Pakiramdam ko ngayon lang ako nahalikan sa buong buhay ko. Ilang taon na rin yata ang nakakalipas nang huling beses na may humalik sa labi ko, at si Arken din 'yon. Pakiramdam ko mamamatay ako na si Arken lang ang nakahalik sa 'kin nang gano'n. Hindi ko alam, pakiramdam ko hindi masamang ideya 'yon.
Napailing na lang ako at napayakap sa unan at isinubsob ang mukha ko ro'n. Hindi ako makatulog kakaisip sa mga pinaggagawa ng Arken na 'yon. Imbis na si Vaughn ang isipin ko dahil sa pagreject niya sa 'kin, si Arken ang naiisip ko dahil sa hindi ko malamang dahilan.
Pero sa totoo lang, sa unang pagkakataon, nagpapasalamat ako na si Arken ang nasa isip ko ngayon. Masasaktan lang ako kapag hahayaan ko na mamahay si Vaughn sa isip ko.
Napabuntong hininga ako at tila wala sa sariling napahawak sa labi ko. Pakiramdam ko walang nagbago sa pakiramdam ng pagdampi ng labi ni Arken sa labi ko. Nakakatakot na ang komportable ng pakiramdam ko sa halik niya na para bang labi lang niya ang gustong mahalikan ng labi ko.
Impit na napatili na lang ako at sinuntok-suntok ang unan dahil sa mga naiisip ko. Hindi pala maganda na si Arken ang naiisip ko, nilalason niya yata ang isip ko.
Naiinis na bumangon ako at tumayo saka lumabas ng silid. Magpapahangin na lang ako, kahit ano'ng gawin ko, hindi ako makatulog.
Saan kaya natutulog si Arken? Komportable kaya siya?
Napailing na lang ako at umupo sa upuan na malapit sa railing saka tumingin sa langit. Napapikit ako at napayakap sa sarili ko nang maramdaman ko ang malamig na simoy ng hangin. Naramdaman ko ang lamig na umakyat hanggang leeg ko nang liparin ng hangin ang buhok ko.
“You look like a goddess.”
Agad akong napadilat dahil sa gulat at napatingin sa pinanggalingan ng boses. Napakurap ako kasabay ng panlalambot ng mga tuhod ko nang makita si Arken na nakauposa itim na foldable lounge chair na hindi naman gaanong kalayo sa pwesto ko. Napaiwas na lang ako ng tingin dahil sa matiim niyang titig sa 'kin.
Agad na nag-init ang magkabilang pisngi ko sa sinabi niya. Nag-iwas na lang ako ng tingin saka tumikhim na at napaismid upang hindi ipahalata na na-apektuhan ako nang kaunti sa sinabi niya.
Hindi ko napansin na nandiyan siya, itim din kasi ang suot niyang damit.
Naramdaman kong tumayo siya. Muli akong napatingin sa kanya nang lumapit siya sa 'kin saka binalutan ng jacket ang katawan ko.
“Ahm, diyan ka ba matutulog?” tanong ko saka itinuro ang lounge chair na inuupuan niya kanina. Tumango naman siya saka umupo sa tabi ko.
“Ang laki mo naman yata para matulog diyan.”
Tipid na napangiti siya dahil sa sinabi ko, tila nagpipigil ng ngiti.
Aminado ako na ang gwapo niya.
“Will you let me sleep beside you?” tanong niya. Agad naman akong napairap.
“Asa ka.”
Nanatili na lang kaming tahimik. Napakagat ako sa ibabang labi ko at mas ibinalot ang jacket sa 'kin. Mukhang kay Arken ang jacket na 'to, naaamoy ko ang pabango niya mula ro'n.
“Wala bang ibang kwarto? Ang laki laki nito eh, hindi ka pwedeng matulog dito sa labas kasi malamig, sisipunin ka bukas,” panenermon ko. Nanatili akong nakatingin sa dagat.
“I'm fine, I'm a bull,” sabi na lang niya. Napakunot ang noo ko at tiningnan siya nang masama.
“Anong bull ang pinagsasasabi mo?” naiinis na tanong ko at hinampas ang matipunong braso niya.
“Toro.”
