MULA sa kinauupuang sanga ay naramdaman ni Rosette ang paglundo sa kanyang tabi. Nang bumaling siya sa parteng iyon ay nasilayan niya ang pinakaguwapong nilalang na nakilala niya. Walang kupas ang kakisigan ni Erastus. Napatikas, lalo na ngayong taglay na nito ang alaala at totoong katauhan. Nakadagdag iyon sa kumpiyansa nitong kumilos sa buong Engkantasya..
Malungkot na ngumiti siya rito. Anim na oras na lang ang itatagal ng kanyang buhay. At sa halip na makigulo sa pag-eensayo ng kanyang mga kaibigan sa nalalapit na labanan ay mas pinili niyang mapag-isa roon sa ibabaw ng sanga ng dambuhalang puno at panoorin ang magandang buwan.
Para saan pa ba at mag-eensayo siya kung hindi na rin niya iyon magagamit sa labanan?
Naglaho ang animo telescreen nila para makita ang hinaharap. Marahil, dahil na naman iyon sa disequilibration. O dahil sa nakuha na ni Erastus ang alaala nito.
Wala naman talaga silang ganoon dati. Pero dahil nagbabago ang balanse kung kaya nagbabago rin ang mga bagay-bagay sa mundo nila. Patunay na malapit na silang mawala sa mundo. Pero bakit hindi pa bumabalik ang balanse ganitong nakabalik n ang buo si Erastus?
“Bakit mag-isa ka rito?” Nakangiti rin si Erastus sa kanya, kumpiyansa sa sarili at tila walang inaalala gayong aware naman ito na anumang sandali ay susugudin sila ng mga kalaban.
“Busy sila sa pag-eensayo. Magagalit si Dylan kapag nanggulo ako roon sa training ground.”
Kumunot ang noo nito na lalo lang nagbigay ng detalye sa kaguwapuhan nito. Gusto na lang mapabuntong-hininga ni Rosette. Kahit ano yatang gawin nito at ipakitang ekspresyon sa kanyaay mananatiling kasamba-samba ito sa kanyang mga paningin.
I’ll definitely miss this gorgeous face.
Abot-abot ang pagpipigil ni Rosette na mapahikbi. Ngayon pa lang, nami-miss na niya ito. Bumalik na nga ito sa dating katauhan. Dahil nang magkamalay siya, ang nakasubsob sa gilid ng kanyang higaan na si Erastus ang kanyang unang nakita. Sa mga sandaling iyon, alam niyang nakabalik na ito. Hindi lang dahil sa makinang na pakpak nito kundi dahil sa kaalamang binantayan siya nito.
He was the same Erastus who used to care for her before. Tulad ng dati, babalik na ulit sila sa pagiging mabuting magkaibigan. At tulad ng dati, itatago na naman niya ang hindi mamatay-matay niyang damdamin para dito.
“Ayaw mo bang mag-ensayo, Rosette?” nakakunot-noo pa ding tanong ni Erastus sa kanya. “Kaya kitang protektahan pero mas maganda kung may alam kang depensa sa pakikipaglaban. Ayoko nang maulit sa `yo ang nangyari nitong nakaraan. Mamamatay ako sa pag-aalala sa `yo.”
Those words… they touched her innermost. At sa kabila ng mainit na damdaming bumalot sa puso niya, hindi nakaligtas ang ideya na walang ibang ibig sabihin ang sinabi nito. Nag-aalala ito sa kanya dahil magkaibigan sila.
“Salamat, Erastus.” She was really glad she could talk to him just like this. Just like before. Kahit sa huling sandali ng kanyang buhay, nais niyang makasama at makausap ang nag-iisang lalaking inibig niya. Doon lang ay masaya na siya. “Pero okay lang ako. Kaya ko ang sarili ko. Kayo ang dapat na maghanda sa nalalapit na digmaan.”
Walang buhay ang naging ngiti ni Erastus saka tiningala ang maliwanag at bilog na bilog na buwan. Kapag ganoon ito, alam niyang iniisip nito si Kroen.
