Chapter Story 2 - Chapter 11

“Hindi sa gano’n. Lahat nang ‘to para sa ‘yo. Alam kong ‘di mo ako maiintindihan ngayon pero iisa lang masasabi ko, Blessy, lahat nang ito ginagawa ko para sa ‘yo.”

“Talagang ‘di ko naiitindihan. Masaya naman tayo rito. Kontento ako sa anong meron tayo ngayon. Ang mahalaga lang naman sa ‘kin ay makasama ka, Fender. Hindi mo naman kailangan gawin ‘to at sabihing ginagawa mo ang lahat ng ‘to para sa ‘kin.”

Napabuntunghinga ito at hinalikan lang siya sa noo. “Mahal kita. Mahal na mahal lagi mo ‘yang tatandaan, ha?”

Hindi siya sumagot. Basta lang nagsipatakan ang mga luha sa mata niya at walang tigil ang mga ‘yon. Alam ni Blessy na aalis si Fender at ‘di niya mapipigilan ito. Kilala niya ang lalaki at iba rin ang paniniwala nito pagdating sa kaniya.

“Huwag ka ng umiyak. Nahihirapan ako ‘pag nakikita kitang umiiyak.” Pinunasan nito ang mga luha niya. Lagi naman, lagi naman na ito ang tagapunas ng luha niya dahil hindi niya kayang gawin sa sarili iyon. Malakas siya pero mahina pagdating dito.

“P-pakiusap, ‘wag kang sumama sa kanila.” Nagsimulang lumakas ang kaniyang iyak. Ayaw niyang sumama ito sa mga lalaking iyon na tingin niya ay walang magandang idudulot sa lalaking mahal niya. “Nangako tayo sa isa’t isa ‘di ba? Nangako tayo, eh. Pakiusap huwag kang sumama sa kanila bukas. Mababaliw ako ‘pag ginawa mo ‘yon.” Hinawakan niya ang kamay nito at nakikiusap ang mga matang tumingin dito. “Please? ‘Wag mo akong iwan dito… Pakiusap Fender, huwag.”

“Blessy…”

“Nangako ka… Nangako ka sa Diyos na ‘di mo ako iiwan. Nangako tayo sa harap ng simbahan na aalagaan natin ang isa’t isa. Paano ko magagawa ang bagay na iyon kung iiwan mo rin ako at hahayaan mag-isa rito? Paano, ha, Fender? Paa—”

Mahigpit siya nitong niyakap. Do’n lang niya napansin na sila ng dalawa ang umiiyak at nababasa niyang nahihirapan ito sa sitwasyon nila. Mas lalong lumakas ang kaniyang iyak at mahigpit na yumakap dito.

“Tahan na.. Hindi na ako sasama sa kanila.”

Nagliwanag ang kaniyang mukha sa sinabi nito. “Talaga?”

Tumango ito at ginulo ang kaniyang buhok. Ngumiti ito pero hindi abot sa mata. “Kaya ‘wag ka na umiyak, okay?” sunod-sunod siyang tumango. “Hindi na ako sasama sa organisasyon. Papakiusapan ko na lang sila or bahala na kung anong mangyari. Basta lagi mong tatandaan na sobra kitang mahal. Hindi na ako aalis. Mananatili ako sa tabi mo kaya tahan na…”

NANIWALA siya sa sinabi ni Fender. Nakita niyang sincere ito sa sinabi na mananatili ito sa kaniyang tabi at ‘di na ito sasama sa organisasyon na sinasabi nito, pero nagkamali siya. Nagsinungaling ang binatilyo sa kaniya. Dahil kinabukasan, papalabas pa lang siya ng barong-barong nila habang bitbit ang sako sa kabilang kamay nang makitang nakaharang na sa labas ang apat na lalaki.

Mabilis siyang pumasok sa loob na puno ng kaba ang dibdib at takang napatingin sa kaniya si Fender. “And`yan na ang mga lalaking kukuha sa ‘yo!”

“Ha?”

“Bilis magtago ka!”

“Zerus, tumatakbo ang oras.” Pumasok ang isang lalaki at nakayuko ito ngayon dahil sa katangkaran.

Natutulirong napatingin siya rito, “Sino si Zerus?”

