“Pauwiin mo ako.”
Kanina pa ako nangungulit kay Arken na pauwiin ako. Kahit maayos na ang usapan namin tungkol kay Vander, hindi ibig sabihin no'n ay mananatili na ako rito. Wala pa rin akong ni katiting na tiwala sa kanya.
Paano kung barilin niya ako habang natutulog ako para masolo na niya si Vander?
Nagtext na ako kay Vaughn at napilitang magsinungaling sa kanya na nasa bahay ako ng kaibigan ko. Pumayag naman siya at sinabing siya na ang bahala kay Vander pero nakokonsensya ako, ayoko naman talagang magsinungaling sa kanya, pero ayaw ko rin namang sabihing na kay Arken ako, baka sugurin niya pa 'to ng baril at magkabarilan na talaga sila.
“Hoy, Arken Zaviere!”
Napabuntong hininga na lang si Arken at padabog na inilapag ang kutsilyo at tinidor sa plato niya saka malamig na tumingin sa 'kin.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko nang makaramdam nang kaunting takot sa paraan ng pagtingin niya. Mukhang naiinis na talaga siya sa 'kin. Wala akong ginawa kundi ang kulitin siya habang nakain siya.
“Iuwi mo na kasi ako,” sabi ko na lang saka napakamot sa batok ko.
“Inuwi na nga kita,” sabi naman niya.
Napakunot ang noo ko at nagtatakang napatingin sa kanya. Saglit akong nakipaglabanan ng titig sa kanya, napansinghap din ako nang mapagtanto ang ibig niyang sabihin.
“H-hindi 'yon ang ibig kong sabihin! Ang sabi ko ihatid mo na ako pauwi ro'n kay Vaughn, hindi ko sinasabi na iuwi mo ako!” naiinis na sabi ko.
Hindi na lang siya sumagot at itinuloy ang pagkain niya. Napabuntong hininga na lang ako at kinuha ang baso ng tubig at akmang iinumin 'yon nang may mapagtanto ako.
Paano kung may lason pala ang tubig na 'to?
“Eat your food, I'm not into shitty tricks like poisoning someone,” tila naniniguradong sabi niya.
Napatingin na lang ako sa steak na nasa harapan ko, kanina pa talaga ako natutuksong kainin 'to kaso wala akong tiwala kay Arken. Mas maganda na ang sigurado.
Napakagat ako sa ibabang labi ko nang maramdaman ko ang pagkalam ng sikmura ko. Kakainin ko na ba 'to?
Napatikhim na lang ako at kunwaring napipilitan na kinuha ang tinidor at kutsilyo saka nagsimula ng kumain. Ibababa ko muna ang pride ko kahit ngayon lang. Nagugutom na talaga ako, kung alam ko lang na mangyayari 'to, edi sana kumain muna ako kasama nina Ember para makapag-inarte talaga ako sa Arken na 'to.
Tahimik lang kaming pareho na kumakain. Pasimple akong napapatingin sa kanya, wala na namang emosyon sa mukha niya at abala lang sa pagkain.
Hindi ko masasabing wala na ang galit ko sa kanya, kung hindi lang ako buntis ng mga panahong itinaboy niya ako sa buhay niya, siguro pinatawad ko rin siya kaagad sa isip ko. Pero sa tuwing naiisip ko na muntik ng mawala sa sinapupunan ko si Vander ng dahil sa kanya, nakakaramdam pa rin ako ng galit at pagkadismaya.
Hindi ko talaga alam kung mawawala pa ang nararamdaman kong ito sa kanya. Kung noon, bumibilis ang tibok ng puso ko sa kanya dahil sa pagmamahal, ngayon sa pagkamuhi na.
Hindi siya humihingi ng tawad sa 'kin, pero hindi ko talaga siya kayang patawarin, hindi ko alam kung kakayanin ko.
Tahimik pa rin kami hanggang sa matapos kaming kumain. Natigilan ako nang tumayo siya at lumapit sa 'kin saka hinawakan ang kamay ko at hinila ako paalis ng dining room.
“Saan tayo pupunta?” tanong ko na lang.
