Chapter 31 - #Like4Like

BONUS STORY

“BSU Secret Files or Brookeshire University Secret Files is a page that’s all about confessions, stories and experiences from the students, faculty members, or anyone related to the said university. i.e., ‘Hindi lahat ng lalaking may abs, pure-blooded hot male.’ By Spice Girl.”

~---~

PAGKATAPOS lumangoy ng ilang laps ni Cruz—na kasama sa kanyang daily routine—ay nakatanggap siya ng text mula sa kaibigan niyang si Dave. Tinatanong nito kung nakita na daw niya ang bagong trending topic sa BSU Secret Files—o Brookeshire University Secret Files—at humihingi ito ng tawad. Kaya napakunot-noo siya sa text nito.

BSU Secret Files is all about confessions, stories and experiences from the students, faculty members, or anyone related to the said university. Submitting of “files” is anonymously done through the use of Google Drive. Kaya hindi malalaman ng mga makakabasa kung sino ang kung sino ang nagse-send ng confessions unless magpakilala ito. Anonymity at its finest.

Third year student si Cruz sa Brookshire University sa kursong BS Education at parte siya ng varsity team ng unibersidad bilang isang swimmer. Hindi sa pagmamayabang pero isa siya sa pinaka-sikat na estudyante sa buong Brookeshire. At kung may kinalaman man siya sa BSU Secret Files, hindi iyon dahil nagko-confess siya roon o admin siya ng page na iyon kundi tiyak na may nag-confess na naman ng admirasyon nito sa kanya.

Kaya out of curiosity ay binuksan ni Cruz ang kanyang Facebook para tingnan kung ano ang trending topic na iyon. Nagulat siya dahil doble kaysa karaniwan ang bilang ng kanyang notifications lalo na ang kanyang Inbox. Pero dahil wala pa siyang oras at panahon para isa-isahin ang mga iyon ay tiningnan niya ang kanyang notifications. Agad niyang nakita ang notif ng maloko niyang pinsang si Fitz na isang komentong nagsasabing “Ikaw ba ‘to?” Nang i-click niya ang link niyon ay dinala siya niyon sa isang post na agad na nakapagpataas ng kilay ni Cruz.

BSU Secret Files

“Hindi lahat ng lalaking may abs, real men.”

Usong-uso ngayon ang mga pogi, ‘di ba? Masaya ba? ‘Di rin. Nakakasawa. Lalo na kapag alam mong nagpe-pretend lang magpaka-macho ang isang lalaki. Hey, I don’t mean to offend others with this letter. I just want to warn you. So, let me tell you something about this guy na nagpe-“pretend” bilang isang macho king.

Sikat siya dito sa BSU. Gwapo eh, macho pa. Swimmer kaya maganda ang abs. He actually likes to post selfies of his abs to his social media accounts. I’m not following him pero die-hard sa kanya ang best friend ko kaya kahit hindi ko siya friend sa Facebook o fina-follow sa Twitter at Instagram ay updated pa rin ako sa kanya. Especially, kung kailan at ano ang anggulo ng bago niyang post na selfie.

I had a chance encounter with him a few times. One time, kasama niya ang isa niyang kaibigang gwapo rin. They were openly talking about sex! No’ng una hindi ko pa ma-gets kung ano ang pinag-uusapan nila pero habang tumatagal ay na-gets ko na rin. Hey, I didn’t mean to eavesdrop pero dahil open nga sila ay narinig ko. At dahil masyadong vulgar ang usapan nila ay hindi ko na ide-detalye pa kung ano ‘yon.

Kinwento ko ‘yon sa best friend ko noon. Ang sabi niya, natural lang naman daw ‘yon sa mga lalaki. So, I let it pass. Besides, it doesn’t concern me. Pero, takte! No’ng pangalawang beses na nakita kong magkasama sina ‘Macho King’ at ‘Friend’, napaatras na lang ako dahil hindi ko na-imagine ang pangyayaring nasaksihan ko. They were both naked—okay, let that pass since this happened by the pool—but they were kissing! *facepalm*

At doon ko talaga napatunayan na hindi lahat ng lalaking may abs, real men.

