MASAYANG kumain ng dried mangoes si Heart habang nakahiga sa duyan sa may lanai ng bahay ng Mama niya sa Cebu. Dalawang linggo na rin siyang nananatili roon dahil hindi pa niya kayang bumalik sa Maynila. Nang alukin siya ng isang kaibigan ni Madame Jacque na serbisyuhan muna ito sa Cebu ay agad na pumayag siya dahil mabibisita nga niya roon ang kanyang ina.
Nang matapos ang serbisyo niya sa ginang ay nanatili siya sa tahanan ng kanyang ina bilang parte ng kanyang pagmu-move on. Mas makabubuti sa kanya na huwag na munang bumalik sa Maynila para hindi niya maalala si Jazz. Maliit lang ang Maynila at natatakot siyang baka magkita sila roon. Isa pa’y nagmo-modelo pa rin ito sa P&P. Iiwasan niya ito hangga’t sa makakaya niya.
Hindi siya nagpaalam dito nang pumunta siya sa Cebu dahil ayaw niya itong makausap. Hindi rin niya sinasagot ni isa sa mga tawag at texts nito dahil galit pa rin siya rito. Ayaw na niya itong makausap o makita kahit kailan. Labis siyang nasaktan dahil sa ginawa nitong panloloko sa kanya. Kaya bakit pa niya ito kakausapin?
“Hindi mo pa rin ba sasabihin sa’kin kung bakit ayaw mo pang bumalik sa Maynila?” tanong ng Mama niya.
Kung ang kanyang ama ay may mga anak, ang mama naman niya’y wala. Kaya mas komportable siya sa bahay nito kahit na naroon ang bagong asawa nitong si Tito Gil.
“’Ma, pinapaalis mo na ba ako? Nakakapagtampo naman,” aniya rito.
“Anak, hindi naman sa gano’n. Gusto ko lang malaman kung bakit ayaw mo pang bumalik sa Maynila. Dati-rati, kailangan pa kitang piliting magbakasyon dito pero ngayon, ikaw na mismo ang pumunta dito. Mahal na mahal mo ang trabaho mo ro’n at gusto mong magpayaman kaya nagtataka ako kung bakit nandito ka ngayon,” paliwanag nito.
“Hindi ba pwedeng na-miss lang kita ng sobra?” nakangising sabi niya rito saka ito niyakap ng mahigpit.
“Hindi, Heart. Kaya mo akong tiisin noon. Alam kong may problema ka ngayon kaya sabihin mo na sa’kin,” pamimilit nito.
“I’m sorry, ‘Ma. Busy lang talaga ako noon kaya hindi kita madalaw dito. Ang layo kasi eh,” katwiran niya.
“At isa pa, galit ka pa rin sa’kin, sa amin ng Papa mo dahil naghiwalay kami.”
“Shoot!”
“Anak, patawarin mo kami pareho ng Papa mo pero mas makabubuti ‘yon para sa aming dalawa. Pareho lang kaming mahihirapan sa isang sitwasyon na hindi na maaayos pa. Ganoon talaga siguro ang buhay, hindi perpekto. Kailangan mo na lang tanggapin ‘yon ngayon.”
“Ano pa nga ba ang magagawa ko eh matagal na kayong hiwalay,” nakakibit-balikat na sabi niya.
“I’m sorry, Heart. I’m sorry kung pakiramdam mo ay iniwan ka namin. Noong panahong ‘yon, ang tanging nakita naming paraan ng Papa mo para hindi magkasakitan ay ang maghiwalay na lang.”
“Okay lang, ‘Ma. Nagalit lang ako sa inyo noon, kami ni Ate, dahil hindi n’yo man lang naisip na may mga anak pa kayo. Nasaktan kami dahil hindi namin alam kung saan lulugar. Nagkaroon kayo pareho ni Papa ng kanya-kanyang pamilya. Ang pakiramdam tuloy namin ni Ate noon, kami ang outsider sa binuo n’yong bagong pamilya. Kaya nang magkaroon ng trabaho si Ate at nagpasyang umalis sa poder n’yo, sumama na ako kasi ‘yon ang pakiramdam ko,” paliwanag din niya rito.
“I’m sorry, anak. Mapatawad n’yo sana kami ng Papa mo,” hinging-paumanhin nito saka mahigpit siyang niyakap.
