Chapter 16

“NASAAN si Nick?” tanong ni Rodgine kina Red, Chord at Kyle nang ang mga ito na lang ang nadatnan niya sa beach cottage na nirentahan ng mga ito para sa araw na iyon. Weekend get-away ng mga magkakaibigan iyon sa Batangas pero nagsama ang mga ito ng mga dates. Maswerte naman siyang nakasama sa escapade na iyon dahil siya ang “date” ni Nick.

Iyon nga lang, second option lang ako, malungkot na sabi niya sa sarili. Hindi kasi nakasama roon si Muriel dahil may kailangan daw itong gawin. Ayon pa kay Nick, maa-out of place ito sa mga kaibigan nito kapag hindi ito nagsama ng date kaya isinama siya nito. Isa pa’y naroon din si Yngrid na date ni Kyle.

“Nagse-senti sa may tabing dagat,” sagot sa kanya ni Chord.

“Alam n’yo, may saltik talaga sa utak ‘yong kaibigan n’yong ‘yon. Magpapadala-dala dito ng pineapple juice pero aalis naman pala,” aniya na ikinatawa ng mga ito. “Uuy, in love ka na talaga kay Yngrid ‘no, Kyle? Tumatawa ka na ngayon,” puna niya kay Kyle.

Ang unang pagkakakilala kasi niya rito’y tahimik at seryoso na maihahalintulad kay Nick—maliban sa pagkamasungit ng huli—pero ngayon ay nakikita niyang masaya na si Kyle kay Yngrid. It’s really a wonder what love could do to change people. Sana lang ay maging ganoon din si Nick sa kanya.

Hindi na lang crush ‘yan, Rodgine, anang isang bahagi ng isipan niya. Pero ipinagkibit-balikat na lang niya iyon. Hindi siya natatakot na mahalin si Nick. Nae-excite pa nga siya. Pero nangangamba siyang hindi nito maibalik sa kanya ang pagmamahal na maaari niyang ibigay dito dahil nananatiling nakatali ito sa nakaraan nito.

“Patay tayo d’yan. Mukhang totoo na nga. Pati si Rodgine, napansin na,” pang-aasar dito ni Chord.

“Tantanan n’yo nga ang love life ko,” ani Kyle.

“Kaabang-abang naman kasi ang love life mo. Parang kailan lang na ayaw mong makipag-date pero ngayon, in love ka na,” sabi naman ni Red dito.

“Hay, pag-ibig nga naman. Kay lakas at kay bisa,” aniya sa mga ito. She held the glass of pineapple juice near her heart. Idinalangin niyang sana’y ganoon din kalakas at kabisa ang pag-ibig sa pagitan nila ni Nick.

“In love ka rin ba, Rodgine?” tanong sa kanya ni Chord. Umupo siya sa tabi ng mga ito.

“Atin-atin lang ‘to ha. Oo,” nakangising sabi niya sa mga ito.

“I bet sa taong pagbibigyan mo ng pineapple juice na ‘yan ‘no,” ani Red sa kanya.

“Ha? Akala ko ba gusto mong patayin si Nick? Akala ko naiinis ka sa kanya?” nalilitong tanong sa kanya ni Kyle.

“Pang-front ko lang ‘yon. Naiinis ako sa kanya kasi ‘di niya ako pinapansin. Kaya ‘yong ‘patayan’ issue na ‘yon, nagpapansin lang ako sa kanya,” nangingiting paliwanag niya sa mga ito. Sabay-sabay na napa-“ah” at napa-“oh” ang mga ito pagkatapos.

“Patay. Mahirap ‘yan,” ani Chord.

“Ang hirap nga eh. Kung sa pagkain, ‘takaw-tingin’ si Nick para sa’kin,” aniya sa mga ito.

“Ano’ng mahirap do’n? Break na sila ni Muriel ngayon. Wala ka ng karibal,” sabi sa kanya ni Red na ikinagulat niya.

“Break na sila ni Muriel?” tanong niya rito.