“Gusto mo bang balikan si Shunn? Kamukhang-kamukha siya ng kanyang ina, hindi ba?”
Kahit alam niyang magiging napakasakit ng magiging sagot nito ay nagpatuloy pa rin siya. Gusto niyang masanay sa damdaming kay tagal na niyang ineensayong makasanayan. Pero hanggang sa huling sandali yata ng kanyang buhay ay hindi na niya iyon matututunan. Dahil hanggang ngayon, para pa ding sinasakal ang puso niya sa ideyang iba ang minamahal ni Erastus.
“Oo nga. Kasingganda niya si Kroen.”
Tila wala sa sariling ngumiti ito sa buwan. At tila nawasak siya sa nakikitang anyo nito. Kailan kaya mangyayaring magiging ganoon kaningning ang mga mata nito kapag siya naman ang naiisip nito? Ayaw niya sanang magpalamon sa inggit sa kaibigan subalit hindi niya mapigilan ang puso. Naiinggit siya nang sobra kay Kroen dahil ito ang minamahal ng lalaking mahal niya.
“Kasalanan ko ang lahat kung bakit tayo nasa ganitong sitwasyon, Rosette.” Mayamaya ay malungkot na ang mukha ni Erastus nang bumaling sa kanya.
Agad na nag-alsa ang puso niya. Kailanman ay hindi niya naisip na dapat itong sisihin sa mga nangyayari. Ginawa lang nito ang sa palagay nito ay tama. Ang bigyan ng pagkakataong makasama ng babaeng mahal nito ang mortal na magpapaligaya roon. Maski pa nga masaktan ito.
“Huwag mo ngang sabihin `yan. What you did was a heroic deed!” giit niya.
Nagpakawala ng napakalalim na hininga si Erastus. “Masabi mo pa kaya iyan kung malaman mo ang totoo?”
Binundol si Rosette ng matinding kaba. May iba pa ba itong dahilan sa ginawa nitong pagsusuko ng buhay para sa kaibigan niya?
“A-ano’ng ibig mong sabihin, Erastus?” pigil ang hiningang tanong niya.
“Makasarili ako, Rosette. Ginawa ko iyon para makatakas sa mundo ko. Palayo sa kahinaan ko.”
“Hindi kita maintindihan.” Pinaliliguan si Rosette ng pagkalito at mga katanungan. Pero hindi naman niya alam kung ano ang mga dapat itanong.
Basta ang alam lang niya ay nalilito siya sa mga sinasabi ni Erastus.
“Come here, Rosette.”
Sa halip na umisod siya palapit kay Erastus ay ito ang umisod palapit sa kanya. Umangat ang kamay nito sa bewang niya at marahan siyang kinabig. Napasinghap siya at hindi maipaliwanag ang pakiramdam nang magsimula na namang magkagulo sa pagpintig ang kanyang puso.
Naaamoy niya ang napakabangong halimuyak ni Erastus at patuloy iyong nagtutulak sa kanya na ihilig ang ulo sa napakalapad nitong dibdib. At tuluyan siyang nagpadaig sa kanyang nararamdaman. Gusto niyang maramdaman muli kung paanong makulong sa mga bisig ni Erastus.
“Naalala mo pa ba? Ganito tayo kapag gusto mo nang matulog pero hindi ka naman makatulog.” Malambing ang tinig ni Erastus habang hinahaplos ang kanyang mahabang buhok. Damang-dama ni Rosette ang katulad ng dating kilig na bumabalot sa kanya kapag ginagawa nito iyon.
“Oo nga, ano?” natatawang sambit niya. “Nagpupunta ako sa mga sanga ng puno at panonoorin ang buwan. Pagkatapos, darating ka…” At yayakapin ako. “At makikipagkompetensiya sa akin na bilangin ang mga bituin.”
“`Tapos, makakatulog ka na.”
Sa balikat mo…
“At saka mo ako iuuwi sa tahanan ko.” Humagikhik siya na puno ng panghihinayang. Magagawa pa kaya nila iyon?