-Spice Girl

BSU

20**

Nanindig ang balahibo ni Cruz sa mga nabasa lalo na ng makita niyang halos ng lahat ng comments ay nagtuturong siya ang tinutukoy na “swimmer” sa confession na iyon. Maraming hindi naniniwala, nanghihinayang at nagsasabing walang karapatang manghusga ang mga ito ng kapwa with the hashtag “love wins” samantalang ang iba’y bumatikos sa confessor ng post na iyon.

Fuck. Siya lang ba ang swimmer sa buong Brookeshire?

Uh, ikaw lang ang natatanging swimmer na “mahilig” mag-post ng selfies ng kanyang abs sa buong Brookeshire, sabi naman ng isang bahagi ng kanyang isipan. Pagkuwa’y naalala niya ang isang eksenang namagitan sa kanila ni Dave noong nakaraang linggo. Aksidente lang iyon pero…Shit. It is me.

Namura niya ang kanyang sarili. At nanlambot ang kanyang mga tuhod ng mabasa niya ang isang comment mula sa isang taong ayaw niya sanang makakita ng post na iyon.

Janella Olivar: Guys, let him be. At least, he’s a good guy and a good swimmer. Don’t forget that he’s bringing home the bacon for us.

“Shit, Janella! I’m not fucking gay!”

~~~~

“’Looking for’ ang mabentang hashtag para sa mga online seller sa Instagram. Minsan ay ito ang ginagamit na hashtag ng mga taong ume-emote o pumo-pose na kunwari’y may hinahanap. Pero madalas ay ito ang gamit na hashtag ng mga taong may hinahanap talaga. Siyempre. i.e.,

@cruzandrada00: #LookingFor Spice Girl. I will find you.

And when I do, I’m gonna prove to you that I’m not gay.”

~---~

A week later…

“AND TO complete our final list of participating swimmers, we’ll have…Bastien Dela Rosa for the 100m butterfly event and team relay.”

Hindi na nagulat pa si Cruz sa announcement na iyon ng head coach ng Brookeshire University Swimming Club. Hindi siya napasama sa official team—starting lineup—ng swimming club para sa nalalapit na university meet kahit qualified ang nakaraang records niya para sa nalalapit na collegiate meet. Ramdam din niya ang matinding disappointment mula sa tinig nito at sa aura na nanggagaling mula sa kanyang mga teammates.

Pero ang pinaka-umangat na vibe ay ang binibigay ni Bastien—animo naggo-glow ito dahil sa wakas ay nakuha nito ang inaasam na posisyon sa team matapos ang ilang beses nitong pagiging reserved player. And the smirk he was giving him? It was the perfect look of accomplishment. Hindi ikino-consider ni Cruz na rivals sila ni Bastien. Magkaibigan sila noong high school. They were the best of friends, actually. But something ridiculous happened that caused this rift between them. Hanggang ngayon ay iyon ang rason kung bakit nakikipagpaligsahan sa kanya si Bastien.

Pero hindi niya ito masisi sa pagkuha nito sa kanyang posisyon sa official team dahil kasalanan niya ang lahat. Nagpabaya siya sa practice nitong nakalipas na linggo dahilan para bumaba ang time record niya at naungusan siya ni Bastien. Dumaan kasi siya sa stage of depression na ang puno’t dulo ay ang letseng confession na iyon sa BSU Secret Files. Hindi daw siya tunay na lalaki at may tinutukoy pa itong eksena na may kahalikan siyang lalaki. Pero ang tanging naiisip niyang maaaring tinutukoy ng gumawa niyon ay ang pagpe-perform niya ng CPR kay Dave noong nalunod ito. Tinuruan niya kasing lumangoy noon si Dave dahil takot sa malalaking tubig ang loko.

