"Namimiss na kita, boss..." ungot ko habang nakahiga sa kama at nakatitig sa kisame.
"Miss na rin kita, Ma'am ko. Pagkatapos ko sa trabaho ko... pupuntahan kita agad diyan sa inyo. Hmm?" tanong n'ya, tila naglalambing ang boses.
Napakagat ako sa ibabang labi ko upang magpigil ng ngiti. Kahit palagi siyang busy nitong mga nakaraang araw, palagi pa rin siyang naghahanap ng time para puntahan ako o kaya naman tulungan ako sa mga schoolworks at thesis ko. Siya na talaga, best boy ng buhay ko.
"Boss, magpahinga ka rin ha. Ayokong magkasakit ka. Pagpunta mo rito matulog ka kaagad sa guest room o kaya sa kwarto ko na lang," saad ko saka bumangon.
Natawa si Ashteroh sa kabilang linya. "H'wag na, Ma'am. Nakakahiya kay Tita. Saka nagpapahinga rin naman ako, don't worry."
Nag-retire na kasi ang secretary ni Ashteroh kaya talagang palagi siyang busy nitong mga nakaraang linggo. May bago na siyang secretary ngayon pero nag-a-adjust pa sa trabaho kaya hindi n'ya maasahan masyado. Kaya naiintindihan ko na palagi siyang busy at wala na gaanong time 'di tulad dati. Okay lang naman sa akin. Mas gusto ko nga na nakakapagpahinga siya, e.
"Magpapahinga ka rin ha. I love you, boss. Mwah!" Napahagikgik pa ako.
Muling natawa si Ashteroh. "I love you too, Ma'am ko. H'wag ka rin masyadong magpakapagod sa hotel ha."
"Okay, boss ko. Bye na muna, baka nakakaabala na ako sa work mo. Love love you! Mwah! Mwah!" Nag-kiss sound pa ako para ma-feel n'ya talaga ang pagmamahal ko.
"I love you more, Ma'am. Bye, kita na lang tayo mamaya."
Binaba ko na rin agad ang tawag dahil baka abutin na naman kami ng ilang minuto. Actually kanina pa kami nagpaalam sa isa't isa kaso nauwi na naman sa landian. Baka hindi na n'ya matapos ang trabaho n'ya.
"Ay anak ng garapata! Tangina naman, Killian! Kanina ka pa ba diyan?!" asik ko nang makita si Killian na nakatayo sa tapat ng kwarto ko at bored na nakatingin sa akin.
Agad akong kumuha ng isang unan at binato 'yon sa kanya. Nakailag naman siya at hinayaan ang unan ko sa sahig.
"Hinintay ko pa kayong matapos ng boss mo sa pag-uusap. Akala ko nga wala ng katapusan, e. Kadiri," napapangiwing sabi n'ya.
Agad na nag-init ang mukha ko. Tangina, nakakahiya naman! Bakit ba kasi hindi ko naisara ang pinto? Masyado akong na-excite nang makitang natawag si Ashteroh.
"Bakit ka ba kasi nandito?! Pa-epal ka lagi!" singhal ko.
"Hinahanap ka kasi ni Mama! Puro ka landi--aray!"
Binato ko naman siya ng isang pangkulay ko sa buhok. Napangisi ako dahil sumapul 'yon sa noo n'ya.
Walang hiya talaga ang lalaking 'to. Mas lalo siyang naging demonyo sa 'kin simula ng tumira ako rito sa bahay.
Sinugod ko siya saka ni-headlock. Naiinis na nagreklamo siya nang sabunutan ko siya. "Masyado mo 'kong inaaway kasi hindi mo matanggap na kahati mo na ako sa mana! Isa kang tipikal na evil half-brother!" asik ko saka binatukan siya bago siya pinakawalan.
Napasinghap ako nang tingnan n'ya ako nang masama saka sinimulan akong habulin. Dali dlai naman akong tumakbo at nagpunta sa kitchen. Napangiti ako nang makita ko si Mama ro'n na nag-aayos ng kakainin. Agad akong lumapit sa kanya at yumakap sa braso n'ya.
"Mama, tingnan n'yo po si Killian. Inaaway n'ya 'ko," sumbong ko.
Agad na tumingin si Mama kay Killian saka hinampas ang braso nito. "H'wag mong awayin nang awayin ang kapatid mo. Ano ka ba?" tila nananaway na sabi ni Mama kay Killian.