Napakurap na lang ako habang nakatitig sa kanya. Walang halong sarkasmo sa pagkakasabi niya no'n at seryosong nakatingin sa 'kin. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at napabuntong hininga.
“Alam kong toro 'yon, ang sinasabi ko lang, tao ka at tinatablan ka rin ng sakit. Hindi ka dapat natutulog dito,” sabi ko na lang.
“You sound like a concerned wife,” napapailing na sabi niya saka sumandal sa upuan. Agad ko naman siyang tiningnan nang masama.
“Ano'ng concerned wife ang pinagsasasabi mo riyan?!”
Nakakainis na ako naman ang naaasar niya ngayon, mukhang ginagantihan niya ako sa pang-aasar ko sa kanya kanina habang nakain kami ng hapunan.
Napaismid na lang ako at muling tumingin sa dagat. Naramdaman ko namang tumayo si Arken at bumalik na sa lounge chair na inuupuan niya kanina. Pasimpleng tumingin na lang ako sa kanya nang humiga na siya ro'n at pumikit. Mukhang seryoso siya na roon siya matutulog.
Napabuntong hininga na lang ako at tumayo saka lumapit sa kanya. Halatang natigilan siya nang hawakan ko ang braso niya at marahang niyugyog 'yon. Agad naman siyang tumingin sa 'kin.
“Why? Do you need something?”
Napakagat ako sa ibabang labi ko bago sumagot.
“Sa kwarto ka na matulog,” sabi ko na lang at agad na napaiwas ng tingin sa gwapong mukha niya.
Hindi siya agad sumagot. Pakiramdam ko tuluyan nang umakyat ang lahat ng dugo sa mukha ko dahil sa hiya at nanatiling nakaiwas ng tingin sa kanya.
“I'm fine here, don't worry about me,” sabi na lang niya. Naiinis na napatingin ako sa kanya.
“Hindi ako nag-aalala sa 'yo! Nag-aalala ako kina Arkia at Vander, baka mahawa sila sa 'yo kapag sinipon ka!”
Napakagat siya sa ibabang labi niya sa sinabi ko na tila nagpipigil na matawa. Lalong napakunot ang noo ko, may nakakatawa ba sa sinabi ko?
“Wag kang kiligin diyan! Bawal mo 'kong hawakan o lapitan, may unan na nakaharang sa 'tin!”
“Hindi ako kinikilig,” sabi naman niya.
“Ah basta! Magtatabi tayo sa kama pero magkalayo tayo,” sabi ko na lang saka tinaasan siya ng kilay.
“So, I can't hug you?” tila nadidismayang tanong niya.
“Anong hug ka riyan?! Bawal mo 'kong hawakan 'no!”
Napangisi na lang siya at tumayo saka hinawakan ang kamay ko. Napasinghap naman ako sa ginawa niya.
“A-ano'ng ginagawa mo?”
Sinubukan kong alisin ang pagkakahawak niya sa 'kin pero masyado siyang malakas kumpara sa 'kin.
“I'm trying my best to be a gentleman, but you're pushing me to the edge,” sabi niya saka hinaplos ang pisngi ko.
Napalunok na lang ako nang may kung anong mga insekto na naman ang nagwawala sa loob ng tiyan ko.
“B-bawal kang dumikit sa 'kin kapag nasa kwarto na tayo, dapat isang dipa ang layo mo sa 'kin,” sabi ko na lang at napaismid saka agad na pumasok sa kwarto.
Napatikhim na lang ako nang maramdamang sumunod siya sa 'kin. Napairap na lang ako at humiga sa kama saka agad na nagharang ng unan sa pagitan namin. Pinaningkitan ko siya ng mga mata nang umupo na siya sa kama.
“Kapag lumapit ka sa 'kin at hinawakan mo 'ko, ilalaglag talaga kita sa dagat,” pananakot ko sa kanya kahit imposibleng magawa ko 'yon.
Hindi siya sumagot at napakibit-balikat na lang. Naiinis na tinalikuran ko siya at agad na itinakip ang kumot sa katawan ko hanggang sa baywang ko.