“Oo. Kaya nga hindi siya ang sinama niya rito eh,” ani Red sa kanya.

“Oh? Yes!” tuwang-tuwang sigaw niya pero agad din siyang nalungkot nang maalala si Polyanna. “But he’s still stuck with Polyanna.”

“Alam mo ang tungkol kay Polyanna?” sabay-sabay na tanong ng tatlo sa kanya.

“Oo naman. Naikwento na sa’kin ni Manang Yolly ang tungkol sa nangyari sa kanya,” aniya sa mga ito.

“Alam ba ni Nick na alam mo ang tungkol kay Polyanna?” tanong sa kanya ni Kyle.

“Hindi. Hindi naman kami nag-uusap sa mga gano’ng bagay. Actually, hindi naman kami nag-uusap ng matino. Maliban sa negosyo,” aniya.

“I figured. ‘Wag na ‘wag mong babanggitin sa kanya si Polyanna. Mabuti na ‘yang hindi niya alam na alam mo na ang tungkol sa kanya. Magagalit ‘yon kapag nalaman niyang pinagtsi-tsismisan siya,” bilin sa kanya ni Kyle.

“Okay. Noted. Pero alam n’yo, kailangan niyang magmahal muli,” aniya sa mga ito.

“He’s trying. But he just couldn’t find someone like Polyanna. Kaya nga papalit-palit siya ng girlfriend, ‘di ba?” ani Red.

Oh. So, that’s the reason why he’s had girlfriends.

“Malay n’yo ako lang pala ‘yong hinahanap niya,” pabirong sabi niya sa mga ito.

“Gusto mo ba talaga siya?” tanong sa kanya ni Kyle.

“Oo nga, kulit. Tinutukso ko nga siya, ayaw namang kumagat,” aniya rito.

“That’s because he knows you’re just tripping,” ani Chord.

“Hindi ah! Naman! Gusto ko talaga siya! Hindi ko ipagpipilitan ang sarili ko sa kanya kung hindi ko siya gusto talaga,” paliwanag niya sa mga ito.

“Oh, really? Akala niya pinagti-trip-an mo lang siya,” ani Red.

“Teka nga, ang manhid naman ng lalaking ‘yon. Makausap nga,” aniya sa mga ito saka tumayo mula sa kinauupuan niya pero pinigilan siya ni Chord na katabi niya.

“Sandali lang. May sasabihin pa kami sa’yo,” ani Chord sa kanya.

“Ano ‘yon?”

“Please be patient with him. He might be stubborn but he just needs to realize things. Make him realize you’re the one for him,” sabi ni Red sa kanya.

“Make him forget about Polyanna. It’s the only way you’re going to get him,” sabi naman ni Kyle sa kanya.

“Pagselosin mo siya. Seloso ‘yon. Malalaman mong in love na rin siya sa’yo kapag nagseselos na siya,” payo naman sa kanya ni Chord.

“Talaga?” Naalala niya ang mga sinabi nito tungkol kay Daniel noon.

And speaking of Daniel, nasa photoshoot na siguro ito sa mga oras na iyon para sa Rapture ad. Hindi siya nakasama sa photoshoot na iyon dahil isinama nga siya ni Nick sa Batangas. Kaya isang taga-marketing department ang pina-attend ni Nick sa photoshoot na iyon.

“Oo. Are you ready to lose your mind?” tanong sa kanya ni Chord kapagkuwan.

“Huh? Bakit?”

“Oras na ma-in love sa’yo si Nick, hinding-hindi ka na niya pakakawalan pa,” nagbabantang sabi nito sa kanya.

Nginisihan niya ito. “I love it.”

“THANK YOU, Daniel! Nag-enjoy ako ngayong gabi,” nakangiting pasasalamat ni Rodgine kay Daniel pagkababa niya ng kotse nito. Kahahatid lang nito sa kanya sa bahay ni Nick. Nagkaroon sila ng friendly date kanina at pinagaan nito ang loob niya. Tinuruan pa siya nito ng mga moves para daw makuha na niya ang loob ni Nick at kasama roon ang paghatid nito sa kanya nang gabing iyon.

