Chapter 32

“Ang Wanderlust Café ang café na malapit sa Brookeshire University

kung saan madalas tumambay ang mga estudyante para magpalipas ng oras,

mag-chikahan at mag-aral. Pero may pagkakataon na ito rin ang lugar

kung saan maaari mong ma-encounter ang tunay mong ‘forever’. i.e.,

@cruzandrada00: I think I’ve met my match. Thank you. #WanderlustCafé”

~---~

THREE DAYS later. Napalunok si Saffy nang makita niyang pumasok sa Wanderlust Café si Cruz at ang sikat din nitong pinsan na si Fitz Jimenez—dahil parehong gwapo ang mga ito na mismong dahilan din kaya hindi napagkamalang “bading” noon si Cruz. Ito ang unang beses na muli niyang makikita si Cruz mula nang lumabas ang confession an iyon.

Malamig ang ekspresyon ng mukha ni Cruz ngayon taliwas sa imahe nitong ‘everybody’s guy’ na palaging nakangiti at parang lahat ay kaibigan nito sa Brookeshire. Naalala ni Saffy ang sinabi ni Mavis kahapon na hinahanap daw ni Cruz si ‘Spice Girl’—meaning, siya. Imposible naman nitong malaman na siya si Spice Girl, hindi ba?

Keep calm and act like you normally would, Saffy. Besides, hindi ka naman niya kilala, bilin niya sa sarili bago batiin ang mga bagong dating bilang parte ng kanyang trabaho sa café. “Welcome to Wanderlust Café!” bati niya sa dalawa na sinundan din ng bati ni Jigo—ang partner niyang barista.

Tatlong buwan na siyang nagpa-part time sa Wanderlust Café na isa sa pinakamalapit na café sa Brookeshire. Dahil nakakuha siya ng barista certificate noong high school ay natanggap siya bilang part-timer doon na makakadagdag sa kanyang credentials. Ang Wanderlust Café ang number one hangout place ng mga taga-Brookeshire dahil maliban sa maganda niyong interior—na mural painting ng iba’t ibang travel destinations—ay may library iyon at board games. Tamang-tama kapag mahabang oras ang hihintayin ng mga estudyante para sa susunod na klase ng mga ito. Pero dahil Linggo ngayon ay walang masyadong tao roon. Wala kasing pasok sa Brookeshire.

Nakagat ni Saffy ang kanyang pang-ibabang labi ng piliin ng magpinsan na doon pumwesto sa may bar. Bumilis ang tibok ng kanyang puso ng makita niya sa malapitan si Cruz. Hindi dahil may crush siya dito kundi dahil napapraning siyang baka malaman nitong siya si Spice Girl. Naroon ang konsensiyang baka nag-“break” ito at si Dave dahil sa ginawa niyang confession. Kaya hindi siya mapakali. Pero kailangan niyang maging kalmado at propesyunal sa harapan nito.

“Ang gwapo talaga ng magpinsan na ‘yan. Tsk,” sabi ni Jigo na para bang nainggit pa sa dalawa gayong gwapo rin naman ito. Isa ito sa rason kung bakit maraming babaeng estudyante ang tumatambay sa café nila. “Gusto mo bang ikaw na ang mag-serve sa kanila?” pagkuwa’y nanunudyo nitong tanong sa kanya.

“Ikaw na lang ang—“

“Ano? Nabasa n’yo rin ang letseng confession na ‘yon?” singit sa kanila ni Cruz. Masama ang tingin nito sa kanilang dalawa ni Jigo. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ni Saffy kaya hindi siya makatingin ng diretso ditto. “Naniniwala kayo na bading ako?”

“Hindi po, sir,” sabay nilang sagot ni Jigo dito.

Malakas naman ang naging pagtawa ni Fitz pagkatapos niyon. “Pagpasensiyahan n’yo na ‘tong pinsan ko. Bad trip eh. Na-basted ng tunay niyang iniibig at naging reserved player na lang para sa upcoming university meet. Sad, ‘no?”