“Ako.”

“Bakit Zerus pangalan mo kung ako nagbigay ng pangalan sa ‘yo na Fender Hearst?”

“Dahil ‘yan ang pangalan na binigay nila sa ‘kin.” Malungkot na saad nito at ‘di magawang tumingin sa kaniya.

“F-fender…” humugis lang iyon sa kaniyang bibig at ‘di kayang iproseso ng kaniyang utak ang nangyayari.

“Zerus. Alam mo ang mangyayari sa ‘yo ‘pag umayaw ka.”

Nalilitong napatingin siya sa lalaking nagsasalita. “Sino ba kayo? Ba`t niyo pinipilit sumama ang taong ayaw sumama sa inyo?!” nagsimulang gumaralgal ang kaniyang boses. Ito ang pinakaayaw niya. Lahat ng bagay, naluluha at naiiyak siya! Isa siyang mahina.

“Zerus knows the rule.”

“A-anong rule?” Siya ang naglakas-loob na nagtanong.

“That we are going to kill you.”

“Ha?” nagimbal siya sa nalaman.

“I’m sorry, Blessy. Nagsinungaling ako kagabi para lang kumalma ka. Nagsinungaling ako para ‘di ka na masaktan, patawad. Buhay mo ang kapalit ‘pag ‘di ako sumama.”

Hindi! Magsasalita pa sana siya pero inakbayan ng lalaki si Fender at giniya itong lumabas ng kanilang barong-barong. Agad siyang sumunod sa mga ito sa labas at hinawakan ang kamay ng binatilyo. Nakikiusap na huwag itong sumama habang kinakatay ang kaniyang batang puso.

“Babalik ako Blessy. Pangako ko ‘yan! Mahal kita kaya babalik ako.”

“Huwag kang umalis… Huwag… F-fender… Natatakot ako…” Wala siyang balak na bitawan ang kamay nito. Wala siyang pakialam kung pinagtitinginan sila ng mga tao ro’n at para siyang basang sisiw sa pagmamakaawa rito. Hindi alam ng mga ito kung gaano kaimportante ang lalaki sa kaniya.

“Zerus. We’re going now.”

“Fender! No!” Napasinghap siya nang bumitaw ito sa pagkakahawak niya. Hindi ito pwedeng umalis! Hindi.

“Babalik ako promise. Babalik agad ako. May ipapagawa lang sila sa ‘kin at babalik agad ako.”

Sunod-sunod siyang umiling. Nung nangako ito sa kaniya, hindi nito tinupad. Ito pa kaya? Natatakot siya sa sinasabi nitong pangako. Paano kung sa kakahintay niya, wala na pala ito? Paano siya makakasiguro na babalik nga ito sa kaniya? Paano? Sa mukha pa lang ng mga kasama nitong lalaki, mukhang mamatay tao ang mga ito.

“H-huwag! Please, Fender… Huwag kang sumama sa kanila… ‘Wag mo ‘kong iwan… Please, huwag!” Tumakbo siya rito at yumakap sa likuran ng binatilyo at do’n malakas na nag-iiyak. Hindi ito pwedeng umalis na ‘di siya kasama! Pero binaklas ng isang lalaking nakaakbay rito ang kaniyang kamay at walang kaemosyong hinila ng mga ito ang kaniyang Fender papalayo sa kaniya.

“Fender… Mangako ka… Babalikan mo ako, ha? Fender! M-mangako ka!”

“Oo babalik ako…”

Napasigok siya. Saka lumapit sa kaniya si Indang at Tonyong. Gusto niyang habulin ito pero sinenyasan siya ng isang lalaki na ‘wag niyang gawin iyon. Parang hinati ang kaniyang puso sa sobrang sakit. Nanghihinang napaluhod na lamang siya at tigmak ang kaniyang mata sa mga luha. Naninikip ang kaniyang dibdib at nahihirapan siyang huminga ng maayos. Nahihirapan siyang tanggapin ang sitwasyon na bangungot ang naging dating sa kaniya.

B-bumalik ka, ha? Bumalik ka… Hihintayin kita.