Napangisi ako nang makitang napaismid siya. Pinaningkitan n'ya ako ng mga mata at para bang sinasabi n'ya na "Humanda ka sa 'kin mamaya pag pumasok ka sa hotel."
Inismiran ko siya. Hindi ako natatakot 'no. Isusumbong ko na lang siya ulit kay Mama.
"Sige po, Ma. Pupunta na po ako sa hotel." Humalik si Killian sa pisngi ni Mama. Sunod siyang lumapit sa akin saka pinitik ang noo ko.
"Aray naman!" reklamo ko at napahawak sa noo ko.
"Walang kiss sa 'yo, pitik lang. Hindi ako mabait sa mga kahati ko sa mana," sabi ni Killian saka napangisi.
Natatawang napailing na lang si Mama habang pinapanood kami. Umalis na rin agad si epal na Killian matapos magpaalam sa amin.
"Mama, ano pong ginagawa mo?" tanong ko saka yumakap sa baywang ni Mama.
"Magbe-bake ako ng cake, anak. Ito ang ikalimang buwan simula ng tumira ka rito," sabi ni Mama saka tumuloy sa ginagawa.
Grabe, ang sweet palagi ni Mama. Talagang bumabawi siya sa ilang taon na nasayang sa amin.
"Mama, thank you po. Pero baka masyado na po kayong napapagod. Bawal po kayo masyadong magpagod," nag-aalalang sabi ko.
Mabilis mapagod ang mga tuhod ni Mama kaya madalas siyang nasa wheel chair. Minsan na raw kasi itong inatake sabi ni Killian. Kaya nag-aalala rin ako lagi. Pero sabi naman ni Killian ay palaging monitored si Mama ng family doctor.
Sosyal, may family doctor pa kami.
"Okay lang ako, Kayleigh. Hindi naman masyadong nakakapagod ito," sabi naman ni Mama.
Hindi naalis kay Mama ang pagtawag sa akin ng Kayleigh. Hinayaan ko na lang dahil doon siya sanay. Pero Nathalie na talaga ang official name ko. Pinaayos na kasi ni Killian lahat ng papeles ko.
Tinulungan ko na lang si Mama sa pagbe-bake. Bonding na namin 'to tutal wala akong pasok.
"Ma'am, nandito na po si Sir Ashteroh," sabi ni Aling Pola na katulong dito sa bahay.
Napangiti ako nang makita si Ashteroh na kakapasok lang. Ngumiti siya sa akin at kumaway. May hawak pa siyang box na sa tingin ko cupcakes na naman ang laman. Gusto kasi ni Mama ng carrot cupcake kaya palagi siyang dinadalhan no'n ni Ashteroh sa tuwing pupunta siya rito.
Napasinghap ako at dali daling sinugod ng yakap si Ashteroh. Bahagya siyang natawa saka dinampian ng halik ang noo ko. Sunod na lumapit siya kay Mama saka nagmano rito.
"Hello po, Tita. Kumusta po kayo?" magalang na bati ni Ashteroh kay Mama.
Napangiti na lang ako. Mas lalong nakaka-in love si Ashteroh dahil nakikita kong may respeto talaga siya sa Mama ko.
"Okay lang naman, hijo. Kumain ka na ba? Aba, mukhang pagod na pagod ka sa trabaho," tila nag-aalalang sabi ni Mama.
"Okay lang po ako, Tita. Ito po, cupcakes." Inilapag n'ya ang cupcake sa mesa. "Tulungan ko na po kayo diyan," sabi n'ya saka umupo sa tabi ni Mama.
Napangiti ako at naki-join na lang din sa ginagawa ni Mama. Habang naglalagay kami ng frosting, napansin ko na panay ang hikab ni Ashteroh.
"Pst, boss... Matulog ka muna sa kwarto ko," sabi ko saka nilapitan siya.
Umiling si Ashteroh saka ngumiti sa akin. "Hindi na, Ma'am. Mamaya na ako magpapahinga pag-uwi ko," sabi n'ya saka hinaplos ang buhok.
Bumili ng condo unit si Ashteroh malapit dito. Sabi ko nga dito na lang siya tumuloy dahil may mga guest room naman kaso nahihiya siya kay Mama.
"Hijo, sige na. Magpahinga ka na muna. Anak, samahan mo si Ashteroh sa silid mo at patulugin muna ro'n," sabi ni Mama.