Shit. Seryoso?

“Ugh! Kapag talaga nahanap ko ang Spice Girl na ‘yon…shit!” nanggigigil na sabi ni Cruz. “Bakit dito mo ba ako dinala, Fitz? Tara sa bar,” pagkuwa’y sabi nito sa pinsan.

“Ang aga pa, Cruz. Chill ka lang. Besides, pinakiusapan ako ng coach mong ibalik ka sa tamang pag-iisip bago ang meet. You need to get your shit straight,” seryosong sabi dito ni Fitz. Pagkuwa’y um-order ito kay Jigo na agad namang ginawa ng kanyang kasama habang naglinis naman siya ng dalawang table na kinainan ng anim nilang customer.

Pagkatapos ay nanatili lang si Saffy sa may sulok ng bar at nakikiramdam sa paligid—o nakinig sa usapan ng magpinsan habang inuusig ng konsensiya ang kanyang sarili. Noon niya naalala ang dilemma ni Mavis nang nakaraang araw. Isang feature article daw tungkol kay Cruz ang nabunot nitong assignment pero ayaw magpa-interview ng lalaki sa kadahilanang wala daw ito sa mood. Kaya tinext siya kahapon ni Mavis na bigyan ito ng heads up sakaling makita niya si Cruz. Kaya tinext niya ito ngayon at sinabing naroon sa Wanderlust Café ang lalaki.

“You’ll get Janella back,” pag-a-assure ni Fitz kay Cruz kapagkuwan. Napataas pa ang isang kilay ni Saffy nang makitang nakayukyok sa mesang nasa harapan nito si Cruz na para bang nawalan ito ng energy at pag-asa. Sino si Janella?

“How can I get her back kung kailanma’y hindi naman siya naging akin?” madamdamin namang saad ni Cruz ng mag-angat ito ng tingin. “Shit, bro. Two years! Two years ko siyang niligawan. Two years akong naghintay sa kanya, ‘tapos hahantong lang sa ganito? Dahil sa ‘tang inang confession na ‘yon na ‘di naman totoo? Fuck shit!” rant ni Cruz na nakadagdag sa guilt at kabang nararamdaman ni Saffy.

Oh my, gosh! Heartbroken si Cruz at ako ang may kasalanan no’n? At…hindi si Dave ang dahilan ng pagka-brokenhearted niya kundi isang babaeng nagngangalang ‘Janella’? Ibig sabihin ay hindi siya bading? Kung gano’n, bakit niya hinalikan si Dave noon? tanong ni Saffy sa sarili. Pero masama na ang kutob niya—na nagkamali talaga siya ng akala noon.

“Akala ba ng Spice Girl na ‘yon lahat ng nagli-lips-to-lips na lalaki may relasyon agad? Hindi ba pwedeng nag-perform lang ako ng CPR dahil nalunod ‘yong kaibigan ko at tinulungan ko? Grabe! Ang kitid na talaga ng ulo ng mga tao ngayon,” inis pa ring himutok ni Cruz.

“Hayaan mo na. Hindi ka dapat magpaapekto sa gano’n dahil hindi naman totoo,” pagpapakalma dito ni Fitz.

“Naapektuhan na nga ang buhay ko eh. Inayawan ako ni Janella dahil do’n,” sabi naman ni Cruz. Napakagat-labi si Saffy dahil sa guilt.

“Hinayaan mo kasing maapektuhan ka no’n. You shouldn’t let someone define you by their own opinion dahil hindi ka naman nila kilala. At kalimutan mo na muna si Janella, bro. Mag-focus ka munang makuha ulit ang spot mo sa team, okay? Madali lang ang pag-ibig na ‘yan,” sabi ni Fitz kay Cruz.