Napagod na rin yata akong sigawan siya nang sigawan.
Hindi siya nagsalita at dinala na lang ako sa isang silid. Napakunot naman ang noo ko at nagtatakang napatingin sa kanya.
“Sleep here tonight.”
“Hindi ako matutulog dito!”
Akala ko pagod na akong sigawan siya, hindi pa pala.
“Sleep in my room then.”
Napaawang ang labi ko nang talikuran na niya ako. Nagtungo siya sa pinto na katabi ng silid na pinagdalhan niya sa akin, mukhang magkatabi lang ang silid na tutulugan naming dalawa.
Napapadyak na lang ako sa sahig at pumasok sa loob ng kwarto. Mas ayos na ang matulog dito kaysa ang matulog sa tabi ng Arken na 'yon, ni ayaw kong mapadikit sa kanya.
Inilibot ko ang tingin sa paligid ng silid. Hindi naman sobrang laki ng silid, tama lang, mas malaki pa rin ang silid ko sa bahay ni Vaughn. Mukha rin naman kasing bago pa lang ang bahay na 'to dahil kaunti pa ang gamit.
Napakibit-balikat na lang ako at nagtungo sa malapit na closet. Napataas ang kilay ko nang mapansing may mga damit ng pambabae ro'n. May dinadala ba siyang babae rito?
Napairap na lang ako at kumuha ng damit do'n. Pakialam ko ba kung may babae man siya, buhay niya naman 'yon.
Nagshower na ako at nagpalit ng damit. Hahayaan ko na lang, dito na lang ako matutulog. Kahit na galit ako kay Arken, medyo nakokonsensya rin naman ako dahil mukhang pagod na rin talaga siya.
Bakit naman kasi kailangan niya pa akong dalhin dito para lang pag-usapan ang tungkol kay Vander? Iyon lang naman pala ang sasabihin niya dinala niya pa ako rito, kailangan ko tuloy matulog dito sa bahay niya.
Sa totoo lang, hindi ako nakakaramdam ng takot sa kanya ngayon sa hindi ko malamang dahilan. Malamig pa rin siyang tumingin at walang emosyon, pero hindi ako nakakaramdam ng takot. Hindi ko maipaliwanag.
Humiga na lang ako sa kama at napatitig sa kisame. Hindi ako makatulog, medyo kinakabahan ako na baka pasukin ako rito ni Arken at patayin kahit alam ko namang hindi niya gagawin 'yon.
Ano ba'ng kinakatakot ko? Hindi ko na rin maintindihan ang sarili kong pakiramdam.
Napabuntong hininga na lang ako at tumayo saka lumabas ng silid, siguro magpapahangin muna ako sa labas.
Natigilan ako nang maabutan si Arken na nasa tapat ng pinto ko.
“Ahm, I was just...passing by.”
Napataas ang kilay ko nang mapaiwas siya ng tingin sa 'kin. Napatikhim na lang siya at napakamot sa kilay niya saka umalis sa harapan ko.
Napailing na lang ako at pinigilan na matawa. Ayokong nakikita ang ganitong side ni Arken, ang cute niya rin kasi talag kung minsan.
Lumabas ako ng bahay niya at unupo sa mahabang upuan na nasa labas. Napatingin ako sa gate, wala siyang guard dito. Ayos lang ba na walang guard ang lalaking 'yon? Natakbo pa rin siyang gobernador at malakas siya sa mga tao, madalas habulin ng mga kalaban ang ganoon. Baka naman may mga ninja siya sa paligid kagaya noon, imposible naman kasing walang nagbabantay sa kanya.
Napailing na lang ako, wala naman akong pakialam kahit may nagbabanta pa sa buhay niya, pero ibang usapan ngayon dahil kasama niya ako, baka pati ako madamay pa.
Natigilan ako at muling tumingin sa gate. Bakit kaya hindi ko naisip na lumabas na lang at umuwi?
Napailing na lang ako, pagod na rin kasi ako. Malamang malayo pa ang sakayan, tinatamad na akong maglakad. Malamang hindi ako ihahatid ni Arken dahil pagod din 'yon. Hayaan na nga, nakapagpaalam na rin naman ako kay Vaughn eh.