Nang lumabas iyon ay sangkaterbang negatibong bagay ang nasabi patungkol sa kanya ng iba’t ibang tao online. Hindi siya sanay na ganoon. Egotistic na kung egotistic, pero akala niya’y walang taong hindi siya gusto. Hindi niya akalaing may mamba-bash sa kanya—o kahit sa abs niya—nang ganoon. Pagkatapos ay sinabi ni Janella na hindi na raw ito maaaring makipagkita pa sa kanya.

Nagdaramdam siya hindi lang dahil natapakan ni Janella ang ego niya kundi dahil talagang minahal niya ito, pinagtuunan ng pansin, ginawang priority at nirespeto niya ang mga desisyon nito. Nang sabihin nitong hindi nila maaaring sabihin kahit kanino na pinayagan siya nitong makapanligaw—dahil istrikto daw ang mga magulang nito at hindi pa ito pinapayagang magka-boyfriend—ay nirespeto niya iyon. Hindi siya naniwala sa mga sabi-sabing may ibang lalaki ring nanliligaw dito. Buo ang paniniwala niyang siya lang ang lalaki sa buhay nito.

Kaya nang sabihin nitong hindi na ito maaari pang makipagkita sa kanya—dahil naglihim daw siya ng sexual preference dito at baka daw ginagawa lang niya itong “front”—ay pakiramdam niya’y gumuho ang mundo niya. See? Magtitiis ba naman siya sa panliligaw at paghihintay ng dalawang taon kay Janella kung hindi siya seryoso sa pagmamahal na inukol niya para dito?

“Okay ka lang, bro?” tanong sa kanya ni Racer na isa sa malapit niyang kaibigan at dorm mate din niya—freestyle ang specialty nito.

“Yeah,” simpleng sagot niya rito. Pero magsisinungaling din siya kung sasabihin hindi siya apektado. Pinagsisisihan niya ang pagpapabaya sa practice pero babawi na lang siya. At babawi din siya kay Janella. Patutunayan niya ritong hindi siya bading at mahal niya itong talaga.

“How does defeat tastes like, Cruz?” nang-aasar na tanong ni Bastien sa kanya nang magkabanggaan sila sa locker room.

“I don’t know. Sabihin mo nga sa’kin. ‘Di ba ikaw naman lagi ang nakakatikim no’n?” ganti naman niya rito. Napangisi siya ng makita ang pag-asim ng mukha nito. Pero hindi pa ito natapos sa pang-aasar sa kanya.

“Balita ko, ayaw ni coach sa mga bading. Hindi kaya ‘yon ang tunay na dahilan kung bakit ka niya tinanggal sa official team?” sabi pa nito.

“We don’t discriminate people based on their gender, Dela Rosa. Not that Cruz is gay,” pagtatanggol naman sa kanya ni Thornton a.k.a. “Thor”—ang captain ng swimming club na isa rin sa kanyang dorm mate. Backstroke naman ang specialty nito sa swimming pero magaling din itong sa medley. Katunayan ay ito ang papalit sa kanya ngayon sa individual medley competitions na dapat ay siya kung hindi siya nagpabaya.

“But we could still discriminate them?” pabirong tanong niya rito.

“Of course not,” agad na sagot ni Thor. Ni-lecture-an pa sila ni Thor pagkatapos noon pero nawala doon ang atensyon ni Cruz dahil may narinig siyang lalong nakatunaw sa kanyang puso—in a bad way.

“Officially dating na daw sina Ping at Janella,” sabi ng tinig ng isa nilang member.

“Eh, ‘di ba nililigawan ni Cruz ‘yon?” sabi naman ng isa.

What the fuck?

“OH MY GOSH! Saffy, nakita mo na ba ‘yong latest Instagram post ni Cruz?” bungad na tanong kay Saffy ng best friend niyang si Mavis nang sagutin niya ang tawag ito.