Surely, Daniel is a very good friend. Inamin nitong naging crush siya nito noong una—na ikina-flatter niya—pero nang malaman nitong gusto niya si Nick ay nagpaubaya agad ito.

Mahilig si Daniel sa matatamis kaya kumain sila sa iba’t ibang restaurant at cafes na paborito nito at ipinatikim nito sa kanya lahat ng paborito nitong dessert. Kaya pakiramdam niya ngayo’y nasobrahan siya sa matamis. And the worse thing that’s going to happen to her is to have a toncilitis. Kapag nangyari iyon ay tiyak na lalagnatin siya. Sana lang ay hindi siya magka-toncilitis.

“Next time ulit?” ani Daniel sa kanya.

“Sure! Basta ba libre mo,” aniya rito.

“Oo naman. Basta sagot mo ang kwento,” sabi naman nito sa kanya.

“Sure! Libre lang ‘yon sa’kin,” natatawang sabi nito.

“I had a great time too. If he wouldn’t take you, I’d be happy to,” sabi nito sa kanya sabay kindat.

“My heart is only exclusively for him,” sabi naman niya rito.

“You broke my heart,” pabirong saad nito.

“Don’t you worry. Ihahanap kita ng aayos n’yan,” sabi naman niya rito sabay kindat dito.

“Hihintayin ko ang reto mo ha?” anito.

“Sure! Bukas na bukas ay ihahanap kita. Sige na. Go ka na,” aniya rito.

“Pinapaalis mo na ba ako?”

“Actually—“

“Rodgine!” narinig niyang tawag sa kanya ng boses ni Nick mula sa loob ng gate ng bahay. Nang lingunin niya ito’y nakita niyang nakakunot-noo ito habang nakatingin sa kanila ni Daniel.

“Wait lang,” sabi niya kay Nick.

“Gine, come here,” tawag naman sa kanya ni Daniel.

“Bakit? Bilisan mo lang ha? Baka magalit sa’kin ‘yon,” aniya rito habang lumalapit dito. Nagulat siya dahil pagkalapit niya rito’y bigla siya nitong hinigit palapit dito hanggang sa maging ilang hibla na lang ang layo ng mukha nila sa isa’t isa. “Ano’ng ginagawa mo?” sita niya rito.

“He’s just jealous. Pagselosin pa natin siya. For sure, lalabas na ang totoo niyang nararamdaman sa’yo,” sabi nito sa kanya.

“Eh, paano pala kung hindi siya magselos? Patay ako,” aniya rito.

“Believe me. He could kill me with his stares,” natatawang saad ni Daniel.

Napangiti siya dahil sa sinabi nito. “Pray that he’s jealous. O, sige na. Baka sobrang magselos na ‘yon, hindi na ako pansinin,” aniya kay Daniel saka lumayo dito.

“Good luck!” sabi nito sa kanya saka pinasibad palayo roon ang kotse nito.

“Hi, Nick!” bati niya kay Nick pagpasok niya sa gate.

“Bakit ka niya hinatid dito?” seryosong tanong nito sa kanya.

“Ah, kumain kami sa labas kanina,” walang prenong sabi niya rito.

Sana nga nagseselos siya. Please.

Tinaasan siya nito ng isang kilay. “Kanina pa kita hinihintay, akala ko naman may ginawa kang trabaho, ‘yon pala nakipag-date ka lang. Magpalit ka na ng damit.

Pagkatapos, paliguan mo si Snowy,” utos sa kanya ni Nick.

“Wala ka namang binilin na meeting na dapat kong attend-an kanina no’ng umalis ka sa opisina ah. At saka, hindi naman na working hours ‘yong oras ng naging date namin ni Daniel. At saka, gabi na. Bakit paliliguan ko pa si Snowy?” kunot-noong tanong niya rito.

“Bakit ba ang dami mong tanong? Gusto kong makatabing matulog si Snowy ngayon kaya paliguan mo siya,” masungit na utos nito sa kanya.

