HINDI PALA MASARAP sa pakiramdam na makita ang mga taong matagal mo nang gustong makita lalo na’t kapamilya iyon nang ex-boyfriend mo. Wala naman sanang kaso sa kanya ang pakikipagkita sa mga ito ngayon. Iyon nga lang, hindi masarap sa pakiramdam dahil kasama nila si Nate. Bigla na lang kasi itong sumulpot doon. Ang masarap lang sa pakiramdam ay iyong parang walang nagbago sa pakikitungo ng mga ito sa kanya kahit hindi na sila ni Nate.
“We’re so glad your back, Poppy. Na-miss namin ang mga luto mo,” sabi sa kanya ni Mommy Cora na ina ni Nate. Kahit ang pagtawag niya ng “mommy” dito ay hindi pa rin nagbabago dahil iyon na ang nakasanayan niyang itawag dito at ayaw naman nito iyong ipabago sa kanya.
“Na-miss ko din po ang mga luto mo, Mommy Cora. Iba pa rin ‘pag kayo ni Mommy Phem ang nagluluto para sa’kin,” nakangiting sabi niya rito.
Dati kasi, hangga’t maaari ay nagba-bonding sila ng mommy niya at ni Mommy Cora sa pamamagitan ng pagluluto. Wala pa kasi siyang masyadong ginagawa noon dahil ayaw naman siyang pahawakin ng negosyo ng mga magulang niya. Ang Kuya Polo niya ang tine-train ng papa niya para humawak ng negosyo nila noon. Ayon pa sa mga ito, babae siya kaya hindi siya ang dapat na nagtatrabaho.
Her future was all clear then. Nakaplano na ang lahat para sa kanya. Magiging executive ng Alonzo Telecommunications Company o AlCom si Nate at magpapakasal silang dalawa. Five years ago, everything was all set for the two of them. Until she learned of freedom and breaking free.
Five years ago, um-attend siya ng isang socialites’ party na para sa mga babae sa high society lang at nakilala niya roon ang isang talent scout at may-ari ng isang modelling management agency sa Manhattan—si Ricci. Nagustuhan siya nito at in-offer-an siya nito bilang maging isang modelo sa ahensiya nito. Pangarap niyang maging isang modelo mula high school pero noo’y hindi siya pinayagan ng kanyang ama kaya hindi niya iyon natupad. Actually, pangarap lang niyang maging isang modelo sa Pilipinas pero higit pa ang dumating sa kanya. Isa pa’y gusto niyang makagawa ng isang bagay para sa sarili niya. Isang bagay na walang tulong mula sa impluwensiya ng pamilya niya o mula sa pag-aalaga sa kanya ni Nate.
Kaya sinubukan niya ang offer na iyon ni Ricci. Lumipad siya noon patungo sa Manhattan na ang buong akala ni Nate at nang pamilya niya ay shopping ang ipupunta niya. Isang beses siyang nag-pictorial para sa agency magazine ni Ricci at nagustuhan niya ang experience na iyon. Isa pa’y hindi lang naman siya ang Pilipino sa ahensiyang iyon kaya hindi siya masyadong nag-alala. Siyempre pa ay hindi muna niya pinaalam kay Nate at sa pamilya niya ang ginawa niya.
Nang bumalik siya sa Pilipinas at sabihin niya sa kanyang pamilya at kay Nate ang desisyon niyang maging modelo sa ibang bansa ay inaasahan na niyang tututol ang mga ito sa gusto niya. At katulad nga ng inasahan niya, hindi nga pumayag ang mga ito pero dahil sinuportahan siya ng Kuya Polo niya, hindi kalaunan ay pumayag na rin ang mga magulang niya.
Kay Nate siya nahirapan. She knew where he’s coming from then. At kahit siya’y alam niyang magiging mahirap ang long distance relationship. Pero pilit niya itong kinumbinsi at pinaintindi niya rito ang mga bagay na hindi nito maintindihan. Pero nagmatigas pa rin ito...
“Kapag umalis ka, Poppy, tapos na tayo,” banta ni Nate sa kanya.
“Nate, intindihin mo naman ako. Hindi lang ikaw ang may gustong marating at mapatunayan. Ako rin,” aniya rito.
“Why modelling, Poppy? Maiintindihan ko pa kung pupunta ka sa London at mag-aaral kang muli doon eh,” anito sa kanya.