Agad na napaikot ang mga mata ni Saffy dahil sa tanong ng kaibigan. Akala naman niya’y kung ano na ang sasabihin nito kaya sinagot niya ang tawag nito. Iyon pala’y dahil lang sa Cruz na iyon—ang ultimate crush nito at ang not-so favorite person niya sa buong mundo. As if fina-follow naman niya sa Instagram ang lalaking iyon.

Cruz Andrada was the most celebrated swimmer not only in Brookeshire University but all over the country. Why not? Aside from his numerous medals, he’s also endowed with good looks and a hot body. He has a good family background and he’s good with his studies. Kaya hindi nakapagtatakang sikat ito. Sa katunayan ay pwede na itong ihilera sa mga sikat na artista ngayon dahil sa ilang commercial at tv guestings na ginawa nito. Higit sa lahat, active ito sa social networking sites lalo na sa Instagram—kung saan pinagpipiyestahan ang abs nito—kaya napapanatili nito ang kasikatang taglay.

Siya si Saffron Gaile Zapanta, second year student sa Brookeshire University kung saan din nag-aaral ang dalawa niyang nakatatandang kapatid na sina Cinnamon at Sage. HRM ang kinuha niyang kurso dahil mahilig siyang magluto at in love siya sa mga pagkain. Pero kung alam lang niyang darating ang panahon na kailangan niyang makipagtuos sa mga itlog para mapasunod niya ang mga ito sa kanyang kagustuhan—katulad ng ginagawa niya ngayon—ay matagal na siyang naghanda.

At siya lang yata ang babaeng walang gusto kay Cruz Andrada. Bakit? Dahil para sa kanya ay napaka-flirt nito. Fine, he’s friendly with everyone. Pero nagiging sanhi iyon ng pagka-delusional ng mga babae. Ilang beses na ba siyang nakarinig ng confession ng kung sinu-sinong babae sa ladies room patungkol dito? If it doesn’t involve bedding him, it involves broken hearts because of him.

Masyado rin itong overconfident hindi lang sa abs nito—na nakakaumay na talaga—kundi pati na rin sa paniniwalang lahat ng tao’y magiliw dito. Dahil hindi iyon totoo at siya ang proof. Ang pinaka ikinaiinis niya rito’y ang panloloko nito, hindi lang sa mga babae kundi maging sa sarili nito. Kung bading kasi, bakit hindi na lang aminin? Hindi ‘yong makikipag-flirt sa mga babae gayong hindi naman ‘yon ang totoo niyang feel, sabi ni Saffy sa sarili.

“Mavis, wala akong pakialam kay Cruz, okay? Nagpa-practice pa akong mag-perfect ng poached egg and sunny side up. I need to egg-ing pass tomorrow’s test,” paliwanag niya sa kaibigan pagkatapos. Nakalimutan kasi niya noong nakaraang lesson ang recipe ng poached egg at pumalpak siya sa paggawa ng simpleng sunny side up kaya kailangan niyang ulitin iyon bukas.

“Wait. Kailangan mong marinig ‘to. Hinahanap ka ni Cruz,” giit ni Mavis.

“Bakit naman niya ako hahanapin? Hindi kami close,” sabi naman niya rito.

“Ikaw si ‘Spice Girl’, remember? Hinahanap ni Cruz si Spice Girl na gumawa ng confession na ‘yon sa BSU Secret Files. Thus, he’s looking for you.”

Shit. Yes. Siya si ‘Spice Girl’ na gumawa ng confession tungkol sa “Hindi lahat ng lalaking may abs, real men.” Tanging silang dalawa ni Mavis ang nakakaalam na siya si Spice Girl. Hindi niya talaga dapat ginawa ang confession na iyon. Pero dahil hindi siya makatulog ng maayos pagkatapos masaksihan ang “kissing scene” nina Cruz Andrada at Dave Ramirez ay napagpasyahan niyang gawin ang confession na iyon—for her peace of mind. Inisip din niyang para na rin iyon sa mga babaeng umaasa kay Cruz na hindi naman nito kayang suklian ang pagmamahal dahil sa sexual preference nito. Para hindi na rin ito makapanloko pa ng ibang babaeng nag-aakalang straight ito.

