Chapter 14

Nailing na lang siyang tinungo ang higaan at nagpasyang matulog na lang. Nawala ang kaniyang naramdamang gutom. Pero anyong ipipikit palang niya ang kaniyang mata nang marinig niya ang tatlong malakas na katok. Napahimutok siyang tumayo at deretsong tinungo ang pintuan.

Eksaktong pagbukas niya ay ang mukha ni Gheron ang sumalubong. Nakatunghay ito sa kaniya ngayon. Para siyang batang nakatingin dito dahil na rin sa tangkad ng lalaki.

“Hi pancakes!”

Doon lang tuluyan nagproseso sa utak ni Marie ang presinsya ni Gheron nang ngumiti ito at naalala niya ang nangyari kanina.

“Here’s your jam and bread, pancakes. Binato mo sa ‘kin ito at ang lakas ng tama ko sa ‘yo, Marie-babes.” Sabay kindat nito at nagbigay ng simpatikong ngiti.

Nagtagpo ang kaniyang kilay sa narinig. “Matutulog na ako.” Akmang isasara niya ang pintuan.

“Hey-hey wait!” Agad na hinarang ni Gheron ang kamay sa damba ng kaniyang pintuan. “Masakit ‘yong binato mo, hindi mo nakita?” Tinuro nito ang ulo at walang ganang tiningnan niya iyon.

“Ano ngayon?”

Agad naman nag-puppy eyes ito at umarteng binagsakan ng mundo. “Nasaktan ako, Marie-babes alam mo ba `yon?” Napahawak pa ang dalawang kamay nito sa puso at pwede na itong sumali mag-artista.

“Hindi.”

“Hindi ka naawa?”

“Hindi.”

“Kahit mag-offer ka na gamutin ang sugat ko sa noo dahil tutal kasalanan mo rin naman? Hindi pa rin?”

Sandali siyang nag-isip, may punto ito. Tumingin siya rito at matagal itong tinitigan. “Hindi.”

Nag-puppy eyes ito at may pa-pout lips pa na nalalaman. “Kahit sa gwapo kong ito, hindi pa rin?”

“Alis!”

“Pero Marie-babes my love so sweet—”

Malakas na sinara niya ang pintuan. Napairap siya at tinungo ulit ang malaking kama. Matutulog siya ulit kahit walang laman ang kaniyang tiyan. Sinuwerte naman siya, agad siyang nakatulog ng mahimbing at hindi na muling nangulit si Gheron.

Pero dinalaw siya ng isang masamang bangungot. Nakita niya si Gheron, nakatayo sa paanan niya at may dala-dalang tinapay at jam.

“Marie-babes, sana bangungutin ko ng hotdog ko. Este ham pala. Bukas na nga lang, at baka magtaka ka pa paggising mo.”

MASAKIT ang ulo niya nang magising kinabukasan. Maaga pa lang at ang pasok niya sa Silver Garden ay 9 A.M to 6 P.M. Part timer lang siya pero ang kaniyang pinagtaka, may dalawang araw siyang walang pasok. Wednesday at Thursday pero may sahod pa rin.

Ilang sandali pa ay may kumatok. Inisip niyang si Gheron ito kaya hindi niya ito pinagbuksan. Nung nagsalita na ang nasa labas at boses babae iyon, dali-dali niyang tinakbo ang pintuan at binuksan.

“Hi!”

Bahagya siyang napahiya. Matagal niya itong binuksan. “Ikaw pala.” Ito ‘yong babaeng nagbigay sa kaniya ng mga gamit kagabi pero hanggang ngayon, hindi niya pa kilala ang pangalan.

“May nagpapabigay.”

Napatingin siya sa dala nito. Bread and jam plus gatas. Kumunot ang kaniyang noo sa pangalang pumasok sa kaniyang isipan. Gheron.

“Here.” Mabilis nitong binigay sa kaniya. “I gotta go. Maaga ang schedule ko. Bye!”

Napabuntong-hinga na lang siyang dinala ang paper bag sa loob at nilagay sa mesa ang mga iyon. Bayaran na lang niya ito ‘pag nagkita sila mamaya sa kusina.