Natigilan ako nang makita si Arken na naglalakad papalapit sa 'kin. Napaupo na lang ako nang tuwid saka napaiwas ng tingin sa kanya.
Pakiramdam ko bumibigat ang hangin kapag malapit si Arken sa 'kin, isa 'yon sa mga nararamdamdan ko sa kanya na hindi nawala. Siguro pagmamahal lang talaga ang nawala, at buti na lang nawala na ang nararamdaman ko na 'yon sa kanya.
Ni ayoko ng alalahanin na minahal ko siya noon.
Napatingin ako sa kanya, hindi siya umupo sa tabi ko o lumapit sa akin. Ilang metro ang layo niya sa 'kin habang naninigarilyo siya. Napangiwi na lang ako, ayaw ko talaga ng amoy ng sigarilyo.
“Can't sleep?” tanong niya.
“Hmm,” sagot ko na lang saka tumango.
Hindi na siya nagsalita at umupo na lang sa upuang inuupuan ko, pero malayo-layo pa rin siya sa 'kin na para bang may nakakahawang sakit ako. Napaismid na lang ako at muling nag-iwas ng tingin sa kanya.
Ang dami kong gustong itanong sa kanya, pero ngayong magkatabi na kami, pakiramdam ko naubusan ako ng mga sasabihin.
“Kumusta na si Arkia? Kumusta na kayo ni Vierra?”
Hindi ko alam kung bakit pati si Vierra ay naitanong ko pa, pakialam ko ba sa bruhang 'yon na walang alam gawin kundi ang alagaan ang kagandahan at reputasyon niya.
“Arkia's fine,” sagot naman niya.
Napakunot ang noo ko sa sagot niya, bakit naman kulang pa ang sagot niya? Dalawa ang tanong ko, bakit isa lang ang isinagot niya?
“Kumusta kako kayo ni Vierra?” tanong ko pa.
Muli siyang bumuga ng usok saka inilaglag ang yosi at inapakan. Napaupo ako nang tuwid nang tumingin siya nang diretso sa mga mata ko.
“Can you tell me specifically what you want to know?” tanong niya.
Kailangan ko pa bang i-spelling-in sa kanya? Napaka-obvious naman ng tanong ko, bakit may pa-specifically pa siyang nalalaman diyan?
“Kumusta ang relasyon ninyo ni Vierra? Ipinaalam mo na ba sa kanya ang tungkol kay Vander?”
Hindi siya sumagot at nanatili lang na nakatingin sa 'kin, tinaasan ko na lang siya ng kilay. Bakit ganyan siya makatingin?
“We're not in a relationship, we will never be.”
Napangisi na lang ako sa sinabi niya. Nakakatawa lang na marinig 'yan mula sa kanya, parang ang hirap paniwalaan.
“Sus, bakit ba nahihiya ka pang aminin?” tanong ko na lang saka napakamot sa ilong ko.
“Her ears aren't small, she's not my type.”
Natigilan ako sa sinabi niya. Pakiramdam ko natulos ako sa kinauupuan ko. Nanatili akong nakatingin sa harapan ko at pinigilan ang sarili ko na mapatingin sa kanya.
Bakit tandang tanda ko pa rin ang tungkol doon? Pakiramdam ko kahapon lang nangyari.
Napailing na lang ako at pinilit na alisin ang kakaibang pakiramdam na umaakyat sa sistema ko, normal lang naman siguro na makaramdam ako ng ganito, minahal ko pa rin naman siya noon at naging parte ng buhay ko.
“M-matutulog na 'ko.”
Agad akong tumayo at iniwan siya ro'n. Napangiwi pa ako nang maramdamang kumirot ang paa ko, bakit ngayon ko biglang naramdaman ang kirot no'n?
Dali dali akong nagtungo sa kwarto at umupo sa kama. Napabuntong hininga na lang ako at napahilamos sa mukha ko. Isang pangungusap lang naman ang sinabi niya, bakit pakiramdam ko apektadong apektado ako?
