“O, BAKIT nagmamadali ka, Rodgine?” tanong kay Rodgine ni Manang Yolly. Kadarating lang niya sa bahay ni Nick mula Makati galing sa isang meeting. Nang tawagan niya si Nick kanina’y ang sabi nito’y nakabalik na ito sa Maynila mula Clark nang araw na iyon kaya nagmamadali siyang umuwi para ibalita dito ang nangyari sa meeting niya sa isang kliyente nila.
“Magre-report lang ako kay Bossing Nick, manang,” aniya kay Manang Yolly. Mukhang kalalabas lang nito ng library.
“O, siya. Nagpapahinga siya sa loob pero pasukin mo na lang.”
“Nagpapahinga sa loob? Bakit hindi na lang sa kwarto niya?” tanong niya rito. Minsan talaga ay may pagka-‘weird’ si Nick. Mas gusto nitong tumambay sa library kaysa sa kwarto nito. Wala namang ibang kakaiba sa library na iyon.
“Kaaalis lang ni Muriel dito,” ani Manang Yolly. Mabuti na lang at hindi sila nag-abot ng babaeng iyon. Kung hindi ay makikipagplastikan na naman siya dito.
“Ay, mabuti na lang hindi sila sa kwarto tumambay,” pabirong sabi niya rito.
“Ikaw talagang bata ka. Napakaloka mo,” naiiling na sabi ni Manang Yolly sa kanya.
“Manang, kung sa kwarto sila tumambay, mahi-hurt ako.”
“Gumawa ka ng paraan para imulat ang mga mata ni Nick. Nabubulagan lang ‘yon kay Muriel,” pagkuwa’y sabi nito.
“Pero, manang, napapaisip lang ako. Paano kaya naging sina Muriel at Nick ‘no? Parang hindi ko nakikita na nagkagusto sa isang babae si Nick,” napapaisip na tanong niya kay Manang Yolly.
Oo nga’t madalas na magpadala ng mga bulaklak si Nick kay Muriel—at madalas ay siya rin ang umo-order ng mga iyon—pati na ang kung anu-anong regalo na minsan ay siya pa ang nagdadala kay Muriel, pero pakiramdam niya’y hindi naman talaga ‘mahal’ ni Nick ang nobya nito. She feels like there’s no love between the two at all. O baka naman ‘play and fun’ lang ang relasyon ng mga ito?
Kung ganoon ay may pag-asa pa talaga siya.
“Isinumpa ni Nick na hindi na siya magmamahal muli ng isang babae maliban kay Pol—ay, ano ka ba, Rodgine! Pumasok ka na sa loob at mag-report kay Nick. Ako’y magluluto na ng uulamin natin,” umiiwas na saad ni Manang Yolly kaya mas lalo siyang naintriga sa sinabi nito.
Sino si ‘Pol’?
“Sige po, manang,” sabi na lang niya rito pero ipinangako niya sa sariling tatanungin niya itong muli tungkol doon mamaya. Pumasok na siya sa loob ng library at agad na hinanap ng mga mata si Nick.
Nakita niya itong nakaupo sa swivel chair sa likod ng mesa habang nakatingala sa taas at nakapikit. Mukhang natutulog nga ito. Marahan siyang lumapit dito ng walang ginagawang ingay para hindi ito magmulat ng mata. Kinuha niya ng cell phone niyang may camera at kinuhanan ito ng picture habang nakapikit. Napangisi siya sa sarili pagkatapos. Kapag binantaan pa siya nitong ibabalik sa Cebu ay iyon naman ang ipananakot niya rito.
She inched closer to him. She smelled him—his breath and his lips. She smiled to herself. Kung magmumulat ito ng mata ngayon, ano kaya ang gagawin nito sa kanya? Natutukso siyang halikan ang mga labi nitong matagal nang nanunukso sa kanya. Her stomach churned with aching and thrill. He’s not going to be her first kiss but he’s the first one to tease her like that without giving away too much. He’s something she can’t have now, but she would do everything to have him later—soon.
“Sleep well, my prince,” sabi niya rito. Mamaya na lang niya ito kakausapin tungkol sa request ng kanilang kliyente. Pagkalabas niya sa library ay dumeretso siya sa kusina at agad na nilapitan si Manang Yolly. “Manang, sino po si Pol?” agad na tanong niya rito.
“Nakausap mo ba si Nick?” tanong naman sa kanya ni Manang Yolly.