Ang naturang “kissing scene” na nabanggit niya sa confession ay nasaksihan ni Saffy sa may swimming pool ng tinitirhan niyang condominium. Nalaman lang niyang si Dave Ramirez ang “kahalikan” nito dahil binanggit ni Cruz ang pangalan ng lalaki. At noon din niya nalaman na tenant din pala sa condominium na iyon si Dave na ka-batch niya.

Two weeks ago…

Alas-singko pa lang ng umaga ay gising na si Saffy dahil kailangan niyang mag-praktis kung paano lumangoy ng back stroke—isang simpleng swimming technique na hindi niya magawa-gawa—dahil hindi talaga siya marunong lumangoy. Hindi siya kumuha ng swimming class noong bata pa siya dahil hindi niya iyon hilig. Nagdurusa tuloy siya ngayon.

Kailangan niyang pasukan ang swimming class na kasama sa curriculum niya ngayong semester dahil hindi pala umabot sa cut-off ng pagda-drop ang ipinasa niyang form. Hindi na rin siya makakalipat ng klase. Kaya kailangan niyang ipasa ang P.E. class na ito kung ayaw niyang magkaroon ng back subject. Ayaw niyang magmukhang kawawa at kahiya-hiya sa harap ng kanyang mga kaklase—na parang bonus class na lang ang swimming—at lalong-lalo na sa crush niya kaya nag-aaral siyang lumangoy mag-isa. Kailangan niyang matutong lumangoy at mabuhay pa rin habang ginagawa iyon bago siya pumasok sa kanilang swimming class.

Dahil alas-siyete pa ang bukas ng swimming pool sa Brookeshire University kung saan siya nag-aaral ay ipinagpasalamat ni Saffy na may swimming pool ang tinitirhan niyang condominium. Malapit na siya sa mismong swimming pool nang makita niyang may dalawang bulto sa may gilid ng pool—ang isa ay nakahiga at ang isa nama’y nakayuko dito. Inaninag ni Saffy kung ano ang ginagawa ng mga ito at nanlaki ang kanyang mga mata ng makitang hinahalikan ng lakaking nakayuko ang lalaking nakahiga. Salamat sa ilaw na mula sa swimming pool at sa building kaya nasipat niya ng maigi kung sino ang lalaking iyon. Napasinghap si Saffy ng makilala ang lalaking nakayuko nang mag-angat ito ng mukha.

Si Cruz Andrada ito! Ang sikat na swimmer sa Brookeshire at ang ultimate crush ng best friend niyang si Mavis mula nang pumasok sila sa unibersidad.

Ano’ng ginagawa niya? Hindi naman siguro…baka nalunod lang ‘yong isang lalaki at niligtas siya ni Cruz? isip-isip ni Saffy ng mga oras na iyon. Dahil imposible naman ang sinabi ng kutob niyang…bading ito. Macho king kaya ito. Kahit inis na inis siyang makita ang abs nito sa social networking sites—na ipinagduduldulan talaga sa kanya ni Mavis—ay aminado naman siyang maganda talaga ang katawan nito at gwapo ito.

Ilang beses na rin niyang nasaksihan ang pagiging flirt nito sa mga babae kaya sigurado siyang mali ang nakita niya at mali ang kutob niya. But then…

“’Langya, Dave. Gano’n mo nagustuhan ang halik ko?” sabi ng tinig ni Cruz.

Si Dave Ramirez ang “kahalikan” niya? Napa-facepalm si Saffy. At doon niya napagdesisyunang paniwalaan ang kutob niyang bading nga si Cruz at may sikreto itong relasyon kay Dave. Oh my, gosh!

Nang sabihin niya kay Mavis ang tungkol sa insidenteng iyon ay hindi ito naniwala sa kanya. Bitter daw siya. Siyempre, die hard ito kay Cruz. Pero alam din nitong hindi siya magsisinungaling ng ganoon kaya naniwala din ito sa kanya—kahit kaunti. Ngunit nagalit ito sa kanya ng mabasa nito ang kanyang confession. Siniraan daw niya si Cruz sa buong unibersidad.