Namangha pa siya nung pagbukas niya sa cupboard, kompleto na ang mga nando’n. Mula sa kutsara, baso, tinidor, kutsilyo at ano-ano pa. Konti na lang at iisipin niyang nasa isang condo siya at hindi sa hotel. Konti na lang din at iisipin niyang isa siyang napakahalagang kitchen assistant at hindi pangkaraniwang silid ang binigay sa kaniya ng Deputy Chef.

8:40 A.M nando’n na siya sa kusina. May uniform na rin siya at nagmukha siyang Chef sa kaniyang suot. Napangiti siya nang sulyapan niya ang kaniyang damit sa malaking salamin. Bagay na bagay sa kaniya.

“Hi, Marie-babes!”

Kumunot ang noo niya nang makita sa kaniyang likuran si Gheron, naka-all smile at magulo ang buhok. Isang walang ganang tingin muna ang kaniyang binigay rito bago umalis sa harap ng malaking salamin.

“Get ready pancakes, dahil boyfriend mo na ako ngayon pahihirapan kita sa sarap.”

Napanting ang kaniyang teynga sa binanggit nitong boyfriend. Tumalim ang kaniyang matang tiningnan ito at kulang na lang bugahan niya ng apoy ang lalaki! Baka may makarinig sa kanila, matakwil pa siya agad sa Restaurant.

“Alam mo yawa ka talaga! Hindi ko pa nakakalimutan na ikaw ang dahilan kung bakit ako nasuspende ng dalawang linggo sa farm. Tandaan mo ‘yan.”

“Yeah, yeah. Tinandaan ko.” Tumango-tango ito sabay kibit ng balikat. “Pero ‘yong boyfriend mo na ako, tinandaan ko rin Marie-babes.” Kumindat ito at simpatikong ngumiti sa kaniya. “Kiss you!” Naglipad ito ng halik sa hangin.

Mabilis naman siyang nakaiwas. Yawa! Ano ‘yon?!

“Sa ngayon, iiwas ka. But soon, you will be begging for my kiss. Kapag nangyari iyon, french kiss ibibigay ko sa ‘yo Marie-babes. ‘Yong kiss na hindi ka makahinga sa sarap.” Tumawa ito ng malakas at saka siya tuluyang iniwan na bwesit na bwesit na.

“MARIE-BABES, get me the potatoes.”

Walang imik na sinunod niya ang utos ni Gheron kahit may paglalambing sa tono nito. Nasa trabaho sila at konti na lang, sasabog na siya sa bawat paglalambing ng boses nito, na parang sila lang ang tao sa loob ng malaking kusina.

“Get me some pasta.”

Kumuha rin siya ng pasta sa storage room. Lahat ng klase ng pasta! Bahala na ito mamili kung alin. Baka may balak pa itong ipakuha, ipakuha na nito. Nahiya pa ito sa kakautos sa kaniya simula kanina. Ang trabaho niya, assistant. Ang ginawa nito sa kaniya, alila.

Hindi rin siya nito pinilit na tumikim, dahil iyon ang hinding-hindi niya gagawin kahit mangisay ito. Hindi naman siya natatakam sa kahit anong luto nito. Hindi nga ba?

“Ayan ho!” Pabagsak na nilagay niya ang pasta sa tabi nito at imbes na magulat ito sa kaniyang inasta, ngumiti lang ito ng simpatiko at walang paalam na pinisil ang kaniyang pisngi. Napapiksi siya sa ginawa nito.

“Thank you pancakes.” Saka ito bumalik sa ginawang paghahanda ng lulutuin.

Habang siya ay hindi makaimik sa kinakatayuan. Ando’n ulit ang hindi niya maintindihan na damdamin na muling gumapang sa nanahimik at malamig niyang puso. Bago pa siya traydurin ng nararamdaman niyang kakaiba ngayon, tumalikod na siya at nagtungo sa storage room at sandaling nagtago ro’n para patahimik ang malakas na kalabog ng kaniyang puso.

Wala sa loob na dinama niya ang bahagi ng kaniyang pisngi na pinisil ni Gheron, parang timang na napangiti siya. Pero nang maisip niyang mali ang kiligin sa ginawa nito, agad niyang inayos ang sarili at pinagalitan. Mali ang makadama ng kahit ano kay Gheron na manyakis at babaero.

Taas-noo siyang lumabas ng storage room at sa kaniyang kinatatayuan, kita niya ang masayang pakikipag-usap ni Gheron sa isang Pastry Chef. Nagkibit lang siya ng balikat at hindi pinansin ang nakita kahit nakadama siya ng maasim na pakiramdam na makitang masayang nakipag-usap si Gheron sa babaeng tingin niya ay half filipina.

