PUMALAKPAK si Heart nang matapos kumanta ang mga batang taga-ampunan dahil nag-practice ang mga ito para sa street chorale na gagawin ng mga ito para makalikom ng pondo ng ampunan. Hindi pa man Disyembre ay mangangaroling na ang mga batang ito.
May ilang tumutulong sa ampunan na iyon at isa na roon si Jazz ngunit sa dami ng batang nakatira sa ampunan ay kulang pa daw ang tulong na iyon. Ang isa pang rason kung bakit ginagawa iyon nang mga bata’y dahil gusto nang mga itong may magawa para sa ampunan.
Iyon ang gustong ipakita sa kanya ni Jazz kanina nang pumunta ito sa kanilang bahay. Ten minutes after itong tawagan ni Allen ay bumusina na ang sasakyan nito sa kanilang bahay. Papunta pala talaga ito sa kanila para yayain siyang pumunta ng ampunan. Sulit naman ang pagsama niya rito dahil nag-enjoy siya sa panonood at pakikinig sa mga batang ito.
“Ang galing!” masayang hayag niya. Tumayo pa siya at mas pinalakpakan pa ang mga bata. Binati niya ang mga bata kasabay ang pagyakap sa mga ito. Gusto rin niyang makatulong sa mga ito katulad ng pagtulong ni Jazz sa mga ito.
“Kailan mo pa sila tinutulungan?” tanong niya kay Jazz.
“Since last year. Nakita ko kasi ang isang batang nawawala sa isang fast food chain noon. I helped him and found out that he’s an orphan. Nasa isang field trip pala sila. Nakilala ko ang ibang bata pati na rin ang mga taga-pangalaga nila. Akala ko nga no’ng una’y hindi ko maitutuloy ang pagtulong at pagpunta-punta ko dito, pero hindi naman pala. I always make it a point to come here every now and then. Nami-miss ko ang mga bata eh,” kwento ni Jazz.
Habang nagku-kwento ito’y mataman siyang nakatingin dito. She was amazed on how kind-hearted he was. Malapit sa sitwasyon ng mga bata sa ampunan ang kalagayan niya sa buhay dahil kahit na may mga magulang siya’y hindi naman niya kasama ang mga ito. Kaya naman talagang nagalak siya ng malaman ang pagtulong ni Jazz sa ampunan.
Her whole heart went out for him. Ngayon niya nasabi sa sarili na ayos lang na mahalin niya si Jazz dahil sigurado siyang hindi siya nito sasaktan. Marunong itong magpahalaga sa mga babae, sa nararamdaman ng iba, at hindi siya nito sasaktan.
“O, in love ka na sa’kin?” naulinigan niyang tanong nito ngunit maang na nakatitig lang siya rito.
“Yeah…” wala sa sariling sabi niya.
“Talaga? In love ka na sa’kin?” nakangising tanong nito.
“H-ha?”
“You just told me you’re in love with me. Tinanong kita kung nai-in love ka na sa’kin. Kasi, kung makatitig ka, pakiramdam ko matutunaw ako. Then you said, ‘yeah’. So, in love ka nga sa’kin,” amused na sabi nito.
“Do you believe that I’m still capable of loving, Jazz?” tanong niya rito.
Ngumiti ito sa kanya. “You’re capable of falling in love and having a relationship, Heart. You’re just too afraid to give into it because you’re afraid of getting hurt. But remember, getting hurt is part of falling in love.”
Bumuntong-hininga siya. “I once believed in love, in fairy tales and in happy ever afters. But I guess fairy tales and happy ever afters aren’t for everyone. Hindi siya para sa’kin. Pero masaya ako ngayon. I’m blessed, single and happy.”
“Kahit gaano mo pa pilitin ang sarili mong maging masaya, hindi ka pa rin magiging masaya dahil may kulang sa buhay mo. Hindi ka man naniniwala sa mga ‘yon, you could still believe in them if you really want to fall in love and be happy.”