Pero dahil nakahinga siya ng maluwag pagkatapos niyang gawin ang confession na iyon ay naisip niyang tama lang ang kanyang ginawa—at least, para sa kanya. Dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang i-submit niya ang confession na iyon sa BSU Secret Files pero ngayong linggo lang iyon lumabas. Ibig sabihin ay marami talagang nagpapasa ng confession sa naturang page.

Imposibleng mahanap ni Cruz si “Spice Girl” dahil kahit ang admin ng BSU Secret Files ay hindi rin alam kung ano ang tunay na katauhan ng mga taong nagsa-submit ng mga confession sa mga ito. Maliban sa ilang chance encounters ay hindi naman sila magkakilala ni Cruz. Pero regular customer ito sa Wanderlust Café kung saan nagpa-part-time si Saffy.

“Hinahanap niya si Spice Girl? Ibig sabihin, guilty talaga siya. Bading nga siya. Sorry na lang sa puso mo, Mav,” aniya sa kaibigan kapagkuwan.

“Hindi ka ba nakokonsensiya na ginawa mong tampulan ng tukso at tsismis si Cruz?” tanong ni Mavis.

Napangiwi si Saffy. Actually, nakaramdam siya ng konsensiya ng makita niyang mag-isa ng pumupunta si Dave sa Wanderlust Café mula nang lumabas ang confession na iyon. Dati kasi ay kasa-kasama nito si Cruz doon at doon nga niya narinig ang usapan ng mga itong tungkol sa sex—na pahapyaw din niyang nabanggit sa confession. Bakit hindi na lang kasi umamin ang mga ito para okay na lahat? Para hindi na siya makonsensiya pa.

Ang selfish mo talaga, Saffy, anang isang bahagi ng kanyang isipan.

Siyempre, love yourself first, sarkastiko namang sagot niya sa sarili.

“Makinig ka. ‘Hashtag looking for Spice Girl. I will find you. And when I do, I’m gonna prove to you that I’m not gay’. Ang sabi ng post ni Cruz with a blank black photo,” detalye ni Mavis.

“Hindi niya malalaman na ako si Spice Girl unless umamin ako at magsalita ka. Besides, ano naman ang gagawin niya sakaling malaman niyang ako nga ‘yon?”

“Baka halikan ka niya. Oh my, gosh! Ako na lang ang aamin kung gano’n,” kinikilig na saad ni Mavis. Muling naiikot ni Saffy ang kanyang mga mata sa kaibigan.

“Hindi niya ako hahalikan dahil bading nga siya. ‘Wag ka ng umasa sa kanya, Mav. Kaya ko nga ginawa ang confession na ‘yon bilang awareness sa mga tulad mong umaasa sa kanya, ‘di ba?” sabi naman niya rito.

“Ang bitter mo, ‘te. Porke bading lang ang ex mo. Hindi lahat ng lalaki gano’n. Anyways, babush. May meeting pa kami sa club ngayon,” paalam ni Mavis. Parte kasi ito ng journalism club sa kanilang unibersidad kahit hindi naman journalism ang course nito. But Mavis had always loved reading and writing.

“Magdo-draw lots kayo? Good luck,” aniya rito.

Nagdo-draw lots ang mga members ng journalism club para maging fair and square ang tokahan ng assignments ng mga ito. Bawal makipagpalitan ng nabunot na assignment kaya sa ayaw at gusto ng mga miyembro ay kailangang gawin ng mga ito ang nabunot na assignment. Sa paraan namang iyon ay nahahasa ang journalism skills ng mga ito.

“Thanks. Egg-it!” masiglang bati ni Mavis kay Saffy bago ito nawala sa linya.