“Minamaliit mo ba ang magiging trabaho ko?” tanong niya rito na unti-unting nakakaramdam ng inis dito.
“There. You’re decided. No wonder kahit ano’ng sabihin ko sa’yo ngayon hindi mo maiintindihan at magiging bale-wala lang sa’yo. Nakapagdesisyon ka na,” ani Nate.
“Nate, I want you to understand.”
“I won’t understand why you want to do something stupid,” bulalas ni Nate.
“Stupid? Hear this, Nate. Matagal ko nang gustong maging model and calling that ‘stupid’ makes me stupid too,” iritadong sabi niya rito.
“Why would you want to be a model, anyways? It’s not something I want you to do,” anito sa kanya.
“It’s not always about what you want, Nate. Heck, I’ve been doing what you always want for two years! Sawang-sawa na ako!” naiiyak na sigaw niya rito. Hindi naman niya sinasadyang sabihin iyon dito pero iyon ang nararamdaman niya ngayon.
Masaya siya sa dalawang taong pagsasama nila ni Nate dahil ramdam na ramdam niya ang pagmamahal mula rito. With him, she really felt being loved and being cared for. Iyon nga lang, minsan ay nagiging over-protective na ito sa kanya at minsan ay nakakainis ang pagli-limit nito sa kanya pero naiintindihan naman niya ang mga rasong ibinibigay nito sa kanya. Actually, ikinakikilig pa nga niya ang minsang pagiging over-protective ni Nate dahil ramdam niya talagang mahalaga at importante siya dito. She somehow found it sweet.
Pero may pagkakataon na nakakarinig siya ng sabi-sabi na “doll” at “puppet” daw siya ni Nate dahil sinusunod daw niya ang lahat ng sabihin nito. The others would actually say, she’s just a trophy girlfriend. That all she does was smile and stay pretty. Siya daw ang dahilan kung bakit mabango ang pangalan ni Nate sa board of directors ng AlCom at ng kompanya nila sa publiko na talagang ikinaiinis niya. Pero hindi iyon naging rason para hiwalayan niya si Nate dahil hindi naman alam ng mga ito kung ano ang nangyayari sa pagitan nilang dalawa.
She loved him so much to let those rumors break them up. Iyon nga lang, sa pagkakataong ito ay sumobra na talaga ito. This time, he really made her feel like a puppet.
“Eh, ‘di lumabas din ang totoo. Bakit ginamit mo pa ang modelling dream mo kung ang gusto mo lang palang gawin ay makipaghiwalay sa’kin?” nang-uuyam na saad ni Nate.
“You know what? This talk is useless. You won’t ever have an open-mind, Nate. Someday, it would drown you,” aniya rito.
“I’m warning you, Poppy. If you leave, there’s no turning back. Hindi ako nakikipagbalikan sa mga ex-girlfriend ko,” banta pa nito sa kanya. Muli niya itong hinarap. Nakita niya ang paglambot ng ekspresyon ng mukha nito. “Stay. Please stay,” tila nagmamakaawang sabi nito sa kanya.
Mariin siyang napapikit. Mas matindi ang sigaw ng puso niya kaysa sa isipan niya. Bumuntong-hininga siya para pakawalan lahat ng negatibong bagay sa sistema niya.
“I’ll stay,” aniya rito.
Hindi siya tumuloy sa pagmomodelo noon pero dumating ang isang araw na hinayaan na siya ni Nate na gawin ang gusto niya. Labis na saya ang naramdaman niya noon at dahil doo’y minahal pa niya ng lubos si Nate. They had compromised for a long distance relationship. Magdadalaw-an na lang daw silang dalawa. For three months, their set-up worked. Until Nate did something that made her love for him wore out easily.
He cheated on her. Nang minsang sorpresahin niya ito noon sa condo unit nito’y siya pa ang nasorpresa sa nadatnang eksena roon. Isang maliit lang na tuwalya ang nakatapi sa baywang ni Nate noon pagkabukas nito sa pintuan. When she peeked in, she saw a woman wrapped in a towel and she believed that she’s naked underneath. Siguradong-sigurado siya at malakas ang kutob niya na may nangyari kay Nate sa babaeng iyon noon.
Heck! Tatlong buwan pa lang siyang nawawala noon at palagi naman silang may komunikasyon ni Nate pero niloloko na lang pala siya nito.