“Okay, okay. Paliliguan na kung paliliguan. Ang sungit mo na naman,” aniya rito.

“And by the way, Rodgine, mixing business with pleasure is a violation of the company’s rules,” sabi ni Nick sa kanya.

“What? Saan nanggaling ‘yon?”

“Nakipag-date ka sa isang kliyente. That’s a violation,” seryosong sabi nito sa kanya.

“Bakit hindi mo sinabi sa’kin dati? At saka, no’ng tinanong kita kung pwede kong i-date si Daniel, ang sabi mo ‘bahala ka’. You never said it’s illegal,” sabi niya rito.

“I didn’t say it’s illegal. I said, it’s against the company’s rules,” paliwanag naman ni Nick.

“Wala kang nabanggit na ganyang rule sa’kin,” giit niya rito.

“Stop seeing Daniel or else, you’ll be terminated from your job. Hence, you’ll go back in Cebu. Siguro naman ayaw mong mangyari ‘yon,” anito sa kanya.

“Kasama ba talaga ‘yon sa rules and regulation o you just made it all up dahil nagseselos ka kay Daniel?”

“What? Me? Jealous? Why would I be jealous of him? Because of you? I don’t even like you,” masungit na sabi nito sa kanya.

“Ang sakit mong magsalita ha. Sige lang. Babalik din sa’yo lahat ng sinabi mo,” aniya rito.

Nauna siyang pumasok dito sa loob ng bahay. Dumeretso siya sa kanyang kwarto at nagpalit ng pambahay na damit. Pagkatapos ay hinanap niya si Snowy para paliguan ito. Dinala niya si Snowy sa may garden at doon ito pinaliguan. Naramdaman niyang nangaligkig sa lamig si Snowy.

“Sorry, Snowy. Utos ng masungit nating amo eh,” sabi niya kay Snowy habang sina-shampoo ito.

“Hindi ko sinabing siraan mo ako kay Snowy,” narinig niyang sabi ng boses ni Nick mula sa kanyang likuran. Itinigil niya ang pagsa-shampoo kay Snowy at hinarap ito.

“Pinapanood mo ba ako dahil gusto mong makita kung tama ang ginagawa ko o pinapanood mo ako dahil gusto mo akong makita?” nanunudyong tanong niya rito.

Kinunutan lang siya nito ng noo at hindi nito pinansin ang tanong niya. Frustrated na naman siya sa nakuhang reaksyon dito.

“Pagkatapos mong paliguan si Snowy, ayusin mo ang mga papeles na naiwan ko sa ibabaw ng study table ko sa library,” utos nito sa kanya. Hindi pa man siya tapos paliguan si Snowy ay may panibago na naman itong utos sa kanya.

“Yeah, right.” Bumalik na siya sa pagpapaligo kay Snowy.

“Nagrereklamo ka ba?” masungit na tanong nito sa kanya. Humarap siyang muli rito at nginitian ito.

“Hindi po, kamahalan,” aniya rito.

“Are you mocking me?” kunot-noong tanong nito.

Oh, he looked so damn gorgeous even with a creased forehead. Kasing-bilis ng bullet train ang pagkahulog ng loob niya rito araw-araw. Wala nang balakid sa nararamdaman niya rito ngayon dahil hiwalay na sina Nick at Muriel.

At sa tingin mo’y magiging kayo na ngayong wala na sila? tanong ng isang bahagi ng isipan niya.

I hope so, sabi niya sa sarili. At least, she hopes for something between them.

“Hindi ah. Ang sinasabi ko lang, gustong-gusto ko ang mga utos mo,” aniya rito.

“Good. Pagkatapos mong iayos ang mga papeles na ‘yon, timplahan mo ako ng kape at dalhin mo sa kwarto ko,” panibagong utos na naman nito sa kanya.

Nananadya ba ito?

