siya nabaril? Ano ba ang nangyari?" tanong ko.

Napaiwas na lang ng tingin sa 'kin si Adham. Hinawakan ko ang braso niya at pinaharap siya sa 'kin.

"It's nice to meet you again, Ayen. But I we have to go," sabi na lang ni Adhan saka muling pumasok sa loob ng silid kung nasaan si Arken.

Hinabol ko na lang sila ng tingin hanggang sa makalabas sila ng clinic habang akay-akay ni Adham si Arken. Napabuntong hininga na lang ako hanggang sa tuluyan na silang makaalis.

Hinarap ko sina Ember, Jian at Elein, halatang nawiwindang pa rin sila sa nangyari, kanina pa sila tahimik.

"P-pwede bang wala kayong pagsabihan ng nangyari ngayon? Inasikaso na ni Adham ang mga CCTV, nangako siya na babayaran niya kayo. Alam kong nakakagulat ang nangyari, pero sana wag niyong sasabihin kahit--"

"Adham ang pangalan niya?" nakatulalang tanong ni Jian. Napakunot naman ang noo ko.

"Ahm, oo, bakit?"

"Ang gwapo niya!" kinikilig na sabi nilang tatlo at nagtitili pa habang panay ang talon. Napairap na lang ako at napakamot sa batok ko.

Akala ko pa naman natulala sila sa nangyari. Kaya naman pala sila natulala ay dahil sa kagwapuhan ni Adham. Hanga rin ako sa kaharutan ng tatlong 'to.

"Pero Ayen, magkakilala na ba kayo ni Arken Zaviere noon pa?"

Natigilan ako sa tanong ni Ember. Napalunok na lang ako at napakamot sa kilay ko saka napaiwas ng tingin sa kanila.

"Hindi, si Adham ang kakilala ko," pagdadahilan ko na lang.

Ayoko ng ibalik ang nakaraang 'yon, sana lang talaga ay hindi na kami magkita pang muli ni Arken.

* * *

"Where have you been?"

Napapitlag ako pagpasok ko sa bahay ni Vaughn, naabutan ko siya na nakaupo sa may couch sa living room at mukhang hinihintay ako.

Napalunok ako at pasimpleng itinago ang dugo ni Arken sa damit ko. Bumaba naman ang tingin niya ro'n. Nanlaki ang mga mata niya at dali-daling lumapit sa 'kin. Bakas ang pag-aalala sa mga mata niya.

"What happened to you? Are you alright?" nag-aalalang tanong niya saka hinaplos ang pisngi ko. Tipid na ngumit naman ako sa kanya saka tumango.

"M-may emergency kasi, kinailangan nila ako sa clinic. Pasensya na kung hindi kita nasabihan agad, nawala na kasi sa isip ko," paliwanag ko sa kanya. Napabuntong hininga naman siya at hinila ako saka niyakap.

Napalunok na lang ako nang maramdaman ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at ginantihan siya ng yakap.

"It's okay, as long as you're fine," sabi na lang niya saka marahang hinaplos ang buhok ko.

"Madaling araw na, bakit mo pa 'ko hinintay? May trabaho ka pa bukas." Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at lumayo nang kaunti sa kanya saka tumitig sa mukha niya.

"Sino'ng ginamot mo?" seryosong tanong niya habang nakatitig sa mga mata ko.

Natigilan ako sa tanong niya. Nakaramdam ako nang kaunting kaba sa hindi malamang dahilan, tipid na ngumiti na lang ako sa kanya.

"Veterinarian ako, Vaughn. Ano ba ang inaasahan mong gagamutin ko?" tila natatawang tanong ko para itago ang kakaibang kaba na nararamdaman ko.

"Oh, I almost forgot," sabi na lang niya saka napailing.

Muli siyang tumitig sa 'kin at hinawakan ang pisngi ko. Napangiti na lang ako habang nakatitig din sa kanya.

"You should take a rest, you seem really tired."

May mga pagkakataon na nahihiwagahan ako kay Vaughn, pakiramdam ko may laman ang mga sinasabi niya kung minsan na hindi ko maipaliwanag. Pero isinasantabi ko na lang ang mga isiping 'yon, hindi ko dapat pinagdududahan si Vaughn.