Pakiramdam ko bumigat ang hangin ngayong nasa loob na kami ng kwarto ni Arken. Pilit ko lang na pinakakalma ang sarili ko kahit nagwawala na ang sistema ko. Hindi ako natatakot na baka hawakan niya ako, hindi ako mapakali dahil sa hindi ko matukoy na dahilan.
“Jonalyn.”
Pakiramdam ko nagtayuan ang mga balahibo ko dahil sa malalim at tila paos na boses ni Arken, normal na boses naman niya 'yon pero pakiramdam ko inaakit niya ako.
Naiinis na napailing na lang ako at mahinang sinampal ang pisngi ko. Nababaliw na yata talaga ako, kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko.
“Matulog ka na lang diyan at 'wag kang makulit,” sabi ko na lang habang pilit na ginagawang normal ang boses ko.
“I want to hug you.”
Muli akong napalunok sa sinabi niya. Pilit kong kinakapa ang inis na pakiramdam pero hindi ko 'yon maramdaman. Bakit nagkakaganito na naman ako sa kanya?
“Susuntukin kita,” pananakot ko na lang.
Hindi na lang siya sumagot at natahimik. Pakiramdam ko nakahinga ako nang maluwag, sana naman ay matulog na lang siya at 'wag ng magsalita.
Napasinghap ako nang maramdaman ko ang paggalaw ng kama at ang pagyakap ng bisig niya sa baywang ko. Agad akong humarap sa kanya at gulat na napatingin sa kanya, nanatili naman siyang nakayakap sa baywang ko.
“Don't look at me like that as if I asked you to have sex with me. I won't do anything, I will just hug you, I promise,” tila nagsusumamong sabi niya habang nakatitig sa mga mata ko.
Ayan na naman siya sa tingin niya na nakakapanghina ng sistema.
Hindi na lang ako nagsalita. Mas lumapit naman siya sa 'kin at mas hinigpitan ang pagyakap sa 'kin na tila ba ayaw na niya akong pakawalan.
Tumahimik na kaming parehas, napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at napatitig sa dibdib niya. Ayokong tingnan ang mukha niya, lalo na ang mga mata niya.
Hindi ko alam kung ilang minuto na akong nakatitig sa dibdib niya. Hindi ako makatulog, at nakakainis na mabigat na ang paghinga ni Arken. Paano niya nagawang matulog nang gano'n gano'n na lang?
Muli akong napabuntong hininga at nag-angat ng tingin. Nakapikit na si Arken at tila tulog na tulog na. Napaismid na lang ako at dahan-dahang nagsumiksik sa dibdib niya at isinubsob ang mukha ko ro'n.
Pakiramdam ko kusang gumalaw ang bisig ko at yumakap sa leeg ni Arken.
Napasinghap ako nang maramdaman ang pagdampi niya ng halik sa buhok ko. Agad akong napaangat ng tingin sa kanya.
“G-gising ka pa?” tanong ko sa mahinang boses.
Nakapikit pa rin siya, napakunot na lang ang noo ko. Nananaginip ba siya o ano?
“You're the most beautiful for me,” bulong niya habang nakapikit.
Nananaginip ba talaga siya? At sino naman kaya ang tinutukoy niya?
“I yearned for you,” muling bulong niya.
Napalunok ako habang nakatitig sa kanya... sa hindi malamang dahilan, hinihintay ko na banggitin niya ang pangalan ko.
“Arken,” mahinang sambit ko.
“I want to hug... Jonalyn.”
Tila wala sa sariling napangiti ako habang nakatitig sa kanya. Para siyang inosenteng bata na nananaginip at tinatawag ang nanay niya. Ngayon ko lang nakita ang ganitong side niya at talagang ang cute niya.
Pakiramdam ko may kung ano'ng sumapi sa 'kin, lumapit ako sa kanya at marahang dinampian ng halik ang malambot na labi niya.
Tila nahihiyang sumubsob na lang ulit ako sa dibdib niya nang makaramdam nang kaunting hiya dahil sa pagnanakaw ko ng halik sa kanya.
Muli akong napatingin sa mukha niya at mukhang mahimbing pa rin ang tulog niya kahit nanakawan ko na siya ng halik. Mukhang pagod na pagod talaga siya.