Napabuga ng hangin si Cruz. “Paano naging madali ang pag-ibig? Hindi lahat ng tao mayro’n no’n. Ikaw nga, wala,” sagot nito kay Fitz. Napanganga si Saffy dito. Hindi niya akalaing may ganito ka-vulnerable at ka-sensitive na side pala si Cruz Andrada. “Wala ba kayong beer d’yan?” tanong pa nito kay Jigo ng ibigay ng partner niya ang order ng mga ito.

“Wala, sir. Pero minsan, ang tanging kailangan lang ng isang tao ay kape para mabuhay,” pagsali ni Jigo sa hugot moments ni Cruz. Sigurado si Saffy na nasabi lang iyon ni Jigo bilang parte ng sales strategy nito.

“Pero mahal ko siya, dude,” giit ni Cruz.

“Mahal mo nga. Mahal ka ba?”

“Ano’ng sinabi mo, miss?” biglang sabi ni Cruz.

Shit. Did I say that out loud? Napangiwi si Saffy. Nakatingin kasi sa kanya ang tatlong lalaki ngayon. Umiling siya kay Cruz bilang sagot.

“May sinabi ka kanina,” ani Cruz.

Huminga siya ng malalim bago nagsalita. “Ang ibig kong sabihin, hindi naman siya basta maniniwala sa confession na ‘yon kung hindi mo siya binigyan ng dahilan para i-doubt ka kahit kaunti noon, ‘di ba?” mahinahong paliwanag niya dito.

Hindi agad nakapagsalita si Cruz matapos niya iyong sabihin. Mataman lang siya nitong tiningnan. Pinagalitan naman ni Saffy ang sarili dahil dapat tumahimik na lang siya at hindi nakisabad sa usapan ng mga ito. Pero totoo naman ang sinabi niya.

Kahit hindi niya crush si Cruz ay aminado siyang gwapo ito at magaling na swimmer. Bakit kailangan pa nitong maghintay ng dalawang taon kung gusto talaga ito ng Janella na iyon? May problema ba si Cruz sa ugali nito kaya hindi ito kaagad sinagot ng babae? At kung ang confession na iyon ang dahilan kung bakit binasted nito si Cruz, bakit agad itong naniwala doon kung dalawang taon na palang magkakilala ang dalawa? Hindi ba senyales iyon na may mali sa relasyon at kwento ng dalawa?

“Isa pa, bakit hinahayaan mong diktahan ng ‘letseng confession’ na ‘yon ang buhay mo kung hindi naman pala ‘yon totoo?” sabi pa niya rito. Pagkatapos ay biglang nag-ring ang cell phone niya—tumatawag si Mavis—dahilan para makaligtas siya sa mainit na titig ni Cruz. “Excuse me,” hinging-paumanhin niya sa mga lalaki bago niya sinagot ang tawag ng kaibigan.

“Nand’yan pa ba si Cruz? Favor naman, babe. Hingin mo naman ang number niya o ibigay mo ‘tong phone sa kanya para makausap ko siya,” agad na sabi ni Mavis sa kabilang linya.

“Mav, alam mo namang may issue pa ako sa kanya, ‘di ba?” pabulong na sabi niya rito. Hindi ba nito alam kung gaano na siya kapraning ngayon dahil nasa malapit lang si Cruz?

“Huu, anong gagawin ko para mapapayag siya sa isang interview? Tulungan mo naman ako,” pakiusap ni Mavis.

“Susubukan kong kunin ang number niya,” aniya rito. Ipapakuha niya kay Jigo.

“Talaga? Thanks, babe!”

“Mav, mali yata talaga ‘yong ginawa ko. I think…he’s not gay.”

“See? I told you so!” sigaw ni Mavis sa kanya.

Napabuga siya ng hangin. “Ano’ng gagawin ko ngayon?”

“Mag-sorry ka na lang sa kanya. Mabait naman ‘yang si Cruz. Patatawarin ka n’yan,” confident na sabi ni Mavis na animo close na close ito sa lalaki.