ILANG ARAW na ang nakakalipas mula nang nagkita kami ni Arken sa hindi normal na sitwasyon. Ilang gabi na rin akong hindi nakakatulog nang ayos kakaisip kay Arken.

Kahit naman galit ako sa kanya, nag-aalala pa rin ako kahit papa'no. Hindi naman ako gano'ng kasama para gustuhin na may manyaring masama sa kanya.

Kahit marami pa ring tanong sa isip ko, lalo na kung bakit siya nasa lugar na 'yon at kung bakit siya nabaril, pinilit ko na lang na umaktong normal at kalimutan iyon. Panigurado namang hindi na kami magkikita ulit, at alam ko rin naman na ayaw rin akong makita ni Arken. Sana ay 'wag na lang kaming magkita ulit.

"Doc Ayen, sa tingin mo okay na talaga si Mayor Arken?" tanong ni Ember sa 'kin.

Napatingin din naman sina Elein at Jian sa 'kin. Napaiwas na lang ako nang tingin saka hinaplos ang balahibo ng pusa na pina-check up sa 'kin.

"Okay na yata siya, nangampanya na siya kahapon sa Magallanes eh, kaya pala ang dami raw tao ro'n kahapon sabi ng Mama ko," kwento ni Jian.

"Oo nga raw eh, marami na nga raw agad ang gusto siyang iboto, aminado rin naman ako na magaganda yung plataporma niya," napapailing na sabi ni Ember.

Kaya pala hindi maganda ang mood ni Vaughn kahapon, nagsisimula na palang mangampanya si Arken at mukhang marami na agad itong taga-suporta.

"Sabi ko naman sa inyo eh, saka kung nakita niyo lang ang inunlad ng Caloocan City dahil sa kanya. Lahat ng plataporma na ipinangako niya noong tumatakbo pa lang siyang mayor ng Caloocan City, tinupad niya," tila proud na sabi pa ni Elein.

"Wow, bakit parang ang dami mo naman yatang alam tungkol sa kanya?" tanong ni Jian.

"Siyempre, nakikita ko siya sa social media palagi, lalo na kung paano siya ipagmalaki ng mga taga-Caloocan," sagot ni Elein.

"Baka naman dahil gwapo siya?" nakataas-kilay na tanong ni Ember.

"Hindi rin teh, try mo ring magsearch tungkol sa kanya, makikita mo," pagtatanggol pa ni Elein kay Arken. Napailing na lang ako.

"Speaking of Mayor Arken," bulong ni Jian.

Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko alam pero kusang tumigil ang kamay ko sa paghaplos sa makapal na balahibo ng pusa at napatingin sa tinitingnan nina Jian.

Nakaagaw siya ng atensyon ng mga tao sa clinic. Napabuntong hininga na lang ako at tinitigan siya, seryoso rin naman siyang nakatingin sa 'kin. Pati paraan ng pagtingin niya gano'n pa rin tulad ng dati, walang pinagbago.

"Ember, sa inyo muna si Casel," sabi ko saka iniabot sa kanila ang pusa.

Pinilit kong magpaka-pormal saka muling hinarap si Arken. Lumapit na lang ako sa kanya habang seryosong nakatingin sa kanya. Saglit akong napatingin kay Adham na nasa gilid niya saka muling ibinaling sa kanya ang tingin ko.

"May kailangan po ba kayo sa clinic namin, Mayor? May ipapa-check-up po ba kayo?" pormal na tanong ko.

"Let's talk," aniya.

"Kung hindi ka magpapa-check-up ng alaga mo, hindi po tayo pwedeng mag-usap dahil busy ako," sabi ko na lang at akmang tatalikuran siya nang hawakan niya ang braso ko.

"Just... Just give me a minute," tila nahihirapang sambit niya habang nakatitig sa mga mata ko.

"Makakaasa ka na wala akong pagsasabihan ng nangyari, pati ang mga kasamahan kong nurse ay tikom ang bibig. Wala na tayong dapat pag-usapan, umalis ka na lang kung pwede. Busy ako."

