Maaga pa lang sila kinabukasan ni Indang sa simbahan. Dala-dala niya ang rosary na binigay sa kaniya ni Fender at mahigpit na hinawakan iyon. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil ‘di pa rin siya pinapabayaan nito sa kabila ng pagsubok na binigay nito sa kaniya. Matapos nilang magsimba ni Indang, deritso silang nagtungo sa palengke. Nilakad lang nila iyon. Sanay naman siya sa mahabang lakaran kaya walang problema ‘yon kay Blessy.
“Malaki ang palengke pero pasaan ba at mahahanap natin ‘yang jowa mo na laging nawawala.” Hinawakan siya ni Indang sa braso. Ito kasi ang may alam sa mga pasikot-sikot sa lugar. “Dikit ka lang sa ‘kin, Blessy, ha? Mainit sa mata ng mga tambay rito ang maganda mong mukha.”
Bahagya niyang hinampas sa braso ang kaibigan. “Baliw ka. Hindi ako maganda.”
Nagkibit lang ito ng balikat at hinila na siya. Nagsimula silang maglibot sa looban ng palengke. Nauna sila sa wet market at sumunod sa mga bigasan. Sinipat nila ng maiigi ang mga lalaking nakikita nila na kasing-tangkad at parehas ng pangangatawan ni Fender pero bigo sila. Wala maski anino ng lalaki.
“Mukhang wala siya rito. Pero kung gano’n, saan s’ya?”
“Uwi na lang tayo, Indang. Halata naman na wala si Fender rito.”
“Sure ka?”
Tumango siya. Tumango lang ito at sinunod ang kaniyang gusto na umuwi na sila. Ang totoo niyan, naiilang siya sa mga titig na binigay sa kanila ng mga tambay na nadadaanan. Tinitigan sila ng mga ito na parang isa silang naglalakad na pagkain na handa silang lapain anuman oras. Hindi sila safe ni Indang sa lugar na pinuntahan nila.
“Anong hinahanap niyo mga ineng?”
Napapitlag siya nang biglang may humarang sa kanilang daraanan magkaibigan. Napatingin siya rito at puno ng tattoo ang malaki nitong katawan. Nakaramdam siya ng takot kaya napahigpit ang hawak niya sa kamay ni Indang.
“Wala. Makikidaan lang kami.” Matapang na sagot ni Indang at walang takot na nilagpasan nila ang mga ito.
“Pwede naman dumito muna kayo. Mukhang mga presko pa kayo at…” sinuyod sila ng tingin ni Indang sa paraang nakakabastos. “Magkano kayo? Naghahanap ba kayo ng customer? Kami na ang titira sa inyo at bibigyan namin kayo ng tig-dalawang daan bawat isa. Ano?”
Narinig niyang nagtawanan ang tatlo pa nitong kasamahan na kapwa may tattoo rin at namumula na ang mata dahil sa pag-iinom. Agad niyang hinila ang kamay ni Indang para makaalis na sila ro’n. Si Fender ang hinahanap nila at ‘di para bastusin ng ganito.
“Masyado naman kayong nagmamadali.” Tumayo ang tatlong lalaki kasamahan nito at hinawakan sila sa braso. “Kung ayaw niyo sa dalawang daan, gawin namin limang daan. Ano payag na?”
Mabilis na umigkas ang kamay ni Indang sa nagsasalita. “Hindi kami bayaran na babae! Pwe!” Dinuraan nito ang isang lalaki na humawak dito sa kabilang braso.
“Indang!” Nagulat naman siya sa ginawa ng kaibigan. Alam niyang mas manganganib sila sa ginawa nito, pero sa kabilang bahagi, nababagay lang sa mga ito ang ginawa ng kaniyang kaibigan.
“Punyeta ka!”
Napasigaw siya nang tumama ang palad nito sa pisngi ni Indang. Agad niyang dinaluhan ang kaibigan pero dalawang lalaki na ang nakahawak sa kaniya. Gusto niyang sumigaw pero agad nahawakan ng isa ang kaniyang bibig para ‘di siya makasigaw at pinakita sa kaniya ng isa pang lalaki ang matulis na kutsilyo.
“Subukan niyong sumigaw.”
Nagsibagsakan ang mga luha sa kaniyang mata. Ang gusto lang naman n’ya ay hanapin si Fender at hindi para ilagay ang buhay sa panganib. Totoong ang mundo nga talaga ay puno ng masasamang tao at mabibilang lang ang mabuti ang kalooban.