“Tulog po eh. Mamaya ko na lang po siya kakausapin. So, manang, sino si Pol?” muling tanong niya rito.
Bumuntong-hininga ito bago magsalita. “Hindi ako ang dapat magsabi sa’yo tungkol kay Polyanna, Rodgine,” anito sa kanya.
“Ah, so ‘Polyanna’ pala. Bakit, manang? Sino ba siya?” naiintrigang tanong niya rito.
Tumingin muna ito sa paligid bago bahagyang lumapit sa kanya at bumulong. “Si Polyanna ang pinakamamahal na babae ni Nick. Pero pumanaw siya apat na taon na ang nakalilipas,” anito sa kanya.
“Bakit po siya namatay?” gulat na tanong niya rito. Kaya ba masungit at palaging seryoso si Nick? Pero bakit may nobya ito ngayon kung si Polyanna lang pala ang balak nitong mahalin habang buhay?
“Dahil sa sakit na leukemia. Hindi na naagapan dahil hindi agad niya sinabi na may sakit pala siya. Kaya hanggang ngayon ay hindi matanggap ni Nick na wala na siya.
Pakiwari ko nga’y pampalipas-oras lang niya si Muriel. Ilang beses ko na siyang sinabihan na hiwalayan na si Muriel kung gano’n pero hindi naman nakinig sa’kin,” paliwanag ni Manang Yolly.
“Manang, kaya ba masungit at seryosong gano’n si Nick? Dahil hindi pa rin niya matanggap hanggang ngayon na wala na si Polyanna?” tanong niya rito.
“Oo. Hindi naman dating ganyan ‘yan eh. Makulit ‘yan at masayahin. Mula nang mawala si Polyanna, naging seryoso at bugnutin na siya. Lalo na noong unang dalawang taon na wala si Polyanna. Halos patayin n’yan ang sarili sa trabaho at sa pakikipagkarera. Pero pinakiusapan ng mga magulang niya ang manager ng team niya sa superbike kaya hindi muna siya nakapagkarera noon. Ngayong taon lang siya muli umarangkada sa pangangarera dahil hindi na niya masyadong iniinda ang pagkawala ni Polyanna. Pero pakiramdam ko’y hindi pa rin siya lubusang nakaka-get over kay Polyanna. Hindi ko pa siya muling nakikitang tumawa at ngumiti ng galing sa puso,” ani Manang Yolly.
Nalungkot siya sa nalaman. May kung anong kumurot sa puso niya pagkatapos marinig ang lahat ng iyon mula kay Manang Yolly. Kung ganoon ay hindi pala talaga si Muriel ang matindi niyang karibal kay Nick kundi ang nakaraan nito—si Polyanna.
“He needs to fall in love again,” sabi niya. At habang sinasabi niya iyo’y nakaisip siya ng bagong misyon—ang misyong paibigin si Nick, makita itong ngumiti at marinig ang buhay nitong tawa. She would be hitting two birds with one stone, then.
“RODGINE! Pumasok ka nga dito sa loob!” malakas na sigaw kay Rodgine ni Nick mula sa loob ng opisina nito.
“Patay!” kagat-labing sabi niya sa sarili.
“Ano ba kasi ang ginawa mo?” tanong sa kanya ni Yngrid—ang bagong assistant ni Nick. Akala niya’y hindi niya ito makakasundo noong hindi pa niya ito nakikilala pero nagkamali siya. Nang una silang magkita ay agad silang nag-click.
“Asin ‘ata ang nailagay ko sa kape niya imbes na asukal eh,” aniya ritong may pilyang ngiti sa mga labi.
“Loka ka talaga! Bahala ka d’yan. Kakatayin ka niya ng buhay sa loob,” naiiling na sabi sa kanya ni Yngrid.
“Subukan lang niya. Kakainin ko muna siya ng buhay,” sabi naman niya rito bago siya pumasok sa loob ng opisina ni Nick. Pagkasarang-pagkasara niya ng pinto—hindi pa man siya nakakalapit dito—ay sinigawan na agad siya nito.
“Papatayin mo ba ako?” dumadagundong ang boses na tanong ni Nick sa kanya. Matalim ang ginagawa nitong pagtingin sa kanya.
“Slight lang naman,” aniya ritong pinipigilan ang sariling matawa.
“Eh, kung ibalik na lang kaya kita sa nanay mo?” pasinghal na banta sa kanya ni Nick.
“Ikaw rin. Mawawalan ka ng effective at efficient na executive assistant. You can’t live without me, Bossing Nick,” nangingiting sabi niya rito.
