CHAPTER TWELVE

“GOOD MORNING!”

Muntik nang mapatawa si Rosette nang makitang nanlalaki ang mga mata ni Erastus pagkabungad sa kanya roon sa kitchen island ng condominium unit nito habang kakamot-kamot pa sa ulo at naghihikab. Nakalimutan yata ng binata na hindi ito nag-iisa sa unit nito.

“Oh… good morning.” Dumeretso si Erastus sa comfort room na naroroon lang malapit sa kusina.

Siya naman ay nagpatuloy sa pag-aasikaso ng almusal nila. Pinakialaman na niya ang kusina ni Erastus. Alas-singko nang magising siya at natutulog pa rin si Erastus. Naghanap na lang siya ng mapapagkaabalahan nang makita ang cellphone nito. Bukas ang Internet kaya madali siyang nakapag-browse sa google. Maganda rin palang may Internet dahil lahat ng kailangan niya ay nahahanap niya roon. Katulad na lang ng article na: Ways on how to make him fall for you.

Nagkaroon tuloy siya ng ideya kung paano paiibigin si Erastus. Kaya heto siya ngayon. Bago pa magising ang lalaki ay nakapagluto niya.

Tips: The way to a man’s heart is through his stomach.

Noong una, akala niya ay kailangan niyang pasukin ang sikmura ni Erastus at talagang nag-alala siya kung paano gagawin iyon. Pero nang mabasa niya ang paliwanag ay saka lang niya nalaman kung ano ba ang ibig sabihin niyon.

Napakaarte naman kasi ng mga tao. Ang dami-dami pang pasakalye sa mga article. Kung sana ay direkta na lang na isinulat.

“Nagluto ako. Halika nang kumain.” Nakangiting sambit ni Rosette nang lumabas si Erastus mula sa banyo.

Sandaling lumipad ang paningin nito sa wall clock. Mag-aalas-sais.

Oo, sa sandaling oras ay nagawa niyang makapagluto. Isa sa natural na kakayahan ng mga lambana ang mabilis na pagkilos. Hindi na iyon mawawala sa kanila. Subalit hindi naman niya maaaring ipakita sa mga mortal kaya bihira niyang gamitin ang ganoong kakayahan kapag naririto sa mundo ng mga tao.

“Natulog ka pa ba? Ang aga mo yatang nagising.” Komento nitong ibinalik ang mga paningin sa hapag kainan.

Fried rice, tapa, sunny side up eggs at bacon ang nasa ibabaw ng mesa. Sinisimulan na din niyang magtimpla ng kape roon sa counter top na naghahati sa dinning at kitchen.

“Anong gusto mong kape? Strong, without sugar?” Sa halip na sagutin ang tanong nito ay binato niya ito ng tanong.

“`Yong matapang,” anito na lumapit sa kanya sa counter.

Nagpatuloy naman siya sa ginagawa maski pa nagsisimula na naman siyang maging uneasy dahil naroroon ito sa malapit sa kanya. At alam niyang minamasdan siya nito.

Napakislot pa siya nang maramdamang hinawi nito ang ilang hibla ng kanyang buhok na naalis mula sa pagkakatali noon. Umangat tuloy ang mukha niya at napako ang mga paningin sa kaguwapuhan sa kanyang harapan.

He smiled at her and it melts her heart. Kung ganito ba naman kaguwapong nilalang ang mabubungadan mo sa umaga, may iba ka pa bang hihilingin?

“Napakaganda mo, Rosette…” In a low, sweet voice he said.

At tila ba may hatid na bolta-boltaheng kuryente ang tinig nitong dumerekta sa puso niya. Hindi na naman tuloy rumaragasa na naman ang emosyon sa loob ng dibdib ni Rosette.

“Napakagandang lalaki mo rin, Erastus,” hindi niya napigilan ang sarili na sambitin iyon.

Pero naputol ang tila mahiwagang sandali nang bigla itong tumawa.

“Akala ko, ako lang ang marunong mambola sa ating dalawa.”

Namatay ang pag-asa sa loob ng kanyang puso.

Bola.

Binobola lang pala siya ni Erastus, masyado siyang nagpadala. And of course, pambobola lang iyon. Wala namang ibang maganda sa paningin nito kundi ang kaisa-isang babae na minahal nito. Bakit ba nakakalimutan niya iyon?