Inignora na lang niya ang sinabi nito tungkol sa natatanging ex niyang si Eugene. It was just a brief relationship but he had still hurt her. Kaya pala siya nito niligawan noong fourth year high school sila ay kailangan nito ng girlfriend—para pang-front sa mga magulang nito—dahil bading ito. Sinagot naman niya ito dahil sa peer pressure at dahil gusto rin niyang ma-experience kung paano magkaroon ng boyfriend. Typical high school immaturity.

Nakipagkalas ito sa kanya noong graduation nila dahil dito na daw ito sa Maynila mag-aaral. Malayo sa pamilya nito kaya hindi na nito kailangan pang magtago. Gago. Pero nag-sorry naman ito sa kanya. Iyon nga lang, nasaktan na siya nito. Natutunan pa naman niya itong gustuhin noon. Pero naka-get over na siya dito ngayon. At hayun ang loko, may boyfriend na ngayon.

Hindi naman siya against sa third sex, ayaw niya lang nang ganoong may mga taong manggagamit ng ibang tao para pagtakpan ang tunay na kagustuhan ng mga ito.

Pero nang matahimik naman siya’y bumalik sa kanyang isipan ang sinabi ni Mavis na hinahanap siya ni Cruz. Confident naman si Cruz kaya hindi siguro ito gaanong maaapektuhan ng confession na iyon. He’ll live, aniya sa sarili. The worst thing that could happen is when the truth about her identity breaks out. Kapag nalaman ng crush niyang si Bastien Dela Rosa na siniraan niya ang kaibigan at teammate nito. Oh, God. I can’t let that happen.

Actually, kailangan din niyang magpasalamat kay Cruz dahil kung hindi dahil dito—o kung hindi dahil sa kabaliwan ni Mavis sa abs nito—ay hindi niya makikilala si Bastien. Kasama si Bastien sa Brookeshire University Swimming Club pero reserved player lang ito. Minsan lang itong mapasama sa official team players ng Brookeshire University swimming team hindi katulad ni Cruz na palaging una sa listahan. Pero dahil hindi mayabang, hindi flirt, tahimik at cute si Bastien ay ito ang nagustuhan niya sa lahat ng Brookeshire University Swimming Club members. Idagdag pa ang exceptional talent nito sa pagdo-drawing ay talaga namang na-in love si Saffy sa lalaki.

Dahil sa pagre-“research” niya kay Bastien—a.k.a. stalking—ay nalaman niyang third year si Bastien sa kursong Architecture sa Brookeshire. Magaling itong gumawa ng creative art kaya maraming nagfa-follow dito sa Instagram. Na-amaze siya rito kaya f-in-ollow niya ang account nitong “@dr.arthead” doon maliban sa hidden agenda na pang-i-stalk dito. Frustration kasi niya ang pagdo-drawing kaya hangang-hanga talaga siya sa mga taong biniyayaan ng talent sa ganoon.

Nang magkaroon ng exhibit ang architecture students ng BSU ay doon niya unang nakadaupang-palad si Bastien. Hindi ito kasing-gwapo ni Cruz pero ang maganda nitong ngiti at ang artistic side nito ang charm ni Bastien. Besides, dahil low-profile ito’y wala siyang masyadong “kaagaw” dito hindi katulad kapag si Mavis kay Cruz na halos buong female population ng Brookeshire ay kaagaw nito.

Tapos na si Saffy sa pagpa-praktis nang makatanggap siya ng text mula kay Mavis na nagsasabing: “Congrats sa crush mo. Kasali na siya sa official team ngayon para sa darating na meet. Ni-replace niya si Cruz. Sad.”

Sa totoo lang ay masaya si Saffy para kay Bastien. Pero hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman para kay Cruz. Hindi niya kasi maalis sa kanyang sarili ang pakiramdam na may kinalaman siya kung bakit naalis ito sa official team.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.