Napailing na lang ako at pumikit.
Ano ba 'tong ginagawa ko?
* * *
“Let her sleep, Arkia.”
Naalimpungatan ako nang marinig ko ang malalim na boses ni Arken. Napakunot naman ang noo ko nang maramdaman ang paggalaw ng kama.
“Papa, magkatabi po kayong natulog?” narinig kong tanong ni Arkia.
“Yeah, and we cuddled,” sagot naman ni Arken. Agad kong naidilat ang mga mata ko.
“Ano'ng we cuddled ang pinagsasasabi mo riyan?!” naiinis na tanong ko at kinuha ang unan saka ibinato 'yon sa kanya. Natawa naman si Arkia sa ginawa ko habang si Vander ay tahimik lang sa gilid at nakain ng tinapay.
Napangisi na lang si Arken na mas nagpa-gwapo sa kanya. Napaismid na lang ako at muli siyang binato ng unan.
“Do you still want to sleep?” tanong niya. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya saka umiling.
Bakit naman kasi ang lambing ng boses niya? Nawawala tuloy nang kaunti ang kasungitan ko sa kanya.
“Good morning, Arkia at Vander.”
Lumapit ako sa kanila at kinurot nang bahagya ang pisngi nilang dalawa bago tumayo at nagtungo sa cr para magshower. Bigla akong tinablan ng hiya kay Arken, baka mabaho pa ang hininga ko at maamoy niya.
Natigilan na lang ako sa naiisip ko nang mapatingin ako sa salamin. Naiinis na sinampal-sampal ko nang mahina ang pisngi ko. Ano naman ngayon kung mabahuan si Arken sa 'kin? Wala akong pakialam sa iisipin niya.
Agad akong lumabas ng kwarto pagkatapos kong magshower at magpalit ng damit saka nagtungo sa dining area. Naabutan ko ro'n sina Arkia at Vander na nakaupo habang si Arken naman ang nagluluto.
Agad na napataas ang kilay ko habang pinagmamasdan siya.
Natatawang napailing na lang ako nang maalala ko noong ipinagluto niya ako ng binatog. Hindi ko talaga inakala noon na magagawa niyang magluto para sa 'kin.
Napailing na lang ako at tumabi kina Vander, bakit ko pa ba inaalala 'yon? Wala na dapat akong pakialam do'n.
Napatikhim na lang ako at napaiwas ng tingin kay Arken nang magsimula na siyang ipaghain kami. Ang gwapo niya rin kahit nakasuot ng apron, kahit anong suotin niya ang lakas ng dating niya.
Gano'n din kaya kung pambabae na ang suot niya?
Umupo na si Arken sa tapat ko. Napatingin ako sa kanya, natigilan ako nang makitang nakatingin din siya sa 'kin. Bakit ba siya natingin diyan?
Napaismid na lang ako kinuha ang kutsara at nagsimulang kumain ng niluto niyang fried rice at bacon. Napakagat ako sa ibabang labi ko nang makitang ipinagtimpla niya ako ng kape.
Bakit ang bait niya nitong mga nakaraang araw? Naaawa ba siya sa 'kin dahil ni-reject ako ni Vaughn?
“Ang sama naman ng lasa,” pagpaparinig ko nang matikman ko ang niluto niya.
Sa totoo lang masarap naman talaga 'yon, kakaiba siya sa tipikal na fried rice na natitikman ko at parang may sariling recipe si Arken. Gusto ko lang talaga siyang inisin.
Nagtatakang napatingin naman sa 'kin sina Arkia pero hindi na lang nagsalita at tumuloy na lang sa pagkain.
“Really? Should I cook another one for you?”
Natigilan ako sa tanong niya, bakit iyan pa ang sinabi niya imbis na mainis siya sa sinabi ko? Nababaliw na ba siya?
“Wag na,” nakataas-kilay na sabi ko na lang saka uminom ng kape.
Nanatili namang nakatitig sa 'kin si Arken na tila hinihintay ang komento ko sa kapeng tinimpla niya.
“Kailangan mo pang magpractice magtimpla ng kape,” masungit na sabi ko saka tinaasan siya ng kilay.