Ipinagpatuloy niya ang patitimpla ng kape. “Maupo ka na do’n. Dadalhin ko na lang itong kape mo.”

Sa halip na sumunod ay nanatili ito sa harapan niya. Hindi na siya nakatiis at nang matapos haluin ang kape nito ay iniwan niya roon si Erastus.

“Tikman mo. Ikaw na din ang magbitbit papunta sa mesa.” Habang papalayo rito ay sambit niya.

Sandali pa at kasama na din niya ito sa hapag. Hindi kasama sa nabasa niya ang pagsilbihan sa hapag si Erastus pero di niya napigilan ang sarili na gawin iyon. Nakaantabay siya sa bawat pangangailangan nito habang kumakain sila.

“Kumain ka na din. `wag lang ako ang intindihin mo,” anitong tila napansin na mas inuuna niya itong asikasuhin kesa pagkain niya.

“Siya nga pala, papasok ako sa trabaho ngayon. Huwag kang aalis ng bahay. O kung lalabas ka, tawagan mo ako. May spare phone ako sa kwarto. Gamitin mo `yon.”

Napakunot-noo bigla si Rosette. Kung papasok ito sa trabaho, paano niya ito aakitin para mapaibig sa kanya?

“Sasama na lang ako kung saan ka man pupunta.” Biglang bulalas niya habang sumusubo ng pagkain.

Nasamid si Erastus sa kanyang outburst.

“Hindi ka pwedeng sumama. Trabaho `yon, eh. Tsaka teka nga. Ano na ba’ng plano mo ngayong nakabalik ka na rito? Kukulitin mo na naman ba akong sumama sa `yo?”

Noon natigilan si Rosette. Payag na ba itong sumama sa kanya sa Engkantasya? Pero hindi pa pwede! Kailangan pa niya itong mapaibig.

Ang isang buwan sa mundo ng mga tao ay katumbas lang ng halos wala pang isang oras sa Engkantasya. Ganitong ang pagbilang ng takdang araw ng parusa ay nakabase sa bilang ng araw sa mundo ng mga tao. Kung tatawid agad sila, malamang na isang oras pa lang silang nasa Engkantasya at mamamatay na siya.

Pwera na lang kung nagbago ang pagtakbo ng oras doon dahil sa patuloy na pagbabago ng balanse ng mga mundo nila. Pero hindi pa rin sila pwedeng tumawid. Hindi pa dahil wala pa itong damdamin para sa kanya.

“Huwag muna tayong tumawid papuntang Engkantasya. Sarado pa naman ang lagusan.”

Kasinungalingan iyon. Pwedeng magbukas ang lagusan sa sandaling pumayag na si Erastus na tumawid sila.

Hinawakan niya ang kwintas na may nakapalawit na sisidlan. Nasa loob niyon ang puting bato na siyang susi nila sa lagusan. Nakita niya iyon sa drawer ni Erastus at muling ibinalik sa kanyang kwintas.

“Ibig sabihin, maghihintay tayo ng isang buwan bago tayo pumunta sa sinasabi mo?”

Umangat ang mukha ni Rosette at sinalubong ang nagtatakang anyo ni Erastus. “Pumapayag ka na bang sumama sa akin?”

“Well…” Nagkibit-balikat ito at ipinagpatuloy ang pagkain. “Napatunayan mo sa akin na nagsasabi ka ng totoo. Hindi pa ako ganoon kakumbinsido sa sinasabi mong engkantado ako dahil hindi ko talaga maalala ang buhay ko na ganoon ako. But I wanted to give it a try knowing my past self.”

Sinsero ang tinig ni Erastus at naniniwala siya sa katotohanan ng mga salita nito. Tapos na sana ang misyon niya kung hindi siya nito hinalikan. Nakabalik na sana sila sa Engkantasya at hindi na sana niya kinailangang magsinungaling dito kung hindi lang para sa kanyang life line.

Nagsinungaling siya.

Isang kasalanan iyon at siguradong mapaparusahan siya sa pagbabalik nila sa Engkantasya. Pero desperada na siya. Kailangan niyang mabuhay... Gusto pa niyang mabuhay, kasama si Erastus.

“Maghintay muna tayo ng isang buwan,” sa halip ay nasambit na lang ni Rosette at muling binalingan ang pagkain.