Sinadya niyang asin ang ilagay sa kape nito para magpapansin dito. Hindi kasi siya nito pinapansin nitong mga nakaraang araw. At tuwing nag-uutos ito sa kanya’y idinadaan pa nito kay Yngrid o kay Manang Yolly. Hindi niya alam kung ano ang problema nito sa kanya.
“Timplahan mo ulit ako ng kape,” utos nito sa kanya. “Ikaw ang maiiwan dito mamaya dahil kami ni Yngrid ang makikipag-meeting sa Rapture,” sabi nito sa kanya.
Ang “Rapture” ay isang underwear brand na bago nilang kliyente. Nagpapagawa ito ng bagong ad sa kanila at photoshoot na lang ang kailangan nilang gawin para matapos na ang deal nila sa mga ito.
“Bakit? Akala ko ba okay na ‘yon? Tapos ko na silang i-meeting no’ng isang araw ‘di ba? Photoshoot na lang ang kulang sa kanila,” aniya rito. Iyon ang ini-report niya rito noong isang araw.
“Hindi ko gusto ang concept nila,” anito.
“In-approve mo na ang concept nila at nagustuhan na nila ‘yon. Bakit babaguhin mo pa?” aniya rito.
“Hindi ko gusto ‘yong napili mong model. Bakit siya ang napili mo?” tanong nito sa kanya.
“Ang hot kaya ni Daniel Cross!” nanlalaki ang mga matang sabi niya rito. Nang mag-meeting sila ng mga representative ng Rapture ay namili na sila ng model para sa photoshoot at napili nila si Daniel Cross—ang half-Filipino, half-Brazilian model na in demand sa modelling world ngayon sa Pilipinas.
“Iba na lang ang kunin nating model,” sabi lang ni Nick.
“Bakit nga? May issue ba kayong dalawa?” naiintrigang tanong niya rito.
“Wala. Itimpla mo na lang ako ng kape,” anito saka tumayo at lumabas ng opisina. “Yngrid, sumama ka sa’kin. May imi-meet tayong kliyente,” pormal na sabi nito kay Yngrid.
“Nick, nand’yan naman si Rodgine ah. Bakit hindi siya ang isama mo?” anang kaibigan nitong si Kyle dito. Manliligaw ito ni Yngrid.
“Oo nga naman, Bossing. Kaya ko namang makipag-meeting sa mga kliyente mo eh. Nagawa ko na nga ng maraming beses eh,” aniya rito pero hindi man lang siya pinansin ni Nick. Gusto niyang ipaglaban si Daniel para sa photoshoot na iyon. Nakilala na niya noong isang araw si Daniel at napakabait nito sa kanya. Crush niya si Daniel pero siyempre, mas crush niya si Nick.
“Kyle, hindi ito ang oras para magligawan kayo ni Yngrid. May trabaho pa kami kaya mamaya ka na manligaw,” seryosong saad ni Nick.
“Nick, ano bang bago sa tangkang pagpatay sa’yo nitong si Rodgine?” biro ni Kyle dito.
“Kaya nga bukas na bukas din ay isasauli ko na siya sa ina niya para wala nang sakit sa ulo ko,” sabi ni Nick. Napangiwi siya sa sinabi nito pero may naalala siya.
“Hindi mo ako basta na lang mapapaalis dito, Nick. May hawak pa akong alas sa’yo,” pilyang sabi niya rito. Lumakad siya palayo kay Nick at saka tumigil na tila may nakalimutan. “Oh. If you want to see your oh-so-nice pictures, just call me, ‘kay?” nakangising sabi niya kay Nick saka binigyan pa ito ng isang flying kiss.
Natawa ng malakas si Kyle dahil sa ginawa niya pero mas lalo namang naging mukhang nakakatakot si Nick kaya pinipigilan niya ang sariling matawa habang naglalakad palayo sa mga ito. Pumunta siya sa “break-room” nila ni Yngrid kung saan sila nagme-merienda. Iyon din ang nagsisilbing “kitchen” ni Nick sa dami ng pagkain doon. Titimplahan niya ito ng kape.
“Ano’ng pictures ‘yong sinasabi mo?” bungad sa kanya ni Nick nang makapasok ito sa break-room.