Tumango ako at hinawakan ang braso ni Ashteroh saka hinila siya patayo. Hindi naman siya nakapalag at nagpatianod na lang sa akin papunta sa silid ko.
"Boss, hubarin ko 'to," sabi ko saka hinubad ang blazer n'ya. Hindi na lang siya nagprotesta at hinayaan ako.
Basta ko na lang siya itinulak pahiga sa kama saka kinumutan. Natawa na lang siya nang umupo ako sa tabi n'ya at tinapik tapik ang braso n'ya na para bang nagpapatulog ako ng bata.
"What are you doing, Ma'am?" natatawang tanong n'ya.
"Pst. H'wag ka ng magsalita, boss ko. Matulog ka na. Mukha ka ng zombie, oh," panenermon ko.
"Hindi mo na 'ko mahal?" tila nagda-dramang tanong n'ya.
"Ano ka ba? Kapag naging zombie ka, willing pa 'ko magpakagat. Sige na, sleep na, boss ko. I love you," bulong ko saka dinampian ng halik ang pisngi n'ya.
"I love you too, Ma'am Nathalie," bulong n'ya saka pumikit. Mukhang antok na antok na talaga siya.
Lumabas na rin ako ng kwarto ko nang makatulog na si Ashteroh. Agad akong nagtungo sa living room at naabutan ko ro'n si Mama na nanonood ng TV. Agad akong umupo sa tabi n'ya saka yumakap sa baywang n'ya.
"Tulog na ba si Ashteroh?" tanong ni Mama saka hinaplos ang braso ko.
"Opo, mukhang pagod na pagod nga po siya, e," sabi ko na lang.
Saglit kaming natahimik. Natigilan lang ako nang biglang kuhanin ni Mama ang remote saka pinatay ang TV. Humarap sa akin si Mama saka hinawakan ang kamay ko.
"Mabait si Ashteroh at mukhang mahal na mahal ka n'ya," biglang sabi n'ya.
Napangiti ako saka tumango. "Opo, mahal na mahal po talaga ako no'n dahil wala na siyang mahahanap na kasing ganda ko." Hinawi ko pa ang makulay kong buhok.
Natawa si Mama. "Siyempre naman, anak. Mana ka sa akin. Maganda rin ako noong kabataan ko," natatawang sabi ni Mama.
"Eh? Maganda pa rin po kayo ngayon, ah. Para lang kayong 18," nakangising sabi ko saka nagtaas-baba ng kilay sa kanya.
Natawa si Mama saka hinaplos ang pisngi ko. Punong puno ng pagmamahal ang mga mata n'ya habang nakatingin sa akin.
"Kung papanaw man ako bukas, hindi ako matatakot dahil alam kong hindi ka pababayaan ni Killian at Ashteroh," nakangiting saad n'ya.
Agad na sumama ang mukha ko. "Ano ka ba naman, Ma? Mahaba pa po ang buhay n'yo 'no," sabi ko saka niyakap siya.
Gumanti ng yakap sa akin si Mama saka hinaplos ang buhok ko. "Kailan ba kayo magpapakasal ni Ashteroh, anak?" biglang tanong n'ya.
Natigilan ako... Sa totoo lang, tanong ko rin 'yan. Kailan kaya kami magpapakasal ni boss?
* * *
"Boss... Nakakatuwa naman, naaalala mo pa ang lugar kung saan tayo unang nag-date?" nakangiting tanong ko.
Umakbay sa akin si Ashteroh saka dinampian ng halik ang sentido ko. "Siyempre naman, Ma'am. Naaalala ko lahat ng tungkol sa 'yo."
Nandito kami sa park kung saan kami unang nag-date noon. Naaalala ko pa noong nanonood kami ng mini concert dito tapos pinilit ko siyang mag-gitara sa unahan.
Ngayon na lang ulit ako nakapunta rito after three years. Matagal ang naging biyahe namin ni Ashteroh papunta rito dahil malayo-layo ang probinsya namin dito. Pero sulit naman dahil nakakamiss talaga.
"May nagco-concert pa rin ba rito kagaya dati?" tanong ko sa kanya.
Tumango siya. "Oo, may nagkakantahan pa rin dito once a week. Mas marami na ang nanonood ngayon kaysa dati. Iba ibang banda rin kasi ang natugtog kada linggo," paliwanag n'ya.
Napasinghap ako. "Excited na 'ko! Namiss ko talaga rito. Teka, bili tayo ng fishball." Itinuro ko ang bilihan ng fishball.