“Gagi. Kasalanan ko—o ng confession ko—kung bakit siya nawala sa official swimming team at kung bakit binasted siya ng Janella na ‘yon. Galit kaya siya kay Spice Girl,” mahinang sabi niya rito.

“Janella? Janella Olivar? I knew it! Alam ko nang may something sila noon pero palagi nilang dine-deny kasi strict daw ang parents ni Janella. Bawal pa daw mag-boyfriend,” kwento naman ni Mavis na narinig niya sa kauna-unahang pagkakataon. Bakit nakaligtaan yata nitong sabihin iyon sa kanya noon? Not like she has a care on who Cruz likes.

So si Janella Olivar pala ang sinasabi ni Cruz kanina—ang courtside reporter ng Brookeshire tuwing may university meet. Ito rin ang number one “it” girl sa Brookeshire kaya marami itong admirers at manliligaw panigurado. Ibig sabihin ay marami din itong options at baka isa lang doon si Cruz.

Saklap.

“CRUZ!” pukaw kay Cruz ng tinig ng pinsan niyang si Fitz. Kasalukuyan silang nasa isang low-profile bar ngayon na pag-aaari ng isa nilang kakilala. Doon sila dumiretso pagkagaling nila sa Wanderlust Café. “Ikaw ang nagyaya papunta dito pero hindi ka naman umiinom. Ano na naman ang problema?”

“Sa two years kong panliligaw kay Janella, sa tingin mo ba, nagustuhan niya rin ako?” tanong niya rito. Kalmado na siya pero nasa isip pa rin kasi niya ang sinabi ng baristang nagngangalang Saffy kanina.

“What’s not to like about you?” sabi naman ni Fitz.

“Iyon na nga eh. So, bakit hindi niya ako sinagot noon pa? Two years, p’re! Hindi naman sa nagmamadali ako pero bakit inabot ng gano’n katagal kung gusto niya rin ako?” bothered na tanong niya rito.

Pero marahil ay tama nga si Saffy sa sinabi nito. Baka pinilit lang niyang papaniwalain ang sarili sa mga iyon—in short, delusional lang siya. Umasa lang siya. Pinaasa lang siya. At labis siyang nasaktan sa realisasyon na iyon.

“Cruz, minsan kasi, akala natin iyon na pero hindi pa pala. Alam mo kung ano ang dapat mong gawin ngayon? Mahalin ang sarili mo. Heck, ang cheesy ko na ng dahil sa’yo. Fuck you, pinsan,” mura ni Fitz sa kanya matapos nitong maglitanya ng magagandang salita.

“Alam mo, Fitz, minsan, mas mabuti kung magsasalita ka ng maayos sa harap ng crush mo para gustuhin ka niya. Hindi ‘yong puro katarantaduhan ang sinasabi mo sa kanya. Kaya hindi ka nagugustuhan eh,” sabi naman niya rito. Katulad niya’y alipin din ito ng pag-ibig. Pero sa tingin niya’y may pag-asa si Fitz sa babaeng minamahal nito.

“Hay, bakit kasi lahi tayo ng mga romantiko? This is a curse! I can’t even have sex with someone I don’t love. Fuck. Isang taon na akong tigang, dude!”

“Si Lola Wanda ang sisihin mo. Nagmana tayo sa kanya eh,” napapailing na sabi niya rito na ang tinutukoy ay ang lola nilang hopeless romantic.

Naniniwala siyang kay Lola Wanda niya siya nagmana dahil ilang beses din itong niloko ng mga lalaki noon bago dumating sa buhay nito ang Lolo Teo nila. Sobrang close nilang magpi-pinsan ng lola nilang iyon dahil palagi itong updated sa kani-kanilang love life. Cool pa itong lola dahil techie ito. May sarili nga itong Instagram kung saan ito nagbabantay sa kanilang magpi-pinsan. Nang malaman nito ang tungkol kay Janella ay sinabi nitong “bus stop” lang daw niya ang babae at hindi pa “destination” kaya ipagpatuloy lang daw niya ang pagbiyahe.