“Okay. But for now, kailangan natin ng house rules na dapat mong sundin para hindi ako nag-aalala habang nasa trabaho ako.”

At nagsimulang magbilin ng napakaraming bagay si Erastus habang kumakain sila. Halos hindi na niya maunawaan ang mga sinasabi nito dahil lumilipad ang isip niya habang nakatitig sa magagandang labi nitong patuloy sa pagkibot. Muli niyang naalala ang masarap na halik na pinagsaluhan nila nito kaninang madaling-araw. At hindi niya mapigilan ang sariling matakam sa karanasang iyon. Gusto uli niya matikman ang masarap na mga labi ni Erastus. Gusto niyang maramdaman muli ang napakaligayang pakiramdam na ibinigay ng halik nito.

Kung sana ay pwede pa...

HINDI MAPAKALI si Erastus sa trabaho. May bago siyang misyon at ngayon ay idini-discuss ng kanilang informer ang mga detalyeng nakuha para sa misyon. Pero wala roon ang kanyang isip.

Bakit hindi pa tumatawag si Rosette?

Ano kayang ginagawa nito sa kanyang unit?

Baka lumabas na ito at napahamak.

Natapos at natapos ang informer sa pagdi-discuss na wala siyang naunawaan. Ipinaiwan na lang niya ang report doon sa opisina at mamaya na lang niya ire-review kapag maayos na ang daloy ng kanyang utak. Hindi siya makakapagpokus kapag ganitong may ibang inaalala. Kung bakit ba naman kasi hindi niya mapigilang isipin si Rosette?

Damn!

Lumabas ng opisina si Erastus para hanapin si Jyle at bigyan ng kopya ng report. Gusto niya ring makuha ang panig nito para sa mga bagong impormasyon.

“Sige, ingat ka, Rosette. Tawagan mo lang ako kapag may kailangan ka pa.”

Umigkas ang kilay ni Erastus nang marinig ang pangalan ng lambana na sinambit ng kaibigan. Magkausap sa cellphone ang dalawa habang siya ay ni hindi man lang napagkaabalahan maski i-text man lang ni Rosette? Gusto yata niyang mabuwisit sa ideyang iyon.

Lalo na nang ngingisi-ngisi si Jyle matapos isuksok sa bulsa ang cellphone.

“Kausap mo si Rosette?” Hindi maipinta ang mukha na tanong niya sa kaibigan.

“Ah, oo. Tumawag siya. Gamit pala niya ang isa mo pang cellphone?”

Tumawag siya sa `yo pero sa akin hindi?!

Iritado na si Erastus. Hindi niya mapigilan ang sarili. Bakit si Jyle ay tinatawagan nito samantalang siya ay hindi? Ganitong kanina pa siya nag-aalala sa lambana.

Dapat pala ay binura ko na lang lahat ng contacts ko at `yong numero ko lang ang iniwan ko sa Phonebook!

Nagsisisi siyang hindi agad naisip ang bagay na iyon. Pag-uwi niya mamaya ay buburahin agad niya ang laman ng contacts ni Rosette.

And what the hell?!

Bakit ba niya naiisip ang bagay na iyon? Ano’ng pakialam niya kung magtawagan ang dalawa?

Pero sana ay tinawagan niya ako para hindi ako nag-aalala kung ano ba’ng ginagawa niya.

“Nasaan daw siya? Bakit daw siya tumawag?” sa halip ay tanong na lang niya sa kaibigan.

“Gusto lang ng kausap. Ayaw mo raw siyang palabasin ng unit mo,” ani Jyle na nagbutingting na ulit ng cellphone. “Lunch na pala. Mauna na ako sa `yo, bro.”

Nagtaka siya na hindi siya nito inaya.

“Sige,” naiirita pa ring tugon niya.

Kung bakit siya naiirita ay hindi niya alam. Dahil pa rin ba sa katotohanang mas gusto ni Rosette na kausapin ang best friend niya kesa sa kanya? Nagkakagusto na ba ang lambana kay Jyle?

“Damn! Hindi pwede!” mahinang sambit niya sa sarili.

At bakit hindi pwede?

Siyempre lambana siya. Tao si Jyle. Hindi sila pwedeng magkagustuhan.

At dahil engkanto ka ay mas bagay kayo ni Rosette?