Ayoko ng balikan ang mga ganoong alaala mula sa kanya, ni ayoko na ngang mapalapit sa kanya, bakit hinahayaan kong mangyari 'to?
Natigilan ako nang basta na lang pumasok si Arken sa kwarto ko. Agad akong kumuha ng unan at binato iyon sa kanya, nasalo naman niya 'yon.
Hindi siya nagsalita at inilapag ang unan sa kama saka lumuhod sa harapan ko at hinawakan ang paa kong sumasakit. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko nang marahan niyang hinilot iyon kagaya ng ginawa niya kanina.
“Don't overreact about what I said earlier. Your ears aren't small now,” sabi na lang niya habang hinihilot ang paa ko. Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya saka pasimpleng napahawak sa tainga ko.
“Ang weird naman ng type mo, lahat ba ng babaeng maliit ang tainga type mo rin? Paano kung bata 'yon? Basta maliit ang tainga gusto mo? Hindi 'yon ang basehan ng--”
Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang mapatigil siya sa paghilot sa paa ko saka napatunghay, tumingin siya nang diretso sa mga mata ko.
Maski ako ay natigilan din, naguguluhan na ako sa sarili ko..
Natigilan ako nang tumayo siya, nanlaki naman ang mga mata ko nang ilapat niya ang mga kamay sa kama, sa magkabilang gilid ko na tila kino-corner ako. Napalunok ako habang nakikipaglabanan ng titig sa kanya, masyadong malapit ang mukha niya sa 'kin, halos magkanda-duling na ako. Kanina pa siya ha!
“Are you playing with me, Jonalyn?” tanong niya sa tila paos na boses habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko.
Pakiramdam ko malulusaw ako sa paraan ng pagtingin niya sa 'kin, hindi yata kinakaya ng sistema ko ang intensidad ng tingin niya.
Hindi ako sumagot sa tanong niya. Bahagya lang akong umatras saka tuluyang napaiwas ng tingin sa kanya.
Napasinghap ako at gulat na napatingin sa kanya nang maramdamang dinampian niya ng halik ang pisngi ko. Akmang itutulak ko na siya nang hawakan niya ang braso ko at tuluyan na niyang siniil ng halik ang labi ko.
Hindi ko alam kung bakit hindi kaagad ako nakagalaw. Hindi ito ang unang beses na hinalikan niya ako simula nang magkita kami ulit pero kakaiba ang pakiramdam ngayon.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako nakagalaw upang itulak siya. Napahawak pa ako sa balikat niya nang hawakan niya ang likod ko at hinila ako papalapit sa kanya.
May kakaibang pakiramdam ang humihila sa 'kin na pumikit at tugunin ang halik niya.
Nadadala ako, hindi ko dapat 'to nararamdaman pero nanginginig ang mga tuhod ko, may kung ano akong nararamdaman sa kalamnan ko.
Hinihingal ako at napakapit nang mahigpit sa balikat niya nang ilayo na niya ang labi sa 'kin. Napalunok ako nang mapansing nakatingin siya sa labi ko na tila ba gusto ulit halikan ang mga 'yon.
“M-mayor.”
Hindi ko alam kung bakit kusang lumabas ang salitang 'yon sa labi ko, halata namang natigilan siya at napatingin nang diretso sa mga mata ko.
Tila natauhan naman ako at agad siyang itinulak, halatang nagulat siya sa ginawa ko pero hindi na lang nagsalita.
“L-lumabas ka na, kakalimutan ko na lang na nangyari 'to, lumabas ka na!”
Saglit siyang natigilan habang nakatitig sa 'kin. Napaiwas na lang ako ng tingin saka agad na humiga at tinalikuran siya, nagtalukbong din ako ng kumot.
Ilang saglit pa naramdaman kong lumabas na siya ng kwarto. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at napapikit nang mariin.
Bakit hinayaan ko na mangyari 'yon? Bakit nadala ako sa halik niya? Bakit nakalimutan ko kaagad ang lahat sa simpleng halik lang niya?
Hindi pwede, hindi pwedeng mangyari ulit ang lahat. Hinding hindi ko na siya mamahalin ulit.