“Mga gago kayo! Pakawalan niyo kami.”
“Halatang mga birhen pa ‘tong dalawa na ‘to. Tiba-tiba tayo rito, pre.” Sabay na nagsitawanan ang mga ito.
Napatingin siya sa paligid at nagbabakasakaling may tumulong sa kanila pero wala. Walang may pakialam at walang may huminto para sumaklolo sa kanilang magkaibigan. Kahit ‘yong dalawang Pulis na dumaan, ngumisi lang ang mga ito at sinabing ‘wag masyadong magkalat’,qq2 nang akbayan sila ng mga lalaki at sinabing isa silang mga bulaklak ng mga ito.
“M-maawa na kayo sa`min, gusto na namin umuwi,” pagmamakaawa niya sa mga ito. Hilam sa luha ang kaniyang mata.
“Saka na ‘pag tapos na kami.”
Hindi sila nakapalag ni Indang nang hilain sila ng mga ito sa kung saan. Kung alam lang nila ng kaibigan na ganito ang mangyayari sa kanila sa labas ng dumpsite, hindi sana mangyayari sa kanila ang ganito. Nagsimulang manginig ang kaniyang katawan at hindi niya kayang pakalmahina ang sarili. Wala rin tigil sa pagpatak ang kaniyang mga luha habang si Indang ay nagwawala pero nang tutukan ito ng kutsilyo sa gilid, natahimik ito at awang-awang napatingin sa kaniya.
“I-indang s-sorry…”
“Makakalabas tayo rito, Blessy! Maniwala ka, makakalabas tayo rito— aray!” Tinulak ito ng lalaki sa isang maruming kama.
Do’n lang napansin ni Blessy na nasa isang silid sila na marumi at maraming nagkalat na bote at upos na sigarilyo. Hindi siya tanga para ‘di malalaman kung ano ang gagawin ng mga ito sa kanila. Napaigik siya nang tumama ang kaniyang tuhod sa gilid ng kama nang itulak siya ng isa. Agad silang napayakap ni Indang sa isa’t isa habang nagsimulang naghubad ang mga ‘to ng damit.
“I-indang… Ayuko na rito…” nagsimulang lumakas ang kaniyang iyak. Gusto niyang takbuhin ang pintuan pero nanghihina ang kaniyang mga tuhod at ‘di niya magawang igalaw iyon. Ang tanging magawa lang niya ay umiyak habang magkayakap sila ni Indang na umiiyak na rin. “Sorry Indang, kung hindi natin hinanap si Fender, wala sana tayo rito. Pasensya ka na. Pasensya ka na… Hindi ko ginusto na mangyayari sa ‘tin ‘to.”
“Huwag kang humingi ng sorry. Ako ‘yong nagsuhestyon na hanapin dito si Fender at— Blessy!” Napasigaw ito.
Pinaghiwalay sila ng mga ito. Malakas siyang napatili pero naramdaman niyang may sumuntok sa kaniyang tagiliran. Napaigik siya at pakiramdam ni Blessy, mawawalan siya ng hangin sa sakit. Nilapag siya ng dalawang lalaki sa lapag at si Indang sa kama. Naramdamang niyang hinaklis ng mga ito ang kaniyang suot na bestida.
“F-fender…” dalawang butil ang luhang kumawala sa kaniyang mata. Kinakapos na siya ng hangin at alam niyang ilang sandali lang, mawawalan siya ng malay at wala siyang alam kung pagkatapos nito, makikita pa niya ang binatilyo. Mukhang hanggang dito lang yata nakatadhana ang buhay niya. “F-fender… S-saan ka…” nagdilim na ang kaniyang paningin at dahan-dahan pumikit ang kaniyang mata.
May narinig siyang malakas na paglagapak ng pintuan at kasunod ay ang pagtawag sa kaniyang pangalan. Pero hindi niya na kayang imulat ang mata kung sino iyon. Wala na siyang lakas para gawin iyon at ilang sandali pa ay tuluyan siyang inagaw ng kadiliman. Wala na siyang narinig kung ano ang sumunod na nangyari.
NANG magmulat siya ng mata, nasa ibang silid na siya at may nakakabit na swero sa kaniyang kamay. Si Indang?! Bigla siyang napabangon at napatingin sa buong paligid. Doon lang niya naisip na nasa isang ward siya ng Hospital at katabi niya ang kaibigan na malayo ang tingin. Pinakiramdaman niya muna sandali ang katawan at napansin niyang walang ginalaw sa kaniya.