“Okay na ‘yon, ‘Ma. Wala na tayong magagawa dahil nangyari na ang mga nangyari,” aniya.
“Pero may magagawa pa tayo sa problema mo, anak. Kaya mabuti pang sabihin mo na sa’kin kung ano ‘yang tinatago mo sa’kin.”
“’Wag na, ‘Ma. Kaya ko ‘to,” nakangiting sabi niya rito.
“Ano pang silbi ko at naging nanay mo ako kung hindi kita matutulungan d’yan sa problema mo?”
Bumuntong-hininga siya at nagsimulang magkwento dito ng lahat ng nangyari simula umpisa pati na rin ang mga kinatakutan niyang mangyari. Lahat-lahat na.
“Parang hindi kompleto ang kwento mo, anak,” komento ng Mama niya pagkatapos niyang ikwento dito ang lahat.
“’Ma, ‘yon na ‘yon. Wala akong inilihim pa sa inyo.”
“Walang happy ending or closure. Bakit hindi mo tinanong si Jazz kung sino ang babaeng kausap niya sa restaurant? Bakit hindi mo nilinaw sa kanya kung ano ba sa kanya si Jenny?” anito na tila nag-iisip pa.
“’Ma, ilang beses niya akong hindi sinipot sa mga date namin. Palagi niyang sinasabi na urgent meeting. Urgent meeting ba ‘yong nakikipaglandian siya sa ibang babae sa oras na dapat eh date namin gayong nag-aalala ako sa kanya? Ni hindi man lang niya sinasabi sa’kin kung saan siya pumupunta para man lang hindi ako mag-alala. Ano’ng tawag mo do’n, ‘Ma?”
“Paano mo malalalaman ang totoo kung hindi mo siya kakausapin? Anak, there are two reasons why we lose people. We lose them because it’s meant to happen and we lose them because we let it happen. Huwag mong hayaang magsisi ka sa huli dahil hindi mo nalaman ang totoo, anak. Baka mamaya, hinayaan mong mawala si Jazz, iyon pala’y hindi totoo ang mga hinala mo o walang katotohanan ang nakita mo,” payo sa kanya ng kanyang ina.
“’Ma, nakita ko nga ang ebidensiya,” giit niya.
“Sinasaktan mo lang ang sarili mo sa pag-aakalang niloloko ka ni Jazz. Paano kung hindi ka niya niloloko? Kay Jazz ka dapat naniwala dahil mas kilala mo siya kaysa sa Jenny na ‘yon. Malay mo bang kaaway siya dahil isa siya sa nasaktan ng malamang nobya ka na pala ni Jazz?” sabi pa nito.
Bumuntong-hininga siya. Nagpadalos-dalos ba siya sa pagdedesisyon na iwan si Jazz? Masisisi ba niya ang kanyang sarili gayong nasaktan siya sa kanyang mga nakita? Paano ipapaliwanag sa kanya ni Jazz ang naramdaman niyang panlalamig mula rito?
Mukhang tama ang kanyang ina at si Allen. Kailangan niya ng paliwanag ni Jazz. Kailangan niyang malaman ang totoo. Isa pa’y nami-miss na niya ito. Kahit na nakakaramdam siya ng galit para rito’y hindi pa rin niya maiwasan ang ma-miss ito.
“Bumalik ka na sa Maynila dahil naiipit sa inyong dalawa ni Jazz si Allen. Kawawa naman ang kaibigan mong ‘yon dahil hindi na raw niya alam kung ano ang sasabihin kay Jazz. Palagi na lang daw naroon sa bahay n’yo si Jazz,” anang mama niya.
“Nakakausap mo si Allen?” nagtatakang tanong niya rito.
“Oo. Nasagot ko ang tawag niya sa’yo no’ng isang araw at nakakwentuhan ko siya.”
“Don’t tell me, alam mo na ang lahat bago ko pa ikwento sa’yo?”
“Slight,” makulit na sabi nito. Inirapan lang niya ang kanyang ina.
“ANO’NG mayro’n at naglalasing ka?” tanong kay Jazz ng Kuya Aze niya. Kararating lang nito galing sa opisina samantalang siya’y kanina pa nagpapakalunod sa alak. Marami siyang nalaman sa buong maghapong paghahanap niya ng solusyon sa problema nila ni Heart.