“Bakit ba palagi na lang nilang sinasabing magiging masaya lang ang isang tao kapag naranasan na niyang magmahal o natagpuan na niya ang lalaki o babaeng mamahalin nila habang buhay?”
“Because loving is the most blissful feeling you could ever feel in the world. When you love, all you got to do is love. Hindi mo kailangang mag-isip pa ng kahit na ano. When you fall in love, all that matters to you would be the one you love,” anitong nakatingin ng diretso sa kanyang mga mata.
Muli ay naroon na naman ang kakaibang pakiramdam na tanging nararamdaman niya kay Jazz. Mahal niyang talaga si Jazz. Ito ang lalaking pagkakatiwalaan niya ng kanyang puso. Ito ang lalaking hindi mananakit sa kanyang damdamin.
“I got something to confess,” aniya rito.
“In love ka na sa’kin?” nakangising tanong nito.
Ngumiti siya rito. “Nilabag ko ang rule number four.”
“Ha? What the heck is—“ Nanlalaki ang mga matang tumigil ito sa pagsasalita at saka tumingin sa kanya ng tila maalala kung ano ang ‘rule’ na iyon.
“Yes, I think I love you,” pag-amin niya rito. “So, hindi mo na kailangang ipatayo ang shop ko. Nilabag ko na—natin—ang rule number three sa Boracay, at ngayo’y nilabag ko na ang rule number four. The deal’s over, Jazz.” But, I will still love you.
She saw him blink thrice. Mukhang hindi ito naniniwala sa sinabi niya. Nagkibit-balikat lang siya. Pagkuwa’y bigla na lang siya nitong niyakap ng mahigpit.
“Finally! I thought you’re really not going to fall in love with me. My efforts paid off, big time! Don’t think about the deal anymore. I love you, Heart. I really do, and thank you for loving me back. I won’t hurt you, Heart. You can trust me, promise,” tuwang-tuwang sabi nito sa kanya. She can feel and hear his heartbeat and its in sync with hers. Para bang nag-usap na ang mga ito tungkol sa bagay na iyon.
He doesn’t need to explain everything. Tama na sa kanya ang malamang mahal din siya ni Jazz. Ano pa ba ang mahihiling niya? Kompleto na ang buhay niya.
INULAN na naman ng tukso si Heart isang umaga ng mga taga-P&P dahil pinadalhan siya ng bulaklak ni Jazz. Pero tinanggap niya ang panunudyo ng mga ito ng buong puso. Tanggap na kasi niya sa sarili na mahal niya si Jazz at masaya siya dahil mahal din siya nito. Isang linggo nang opisyal ang kanilang relasyon at hindi na sila nagpapanggap lang dahil sa kanilang kasunduan.
“Ikaw na talaga, Heart!” ani Keziah. Naroon ito sa P&P dahil may nangyayaring photoshoot sa isa nilang studio roon. Hinihintay lang nito ang bago nilang modelo na si Jenny Smith kaya ito bumaba sa gym.
“Haba ng hair ko,” natatawang sabi niya sa mga ito.
“Itali mo lang kasi baka may pumutol n’yan ng hindi mo namamalayan,” anang boses ng babae na mula sa kung saan. Isang makahulugang ngiti ang binigay nito sa kanya na para bang kilala siya nito gayong ngayon pa lang niya ito nakikita. Mala-porselana ang kutis nito, matangkad itong babae, sexy at mukhang modelo.
“Jenny! Bakit ngayon ka lang?” tanong dito ni Keziah. Mukhang ito ang bago nilang modelo na hinihintay nito.
“I’ve got jammed in traffic. I’m so sorry for waiting,” paumanhin nito saka nakipag-beso kay Keziah pagkatapos ay bumaling ito sa kanya. “Hi! I’m Jenny,” pakilala nito sa kanya.
Isang payak na ngiti ang ibinigay niya rito saka nagpakilala. “I’m Heart.”