Oo…

“Nah! Siyempre hindi. Bakit ko ba naiisip iyon?”

Iiling-iling na babalik na sana si Erastus sa opisina nang may marinig na komosyon sa labas. Nahinto siya sa paglalakad at pumihit pabalik para alamin ang nangyayari roon.

“Dito, Miss Byutipul. Dito ang office ni Sir.”

“Tulungan ka na namin diyan.”

“Oo nga. Mukhang mabigat `yan, eh.”

Papalapit pa lang siya sa entrance ay naririnig na ni Erastus ang tinig ng mga kapulisan sa ilalim niya.

“Hindi na. Okay na ako. Kaya ko naman na ito.”

Kumabog nang husto ang dibdib ni Erastus nang marinig ang pamilyar na tinig. Hindi siya maaaring magkamali. Si Rosette iyon. Kilala niya ang tinig nito katulad ng kung paano niyang nakikilala ang bawat parte ng kanyang katauhan, na nagre-react tuwing nasa paligid ang lambana.

“Erastus!” halos patiling sambit nito sa pangalan niya habang malapad ang ngiting sumasalubong sa kanya.

Hindi niya alam kung matutuwa o maiinis na makita ito roon.

A big part of him was glad to see her but there was a part of him wants to rant over what she did. Paano itong nakarating doon nang mag-isa? Paano kung naligaw ito? O nabosohan sa sinasakyan? Ang igsi pa naman ng dress na suot nito.

Napakaganda nito sa suot na simpleng lavender na bestida. Nakalugay lang ang buhok na bahagyang nililipad ng hangin mula sa electric fan na nasa isang bahagi ng lobby ng police station. At kahit pigilan niya ang sariling mahalina sa nakakaakit na anyo ng lambana ay hindi niya lubusang mapagtagumpayan. Halos matulala siya sa panonood dito kung hindi lang niya nahagip ang kahuli-hulihang matinong bahagi ng kanyang isip.

“Anong ginagawa mo rito?” pabulyaw na sita niya kay Rosette at pinasadahan ito ng tingin.

Namatay ang nakakaakit na ngiti ng dalaga. At parang gusto niyang birahan ng suntok ang sarili sa kanyang ginawa dahil nakita niyang saglit na dumaan ang hapdi sa asul na mga mata nito.

Sandaling-sandali lang iyon dahil muli itong ngumiti ng nakakaakit sa kanya. Hindi tuloy siya sigurado kung talaga bang nakita niyang nasaktan niya ito sa pagiging rude niya.

“Dinalhan lang kita ng lunch. Nagluto ako at ayoko namang kumain nang mag-isa. Malungkot kumain nang mag-isa, eh.”

Iniangat ni Rosette ang isang kamay na may bitbit na packed lunch. Inabot niya iyon mula rito. At hindi niya inaasahan na aabrisyete sa braso niya si Rosette. Kakaiba ang ikinikilos nito buhat pa kaninang umaga. Hindi naman kasi ito dating ganoon sa kanya. Bagaman nagpipilit itong kumbinsihin siyang paniwalaan ito ay hindi naman ito minsan man gumawa ng hakbang para magkaroon sila ng skinship.

At noon din napansin ni Erastus na nanginginig ang katawan ni Rosette. Nanlalamig ang kamay nitong nakahawak sa braso niya. Bigla tuloy siyang binuhusan ng matinding pag-aalala.

“May nangyari ba habang papunta ka rito?” Hindi niya napigilan ang sariling hawakan ang nanlalamig na kamay nito at magaang pisilin iyon.

It felt natural. Like he had done it before. Like he had always did it before. And he always like doing it…

May problema ka ba, Rosette? Bakit parang nababalisa ka?

Naipilig ni Erastus ang ulo dahil sa biglaang pagpasok ng tinig na iyon sa kanyang isip kasabay ng malabong imahe ng magkahawak na mga kamay na ang mga braso ay may nakapulupot na baging.

Ano ba ang naiisip niya?

Umiling si Rosette saka ngumiti sa kanya ng magkahalong tuwa at kaba. At muli, hindi niya maunawaan kung bakit may pakiramdam siya na nakita na niya ang ganoong anyo ng lambana. Na para bang ikinaaaliw niya ang bahagyang pamumula ng pisngi nito habang uneasy na ngumingiti sa kanya.

What is wrong with you, man?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.