“Ayaw akong kausapin ni Heart. She left for Cebu at hindi ko alam kung kailan siya babalik. I’ve been trying to call her but she’s not answering any of my calls!” naiinis na sabi niya.
“Ano’ng nangyari?”
“Kinausap siya ni Jenny. That bitch! At ito namang si Heart, naniwala agad!” nanggigil na sabi niya. Nakita niya kanina si Keziah nang madalaw siya sa Prim and Proper at naikwento nito sa kanya ang naging pag-uusap nina Jenny at Heart. Doon niya nalaman kung bakit nagalit sa kanya si Heart.
Nang makausap naman niya si Allen ay sinabi nito sa kanya na nakita siya nito at ni Heart sa La Souffle na may ka-date daw na babae. Nangyari iyon bago tumungo sa Cebu si Heart kaya alam niyang si Georgina ang tinutukoy nitong babae.
Nasasaktan siya dahil hindi man lang hiningi ni Heart ang paliwanag niya sa mga nangyari para magkaintindihan sila. Hindi man lang siya nito pinagkatiwalaan. Sobrang sakit ng nararamdaman niya ngayon. Just when he thought he already found the right girl for him, fate intervened.
“Just be patient, bro. Pasasaan ba’t mami-miss ka rin ni Heart at babalik din ‘yon dito. Isa pa, narito sa Maynila ang buhay niya. Hayaan mo muna siyang makapag-isip-isip,” payo ng kuya niya.
“ALLEN, I’m home!” tawag ni Heart sa kaibigan nang makapasok siya sa kanilang bahay. Itinabi niya ang dalang maleta sa may sofa at muling tinawag si Allen pero walang sumasagot. Tanghali na ng mga panahong iyon at t-in-ext niya ito kanina na pauwi na siya ngayon kaya imposibleng umalis ito ng bahay. Nasa labas pa naman ang sasakyan nito.
Dumiretso siya sa kanilang kusina dahil nauuhaw siya at gusto niyang uminom ng tubig. Pero laking gulat niya nga makita niya roon si Jazz. Nakahalukipkip ito habang nakasandal sa kanilang kitchen counter at seryosong nakatingin sa kanya.
“So, you’re finally home,” pormal na sabi nito sa kanya.
“Bakit ka nandito? Nasaan si Allen?”
“I ask her to leave and she gladly obliged. Mabuti pa si Allen dahil naiiintindihan ako. Hindi katulad ng girlfriend ko na walang tiwala sa’kin,” anito sa malamig na tono.
“Talagang mabuti pa si Allen dahil hindi siya nasaktan,” matapang na sabi niya rito.
“Mabuti naman at gusto mo ng magsalita. What the hell are you talking about?” maang na tanong nito.
“Huwag ka ng magmaang-maangan pa, Jazz. Alam mo kung ano ang sinasabi ko. Alam mo kung bakit ako nagpunta sa Cebu. Nasaktan ako dahil sa ginawa mo!”
Naihilamos nito ang mga kamay sa mukha nito. “Paano kita nasaktan?”
“Si Jenny! Nang tanungin kita dati kung sino siya sa buhay mo, sabi mo kaibigan mo lang siya. Pero nakausap ko na siya dati. Marami siyang sinabi sa’kin tungkol sa inyong dalawa na ayaw ko ng alalahanin pa. Siguro naman ay alam mo kung ano ang tinutukoy mo. ‘Yong babaeng kalandian mo sa La Souffle bago ako umalis! We were supposed to have a date then, but you cancelled it for an urgent meeting. Urgent ba ‘yong makipaglandian ka lang sa ibang babae? Hindi mo man lang ako nagawang i-text kung nasaan ka. Kung hindi pa sinabi sa’kin ni Menchie, hindi ko malalaman. Hindi ko malalaman ang panloloko mo sa’kin,” mahabang litanya niya rito.
Namalayan na lang niyang tumutulo na pala ang luha niya.
Nagulat siya nang bigla siya nitong yakapin ng mahigpit at halikan ng ilang beses sa kanyang buhok, noo at pisngi.
“Bakit hindi mo sinabi sa’kin agad ‘yan, Heart? What? I’ve been miserable for two weeks because of you. Nagkaroon lang pala tayo ng hindi pagkakaintindihan,” sabi nitong nagniningning sa saya ang mga mata.