Mas lalo pang nag-iba ang timpla ng kaniyang mukha nang makitang pinatikim ng babae ang cookies na dala-dala nito kay Gheron! Nakaramdam siya ng pagrerebelde sa pinakasulok ng kaniyang puso.

Mukha talagang babae ang hayop! May pa-girlfriend pa raw ako? Samantalang ang kalandian niya, wala sa lugar.

“Masarap ba?”

“Naman! Kasingganda mo ba naman ang nagluluto, bakit ‘di sasarap?”

Nagkibit siya ng balikat at lumapit sa mga ito. Kitchen assistant siya ng lalaki kaya dapat nasa paligid lang siya at kung kasama sa trabaho niya ang pagmasdan ang paglalandi nito during work hours, so be it. Kaya niyang manood ng pelikulang walang kalasa-lasa.

“Marie, pasuyo ako pa-chop nito.” Hindi tumitingin binigay nito sa kaniya ang isang bowl ng mga sibuyas at bawang. “Bilisan mo.”

Marie? Nawala ang babes? At bilisan pa raw?

Gano’n pa rin sinunod niya ang utos ni Gheron. Assistant siya at para sa kapakanan ng pera, kailangan niyang kumayod at balewalain ‘tong nararamdaman ng puso niyang kaabnormalan.

“Ayan, oh!”

“Galit ka?” tanong ni Gheron.

“Bakit ako galit?”

“Eh, dahil sa galit ka?”

Naglinya ang kaniyang kilay at walang sabing tinalikuran ito. Pakialam niya kung maglandian ito buong maghapon sa Pastry Chef na iyon? Marunong ba itong manuntok kapag galit na galit na?

“Marie-babes!”

Pinigil niya ang sariling ‘wag bigwasan ito. Isipin na lang niyang isa itong masamang hangin. Wala rin siyang pakialam sa bukol nito sa ulo. Hindi siya mag-so-sorry at magpapasalamat.

“Marie-babes, bakit ka na naman galit?” Sinundan siya nito at iniwan ang kausap nitong babae at ang niluluto.

“Gago ka talaga, eh ‘no? Puro kalandian ‘yang nasa utak mo. Gusto mo ba akong matanggal sa Restaurant na ‘to?!” nagpipigil siyang magtaas ng boses. “Bumalik ka nga sa niluluto mo! Bwesit ka talaga kahit kailan.”

Ngumisi naman ito at tumango. “Sige basta tikman mo ‘yong luto ko.”

Natitilihang tiningnan niya ito at napailing-iling. “Napa-kaimposible ng sinabi mo.” Mabigat ang sariling tinalikuran niya ito at nagtungo sa restroom. Bahala ito!

Sa liksi ng kilos ng lalaki, hindi na nito kailangan ng assistant. Sanay na sanay ito sa kusina at kaya pa nga nitong mag-multi-tasking. Pwede pa nga itong mag-waiter, janitor, tagahugas, babaero at magsaka kung gusto nito habang nagluluto.

Laking pasalamat ni Marie na smooth ang takbo sa araw na iyon. Hindi siya kinukulit ni Gheron dahil kasama nila sa kusina ang Head Chef nila at nakatingin ito sa kanilang dalawa. Mabuti naman!

KAYA sa gabing iyon, relax na relax siyang humiga sa malambot na kama. Kahit maraming utos si Gheron, nakaya naman niyang gampanan. Kaya deserve niyang magpahinga ng matiwasay at matulog ng maaga.

Akmang ipipikit na niya ang kaniyang mata para lang magising sa tatlong sunod-sunod na katok sa pintuan. Deretso ang kaniyang tingin sa kesame at napabuntong-hinga. Oras na si Gheron itong makita niya, sinusumpa niyang makakapatay na talaga siya!

Mabigat ang paa na tinungo niya ang pintuan at binuksan iyon.

“Hi?”

Huminto ang inog ng kaniyang mundo. Tila napako siya sa kaniyang kinatatayuan at nagmistulang yelo ang buong paligid niya though winter season naman talaga sa Sapporo.

Hindi siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan. Nakatitig lang siya sa lalaking nasa labas ng kaniyang silid. Ang puso niya, sunod-sunod ang pagkabog nito at imbes na pagmamahal ang kaniyang naramdaman doon, matinding galit ang umusbong!