“Heart Amores?” tanong nito.
“Yes. Kilala mo ako?” kunot-noong tanong niya rito.
“Yeah. Jazz had told me so many things about you,” anito na ikinagulat niya. Kilala nito si Jazz?
“Si Jazz?”
“Yeah. Sinabi niya sa’kin ang tungkol sa deal n’yo. Salamat sa pagtataboy sa mga babaeng ‘yon ha. Grabe talaga sila! Sandaling panahon lang akong nawala, nand’yan na naman sila para landiin si Jazz. Hindi na sila nadala sa mga nangyari. Alam mo kasi, kahit na sino pa ang maging fling ni Jazz o kung sino pa ang maging girlfriend niya, hindi pa rin nila matatalo kung ano ang mayro’n kami ni Jazz.”
“We are so compatible with each other that we don’t need to commit ourselves. Takot kasi sa commitments si Jazz kaya magkasundong-magkasundo kami. Kung may maging girlfriend man si Jazz, hinihiwalayan din niya kasi ang company ko ang hinahanap niya. You know, Jazz can’t stand relationships. Madali siyang ma-bore and he always wants to play,” kwento ni Jenny.
Pakiramdam niya’y may bombang sumabog sa kanyang sistema. Napaatras siya pero hinawakan naman siya ni Keziah. Nanuyo ang kanyang lalamunan. Parang gusto niyang umiyak pero walang luhang lumalabas sa kanyang mga mata. Nakatingin lang siya kay Jenny. Gusto niya itong saktan pero mas nasasaktan siya sa ngiting ibinibigay nito sa kanya.
“Jenny!” saway dito ni Keziah.
“What? Did I say something bad? Ano’ng nangyayari sa’yo, Heart? May masakit ba sa’yo?” tanong pa nitong tila nanadya.
“Wala ng ibang karelasyon si Jazz ngayon,” aniya.
“Oo nga. Wala naman kaming relasyon ni Jazz eh. We’re just playmates who can’t play with someone else. Kaya kung may girlfriend sa inyo si Jazz, mabuti pang tapusin n’yo na ang kahibangan n’yo ngayon pa lang dahil sigurado akong naglalaro lang si Jazz. Sooner or later, mabo-bore na sa inyo si Jazz. Hindi na siya sisipot sa dates n’yo or worse, hindi man lang niya kayo tatawagan. I’m saving you all the pain and heartache. Kami lang ni Jazz ang makakatagal sa isa’t isa dahil pareho kami ng gusto at mundong ginagalawan. Believe me, maraming babae na ang nakaranas ng sinasabi ko,” paliwanag ni Jenny.
Hindi ba sinabi ni Jazz sa lahat ng naging girlfriend at date nitong sila na? Bakit narito ngayon si Jenny at sinasabing may relasyon pa rin ito kay Jazz? Bakit ganito ang nangyayari? Maganda na ang simula ng araw niya kanina. Bakit kailangang sirain pa ng babaeng ito ang araw niya?
Huwag kang makinig sa kanya, Heart. Nagsisinungaling lang siya. Mahal ka ni Jazz at hindi niya ‘yon magagawa sa’yo, pangongonsola niya sa sarili. I trust you, Jazz.
UMILING sa kanya si Allen pagkatapos nitong ibaba ang telepono. Pinatawagan niya rito si Jazz dahil nag-aalala na siya rito pero hindi nito sinasagot ang tawag. Tinawagan nila si Menchie pero sinabi nitong kanina pa raw lumabas ng opisina si Jazz. Dapat ay may date sila ng gabing iyon pero na-cancel na naman dahil may urgent meeting daw ito.
Ilang araw na itong ganoon sa kanya. Ilang beses na itong nag-set ng date nila pero hindi rin naman natutuloy ang mga iyon dahil palagi itong may nagiging urgent meeting. Hindi man lang nito sinasabi sa kanya kung ano ang urgent meeting na mga iyon.