Naniniwala naman siya dito pero hindi lang talaga makaya ng will power niya noon. Nito lang kay Saffy dahil nakaramdam siya ng hiya dito. Na-realize niyang ang weak niya at ginawa niyang kawawa ang kanyang sarili. Kaya desidido na siyang mag-move on ngayon. Kahit gaano pa iyon kahirap. Pero naputol ang pagmumuni-muni niya nang may mag-text sa kanyang numero na hindi naka-register sa kanyang contacts. Pero nang malaman niya kung sino ito ay napangisi siya.

Mavis: Hi. This is Mavis Policarpio of The Brooke Press Club. Our university paper would like to make a feature on you for our next edition. So, we would like to interview you. Please let me know of when you’d like to do the interview. Thank you.

Mavis: By the way, nakuha ko ang number mo kay Saffy. She’s my friend at barista siya sa Wanderlust Café. Pero hindi daw siya ang kumuha ng number mo kundi si Jigo. So…

Cruz: I know of your friend. Pero sa tingin ko ay hindi ako ang tamang tao na gawan n’yo ng feature ngayon dahil hindi naman ako kasama sa official team this time.

Mavis: Pero isa ka pa rin sa pinaka-sikat sa BSU. I think despite that, may maise-share ka pa rin sa ibang nangangarap maging katulad mo.

Cruz: Yeah. Well, fine. If you say so. I’ll text you my schedule on one condition.

Mavis: Ano naman ‘yon?

Cruz: Give me Saffy’s number and all her social networking accounts.

Mavis: OMG! Gusto mo siya? Are you gonna stalk her?

Cruz: I won’t. Gusto ko lang siyang pasalamatan.

Pakiramdam kasi niya’y iniligtas siya ni Saffy. Pina-realize nito sa kanya—in a short span of time, kahit kakikilala pa lang nila—na nagpakatanga siya sa paghihintay sa isang taong hindi naman siya ang number one at hindi niya dapat hinahayaang ang isang bagay na ganoon ang magdikta sa takbo ng buhay niya. Hindi niya alam kung paano nagawa ni Saffy iyon dahil ilang beses na siyang pinaliwanagan at kinausap ng kanyang mga kaibigan tungkol sa issue pero hindi siya nakinig sa mga ito.

Siguro ay dahil nadala siya ng bigat ng pagkakasabi ni Saffy sa mga salitang binitiwan nito sa kanya. Kaya nginitian na lang niya ang katotohanang “officially” dating na daw sina Janella at Ping. Hindi siya naniwala noon sa sabi-sabing nagde-date ang mga ito pero totoo pala. At least, hindi na siya magsasayang pa ng oras maging number two. Makaka-move on na siya ng maayos. At kung hindi pa isinupalpal ni Saffy sa mukha niya ang katotohanang iyon ay baka depress pa rin siya ngayon. Marahil ay tama nga rin si Jigo. Baka minsan ay kape lang ang kailangan ng tao para mabuhay at ma-realize ang mga bagay na dapat niyang ma-realize.

Napangiti si Cruz nang matanggap niya ang text ni Mavis na naglalaman ng lahat ng personal social networking accounts ni Saffy. F-in-ollow niya ito sa lahat ng iyon. Natuwa naman siya dahil hindi naka-private ang Instagram account nito kaya nakapag-stalk siya doon. Nakita niya ang recent post nito ng latte art na isang eroplano.

@littlemisssaffron: Please visit #WanderlustCafé Our coffee could take you anywhere.

Coincidentally, ganoon din ang latte art ng kapeng in-order niya kanina. Hinanap niya ang picture niyon sa kanyang phone gallery at na-picture-an nga niya iyon kanina. Kaya i-p-in-ost niya rin iyon sa kanyang Instagram matapos i-follow si Saffy.

@cruzandrada00: I think I’ve met my match. Thank you. #WanderlustCafé

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.