“Poppy, wait! Listen to me,” pigil sa kanya ni Nate. Hinawakan siya nito sa isang kamay niya pero ipiniksi niya iyon at saka ito sinampal.
“Don’t you dare come near me again, Nate! Three months! Tatlong buwan pa lang akong nawawala pero natuto ka nang maghanap ng iba?” nang-uuyam na sabi niya rito.
Kung hindi pa siguro siya nag-surprise visit dito’y hindi pa niya malalaman ang tungkol sa panloloko nito sa kanya.
“Let me explain—“
“So, what? So you could fool me again? Heck! Did you have a relationship with me because I make you look good? That’s all? Tama ba ang sinasabi nilang lahat, Nate?” emosyunal na tanong niya rito. Hindi na niya napigilan pa ang maiyak sa harapan nito.
Natatakot siyang sabihin ni Nate na tama ang sinasabi ng ibang tao. Natatakot siyang sabihin nito na hindi naman siya nito minahal.
“Where the hell did you get that? Of course not! Poppy, listen—“
“Nate, something wrong?” narinig niyang tanong ng babaeng “kabit” ni Nate. Tila nanadya pa ito dahil lumabas ito ng unit ni Nate nang nakatapi lang ng tuwalya. Pinatay niya ito ng mura sa kanyang isipan.
“Honey, please. We’ll talk later,” ani Nate dito na mas nagpaigting pa sa inis at galit na nararamdaman niya.
“Damn you, Nate!” galit na sigaw niya rito saka muli itong binigyan ng malakas na sampal.
“What the fuck, Poppy? Don’t assume unless it’s proven!” tila naiinis na rin na sabi nito sa kanya.
“Enough! I’ve totally had it with you, Nate. Siguro kaya pumayag ka na rin na i-pursue ko ang modelling dahil may babae ka na rito. Damn you! Magsama kayong dalawa!”galit na sigaw pa rin niya rito saka niya ito nilayasan.
Akala niya’y susundan pa siya ni Nate pero hindi na ito sumunod sa kanya. Kung ma-pride si Nate, sensitive siya.
Magkahalong inis, galit at frustration ang naramdaman niya kay Nate dahil pagkatapos ng nangyari ay hindi na ito kumontak pa sa kanya noon. Kaya agad siyang bumalik sa Manhattan noon. Pagkabalik niya noon sa Manhattan ay pumayag na siya sa mga kapwa modelo niya na nanghihingi ng date sa kanya. Pero inis na inis siya dahil ganoon din si Nate sa ibang babae sa Pilipinas. Malalaman na lang niya na kung kani-kanino ito nakikipag-date. Naging secret battle na nga yata nilang dalawa kung sino ang pinakamaraming nai-date na mula nang maghiwalay sila.
Pagkalipas ng limang tao’y ngayon pa lang siya muling bumalik ng Pilipinas. Akala kasi niya’y hindi niya kakayaning makita muli si Nate pero kaya naman pala niya. Actually, she was so proud of herself that she could face Nate like that—headstrong and with confidence. She was proud of herself that she could actually show off Nate.
She was now the Poppy Belmonte she wanted to be then—an international model, someone who’s good at doing her own craft, someone who’s not being bossed around. It was actually fulfilling and she’s really happy. Hindi lang iyon, co-owner na rin siya ng pamosong clothing line ng Chique Boutique kasama ang kaibigan niyang si Paris Fonacier. Wala nang tao na magmamaliit pa sa kanya ngayon lalo na si Nate.
“’Yo, Poppy!” pukaw ni Nate sa atensyon niya. Nang tingnan niya ito’y nakakunot ang noo nito sa kanya. “Sorry to just pop in your head. Nag-aalala kasi ako para sa’yo. Lutang ka na naman,” pang-aasar nito sa kanya.
“Hay, Nate. You just can’t get over me. Thank you sa concern ha?” pang-aasar naman niya rito.
“Saan na naman nanggaling ‘yan, Poppy? You keep on dreaming about me getting back with you,” ganti sa kanya ni Nate.
“Alam mo, Nate, minsan talaga kapag masyadong tinatago, lumalabas,” ganti naman niya rito.
“Bakit hindi na lang ba kayo magbalikang dalawa?” singit ni Mommy Cora sa kanila. Tiningnan niya si Nate na naunang magsalita kaysa sa kanya.
“We’re better off as friends, mom,” sabi ni Nate.