“Is that so? Should I make another coffee for you?” tanong niya pa.
Napakagat ako sa ibabang labi ko dahil ayan na naman siya sa tila naglalambing na boses niya. Ano ba ang nangyayari sa lalaking 'to at parang sinapian?
“Wag na, kumain ka na lang at 'wag kang titig nang titig sa 'kin.”
Hindi ko alam kung bakit gusto ko siyang sungitan ngayon, gusto ko lang kasi makita kung hanggang saan aabot ang pasensya niya.
“Papa, gusto naming mag-swimming ni Vander sa pool,” sabi ni Arkia kay Arken pagkatapos nilang kumain. Tipid na ngumiti naman si Arken saka tumango.
“Halika, Vander, diba sabi mo kagabi gusto mo magswimming?” nakangiting tanong ni Arkia. Nanatili namang walang emosyon si Vander pero tumango ito sa ate niya.
“Bye, Mama Ayen, mags-swimming lang po kami.”
May pool nga pala rito sa yate ni Arken, hindi naman kasi basta yate lang ito, talagang malaki, nai-imagine ko pa lang ang presyo nito, nalulula na 'ko.
Naiwan kami ni Arken nang umalis sina Arkia at Vander.
Gusto ko rin magswimming, kaso baka isipin ni Arken na ang isip-bata ko.
“Nakausap mo na ba si Vander nang maayos? Alam kong hindi niya lang ipinapakita pero nagugulat siya sa mga nangyayari,” sabi ko saka muling uminom ng kape.
“I talked to him yesterday, when I told him that I'm his father, he believed me in a blink of an eye. I think he knew it in the first place. He's really my son, no doubt,” sabi niya habang nakatitig sa 'kin. Napairap na lang ako.
“Mags-swimming din ako. Bahala ka na rito,” sabi ko na lang at agad siyang iniwan sa hapag. Hindi na ako makatiis, kanina ko pa gustong sumunod kina Arkia.
Nagtungo kaagad ako sa kwarto para magpalit ng maayos-ayos na damit pang-swimming. Hindi ko alam kung bakit may mga pambabaeng damit dito at sakto ang sukat ng mga 'yon sa 'kin. Imposible namang pinasadya ni Arken 'yon.
Simpleng puting fitted sando at itim na shorts na lang ang sinuot ko. Naglagay muna ako ng sunblock saka agad na lumabas ng kwarto at nagtungo sa pool, naabutan ko sina Arkia at Vander na nags-swimming do'n. Agad akong lumusong sa pool, ang tagal na rin nang huli akong nagswimming, nakaka-miss din pala.
“Vander, Arkia, naglagay muna ba kayo ng sunscreen?” tanong ko sa kanila.
“Naglagay na po kami, Mama Ayen, sensitive po kasi ang skin ko,” sabi ni Arkia saka itinuro ang braso niya. Napangiti na lang ako at winisikan siya ng tubig. Napatili naman siya at kaagad na gumanti sa 'kin.
Agad akong napayakap sa sarili ko nang mapatingin ako sa sando ko. Mukhang maling ideya na puti ang sinuot ko, kitang kita na ang bra ko, kulay itim pa naman 'yon.
Agad akong lumubog sa tubig hanggang leeg ko nang makita si Arken na paparating.
Umupo siya sa beach chair na nakatapat sa pwesto ko. Nakasuot siya ng maluwag na sleeveless shirt at aviator sunglasses, pero kahit nakasuot siya no'n, nararamdaman ko na nakatitig siya sa 'kin.
Napayakap ako sa sarili ko kahit nakalublob naman ang katawan ko sa pool, nagtago pa ako sa likod nina Vander at Arkia na abala sa paglalaro. Nakita na naman niya noon ang lahat sa 'kin, pero nahihiya ako ngayon. Nanganak na ako't lahat lahat, hindi na katulad ng dati ang katawan ko.
Napasinghap ako at napailing nang mapagtanto ang tumatakbo sa isip ko. Ano naman ngayon kung isipin niya 'yon? Ano ba'ng pakialam ko? Wala akong pakialam sa iisipin niya.