“Indang!”
Agad lumingon sa kaniya ang kaibigan at nagliwanag ang mukha nang makitang gising na siya. Pareho silang may swero pero tinanggal niya ang sa kaniya. Hindi niya kailangan ‘yon.
“Mabuti at gising ka na. Nasa Hospital tayo. Pareho tayong nawalan ng malay at salamat sa Diyos, walang masamang nangyari sa ‘tin. Patay na ‘yong mga hayop na muntikan bumaboy sa ‘tin, Blessy.”
Biglang kumislot ang kaniyang puso sa narinig. Patay na ang mga ito? Sino ang pumatay? Bago pa niya muling ibuka ang bibig para tanungin si Indang kung ano ang ibig nitong sabihin, may pumasok na dalawang babaeng pulis. Agad siyang napasiksik sa isang tabi.
“Don’t worry, wala kaming gagawin masama sa inyong dalawa. Nandito lang kami para hingiin ang inyong statement dalawa laban sa apat na lalaking pinatay ng kasama niyo.”
Natuliro siya sa sinabi nito. Anong pinatay?
“H-hindi ko kayo maintindihan.”
“Nasa kulungan ngayon ang kasama niyo. Ngayon, kung gusto niyo makalabas ang kasamahan niyo, sagutin niyo ang mga katanungan namin.”
Sunod-sunod silang tumango ni Indang at sinagot nila ang ilan sa mga katanungan ng mga ito. ‘Yong iba, masyadong personal at ‘yong iba, walang kinalaman sa sitwasyon na nangyari sa kanilang magkaibigan. Nang matapos na ang mga ito, agad din nagsialisan ang dalawang pulis.
“Hindi ko maintindihan. Sinong pumatay, Indang? Hindi naman siguro si…”
“Si Fender. Siya ang tumulong sa ‘tin, Blessy.”
“Ha?” sunod-sunod na nagsipatakan ang kaniyang mga luha. Hindi magagawa ni Fender ang bagay na iyon. Masyadong mabait ang lalaki at hindi nito kayang pumatay. “N-nagbibiro ka yata Indang, hindi magagawa ‘yon ni Fender. Kilala ko siya…”
“Nakita ko siya mismo Blessy kung paano niya pinagsaksak ng kutsilyo ang mga hayop na muntikan bumaboy sa ‘tin. Kitang-kita ko kung paano niya pinapatay ang mga ito na parang sanay na sanay na siya.”
“Hindi… H-hindi totoo ‘yan,” napailing-iling siya. Hindi kayang tanggapin ng kaniyang utak ang nangyari na ang lalaking mahal niya, may pinatay na tao.
PERO sana nga hindi totoo ang kaniyang nalaman, dahil nung bumisita silang magkaibigan sa presinto kung saan nakakulong ang lalaki… tuluyan siyang napaiyak nang makita si Fender na duguan ang kamay at kasuotan. Nasa likod ng malamig na rehas habang malungkot na nakatingin sa kaniya.
“F-fender…” gumaralgal ang kaniyang boses habang nakatingin dito. Gustong-gusto niyang yakapin ito…
“Okay lang ako.”
Napailing-iling siya kasabay ng pagbagsakan ng mga luha niya. Napalapit siya rito at mahigpit na napahawak sa kamay ng lalaki habang umiiyak. Hindi ito pwedeng makulong. Hindi ito pwede tumira sa likod ng rehas at malamig na kulungan!
“Shhh… ‘Wag ka na umiyak. Lumalaki na naman ang butas ng ilong mo kapag umiiyak ka, eh.”
“Fender naman! Kahit minsan magseryuso ka naman. Paano ako ‘di iiyak, ha? Paano? Alam mong ikaw na lang ang natitira sa ‘kin…”
“At lahat kaya kong gagawin para sa ‘yo, Blessy. Kaya kong pumatay ng hayop kung ikaw ang pag-uusapan at alam mo ‘yan,” anas nito sa mahinahong boses pero dama niya ang pait at galit sa likod n’yon.