* * *
“Vaughn, okay lang ba na kumain tayo rito? Ang daming nakakakita sa atin,” sabi ko na lang habang panay ang tingin sa paligid.
May mga napapatingin sa amin, pero hindi naman lahat. Napabuntong hininga na lang ako, baka lumabas pa na ako ang tinatagong babae ni Vaughn. Wala naman kaming relasyon, pero hindi iyon ang iisipin ng mga tao.
“It's fine, hindi naman 'to makaka-apekto sa pagtakbo ko,” sabi na lang niya saka marahang hinaplos ang pisngi ko. Tipid na ngumiti na lang ako sa kanya.
Kahit kumikita na ako ng maayos, hindi ko pa rin hilig ang kumain sa mga ganitong restaurant. Siguro nakasanayan ko na talaga ang pagtitipid at paggastos sa mga bagay na talagang mahalaga. Nabili rin naman ako ng mga luho kaso minsan lang talaga.
“Saan ka natulog kagabi?” tanong niya saka sumubo ng pagkain. Tipid na napangiti na lang ako saka napaiwas ng tingin sa kanya.
“Kay Ember, kasamahan ko siya sa trabaho, vet nurse.”
Nakokonsensya ako kapag nagsisinungaling ako nang ganito kay Vaughn, pero wala naman akong magagawa kundi ang magsinungaling. Hindi ko naman pwedeng sabihin na si Arken ang kasama ko.
Napabuntong hininga na lang ako nang maalala ko na naman siya. Agad akong umalis ng bahay niya pagkagising na pagkagising ko, hindi ko na hinintay na magising siya at ihatid ako, agad akong umalis.
“Pagod ka ba sa trabaho?” tila nag-aalalang tanong niya saka hinawakan ang kamay ko. Tipid na ngumiti ako saka tumango.
Kahit papa'no nawawala ang isipin ko tungkol kay Arken dahil kay Vaughn.
“Nakapag-usap kami kahapon ni Arken, hindi naman niya balak kuhanin si Van, gusto niya lang na makasama ni Vander si Arkia, siya yung panganay na anak ni Arken.”
Napatango na lang siya sa sinabi ko.
“Iyon lang ba ang gusto niya?” tanong niya. Tumango na lang ako.
Sa lahat naman ng kondisyon na sinabi ni Arken, iyon lang ang sineryoso ko.
“I doubt that, Zaviere is a selfish and manipulative jerk,” seryosong sabi niya.
Napakunot ang noo ko at nagtatakang napatingin sa kanya.
“Kilala mo ba ng personal si Arken?” nagtatakang tanong ko.
Tipid na ngumiti na lang siya at napakibit-balikat.
“I don't know him that much, I'm just describing him from what I see.”
Hindi na lang ako nagsalita at nagpatuloy na lang sa pagkain. Galit ako kay Arken at malaki ang kasalanan niya sa 'kin, pero sa tingin ko hindi naman gano'ng kasama si Arken gaya ng nasa isip niya.
Napailing na lang ako sa pumapasok sa isip ko. Ginugulo na naman ng Arken na 'yon ang isip ko, bakit kasi nagpakita pa siya?
Napatingin na lang ako kay Vaughn, tahimik lang siyang nakain. Napakagat ako sa ibabang labi ko saka uminom ng tubig.
“Do you have anything to say? Kanina ka pa tingin nang tingin sa 'kin,” natatawang sabi ni Vaughn saka pinahid ang gilid ng labi ko.
Nanatili akong nakatitig sa kanya, ang higpit ng hawak ko sa tinidor at kutsilyo. Kinakabahan ako, malamig dito sa restaurant dahil sa aircon pero pinagpapawisan ako. May kakaibang pakiramdam na namumuo sa dibdid ko pababa sa tiyan ko dahil sa kaba.
Alam ko naman ang kahihinatnan nito, pero sasabihin ko pa rin.
“Mahal kita, Vaughn.”
Natigilan siya sa sinabi ko. Nanatili naman akong nakatitig sa kanya kahit na nanginginig na ngayon ang mga tuhod ko.
“Joke ba 'yan?” tila naghihinalang tanong niya. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at napaiwas ng tingin sa kanya.