May namumuong kutob sa kanyang puso na baka nga tama ang sinasabi ni Jenny. Paano kung totoong nagkikita pa ang mga ito? Paano kung na-bore na sa kanya si Jazz at mas gusto pa rin nito si Jenny? Ni hindi man lang nito ikinwento sa kanya ang tungkol kay Jenny.
Nang tanungin niya ito dati tungkol kay Jenny ay sinabi nitong kaibigan lang nito ang babae. Anong klaseng kaibigan para rito si Jenny gayong ‘naglalaro’ raw ang mga ito?
Hindi mapakaling pinaikot-ikot niya sa kanyang palad ang kanyang cell phone. Hinihintay niyang tumawag o mag-text man lang ito sa kanya upang sabihin kung nasaan ito pero ni-‘ha’ ni-‘ho’ ay wala siyang natatanggap mula rito.
“Itatawag na lang daw sa’yo ni Menchie sakaling malaman niya kung nasaan si Jazz,” ani Allen.
“May kutob ako, Allen,” aniya rito.
“Ano ka ba naman, Heart? ‘Wag mong sabihing naniniwala ka sa bruhang Jenny na ‘yon? Nililinlang ka lang no’n! Malay mo bang isa lang siya sa mga babaeng naghahabol kay Jazz. Kausapin mo na muna si Jazz tungkol sa kanya para alam mo na ‘di ba?”
“’Yon na nga eh! Ang sabi niya magkaibigan lang daw sila. May magkaibigan bang gano’n?”
“O, sinabi na pala niya sa’yo eh. Magkaibigan lang sila, tapos!” ani Allen.
“Bakit nangyayari ngayon ang sinasabi ni Jenny? Pakiramdam ko, nanlalamig na sa’kin si Jazz. Bakit hindi man lang niya magawang sabihin sa’kin kung nasaan siya? Paano kung magkasama pala sila ngayon ni Jenny at naglalaro sila. Lintik!” naiinis na sabi niya.
Pakiramdam niya’y siya ang nagmumukhang tanga sa mga nangyayari. Bakit kasi kailangan pang pumasok ni Jenny sa eksena?
“Baka may problema lang talaga sa kompanya nila at ayaw ka niyang mag-alala pa kaya hindi niya sinasabi sa’yo. Heart, pagsubok lang ‘to sa inyong dalawa ni Jazz. Magpapatalo ka ba?”
“HINDI ka pa ba uuwi, Jazz?” tanong kay Jazz ng nakatatanda niyang kapatid na si Azeriel Villaraza. Katatapos lang ng urgent meeting nila sa mga bago nilang investors para sa bago nilang linya ng negosyo. Nitong mga nakaraang araw ay naging abala silang magkapatid sa paghahanap ng mga bagong investor dahil nag-back out ang mga dati nilang investor para sa bagong proyektong iyon.
May nangyaring leakage ng project kasi galing sa kanila mula sa kalaban nilang kompanya at kinailangan nilang ayusin pa iyon. Kaya naka-cancel lahat ng isine-set niyang date nila ni Heart. Pero tapos na ang problema kaya makakabawi na siya rito.
“Hindi pa, Kuya. Hinihintay ko pa ang interior designer ng Heart’s Corner eh,” sagot niya sa kanyang kapatid.
“Sino?” tanong nito. As if on cue, Georgina Gonzales entered the scene and his brother put a smug on his face. Napailing na lang siya. Mag-ex ang dalawang ito at hindi sila in good terms.
“What is she doing here?” mabalasik na tanong ng Kuya Aze niya.
“Siya ang kinuha kong interior designer para sa Heart’s Corner,” nakangiting sagot niya rito.
“Bakit kailangang siya pa ang kunin mo? May iba pa naman d’yan,” anang kuya niya.
“Excuse me? Hindi ikaw ang magde-desisyon dito kundi si Jazz kaya ‘wag kang makialam. Hindi naman ako nagta-trabaho sa’yo kaya manahimik ka d’yan,” asik naman dito ng kanyang Ate Gee.