Hindi niya alam. Sakaling magwagi ang lahi nila sa digmaang malapit nang maganap, hindi pa rin niya sigurado kung maibabalik ba siya ni Erastus mula sa Gitbutay. Dahil ang tanging paraan para makabalik siya ay ang magkaroon ng anak si Erastus. Sa unang iyak ng sanggol nito, doon pa lang siya makakabalik.
Pero kakailanganin muna nitong maging tao uli bago mangyari iyon. Kung babalikan nito si Shunn.
At maging ang ideya na iyon ay hindi niya gusto.
Siguro nga ay isang karamutan ang nais niya. Pero ikamamatay niya nang napakarami pang beses ang malaman na pagmamay-ari na si Erastus ng iba.
Mas pipiliin na lang niyang manatili sa Gitbutay, habang-panahon.
“Gusto mong gawin ulit natin iyon, Rosette?” nakangiting paghahamon ni Erastus.
Tinalo ng pag-ibig niya para dito ang lungkot na kanina pang bumabalot sa kanya. Mariin siyang napailing.
“Ayokong matulog.”
Gusto kong makasama ka hanggang sa huli.
“Gusto ko na ganito tayo hanggang sa pagkalat ng liwanag.”
“Gusto mong panoorin ang sunrise?” pagkumpirma nito.
Tumango na lang siya sa halip na sabihin ang totoo niyang nais. Hindi na nito kailangang malaman ang totoo. Ayaw niyang makonsensiya ito. Lalong ayaw niyang marinig na pinagsisisihan nitong hinalikan siya.
Dahil isa mang katangahan na maituturing subalit ang halik na iyon ang pinakamagandang bagay na ibinigay sa kanya ng engkantado.
“Salamat, Erastus.”
Humilig pa siyang lalo sa dibdib ng engkantado. Lulubos-lubusin na niya tutal naman ay huli na iyon. Kinabig siya nito ng mas mahigpit at umapaw ang tuwa sa puso niya. Damang-dama niya ang mainit nitong katawan na nagtataglay ng napakasarap na sensasyon. Patuloy iyong dumadaloy sa buong katawan niya at wala na siyang ibang nais kundi ang namnamin ang bawat sandali na nararamdaman pa niya ito.
“Salamat saan?”
Sasagot pa sana si Rosette nang maramdaman ang tila kakaibang lamig ng temperaatura sa buong paligid. Noon lang niya napasin na nagbabago ang anyo ng lahat ng bagay na naroroon sa paligid. Nagiging bato ang dambuhalang mga puno at halaman. Nagsisimulang mawala ang kislap sa buong paligid na siyang pumoprotekta sa buong Engkantasya.
Ano’ng nangyayari?!
Gustong sumabog ng utak niya nang makitang lahat ng bagay sa buong paligid ay naging bato. Nagsimula ring magkagulo ang kanilang lahi.
Lilipad na sana siya para makihalubilo sa nagkakagulo nang pigilan siya ni Erastus.
“Dito ka lang sa tabi ko, Rosette. Huwag kang aalis sa tabi ko dahil anumang sandali ay sasalakay na ang mga kalaban.”
Napamaang siya sa kaseryosuhan ni Erastus. Sa isang sandali ay mahigpit na nitong hawak ang kamay niya na tila ba hindi ito makakapayag na malayo siya sa tabi nito kahit isang saglit.
Kung nasa ordinaryong sitwasyon sana sila ay baka nagdiwang na siya sa aksyon na iyon ni Erastus. Pero sa mga sandaling iyon ay hindi magawang magdiwang ng kanyang puso dahil matinding panganib ang nadarama niya sa buong paligid.
“Maghanda kayo! Susugod na ang mga masasamang elemento!” Narinig niya ang malakas na boses ni Dylan.
Si Ryker ay nakita niya sa di-kalayuan na nag-aabot ng mga sandata sa iba pang mga lambana.