Kung maaari, ayoko ng magkaroon pa kami ng kahit anong ugnayan ulit, ni ayoko na nga siyang makita. Okay na ako ng wala siya, hindi na niya kailangang magpakita ulit.

Nangingitngit lang ako dahil kinamumuhian ko siya.

"Doctor."

Natigilan ako at napatingin sa batang pumasok ng clinic at lumapit sa 'kin. Napalunok na lang ako kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko at panghihina ng mga tuhod ko.

"B-bakit?" nakangiting tanong ko sa kanya.

"Kumusta na po ang alagang aso ng kaklase ko?" walang emosyon na tanong ni Vander habang nakatingin sa 'kin.

Sa unang pagkakataon, ipinagpapasalamat ko na 'doctor' ang tawag sa 'kin ni Vander dito sa clinic.

Umakyat ang kaba sa dibdib ko nang mapatingin sina Arken at Adham kay Vander, napatingin din naman ang anak ko sa kanila.

"You're Arken Zaviere," sabi ni Vander habang titig na titig kay Arken.

Natigilan ako nang bahagyang ngumiti sa Arken habang nakatitig din sa anak ko.

"You know me?" tanong pa nito. Tumango naman si Vander.

"Hmm, I saw my Mom searching about you on the internet."

Bumigat ang paghinga ko sa sinabi ni Vander. Kinakabahan ako sa hindi malamang dahilan, alam kong matalino si Arken, pero hindi naman niya malalaman diba? Hindi naman siya manghuhula o ano.

"Your Mom must be interested in me," sabi na lang ni Arken saka bahagyang ginulo ang buhok ni Vander.

"You're cocky, but I like you more than Vaughn," sabi naman ni Van.

"Vaughn? Vaughn Regnier?"

Tumango naman si Vander sa tanong ni Arken.

Nagtatakang napatingin ako sa anak ko. Bakit ang bilis naman yatang gumaan ng loob niya kay Arken? Samantalang si Vaughn ay ilang taon na siyang sinusuyo, pero hindi nito nagawang ibigay ang tiwala rito.

Pero bakit kay Arken.

"Are you interested in him?" tanong ni Vander saka tumingin sa 'kin.

Napakunot ang noo ko sa tanong niya.

"B-bakit mo naman naitanong 'yan?" tanong ko na lang kay Van.

"He said my Mom must be interested in him. Are you interested in him?"

Pakiramdam ko literal na tumigil ang lahat nang mapatingin sa 'kin si Arken. Sa unang pagkakataon sa buong buhay ko, nakita ko ang pagkabigla sa mga mata ni Arken habang nakatingin sa 'kin. Napalunok na lang ako at napaiwas ng tingin sa kanya.

Pinagpapawisan ang mga kamay ko dahil sa kabang nararamdaman ko. Hindi siya tanga, alam kong alam niya ang ibig sabihin ng sinabi ni Vander.

"She's your Mom?" seryosong tanong ni Arken kay Vander habang hindi maalis ang titig niya sa 'kin.

Hindi nagsalita si Vander at nakatingin lang sa 'ming dalawa. Malamang nararamdaman niya ang kakaibang tensyon sa pagitan namin ni Arken.

Nanghihina ang mga tuhod ko, mas kinakabahan ako ngayon kaysa noong kumuha ako ng veterinary licensure exam one year ago.

Mas lalong nakakakaba ang paraan ng pagtingin sa 'kin ni Arken.

"I think we should talk now, ain't we?"

Sa mga ganitong sitwasyon, gusto kong tawagan si Vaughn upang humingi ng tulong. Alam kong magagalit siya lalo na kapag nalaman niyang si Arken ang ama ni Vander, pero wala na akong pakialam.

Ayokong makuha sa 'kin si Vander, ako lang ang may karapatan sa anak ko.

"Ano'ng gusto mong malaman? Kung anak ko ba ang batang 'yon?" buong tapang na tanong ko nang makalabas na kami ng clinic.

Hindi nagsalita si Arken at nanatili lang na nakatitig sa 'kin. Parehas na parehas sila ng mga mata ni Vander, pati na rin kung paano sila tumingin.