Nagsukatan ng tingin ang mga ito kaya natawa lang siya. Hinawakan niya ang braso ni Georgina at pinaupo ito sa tabi niya.
“Kuya, umuwi ka na.”
“Talaga! Ayoko na dito,” anang kuya niya saka sila nito iniwan. Sasagutin pa sana ito ni Georgina pero pinigilan niya ito.
“You two should talk you know,” aniya sa dalawang may halong panunudyo ang tinig.
“Wala na kaming dapat pang pag-usapan,” pairap na saad ni Georgina.
Hindi naging malinaw sa kanya kung bakit nagkahiwalay ito at ang kuya niya ngunit alam niyang malalim ang dahilan niyon gayong galit na galit dito ang Kuya Aze niya.
“Okay, okay. Ano’ng ipapakita mo sa’kin?” natatawang tanong niya rito.
Naglabas ito ng folder mula sa shoulder bag na dala nito at ipinakita ang ilang pictures ng furnitures sa kanya. Nakita na niya ang hitsura ng Heart’s Corner nang magpunta siya roon noong isang linggo kaya ang dapat niyang piliing kasangkapan para roo’y iyong bagay doon. Tinulungan naman siya ni Georgina ng mga kasangkapang babagay doon kaya naging madali lang para sa kanya ang pagpili.
Kailangan lang talaga nito ang approval niya para sa ilalagay nitong furnitures sa shop. Gusto niya kasi iyong matapos bago pa man silang mag-first monthsary ni Heart dahil iyon ang gusto niyang iregalo dito. Kaya naging abala din siya nitong mga nakaraang araw ay dahil sa Heart’s Corner.
“You love her so much, huh?” anito sa kanya.
“Yes, I do.”
“Mabuti naman. ‘Wag kang tumulad sa kuya mo,” anang kanyang Ate Gee.
“Ate Gee, bakit ba kayo nag-break ni kuya?”
“Hindi ko rin alam kung bakit ba talaga. Basta dumating ang isang araw na nalaman ko, wala na pala kami at nasa States na siya. Kaya ikaw, ‘wag mong hayaang mangyari ‘yon sa inyo ni Heart ngayon. Masyadong masakit,” makahulugang saad nito.
He won’t let that happen. Ever…
URGENT meeting? He’s meeting with one of his girls! sabi ni Heart sa sarili. Kagagaling lang nila ni Allen sa La Souffle kung saan niya nakita si Jazz na may ka-date na isang babae. Sweet na sweet na nagkukwentuhan pa ang mga ito na parang may tinitingnan. Magkatabi pa ang mga ito ng upuan at intimate na intimate ang distansiya.
Kung hindi pa itinext sa kanya ni Menchie kung nasaan si Jazz ay hindi pa niya malalaman ang inililihim nito sa kanya.
“Baka ka-meeting lang niya ang babaeng ‘yon, Heart,” konsola sa kanya ni Allen ng makababa sila ng kotse nito.
“Al, kitang-kita mo kung gaano sila ka-sweet. Tawa pa ng tawa ang Jazz na ‘yon! Hindi man lang niya iniisip na naghihintay ako ng tawag niya!” galit na saad niya. Sa galit ay hindi na niya napigilan ang maiyak.
Nagtiwala siya kay Jazz pero sinira nito ang tiwalang iyon. Akala niya’y hindi ito katulad ng ibang lalaki. Pero tama pala ang hinala niya. Niloloko lang siya ni Jazz. Pinaglalaruan lang siya nito. Siguro’y gusto lang siya nitong isama sa listahan ng mga ex nito. Tama pala ang sinabi ni Jenny. Kung iyon ang gusto nito’y ibibigay niya iyon dito.
“Magsama sila ng babaeng ‘yon pati na rin ng Jenny na ‘yon!” galit na sigaw niya saka walang humpay na umiyak.