Hinila ko si Ashteroh doon. Wala naman siyang nagawa kundi ang magpatianod sa akin.
"Boss, mukhang magsisimula na ang concert. Naghahanda na sila nang bongga, oh," sabi ko saka hinipan ang fishball at sinubo 'yon.
Hindi katulad dati, mukhang mas may effort na ang mga concert dito ngayon. May pa-bonggang stage na at mas marami na ang taong nag-aabang.
"Diba boss?" tanong ko pa nang mapansing hindi siya sumasagot.
Natigilan ako at napatingin sa tabi ko. Gano'n na lang ang gulat ko nang mapansing nawala na si Ashteroh sa tabi ko. Agad akong napatayo at nilibot ng tingin ang paligid. Panay ang hanap ko sa kanya pero parang bula siya na nawala. Ni hindi ko nga napansing umalis siya.
Akmang aalis na ako para hanapin siya nang biglang may magsalita na sa stage.
"Hello everyone! For today, hindi muna ang Clashing Hearts ang kakanta sa stage ngayon," sabi ng emcee.
Agad na nagreklamo ang mga tao. Mukhang disappointed talaga sila dahil hindi makakatugtog ang Clashing Hearts chuchu o kung ano man 'yon.
"But wait! Paboritong gitarista n'yo ang tutugtog ngayon! Kilala n'yo na ba?!" hiyaw ng emcee.
Agad na nagtilian ang mga tao. Napakunot na lang ako dahil wala akong alam sa nangyayari.
"Namiss n'yo ba si Alex?!" tanong pa ng emcee.
Mas lalong naghiyawan ang mga tao. Nakisigaw na rin ako kahit hindi ako maka-relate.
Pero teka... Alex? Parang pamilyar ang pangalang 'yon, ah. Saan ko nga ba narinig 'yon?
Natigilan ako nang biglang umakyat sa stage si Ashteroh. Ngumiti siya at kumaway sa mga tao. Mas lalo namang lumakas ang sigawan ng mga tao.
Napasinghap ako at agad na nakisigaw. "OMG, boss! You surprised me! Wooh!" hiyaw ko kahit na nangingibabaw ang pa-epal na sigaw ng mga tao.
"Pero tonight, hindi lang tayo tutugtugan ng gitara ni Alex. Kakantahan n'ya rin tayo. Excited na ba kayo?!" tanong ng emcee.
OMG! Kakanta talaga si boss?! Excited na 'ko. Grabe, bongga ang pasabog ng mahal kong boss, ah.
Umupo na si Ashteroh at inayos ang gitara n'ya at ang mic stand. Napangiti ako nang tumingin siya sa direksyon ko, para bang alam n'ya kung nasaan ako kahit na maraming tao sa paligid namin.
"Hello... This song is for my girlfriend, the most wonderful and the most beautiful woman in my eyes... Nathalie Mariano, I love you so much, Ma'am," sabi ni Ashteroh.
Agad na naghiyawan ang mga tao. Napangiti na lang ako. Hindi pa siya nagsisimulang kumanta pero naluluha na ako.
Nagsimula na siyang magpatugtog ng gitara.
"When I make mistakes
You have what it takes to speak to me
So, I can change and be a better man
When it feels too much
All you do is touch me on my back
Where you know well
Will calm me down inside."
Napaawang ang labi ko habang nakatitig sa kanya. Nakatitig din siya sa akin habang kinakanta ang bawat salita. Hindi ko alam na ganito kaganda ang boses n'ya. Siguro dahil mahal ko siya... Pakiramdam ko higit na mas maganda ang boses n'ya sa pandinig ko kaysa sa iba.
"I am the one for you
You are the one for me
'Cause baby all you do
Is bring out what is best in me
What was unseen to me
Now I see them with you
You bring balance to my life
So lemme ask if you would be my wife."
Tuluyang umalpas ang mga luha mula sa mga mata ko nang tuluyan kong mapagtanto ang ibig n'yang sabihin sa kanta n'ya. Napatakip ako sa bibig ko habang lumuluhang nakatingin sa kanya. Pakiramdam ko nawalan na rin ako ng pakialam sa paligid at nanatiling naluha habang pinakikinggan ang kanta n'ya.
"What was unseen to me
Now I see them with you
You bring balance to my life
So lemme ask if you would be my wife..."