Nainis siya sa isinagot nito. “As if I want to even be friends with you,” inis na sabi niya rito.
“See? Gusto mo talagang maging ‘tayo’ ulit,” ani Nate.
“Dream on, Nate. Kasi hanggang panaginip na lang mangyayari ‘yon,” sabi niya rito.
“Where is the sweet Poppy I once knew? Wow! I love the Poppy you are now,” natatawang sabi ni Daddy Freddie na ama ni Nate.
“Thank you, dad. The Poppy you once knew, broke free,” nakangiting sabi niya rito.
“Well, Nate. Sa tingin ko, kailangan mong mas mag-exert pa ng effort this time,” makahulugang sabi ni Daddy Freddie.
“Hija, matanong nga kita. May boyfriend ka na ba ngayon?” tanong ng Mommy Cora niya.
Hindi niya alam kung bakit pero nailang siya sa tanong nito. “W-wala po,” aniya. Then, she heard Nate chuckle. “But I’m dating,” agad na sabi niya.
Forgive me for lying. Last na ‘to. She won’t ever let Nate laugh at her. Never.
“Alam mo, Poppy, kapag hindi totoo, halata,” sabi sa kanya ni Nate.
“Akala mo nagsisinungaling ako? Of course I go out on dates!” inis na sabi niya rito.
“Yeah, right. Say whatever you please,” ani Nate na tila hindi pa rin naniniwala sa kanya.
“I’m actually dating Franz Matthew. You saw us last Camp Speed monthly patron race, ‘di ba?” aniya rito.
“Oh, the stupid guy,” ani Nate.
“He’s not stupid!” pagtatanggol niya kay Franz Matthew.
“He’s stupid for me. Anyways, aalis na ako. I have a date later tonight. A real one,” paalam nito sa kanya saka diretsong tumingin sa kanya bago siya kinindatan.
Pakiramdam niya’y literal na lumundag ang puso niya dahil sa kindat nito. Napatulala siya rito at hindi siya makapag-isip ng maayos para makaganti kay Nate.
“’Wag kang masyadong magselos ha, Poppy?” pang-aasar pa sa kanya ni Nate.
Shit! What just happened?
“THE NERVE OF THAT GUY! ARGH! Sobrang nakakainis! I wanted to kill him or...poach his head or even crush his face! Damn him!” inis na sabi ni Poppy sa kaibigan niyang si Louelle—Lady Elle herself.
Si Louelle ang naging matalik niyang kaibigan sa Manhattan. Filipina din ito. Struggling designer ito noon at siya naman ay model. And together, they conquered the fashion world. Naging pamosong modelo siya dahil dito at naging pamosong designer naman ito dahil din sa mga imino-modelo niyang damit. At ngayon nga’y may-ari na ito ng isang clothing line hindi lang sa Manhattan sikat kundi sa buong mundo. Kasali rin ang collection ni Louelle sa mga ibenebenta sa Chique Boutique nila ni Paris dito sa bansa.
“Was he still hot?” tanong ni Louelle sa kabilang linya.
“Damn it, yes! And that’s the most irritating part. How could he be that hot? I mean, gosh! He was hotter now,” dire-diretsong sabi niya rito na hindi na pinag-isipan pa ang mga sinabi. When she realized what she had just said, it was already too late. Kahit hindi niya nakikita si Louelle ay tiyak niyang nakangisi na ito sa kabilang linya.
“Hindi ka pa rin nakaka-get over, girl. Talk it out,” sabi ni Louelle.
“The hell we will! Not even the thinniest chance, Lou,” mariing sabi niya rito.
“Suit yourself. Just don’t tell me you’re getting married next month or I’ll screw up your wedding. Ang arte n’yo pareho,” sabi naman ni Louelle.
“That doesn’t even make my wildest dreams, Lou,” sabi naman niya rito.
“But Nate is your wildest dream,” nanunuksong sabi nito sa kanya.
“Louelle Acosta!”
“Fine, fine. Wala na akong sinabi. Anyways, I’m coming home two weeks from now for the Philippine Fashion Week gala. Kasali ang collection ko do’n and of course, I want you to model for me,” anito.
“Sure. Call me when you get here,” sabi naman niya rito.
“Uh-huh. And I have someone special to pair up with you. Para makabawi man lang ako sa mga utang ko sa kanya,” pahabol na sabi pa nito.
“Sino?” curious na tanong niya rito.
“Secret.”