Nagtatakang tumingin siya rito. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Jenny was my playmate before. Magkasundo kami dahil parehong gusto naming maglaro noon. Noon siyempre, gusto ko ng gano’n dahil pabor ‘yon sa’kin. Pero nakausap ko na si Jenny. Hindi ko alam na kinausap ka pala niya at hindi ko alam na lumipat na siya ng P&P. Nang makausap ko si Keziah at sinabi niya sa’kin ang nangyari nang magkita kayo ni Jenny sa P&P noon, alam ko na kung bakit ka lumayo.”
Shit, Heart! Ang tanga-tanga mo! Naniwala ka sa isang kaaway!
“Binantaan na niya ako dati na hindi ako basta makakawala sa kanya pero hindi ko alam na aabot ‘yon sa ganito. Nalaman pala niya kay Jack ang tungkol sa kasunduan natin dahil pinatulan ng gagong si Jack si Jenny,” naiiling na sabi nito. “I’m sorry that Jenny had caused you trouble. Nagbago na ako, Heart. At dahil ‘yon sa’yo.”
“Tungkol naman sa babaeng kasama ko sa La Souffle noon, that’s Ate Gee. Ex-girlfriend siya ni Kuya Aze at siya ang interior designer ng Heart’s Corner. You don’t have to worry about her. May unfinished business pa sila ni kuya na kailangan nilang ayusin,” paliwanag nito.
At nagselos ka pa sa hindi naman dapat pagselosan!
“Heart’s Corner?” nagtatakang tanong niya rito. She had never heard of that before.
“You’ll see,” makahulugang sabi nito saka siya nito hinila palabas ng bahay. Pinasakay siya nito ng sasakyan ni Allen. “Nagpalitan kami ng sasakyan ni Allen dahil baka ‘pag nakita mo ang sasakyan ko’y hindi ka pumasok ng bahay. Sinabi sa’kin ni Allen na dadating ka ngayon,” paliwanag nito.
Umabot ng halos isang oras ang biyahe nila papunta sa Taguig at habang nasa biyahe ay hindi sila nag-uusap ni Jazz. May mga tao kasi itong tinatawagan na hindi niya malaman kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito.
“Welcome to Heart’s Corner! You’re very own healthy resto shop. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko nasisipot ang dates natin. Busy ako sa pagpapagawa nito. Well, nagkaproblema rin sa kompanya at ang urgent meeting na sinasabi ko ay ‘yong tungkol sa paghahanap namin ng supplier. I’m sorry, Heart,” paliwanag ni Jazz.
Naintindihan na niya ito ngayon. Pero labis niyang ikinagulat ang sinabi nito. Akin ang Heart’s Corner? Namamanghang napatingin siya kay Jazz.
“Sana sinabi mo sa’kin. Maiintindihan ko naman eh. At saka, hindi na natuloy ang deal natin ‘di ba? Bakit pinagawa mo pa ito?” tanong niya rito.
“Because I love you. Simula noong matitigan kita sa mata no’ng nasa bar tayo, na-in love na ako sa’yo. Sobra ang ginawa kong pagpipigil ‘wag lang kitang mahalikan dahil ibig sabihin no’n ay hindi na kita makakasama at hindi na rin kita magiging girlfriend. I can’t afford to break the rules because that would mean forfeiture of our only chance to be together—our deal. Hindi mo alam kung gaano ko inaasam na maging akin ka na.”
“I was on my quest to find my Ms. Right, but you stepped in the way and made me stop looking. For my heart knows that you’re the right one for it and I can only agree to its every beating. Blessing in disguise na lang siguro ‘yong nangyaring pagtatagpo natin sa Marinduque dahil it gave way for us to be closer than ever. ‘Tapos, naisip pa ng mga kaibigan ko ang tungkol sa deal na ‘yon.”
“Aaminin ko na noong una, wala akong ibang hinangad kundi ang maitaboy ang mga babaeng naghahabol sa’kin sa pamamagitan mo. I even offered you something that you can’t resist. Pero nakilala kita at naging masaya ako sa piling mo. Namalayan ko na lang na nahuhulog na pala ang loob ko sa’yo. Ayaw ko namang pigilan ang sarili ko dahil gusto ko ang pakiramdam na idinudulot ng pagmamahal ko sa’yo.”