“Sige po. Ang bait n’yo talaga,” sarkastikong sabi niya rito. Pero pinangunutan lang siya nito ng noo saka muling pumasok sa loob ng bahay. “Alam mo, Snowy, kung hindi ko lang mahal ang amo natin, matagal ko na siyang nasakal dahil sa kasungitan niya,” kausap niya kay Snowy.

Nang matapos niyang paliguan si Snowy ay dinala niya ito sa kanyang kwarto at doon ito bl-in-ower para madaling matuyo ang balahibo nito. Pagkatapos niyang tuyuin si Snowy ay dinala na niya ito sa kwarto ni Nick. Hindi man lang siya pinansin ni Nick pagkahatid niya kay Snowy sa kwarto nito.

“Nasabon ka ba ni Sir Nick?” tanong ni Laida sa kanya nang pumunta siya sa kusina para ipagtimpla ng kape si Nick. Gusto na niya itong itimpla ng kape ngayon para pagkatapos niyang ayusin ang mga papeles na naiwan nito sa library ay deretso tulog na siya.

“Ano ba’ng pinakain n’yo do’n at naging extra masungit yata?” tanong niya rito. Nagsimula na siyang itimpla ang kape ni Nick.

“Bakit kasi nakipag-date ka sa iba? Nagselos tuloy,” ani Laida.

“Nagseselos siya? Sa tingin mo?” nasisiyahang tanong niya kay Laida.

“Kanina ka pa hinihintay no’n dahil isasama ka yata niya sa Tagaytay. May family dinner kasi sila doon ngayon. Hindi na siya tumuloy,” ani Manang Yolly.

“Oh, shit!” mura niya. That explains why he’s such in a bad mood and his ‘sungit syndrome’ had gone worse. “Pero bakit niya po ako isasama do’n eh, family dinner pala ‘yon?” nagtatakang tanong niya sa mga ito.

“Magiging part ka na daw kasi ng family,” ani Laida pagkuwa’y tumili ito sa kilig kaya pati siya ay nakitili na rin.

“Nabanggit ko kasi sa mommy niya na may bago kaming kasama dito kaya gusto ka nilang makasama. ‘Wag kang mag-alala, mabait ang mommy ni Nick. Magugustuhan ka niya,” sabi sa kanya ni Manang Yolly.

“Ay, kinikilig naman ako, manang. Eh, ang problema po, ang hirap spelling-in ng alaga n’yo eh,” aniya rito.

“’Wag kang susuko, Rodgine,” anito sa kanya na malapit na sa pakiusap. Nginitian naman niya ito. Pagkatapos niyang magtimpla ng kape nito ay dinala na niya iyon sa kwarto ni Nick. Nakita niya itong nagbabasa ng isang libro. “Coffee for Nick,” nakangiting sabi niya kay Nick.

“Tapos ka na sa pag-aayos ng mga papeles ko?” tanong nito sa kanya na hindi man lang nag-aangat ng tingin.

“Hindi pa. Aayusin ko na nga ngayon eh. Inuna lang kitang itimpla ng kape,” aniya rito.

“Ayoko n’yan. ‘Di ba ang sabi ko sa’yo ayusin mo muna ang mga papeles sa library bago ka magtimpla ng kape?” masungit na sabi nito sa kanya.

“Ang arte mo naman. Nananadya ka ba?”

“Simpleng instructions lang—“

He shut him up with a quick kiss. At kinilig siya sa ginawa niya. “Sorry for coming home late,” aniya rito saka muli itong hinalikan sa mga labi. “Sorry dahil hindi ko nasunod ang simpleng instructions mo,” sabi niya rito saka muli itong binigyan ng mabilis na halik sa labi. “Wala lang. Gusto lang kitang halikan. And I’m not sorry for that,” nakangiting sabi niya rito saka ito kinindatan. “Areglado na ako ha?”

Napangiti siya ng makitang tila natulala si Nick dahil sa ginawa niyang mga paghalik dito. Iyon lang pala ang makakapagpatigil sa pagsusungit nito. Dapat matagal na pala niya itong hinalikan.

You’ll fall for me soon, Nicholai Velarde.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.