Napahikbi siya. Damang-dama niya ang sakit sa boses nito at parang hinahati ang kaniyang puso sa sakit. “P-pero bakit mo hinayaan ang sarili mong madungisan ng kasalanan, ha, Fender? Alam mong malaking kasalanan ang pagpatay…”
Humigpit ang pagkakahawak nito sa kaniyang kamay at mariin siyang tinitigan. “At sa tingin mo, hahayaan ko ang mga hayop na ‘yon na halayin at gahasain ka, ha?! Sa tingin mo ginawa ko ba sa sarili ko ang lahat ng iyon? Hindi, Blessy! Hindi! Ginawa ko ‘yon dahil mga hayop sila at ang babaeng nirerespito at minahal ko ang nagawa nilang saktan. Wala akong pakialam kung isang malaking kasalanan ang ginawa ko sa mata ng Diyos! Alam ng Diyos kung gaano kita kamahal at pinahalagahan. Lahat ginagawa ko para sa ‘yo kaya wala akong naramdamang pagsisi. Basta ang mahalaga sa ‘kin, nailigtas kita sa kanila. Dahil hindi ko sila mapapatawad kung may masamang nangyari sa ‘yo at alam mo ‘yon.”
Napasigok siya at nagbaba ng tingin. Napahiya siya. Hindi niya kayang titigan ang mga mata nito na puno ng galit, lungkot at poot. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha habang tahimik lang na umiiyak sa tabi niya si Indang. Paano niya ba tanggalin ang sakit at galit na nababanaag niya sa mata ng binatilyo?
“Indang, umuwi na kayo,” baling nito kay Indang sa kaniyang tabi, “Magtricycle kayo pauwi at ‘wag mo na ako alalahanin dito, Blessy. Kaya ko ang sarili ko at pakiusap lang, mag-ingat ka kung ayaw mo ‘kong pumatay ng tao dahil lang sa ‘yo.” Nagdilim ang mukha nito at humigpit ang pagkakahawak nito sa rehas.
“F-fender…” Nakagat niya ang labi at pinilit na ‘wag ng umiyak sa harapan nito. Hindi nakakatulong ang mga luha niya sa sitwasyon. “Paano ako matutulog ng mahimbing sa isiping nandito ka?”
Matagal bago ito nakasagot at masuyong hinagkan siya sa noo kahit may bakal sa pagitan nilang dalawa. “Huwag mo lang isipin.” Hinawi nito ang kaniyang buhok na tumatabing sa kaniyang mukha. “Nagpapasalamat ako na ‘di ako nahuli sa balita nung malaman kung may nabiktima na naman ang mga hayop na ‘yon!”
“Kilala mo ang mga taong ‘yon?”
Tumango lang ito at hindi na nagsalita pa. Sinenyasan lang ni Fender si Indang na umuwi na sila at bumalik sa dumpsite kung saan mas alam niyang secured siya at walang masamang mangyayari sa kaniya sa lugar na ‘yon. Baka sa mga oras na ito, nag-alala na rin ang nanay at kapatid ni Indang.
Pero babalik agad siya. Ayaw niyang maging malungkot ang binatilyo at mag-isa sa kulungan. Kung pwede na sumama siya rito, gagawin niya. Ano pa ba ang silbi ng buhay niya kung mag-isa na lang siya habang nasa loob ng malamig na silid ang lalaking mahal niya?
“BLESSY…”
Napabalikwas siya ng bangon nang pagmulat niya ng mata, nakita niya si Fender at masuyong nakatunghay sa kaniya. Napaiyak siya. Alam niyang isa na naman itong panaginip. Tatlong araw na ang nagdaan at ‘di niya magawang balikan kung saan ito nakakulong. Dahil ang totoo, ‘di niya alam ang address. Ayaw rin siyang samahan ni Indang at naiintindihan niya ito. Kaya tatlong araw siyang walang matinong tulog at kain dahil sa kakaisip sa binatilyo at kung anong nangyayari rito. Paulit-ulit din siyang dinadalaw sa panaginip niya kung paano sila muntikan nagahasa ni Indang pero sa panaginip niya, ando’n lagi ang binatilyo at nililigtas siya.
“Ayan ka na naman, umiiyak.” Agad siya nitong dinaluhan at damang-dama niya ang totoong init sa palad nito na humaplos sa kaniyang pisngi.
“Dahil alam kong panaginip lang ito. Mababaliw na yata ako, Fender. Hindi ko na kaya… Mababaliw ako sa kakaisip kung kumusta ka ro’n sa loob ng kulungan. Kung ‘di ka ba nila sinasaktan. Kung pinapakain ka ba nila ng tama sa isang araw.”
Ngumiti ito at ang sumunod na naramdaman ni Blessy ay ang pagyakap nito sa kaniya. “Hindi ako panaginip. Totoong nandito ako. Nakalaya na ako.”