Napakagat ako sa ibabang labi ko nang umahon na sina Arkia at Vander makalipas ang ilang minutong paglalaro at nagtungo sa upper deck. Naiwan kami ni Arken dito sa may pool area.
Bakit ba palagi kaming iniiwanan ni Arken ng dalawang batang 'yon?
“Are you gonna stay there?” tanong ni Arken saka hinubad ang sunglasses niya.
“U-umalis ka muna, para makaahon ako!” sabi ko at nanatiling nakayakap sa sarili ko.
“Why do I have to leave?” nakakunot-noong tanong niya.
“Basta umalis ka na lang!”
“Answer my question first,” pagmamatigas niya.
Napapikit ako nang mariin saka tiningnan siya nang masama. Gusto ko siyang sakalin ngayon.
“Kita nga kasi ang bra ko dahil manipis ang sando ko at kulay puti pa! Okay na?!”
Natigilan siya sa sinabi ko at tila hindi makapaniwala. Mas lalo akong napaismid at muli siyang inirapan.
Napakagat siya sa ibabang labi niya na tila nagpipigil ng ngiti. Ang gwapo niya pero lalo lang akong naiinis, bakit niya ako tinatawanan? Nagdudusa na nga ako rito eh.
“Umalis ka na sabi!”
Hindi naman siya umalis at nanatili lang na nakatayo sa pwesto niya. Napasinghap ako nang hubarin niya ang suot niyang sleeveless shirt. Agad akong napaiwas ng tingin sa kanya, pakiramdam ko biglang uminit ang pisngi ko kahit malamig naman ang tubig sa pool.
“Come here, wear this. I won't look.”
Dahan-dahan akong lumingon sa kanya. Sa ibang direksyon siya nakatingin habang hawak hawak ang damit na hinubad niya.
Pasimple akong napatingin sa matipunong dibdib niya pababa sa tiyan niya habang hindi siya nakatingin. Akala ko noon wala ng igaganda pa ang pangangatawan niya, pero nagkamali ako. Mas naging prominente ang katawan niya kahit nasa 40 na ang edad niya. Hindi makatarungan. Bakit parang hindi naman siya tumatanda?
“W-wag kang titingin! Kapag tumingin ka, itatapon kita sa dagat at ipapakain sa mga pating diyan!” pananakot ko sa kanya.
Hindi maalis ang tingin ko sa kanya habang umaahon ako, baka bigla siyang tumingin, mahirap na.
“Ay kalabaw!”
Agad na napahawak si Arken sa baywang ko nang matalisod ako nang makaahon na ako. Agad akong napasinghap napayakap sa sarili ko nang mapatingin siya sa 'kin.
“Sorry,” sabi niya na lang saka muling iniwas ang tingin sa 'kin.
Isinuot niya sa 'kin ang shirt niya habang nakaiwas ng tingin. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko nang maamoy ko ang pabango ni Arken do'n.
Tumingin na siya sa 'kin, ako naman ngayon ang napaiwas ng tingin sa kanya. Hanggang dibdib niya lang ako kaya bungad na bungad sa 'kin ang katawan niya.
Kinuha niya ang towel na nakasabit sa sandalan ng beach chair saka marahang pinunasan ang mukha ko pati ang buhok ko. Hindi na lang ako tumutol sa ginawa niya at hinayaan siya.
Ibinalot niya sa katawan ko ang towel, napatingin ako sa kanya at tila wala sa sariling napakapit sa bisig ni Arken.
May kakaiba na naman akong naramdaman na nagpahina sa mga tuhod ko. Pilit kong sinusuway ang mga insekto sa kalamnan ko na nagwawala. Ano na naman ba 'tong nararamdaman ko?
Muli akong napatingin kay Arken, hindi naman siya nagsalita at nakatitig lang sa 'kin. Siguro nararamdaman ko 'to dahil sa pangrereject ni Vaughn sa 'kin. Si Arken ang nagpapagaan ng loob ko ngayon kaya ko siguro 'to nararamdaman.
Hahayaan ko na lang, sa ngayon, sasabay na lang ako sa agos. Hindi rin naman 'to magtatagal, aalis din agad si Arken sa buhay ko.
Hindi ko hahayaang magtagal 'to.