NANGAKO si Fender na babalikan siya nito kaya ang ginawa niya, naghihintay siya rito sa barong-barong nilang dalawa. Naghintay siya kahit araw-araw siyang umiiyak at ilang gabing ‘di makatulog ng maayos sa kakaisip kung okay lang ba ito at ‘di napahamak. Hindi man lang niya magawang tanungin kung anong klaseng organisasyon ang sinasabi nito para at least alam niya.

Natatakot siya, ‘yon ang totoo. Natatakot siya sa katotohanang baka tuluyan siya nitong makalimutan at ‘di balikan kahit nangako ito.

Siya na lang mag-isa at si Indang at Tonyong lang ang kaniyang kasama sa barong-barong. Hindi rin siya makapag-pangalakal ng maayos. Nangayat din siya sa kakaisip kung saan ito dinala lalo na nung nabasa niya ang huling sulat nito na nilagay sa kaniyang bag.

Blessy,

Alam kong magagalit ka sa ‘kin kung bakit iniwan kita at sumama sa kanila. Oo, nangako ako sa Diyos na ‘di kita papabayaan at mananatili ako sa ‘yo kahit anong mangyari pero Blessy, mahal kita eh. Mahal ka ng lalaking binigyan mo ng pangalan at rason para mabuhay kaya ginawa ko ‘to na walang paalam sa ‘yo.

Sumama ako sa organisasyon. Isa itong organisasyon kung saan may pinapagawa sa`min. Wala akong plano nung una na manatili sa kanila dahil alam ko ang patakaran ng grupo. Ang gusto ko lang naman, ang bigyan ng katuparan ang mga pangarap mo. Ang tuparin ang mga gusto mo sa buhay. Wala akong pinag-aralan at ‘di ako nakatungtong kahit grade 1, Blessy, at ayaw ko rin mangyari sa ‘yo ang bagay na ito. Natuto akong magsulat at magbasa dahil sa ‘yo at ngayon, tutuparin natin ang pangarap mo na maging Doctor.

Mag-iipon ako ng pera. Nang maraming-maraming pera. Mahal kita, Blessy. Tatandaan mo ‘yan at ‘wag ka mapagod sa paghihintay sa ‘kin. May iniwan akong perang inipon ko nung nakaraan. Gamitin mo ‘yan at hintayin mo ako. Babalik agad ako. Hindi ko lang alam kung ilang buwan pero alam kong poproteksyonan ka nila kahit wala ako d’yan.

Sana patawarin mo ako, Blessy.

“Fender…” tuluyang hinati ang kaniyang puso sa nabasa. Siya pa rin ang iniisip nito. “Sobrang unfair mo. S-sobrang unfair mo.”

Tatlong taon ang lumipas. Walang Fender. Walang Fender Hearst na nangakong bumalik sa kaniya. Labin-walong taon na siya ngayon at sa loob ng tatlong taon na wala ang lalaki, ang daming nangyari. Ang traumang nakuha niya mula sa apat na lalaking muntikan bumaboy sa kanila ni Indang ang nagbigay sa kaniya ng takot na makisalamuha sa mga kalalakihan. Pero kahit gano’n, natutunan niyang maging matapang.

Ang traumang nakuha niya ang siyang ginawa niyang hakbang para palakasin ang loob. Wala na ang si Fender na laging nagliligtas sa kaniya at masasabi niyang mas matatag siya ngayon. Hindi na siya iyakin tulad ng sinasabi ni Fender. Umiiyak lang siya kapag naiisip at namimiss niya ito pero pagkatapos no’n, ngumingiti siya para sa sarili.

Wala na siya sa Dump Site, umalis siya ro’n pagkatapos nang isang taong paghihintay sa lalaki. Nung ilang buwan na paghihintay niya rito, may pumupunta pang lalaking naka-mask at nag-aabot sa kaniya ng malaking pera at sulat ni Fender na nagsasabing okay lang ito at malapit na itong babalik. Tinatago niya lang ang pera iyon at hindi ginagalaw. Hindi niya kayang galawin ang perang pinapadala nito. Pero kalaunan, napapansin niyang hindi na napapagawi ang naka-mask na lalaki sa lugar nila at do’n siya nagpasyang hanapin ang binata kung saan man ito.