“Gamitin mo, Rosette.” Sandali pa at nasa harap na niya si Axyl at iniaabot sa kanya ang kumikinang na pana at palaso. “Lahat ng sandata ay mula sa Puno ng Buhay nagmula ang mga materyales kaya higit na makapangyarihan ang mga iyan.”
Naramdaman niya ang masuyong pagpisil ni Rosette sa kamay niyang hawak pa rin nito. Tila inuudyukan na siyang abutin iyon. Gusto na sana niyang kunin ang sandata subalit bigla niyang naalala ang isang bagay.
“Hindi ko naman na kailangan. Hindi na ako magtatagal.”
Umawang ang bibig ni Erastus para magsalita. Ngunit inunahan niya ang matinding pagtutol na mababakas mula sa guwapong mukha nito.
“Kaya ko ang sarili ko.”
“Rosette! Alam mong poprotektahan kita sa abot ng aking makakaya pero hindi mo ba gustong lumaban, kasama namin?”
Nagdilim nang bigla ang mukha ni Erastus. Kung dahil sa sinabing iyon ni Axyl o kung ano pa man ay hindi niya alam.
“Handa rin akong protektahan ka, Rosette. At ang buong Engkantasya. Handa kong ibigay ang buhay ko kapalit ng kapayapaan ng lahat. Pero mas magandang may armas ka rin para sa mga nakakagipit na pagkakataon. Dahil hindi ko na gugustuhing maulit ang nangyari nitong nakaraan...”
“Tanggapin mo na ang sandata, Rosette. Lumaban ka, kasama namin.”
Napalingon si Rosette sa pinanggalingan ng tinig. Sina Caiorroa at ang tatlo pa niyang mga kaibigan. Wala pa rin si Xeen at magkahalong pag-aalala at tuwa na rin ang nadarama niya kahit wala roon ang kaibigan.
“Hindi ba nangako tayo sa grupo natin na iisa tayo? Isa para sa lahat, lahat para sa isa. Bakit parang gusto mo na kaming isuko?” tila may sama ng loob na sambit naman ni Vymerra.
“Ayaw mo na ba kaming makasama kaya susuko ka na lang basta? Isusuko mo na ang kapalaran natin ng ganoon nalang? Ang duwag mo, Rosette!” Mangiyak-ngiyak naman si Simone.
Nilingon niya si Zayleigh at nag-expect na maging ito ay manunumbat sa kanya subalit wala siyang narinig maski ano rito. Nakamata lang ito sa kanya na tila binabasa siya.
“Be with us, fight with us!”
“Walang susuko!”
“Iisa tayo at poprotektahan natin ang bawat isa hanggang sa huli.”
“Ilalaban ka namin Rosette. At sana ilaban mo din kami…”
Umapaw ang magkahalong lungkot at tuwa sa dibdib ni Rosette. Masasabik siyang makita at makasama ulit ang mga kahanga-hangang nilalang na tulad ng mga ito. Ang totoo, gusto niyang maiyak dahil ngayon palang ay nami-miss na niya ang mga ito.
Nangingilid ang luha na bumitiw siya kay Erastus at inabot ang sandata mula kay Axyl.
“Lalaban ako. Kasama n’yo. Hanggang sa huli!” buo na ang loob na sambit niya sa lahat ng nakapaligid sa kanya. Hindi na niya alintana kung anuman ang kahinatnan niya sa loob ng anim na oras na darating. Ang gusto na lang niya ay lumaban aat ilaban ang lahi nila hanggang sa huli. Lalaban siya kasama ng mga mahal niya.
Sabay-sabay na tumango at ngumiti sa kanya ang mga kaibigan niyang lambana. Ganoon din si Erastus at Axyl. Mas na tumutok ang atensyon niya sa una na matamang nakatitig sa kanya. Puno ng damdamin ang mga mata nito at maski hindi siya manalamin, alam niyang katulad nito, kumikinang din ang mga mata niya.
Maligaya siyang lalaban, katabi ang mahal niya.
“Ngayon pa lang ay binabati na kita, Erastus,” makahulugang saad ni Axyl at hindi iyon naarok ng kanyang talino.
“Salamat, Axyl.”