Naiyak pa rin ako hanggang sa matapos ang kanta n'ya. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko ang pinakaswerte at pinakamasayang babae sa mga oras na 'to.
"My love, Nathalie... I told to myself that you should be the first one to hear me sing." Bahagyang natawa si Ashteroh.
Natahimik naman ang mga tao at pinakinggan ang sasabihin n'ya.
"Pero kasi, Nathalie... Deserve mo ang ipagsagawan sa lahat. Gusto kong malaman ng lahat kung gaano ako kaswerte na katulad mo ang babaeng mahal ako at minamahal ko... Wala akong ibang gusto noon para sa sarili ko, Nathalie. Pero simula ng makilala kita, gusto ko ng maging mas mabuting tao para sa sarili ko... at para sa 'yo. Gusto kong maging deserving ng pagmamahal ng pinakamagandang babae sa lahat." Napangiti si Ashteroh at napatungo. Hindi nakawala sa paningin ko ang pasimpleng pagpahid n'ya sa gilid ng mga mata n'ya.
"A-Ashteroh..." usal ko habang patuloy na lumuluha.
"I know we're both imperfect, our relationship is not perfect. We still have a lot to learn and to understand about each other... Pero kung ikaw lang din naman ang pag-uusapan, hindi ako mapapagod na intindihin ka." Muling napangiti si Ashteroh. "I hope you know how much I love you, Nathalie. Kahit nu'ng mga panahong magkahiwalay tayo, alam ko sa sarili ko na ni minsan hindi nawala o nabawasan man lang ang pagmamahal ko sa 'yo... at mas lalo pa kitang mamahalin sa mga lilipas na araw para sa 'ting dalawa."
Napakagat ako sa ibabang labi ko nang tuluyang kumawala ang hikbi mula sa mga 'yon. Hindi maalis ang tingin ko sa kanya... Ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
"Ma'am Nathalie, I love you so much. I really do..." Umalis si Ashteroh mula sa upuan at may kinuha mula sa bulsa n'ya. Hindi ko 'yon masyadong makita dahil ang daming epal na tao.
"...will you be my wife?"
Tuluyan ng naghiyawan ang mga tao. Romantic sana ang moment na 'to kaso halos hindi ko na makita si Ashteroh dahil sa naghi-histerikal na mga tao na para bang sa kanila nag-propose si Ashteroh.
Panay ang linga ni Ashteroh dahil siguro hindi na n'ya ako matanaw dahil sa mga tao. Napabuga ako ng hangin at naiinis na tumayo sa upuan para makita ako ni Ashteroh. Napatingin siya sa akin at napangiti.
"Oo, boss! Magpapakasal ako sa 'yo! Boss! I will be your wife, boss!" hiyaw ko habang tumatalon-talon pa.
Natigilan ang mga tao sa unahan ko at napatingin sa akin. Doon na nagsimulang matahimik ang lahat... Salamat naman.
"Boss! Magpapakasal ako sa 'yo! Mahal na mahal din kita!" buong lakas na sigaw ko saka umalis sa pagkakatungtong sa upuan.
Nahawi ang mga tao para bigyan ako ng daan papuntang stage. Agad akong tumakbo papalapit kay Ashteroh at umakyat sa stage. Natigilan siya nang agad ko siyang sinugod ng yakap.
"B-Boss, oo ang sagot ko... magpapakasal ako sa 'yo. Kahit now na, k-kahit kailan mo gusto," naluhang sabi ko habang nakayakap sa kanya.
Yumakap din sa akin si Ashteroh at hinaplos ang buhok ko. Isinubsob n'ya ang mukha sa leeg ko at nararamdaman kong tila naluluha rin siya.
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at tinitigan siya. Hinaplos ko ang pisngi n'ya at napangiti nang mapansing may mga luhang dumadaloy sa pisngi n'ya. Namumula na rin ang ilong at mga mata n'ya.
"I love you so much, Ma'am Nathalie... Mahal na mahal kita," anas n'ya habang naluluhang nakatitig sa akin.
"I-I love you too, boss... Magpakasal na tayo, now na," nakangiting sabi ko.
Natawa si Ashteroh at hinawakan ang magkabilang pisngi ko. Napapikit na lang ako nang walang pag-aalinlangan na siniil n'ya ng halik ang labi ko sa harap ng maraming tao. Agad akong yumakap sa batok n'ya at tinugon ang malalim na halik n'ya na para bang wala na kaming pakialam sa ibang tao.