Sa huling sulat na pinadala nito sa kaniya, may binigay itong address at house number. Puntahan niya raw ang address na iyon kung handa na siya. Gamit ng perang tinago niya sa ilalim ng lupa, umalis siya sa Payatas. Nagpaalam sa dalawang kaibigan niya at sumakay ng Taxi papuntang McKinley Hill BGC. Umaasang nando’n ang binata at naghihintay sa kaniya para lang mabigo ulit.

Ang tanging nando’n ay isang care taker at binigay sa kaniya ang susi ng bahay at isang sulat. Sinabi nitong matagal na siya nitong hinihintay at sa kaniya nakapangalan ang bahay. May kalakihan ang bahay at siya lang mag-isa ro’n. Nakasaad sa sulat, mag-aral siya ulit.

Tinupad niya ang gusto ni Fender. Tinupad niya ang pangarap nito, ang pangarap nila. Kaya nga sila nagkahiwalay dahil lang sa kagustuhan nitong makapagtapos siya. Makakapagtapos naman siya kung nasa tabi niya ito pero dahil siguro sa kahirapan nila kaya mas pinili ni Fender ang gano’n bagay. May hinala na siya kung anong trabaho meron ito pero ayaw niyang paniwalaan kung ano ang sinasabi ng kaniyang utak laban dito. Ayaw niyang maniwala. Hindi naman siguro gawaing illegal ang pinasok ng lalaking mahal niya. May tiwala siya rito kahit puno ng paghihinampo ang kaniyang puso.

“Blessy!”

“Po?”

Nasa terasa siya ng bahay at nagpipinta. Isa sa naging hobby niya ang pagpipinta at paglalaro ng mga kulay sa kamay. Dahil sa pagpipinta, doon niya nabubuhos ang kaniyang mga emosyon na ‘di niya kayang sabihin sa lahat.

“May naghahanap sa ‘yo.”

Hindi siya tumigil sa pagpipinta. Nanatiling nakatuon ang kaniyang atensyon sa canvas na ginagawa. Si Fender ang pinipinta niya ngayon at ilang gabi niya na iyon pinagpupuyatan.

“Sino po Nanang?” mabilis na tanong niya sa caretaker ng bahay na ngayon ay naging kasambahay niya na.

“Fender Hearst,” isang baritonong boses ang nagsalita sa kaniyang likuran.

Biglang huminto ang kaniyang mundo nang paglingon niya, nakita niya ang lalaking nakasandal sa dingding at nakapamulsa. May suot itong itim na cap at black leather jacket. Lahat ng suot nito ay puro itim at may mask itong suot.

Fender?

Hindi. Pinagloloko lang siya ng kaniyang mata. Ang Fender na kilala niya ay hindi ganito ang pangangatawan at tangkad. Hinuha niya ay nasa 6’1 ang tangkad nito. Ibang tao ang nasa kaniyang harapan kahit para na siyang mabibingi sa lakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Pinipilit niya ang kaniyang sariling paniwalain na ibang tao ang nasa kaniyang harapan.

Agad niyang iniumang ang paintbrush dito. “Hindi ikaw si Fender ko! Umalis ka!”

Naiiling itong humakbang papalapit sa kaniya pero atras naman ang kaniyang ginawa. Ang lakas ng tibok ng kaniyang puso at kahit may parte ng puso niya na lumapit dito at yakapin ang lalaki pero nagdadalawang isip siya. Mahigpit niyang hinawakan ang kaniyang paintbrush at iniisip na kaya siyang iligtas ng brush na iyon kapag may gagawin itong masama.

“Blessy…”

Bigla siyang napaurong sa pag-atras. “F-fender…” Nabitawan niya ang kaniyang paintbrush nang tanggalin nito ang suot na cap at mask sa mukha. Parang biglang umikot ang mundo ng sobrang bilis sa nakita. Hindi siya makapaniwala. Sunod-sunod na nagsibagsakan ang mga luha sa kaniyang mata at halos hindi niya kayang kumurap habang nakatitig dito. “Fender…?”