“You’ve made me fall for you effortlessly, Heart. Kaya nasaktan ako ng sobra nang bigla ka ng lang lumayo ng walang paliwanag. Para akong mababaliw sa kakatawag sa’yo gayong hindi mo naman ‘yon sinasagot.”
Naiiyak na yumakap si Heart kay Jazz. Real stupid, Heart. Nagkaroon lang sila ng matinding hindi pagkakaintindihan.
“I’m sorry, Jazz. I’m really sorry for not trusting you enough to have faith in you,” hinging-paumanhin niya rito.
“I told you to trust me. Next time, maniwala ka na sa’kin ha?” masuyong sabi nito sa kanya. Pinahid ng mga kamay nito ang mga luhang naglandas sa kanyang pisngi saka nito hinalikan ang bawat parte ng kanyang mukha.
“Nasaktan ako noon dahil iniwan ako ng boyfriend kong si Joe. Ang tingin ko sa lahat ng lalaki, masama. Pagkatapos, naghiwalay pa ang mga magulang ko. Simula noon, hindi na ako naniwala sa salitang ‘pag-ibig’. Natakot na akong magtiwala muli sa mga lalaki. But then you came and proved me wrong. Nakita ko ang pagbabago mo dahil sa pag-ibig na akala ko’y ginagawa mo para sa iba noon. I fell in love with you. Binalewala ko ang tungkol sa kasunduan natin. Ikaw kasi, tinutukso mo akong gustuhin ka, minahal tuloy kita. I’ve loved you ever since you called me mine,” malambing na sabi niya rito.
Ngumiti ito na abot sa langit at nagniningning ang mga matang tumingin sa kanya. Masuyo nitong hinaplos ang kanyang pisngi at hinalikan ang isang kamay niya.
“I know that you don’t believe in fairy tales and happy ever afters but you could always believe in us, Heart.”
Masuyong hinaplos niya ang isang pisngi nito. “I will, Jazz. Nang dahil sa’yo, naniwala muli ako sa pag-ibig. Salamat. I love you.”
“I love you too,” masuyong sabi nito saka inilapit ang mukha sa kanya. Tangkang hahalikan na siya nito ngunit may biglang sumigaw sa likuran nila.
“Heart, you’re back!” anang tinig ni Allen na ikinatawa niya.
“Seriously, Allen?” tila naasar na sabi rito ni Jazz.
“Hoy, ‘wag mo ‘kong ganyanin! Grabe ang kunsumi ko sa inyong dalawa ‘no! Ang drama n’yo kasi!” ani Allen.
“Tutulungan na lang kita kay Hugh,” nakangising sabi ni Jazz kay Allen.
“Whatever!” pairap na saad ni Allen saka ito pumasok sa Heart’s Corner.
“She and Jake broke up already. Kaya pwede na sila ni Hugh,” ani Jazz.
“O, siya. Tara na sa loob dahil gusto ko ng makita ang hitsura ng shop ko,” nakangiting sabi niya rito.
“After this,” sabi ni Jazz at walang anu-anong hinalikan siya sa may kalsada habang nanonood ang maraming taong dumaraan doon at nasa iba’t ibang gusali.
It was the sweetest, most loving kiss she had ever had in her life. And that, she will cherish the most.
Wala na ngang mas gaganda, mas sasaya at mas bobongga kung mahal ka rin ng taong mahal mo. Masaya ang ma-in love. Try n’yo.
After a week, Heart and Jazz opened Heart’s Corner. Marami ang tumangkilik ng shop dahil puro organic ingredients ang ginagamit nilang sangkap ng mga pagkain. Tuwang-tuwa si Heart dahil sa regalong iyon ni Jazz. Naging maayos ang kanilang pagsasama at talagang nagtiwala na siya rito. Hindi na niya hahayaan pang maulit muli ang hindi nila pagkakaintindihan dati. Hindi na rin siya nagpapadalos-dalos pa.
After a month, Jazz proposed marriage to Heart in a very simple yet memorable way. Natatakot din kasi si Jazz noon na mag-propose kay Heart dahil ayaw nito sa ‘love and marriage’ dati. Kaya naman tuwang-tuwa si Jazz nang tanggapin ni Heart ang inalok nitong kasal.
Heart became fearless and sweet. Handa siyang harapin ang bukas kasama si Jazz ng hindi na kailangan pang matakot dahil secure siya sa pagmamahal nito.