“Matinding sikreto,” nakangising sabi niya rito. Kumuha siya ng bagong kapihan at nilagyan iyon ng brewed coffee. “Lalagyan ko ba ng—“
“Nasaan ‘yong picture na ‘yon?” seryosong tanong nito sa kanya. Kung si Yngrid ay natatakot kay Nick dahil masungit at seryoso ito, siya ay hindi. Nae-enjoy pa niya ang pagiging masungit at seryoso nito. Gustong-gusto niya itong asarin palagi kapag ganoon ito.
“Nakalimutan ko na kung saan ko nailagay,” pagsisinungaling niya rito. Sukat sa sinabi niyang iyon ay hinawakan nito ang hita niya para kapaan ang cell phone niyang naroon. “Hoy!” saway at reklamo niya rito pero hindi siya nito pinansin.
Pakiramdam niya’y tumalon ang puso niya dahil sa ginawa nito. They’re standing dangerously close to each other and he’s touching her. Oh, god. Natutukso na naman ako. She almost jumped when Nick’s hand slipped through her pocket. Nanlaki ang kanyang mga mata ng maramdaman ang kamay nito sa loob ng bulsa niya habang kinukuha nito ang cell phone niya roon. Hindi siya makagalaw. Mabuti na lang at naipatong na niya sa may pantry ang kapihan bago pa man siya i-‘harrass’ ni Nick.
“You made my picture your cell phone wall paper?” tila naa-amuse na tanong sa kanya ni Nick kahit na hindi ito nakangiti habang tinitingnan ang cell phone niya. Hindi nito napansin ang nangyari sa kanya.
“Crush nga kita ‘di ba,” wala sa sariling sabi niya rito.
“Crush mo ‘ko pero nakikipaglandian ka kay Daniel Cross,” tila nang-aakusang sabi nito sa kanya. Iyon ang pumukaw sa kanya.
“Landian? Kay Daniel? Sino? Ako?” sunud-sunod na tanong niya rito. Hindi niya alam kung ano ang sinasabi nito. Oo at nakilala niya si Daniel pero hindi siya nakipaglandian dito kahit na crush niya ito.
“Sino pa ba? Alangan namang ako,” anitong hindi tumitingin sa kanya. Abala pa rin ito sa pagtingin ng cell phone niya.
“Hindi ako nakikipaglandian sa kanya ‘no! At saka, mas crush kita kaysa sa kanya,” lakas-loob na sabi niya rito. Ilang beses na siyang nagpapalipad-hangin dito pero hindi naman nito siya pinapansin. Hindi niya alam kung ayos ba iyon o hindi.
Siyempre, hindi. Siya ang kauna-unahang lalaki na hindi kumakagat sa mga panunukso mo, anang isang bahagi ng isipan niya.
“Good. ‘Wag ka ng makikipagkita sa kanya,” utos nito sa kanya na ikinakunot-noo niya.
“Teka nga. Kaya ayaw mo bang si Daniel ang maging model ng Rapture ad? Oh-my-gosh! Nagseselos ka sa kanya dahil crush mo na rin ako!” sigaw niya rito na para bang nanalo siya sa lotto sa tuwa. Kinikilig siya dahil sa isipin.
This is it! Nagseselos siya! Crush na rin niya ako! Hurrah!
“Dream on, Rodgine,” parungit nito sa kanya habang nakakunot-noo.
“Ayaw mo pang aminin pero ‘yon naman ang totoo. I-break mo na si Muriel para pwede na tayong dalawa,” pabirong sabi niya rito na hindi naman nito pinansin.
Wala pa rin ang mga pahaging mo sa kanya, Rodgine.
“Magtino ka na nga, Rodgine,” sabi nito sa kanya. Iyon na lang palagi ang sinasabi nito sa kanya. Nagsasawa na siyang marinig iyon mula rito.
“Matino naman ako…na nagmamahal sa’yo,” aniya rito pagkuwa’y binigyan ito ng isang kindat. Lumapit ito sa kanya at ibinalik ang cell phone niya. Pagkuwa’y pinitik na naman ang noo niya. “Aray! Sumu-sobra ka na ha,” reklamo niya rito.
“Sumu-sobra na rin ‘yang kapilyahan mo. Rodgine, ‘wag ako ang pag-trip-an mo. Humanap ka na lang ng ibang lalaki—“
“Okay. Ide-date ko na lang si Daniel Cross,” sabi niya rito. Tinitigan siya nito ng matagal pagkatapos. Nilabanan naman niya ito ng tingin.
Aminin mo na kasing nagseselos ka.
“Bahala ka,” sabi lang nito na ikinadismaya niya.