Bigla siyang napabitaw sa pagkakayakap dito at do’n niya napagtanto na totoo nga na nasa harapan niya si Fender. Mula sa konting liwanag na nagmula sa lampara, nakita niya ang magandang ngiti nito at malamlam ang mga matang nakatingin sa kaniya. Natuptop niya ang kaniyang bibig! Totoong nasa harapan niya ang lalaki at wala siyang sinayang na oras, agad siyang yumakap dito. Ang malakas na iyak niya ay nauwi sa hagulhul. Masayang-masaya siyang nakalaya rin ito.
“Papaya ka talaga. Iyakin masyado.”
Narinig niya ang mahinang pagtawa nito at niyakap din siya ng mahigpit. Akala niya, tuluyan na itong mawawala sa kaniya. Nagpapasalamat siya sa Diyos na binalik nito sa kaniya ang lalaki. Kaya nang gabing ‘yon, ‘di siya pumayag na ‘di sila magkayakap matulog. Baka kasi ‘pag gising niya, wala na ito at ‘yon ang ayaw niyang mangyari.
HUMAHANGOS na tumakbo papunta sa kaniya si Indang at puno ng pangamba ang matang hinawakan ang kaniyang kamay. “May apat na lalaking pumunta sa barong-barong niyo at hinahanap ang boyfriend mo!”
Si Fender! Sumikdo ang kaniyang puso. Agad niyang binitawan ang sakong bitbit at mabilis na tinakbo ang barong-barong nila ng lalaki. Habol niya ang kaniyang hininga at sandaling lumanghap ng hangin nang makita ang apat na lalaking nakatayo sa harap ng kanilang barong-barong. Kausap nito ang lalaking mahal niya at halatang seryuso ang pinag-uusapan ng mga ito.
“Kailangan ka ng organisasyon, Zerus.”
“Alam ko pero… Kailangan din ako ni Blessy.”
“Binigyan ka na namin ng dalawang linggo para magpaalam sa kaniya ng personal. Alalahanin mong ang organisasyon ang tumulong sa ‘yo para makapagpyansa at nagbayad sa hospital kung saan naka-confine dati ang kaibigan mo at ang babaeng nagngangalang Blessy.”
Hindi siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan sa narinig. Sino ang mga ito? Sa narinig niya, ito ang tumulong para makalabas si Fender sa kulungan pero bakit pakiramdam niya, masasamang tao ang mga ito? Nasa tabi niya si Indang at parang sinasabi sa kaniya na lapitan niya ang mga ito pero nanatili siyang nakatayo sa kalayuan. Hinihintay niya ang sasabihin ni Fender.
“Isang araw na lang. Hindi ko pa nasasabi sa kaniya.”
Hindi siya nakapagtimpi, agad niyang tinawag ang lalaki at napatingin ito sa kaniya. Lumarawan ang malungkot na kislap sa magaganda nitong mata at nagbaba ng tingin.
“Isang araw na lang, at pangako bukas, sasama na ako sa inyo. Kailangan ko lang magpaalam ng maayos.”
Napatingin sa kaniya ang apat na kalalakihana at walang salitang umalis ang mga ito. Mabilis siyang lumapit kay sa binatilyo at tinanong kung sino ang mga lalaking kausap nito pero ningitian lang siya nito. Hindi ito nagsalita at niyaya lang siya sa loob ng kanilang barong-barong at doon mag-usap dalawa.
“Simula bukas sasama na ako sa kanila, Blessy.”
“Saan? Sa trabaho ba? Okay lang ‘yon sa ‘kin basta uuwi ka lagi sa ‘kin.”
Malungkot itong napabuntunghinga at umusog papalapit sa kaniya. “Sasama na ako sa organisasyon. Hindi na ako pwedeng kumawala simula nung pinatay ko ang mga hayop na muntikan ng bumaboy sa inyo ni Indang.”
“A-anong ibig mong sabihin?”
Ginanap nito ang kaniyang kamay at mahigpit na hinawakan iyon. “Blessy makinig ka. Babalik din naman agad ako pero ‘di ko masisiguro kung anong araw. Basta nangako sila na ‘pag sasama ako sa organisasyon, babantayan ka nila. Mabibigyan din kita ng magandang buhay at pwede mo na maipapagpatuloy ang pag-aaaral mo.”
Sunod-sunod na nagsibagsakan ang mga luha niya. “Ibig sabihin, iiwan mo ako rito na mag-isa? Sasama ka sa apat na lalaking ‘yon? Hahayaan mo ako rito?”