“How are you?”

“Paano mo nalaman na dito ako sa Sapporo?!” Puno ng pagtatampo at galit sa boses niya.

Ang lakas ng tahip ng puso niya na ilang segundo lang ay lalabas sa kaniyang dibdib sa sobrang galit. Hindi niya nagustuhan ang bisitang meron siya ngayon sa malamig na panahon ng Sapporo. Parang pinapaalala nito kung bakit naging minsan malamig ang kaniyang puso.

“Hey-hey calm down, Marie. Hindi ako narito para guluhin ang buhay mo at guluhin ang puso mo. Nandito ako para sabihin na hindi mo kasalanan ang lahat kung bakit tayo nauwi sa ganito.”

Mapakla siyang natawa at akmang isara ang pintuan, hindi niya hangad ang mag-usap silang dalawa pagkatapos ng apat na taon na pagkawala nito. Apat na taon?! Gusto niyang tumawa habang umiiyak sa galit.

“Marie, please?” Humarang ito sa kaniyang pintuan.

Nagtaas siya ng tingin at mula sa mata nito, kitang-kita niya ang pakiusap nito. Wala pa rin pinagbago, kaya pa rin nitong lituhin ang buong sistema niya tulad ng dati.

“Masaya ka naman ‘di ba? Masaya ka naman sa loob ng apat na taon na iniwan mo ako. Kaya bakit ka pa nagpakita sa ‘kin. Umalis ka na hangga’t kaya ko pa pigilan ang sarilil kong sampalin ka sa galit!”

“Marie… listen to me please?

“What is happening here?”

Napatingin si Marie sa bagong dating at nakita niyang si Gheron iyon, seryuso ang mukha at matiim ang tingin binigay sa kaniya lalo na sa lalaking kaharap niya ngayon.

“What took you here, Magnar?” deretsahang tanong ni Gheron. Sa mukha nitong parang lobo na handang kakain ng tao. Hinila nito si Magnar sa balikat.

M-magkakakilala sila? Bumagsak ang mundo niya sa nalaman. Sunod-sunod siyang napailing at bago siya traydurin ng kaniyang sarili at umiyak… Sinara niya ang pintuan. Pinaglalaruan nila ako!

NAGKUKOT ang kalooban ni Marie nang hindi niya makita kinabukasan si Gheron sa Silver Garden. Ang sabi ng Deputy Chef, may pinagawa raw ang Head Chef sa binata kaya tumulong muna siya sa ibang station Chef na nangangailangan ng kaniyang assistance.

Halos hindi siya makatulog kagabi sa kakaisip kung paano magkakilala si Magnar at Gheron. Ang dami niyang gustong itanong pero naunahan siya ng galit. Sa apat na taon pagkawala ni Magnar, sinong matutuwa? Minahal niya ang lalaki sa kabila ng reyalesasyong pinaglalaruan lang siya nito at pinagmukha siyang katawa-tawa nung iniwan siya nito para lang sa mayamang babae. Minahal niya si Magnar kahit isa itong mahirap na kargador sa palengke.

“Marunong ka mag-bake?”

Napatingin siya sa Pastry Chef at tumango. Ito ‘yong babaeng nilandi ni Gheron. Marunong siyang mag-bake pero hindi siya mahilig sa mga pastry foods.

“Great! Then you can help me. Pinatawag kasi ako ng may-ari ng Silver Garden at kailangan na kailangan ako sa office niya. Here, ikaw muna bahala rito. Here’s the recipe. Kaya mo naman siguro, ‘di ba?”

“Ha?” Napatulala na lang siya pagkatapos iabot nito sa kaniya ang recipe book nito at nagmadaling umalis.

Napabuntong-hinga siya at huminga ng malalim. Mabilis naman siyang matuto at marunong siyang sumunod ng recipe. Ilang beses siyang humugot ng hangin at saka binuksan ang recipe book.

Wala sa loob na una niyang ginawa ay cookies. Bahala na! Tahimik siyang nagbasa sa recipe sa libro at kinuha ang mga kailangan ingredients at nang makuha niya na lahat. Saka siya nagsimula na tahimik at walang iniisip. Sandali niya munang kinalumutan si Gheron at Magnar. Mataas pa ang araw.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.