“S-seryoso ako.”
Saglit kaming natahimik. Hindi na ako makatingin sa kanya. Alam kong kailangan ko na 'tong gawin lalo ngayong ginugulo na naman ni Arken ang buhay ko. Hindi na dapat ako malito.
“You and Vander are important to me, Ayen. If you mean, you love me romantically, I'm sorry, I can't reciprocate that,” sabi niya sa mababang boses saka hinawakan ang kamay ko.
Natahimik na lang ako sa sinabi niya. Inaasahan ko na naman ito noon pa pero nasasaktan pa rin ako. Bumibigat ang talukap ng mga mata ko at nanlalabo rin ang paningin ko dahil sa mga nagbabadyang luha.
Agad akong tumayo at binitbit ang bag ko, ayaw kong umiyak sa harapan niya.
“Ayen,” pagpigil niya sa 'kin saka hinawakan ang palapulsuhan ko.
Tipid na ngumiti ako sa kanya saka inalis ang pagkakahawak niya sa 'kin.
“A-ayos lang ako Vaughn, kailangan ko lang muna mapag-isa, magiging ayos din ako bukas.” Sana nga.
“Ayen, are you going to--” agad kong pinutol ang sasabihin niya.
“Hindi kita iiwan, Vaughn. Kailangan ko lang ng oras para sa sarili ko, normal lang naman siguro makaramdam nito dahil rejected ako diba?” sabi ko na lang na tila may bahid ng pagbibiro.
Napabuntong hininga na lang siya habang nakatitig sa 'kin.
Hindi ko na hinintay ang sasabihin niya at agad na tinalikuran siya saka lumabas ng restaurant.
Naglakad ako nang naglakad hanggang sa makalayo na ako sa lugar na 'yon, hindi ko muna kayang makita si Vaughn sa ngayon.
Mawawala rin siguro 'to, mas masakit ang rejection sa akin ni Arken noon pero nalagpasan ko naman. Sisiw na lang ito sa 'kin.
Napabuntong hininga ako at umupo sa may bench. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko, agad na nag-alpasan ang mga 'yon mula sa mga mata ko.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting inis kay Vaughn. Hindi ko alam kung bakit niya pa kailangang iparamdam sa 'kin na mahalaga ako sa kanya kung hindi naman pala niya ako mahal. Pero hindi ko naman pwedeng ipilit ang gusto ko.
Napahikbi ako at kinapa ang bulsa ko, napakagat ako sa ibabang labi ko nang mapansing wala ro'n ang panyo ko.
Natigilan ako nang may panyong bumungad sa harapan ko. Tila nag-aalangang kinuha ko iyon saka napatingin sa nagbigay no'n sa akin.
Napakurap ako nang makita si Arken na nasa harapan ko habang nakatitig sa 'kin. Dali dali kong ibinalik ang panyo mula sa kanya.
Bakit kailangan niya pa akong makita sa ganitong sitwasyon?
“A-ano? Nandit ka ba para pagtawanan ako dahil sa sitwasyon ko ngayon?” tanong ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kanya.
Hindi siya sumagot, umupo lang siya sa tabi ko at marahang hinawakan ang panga ko saka pinaharap ako sa kanya. Natulala na lang ako at natahimik nang marahan niyang pinahid ng panyo ang mga luha ko.
“I want to be mad at him, but I know what I did to you back then was more unforgivable,” sabi niya habang nakatitig sa 'kin habang pinapahid ang mga luha ko.
Hindi na lang ako nagsalita at napakagat na lang sa ibabang labi ko.
Napatingin sa kanya nang tumayo siya, seryoso pa rin siyang nakatingin sa 'kin.
“Can I kidnap you?”
Natigilan ako sa tanong niya.
“I won't force you if you don't want to,” segunda naman niya.
Hindi naman kidnapping 'yon ah.
“Ahm, I guess, I have to leave you alone now.”
Akmang aalis na siya nang hawakan ko ang kamay niya, agad naman siyang napatingin sa 'kin. Napalunok ako bago nagsalita.
“Sige, kidnap-in mo 'ko.”