Ito na ang lumapit sa kaniya at kasunod no’n ay ang mahigpit na yakap na binigay nito. Totoo nga ito. Hindi na siya dinadaya ng kaniyang mata ngayon! Hindi siya dinadaya dahil damang-dama niya ang init at pagmamahal ng lalaking nasa harapan niya ngayon at yakap-yakap siya na parang wala nang bukas.

“Hanggang ngayon napakaiyakin mo talaga.”

Mas lalong lumakas ang iyak niya at ‘di niya magawang magsalita. Parang sasabog ang kaniyang puso sa mga sandaling iyon at ayaw niyang bumitaw rito. Ang laki ng pinagbago sa katawan ng lalaki at halos hindi niya na ito nakilala. Malayong-malayo sa Fender na kasama niya sa Payatas at kasamang tumira sa barong-barong. Nag-iba ang mukha nito at nag-matured itong tingnan.

“Miss na miss kita! Ang tagal mo ‘kong binalikan. Ang tagal mong nawala. Ang sama-sama mo… H-hinayaan mo akong maghintay ng sobrang tagal…” nagtatampong saad niya rito habang nag-iiyak sa dibdib nito. Nakalimutan niya ng may pininta siya.

“But I’m here, love.”

Sumikdo ang kaniyang dibdib sa binanggit nitong huling salita. Parang ang sarap pakinggan sa teynga. Pati boses nito, ibang-iba na. Baritonong-baritono na ito at kahit sinong babae, magkakagusto rito. Ibang-iba na ang kaniyang Fender pero gano’n pa rin ang tibok ng kaniyang puso. Walang nagbago.

“Hindi ka na aalis?” nagtaas siya ng tingin at nagtagpo ang mata nilang dalawa. Ang mata nitong laging nagsasabi sa kaniya na okay lang ang lahat at ‘wag siyang mag-alala dahil nasa tabi niya lang ito. Ang mata nitong isa sa mga dahilan kung bakit gustong-gusto niya ito nung mga bata pa sila. Kulay abuhin kasi ito.

“Mananatili na ako sa tabi mo.” Ngumiti ito. Lumabas ang dalawang dimple nito na ikinatigil ni Blessy. Dati, halos walang dimple na lumitaw sa payat nitong pisngi pero ngayon. Bagay na bagay rito ang dalawang biloy at nagpadagdag sa kagwapuhan nito ang mga iyon. “I love you, Blessy. Magsasama na tayo. Swear I’m not going to leave again. At tutuparin ko na ang pangako ko sa ‘yo this time. Tayong dalawa. Sapat na ang tatlong taon na wala ako sa tabi mo.” Hinalikan nito ang kaniyang noo matapos nitong haplusin ang kaniyang pisngi.

Napasigok siya. Tinupad ng Diyos ang matagal niya ng pangarap. Sumandal siya sa dibdib nito nang buhatin siya ni Fender. Hindi siya nagreklamo nang dalhin siya nito sa kaniyang silid na puno ng painting. Marahan siya nitong nilapag sa kaniyang malambot na kama at tumabi ito sa kaniya ng pagkakahiga. Magkaharap sila at magkapantay sila.

“Galit ka pa ba sa ‘kin, love?” masuyong tanong nito.

Nakangiting lumuluha siyang umiling. “No…”

“You sure?” Hinaplos nito ang kaniyang pisngi at bumaba ang kamay nito sa kaniyang labi. Marahan nitong hinaplos ang hugis ng kaniyang labi at binigyan siya ng mainit na halik sa noo.

“Yes. Dati, oo nagalit ako. Pero mahal kita eh, mahal kita kaya kahit sobrang tagal ng 3 years nakaya kong hintayin ka kahit sa totoo, para akong mamatay sa kakaisip kong okay ka lang ba. Akala ko, ‘di mo na nga ako babalikan at nakalimutan mo na ako. Akala ko wala ng Fender na babalik sa ‘kin.”

Hindi ito nagsalita. Niyakap lang siya nito at binigyan siya ng pagkakataon na mapakinggan ang tibok ng puso nito. Kumalma siya. Alam niyang nagsasabi ng totoo si Fender this time at wala na siyang dapat ikabahala. At sa gabing ‘yon, nakatulog siya ng mahimbing sa bisig ng lalaki. Nakatulog siya ng walang pag-alala sa puso para rito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.