"Oo, anak ko siya, anak ko si Vander. Ano naman ngayon? Bakit kailangan mong malaman ang tungkol do'n?" nakapamaywang na tanong ko.

"Obviously, I'm his father."

Napabuntong hininga ako at hinawi ang buhok ko. Hindi na ako nagtataka, mahahalata niya talaga na anak niya si Vander.

"Oo, ikaw ang tatay niya."

Para saan pa kung itatanggi ko?

"Lahat naman pwede maging tatay, pero ikaw, wala kang karapatan maging tatay ng anak ko."

Halatang natigilan siya sa sinabi ko. Ngumisi na lang ako habang nakikipaglabanan ng titig sa kanya.

"Ni wala kang karapatan na mahawakan ang anak ko. Malamang hindi mo 'to alam pero muntik ng mamatay si Vander ng dahil sa 'yo! Muntik na siyang mawala sa sinapupunan ko ng dahil sa 'yo! Wala kang karapatan na kilalaning tatay niya!"

Napakagat ako sa ibabang labi ko nang muli kong maalala ang gabing 'yon, kung paano niya ako itinaboy, kung paano niya ako pinaputukan ng baril niya, kung paano ako dinugo ng dahil sa kanya.

Lahat 'yon habang buhay na sa alaaala ko, hinding hindi ko malilimutan 'yon.

"Ano'ng gagawin? K-kukuhanin mo siya ng sapilitan? Babayaran mo 'ko?! Tututukan mo 'ko ng baril? Papatayin mo 'ko para makuha siya? Malamang gano'n ang gagawin mo dahil doon naman magaling ang mga hayop at walang pusong tulad mo!"

Alam kong sobra na ang mga salitang binibitiwan ko, pero kulang pa ang lahat ng 'to sa kahayupang ginawa niya sa 'kin. Salita lang ang lahat ng sinasabi ko, walang wala kumpara sa pagpapahirap niya sa 'kin noon.

"Ano? Nagagalit ka dahil hindi ko sinabi sa 'yo ang tungkol sa anak ko? Wala akong pakialam kung galit ka man! Ipaglalaban ko ang anak ko at hindi mo siya makukuha sa 'kin!"

Napakagat ako sa ibabang labi ko nang maramdaman ko ang pagdaloy ng mga luha sa pisngi ko.

Ayokong umiyak sa harapan niya, ipinangako ko sa sarili ko na kapag muli kaming nagkita, hinding hindi ako iiyak sa harapan niya. Pero binali ko rin iyon, mas masakit palang alalahanin ang nakaraan ngayong nasa harapan ko na siya.

Nanatili siyang nakatitig sa 'kin at walang sinasabi. Bahagya akong napaatras nang lumapit siya sa 'kin. Inangat niya ang kamay niya saka marahang hinaplos ang mga luha sa pisngi ko.

"I'm not mad at you," sabi niya habang nakatitig sa mga mata ko. "I won't take him away from you, stop crying."

Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung dapat ba akong makampante o dapat ko bang pagkatiwalaan 'yon, pero gumaan kahit papa'no ang loob ko sa sinabi niya.

"You're the best and the strongest parent I know for taking care of him all by yourself. I won't take him away from you. I don't have the rights to be his father anyway. Don't tell him the truth if you don't want to. He's all yours," sabi niya pa habang nakahawak pa rin sa pisngi ko.

"H-hindi ako nag-iisa sa pag-aalaga sa kanya, kasama ko si Vaughn."

Hindi ko alam kung bakit ko sinabi 'yon, pakiramdam ko dapat kong sabihin.

Napatingin ako sa mga mata niya, nakita ko ang pagbabago ng emosyon niya pero hindi na lang siya kumibo at tumango sa sinabi ko.

"I changed my mind."

Natigilan ako sa sinabi niya. Ano ang ibig niyang sabihin?

Inialis na niya ang kamay niya sa pisngi ko habang puno ng intensidad na nakatitig sa 'kin. Kakaiba ang pagbabago ng emosyon niya ngayon, naguguluhan ako.

"I'm still his father, I have all the rights to claim him."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.