Akmang aabutin ni Erastus ang kamay niya nang magsimulang pumailanlang ang tilian at sigawan ng mga lambana. Kasabay noon ang pag-ulan ng tila asopre sa buong paligid. Nagpapalitan ng palaso at iba’t ibang bala ng iba’t ibang uri ng sandata ang mga elemento at mga lamabana.
Nagsimula na ang digmaan sa mundo nila!
Nagsimula na rin silang pumuwesto sa iba’t ibang panig ng Engkantasya. Hindi siya hinayaan ni Erastus na mawaglit sa tabi nito bagaman buong atensyon itong nakikipaglaban sa mga elemento.
Nakabibingi ang malalakas na tilian at sigawan. Mga panangis at takot na tinig habang sama-samang sumusugod ang mga kapre, tiyanak, duwende tikbalang at iba’t ibang uri ng elemento sa kanilang mundo. Mayroon ding higanteng ahas na may pakpak ang ulo at iyon ang nagbubuga ng asopreng sumusunog sa mga lambanang tinatamaan noon.
“Rosette!”
Nahablot siya ni Axyl habang nakikipagpambuno sa pulang duwende na pilit inaagaw ang kanyang pana. Si Erastus ay abala sa pakikipaglaban sa tiyanak na di hamak mas malaki rito ng napakadaming ulit. Lahat ng kalaban nila ay tila mga higante. Tanging ang mga duwende lamang kasinlaki nila. Ngunit higit na mapanganib ang mga iyon dahil hindi nila mapapagtaguan.
“Salamat, Axyl,” aniya, matapos siya nitong maiiwas sa asupre at maliksing natagpas ang ulo ng pulang duwende.
Tumango lamang si Axyl sa kanya. “Maski hindi ako ang pinili mo, hindi pa rin ako makakapayag na masaktan ka. Hindi ko na uulitin ang pagpapabaya ko sa `yo sa nakaraang labanan.”
Hindi niya alam ang sasabihin dahil naagaw na ang atensyon niya sa sitwasyon ni Erastus. Nahuli ito ng tiyanak at ngayon at sinisimulang baliin ang braso nito.
“Erastus!” Nanghihilakbot na lumipad siya palapit dito.
Subalit masyadong mataas ang tiyanak. Wala siyang magawa kundi ang kumuha ng palaso at isaksak iyon sa talampakan ng tiyanak. Napaigik ang impakto sa ginawa niya at naudlot ang masamang tangka nito sa pinakamaamahal niya. Sinamantala iyon ni Axyl. Lumapit ito sa tiyanak at sinaksak ng espada nito ang kamay ng tiyanak na may hawak kay Erastus. Subalit bago pa ito makababa ay nahagip ng asupre mula sa kung saan ang isang pakpak nito.
Pinuno siya ng galit pagkakita sa papabagsak na si Erastus. Maigi na lang at maagap si Axyl dahil nasagip nito ang kaibigan. Sa pagkababa ni Erastus ay pinuntirya rin nito ang isa pang talampakan ng tiyanak habang si Axyl naman ay tinusok ng espada ang mga mata ng impakto.
Siya naman ay walang awa ring sinaksak ng palaso ang talampakan ng kalaban.
“Para Sa Engkantasya!” Buong galit na sinalaksak niya ang duguan nang talampakan ng tiyanak. “Para sa mga kaibigan ko!” Malakas na sigaw pa ni Rosette. “At para sa lalaking mahal ko! Magsilayas kayo sa kaharian namin!”
Bumuwelo siya upang ibigay ang matinding atake nang mapaigik sa matinding sakit. Nabitiwan ni Rosette ang hawak na palaso at nilingon ang kung sinong umaatake sa kanya. Isang itim na duwende na may nanlilisik at nakapangingilabot na mapupulang mga mata ang nalingunan niya. Labis ang takot na naramdaman niya nang mahagip ang nakakapanindig balahibo nitong ngisi. Nakadagdag pa roon ang distorted nitong mukha na sadyang napakapangit!
May hawak itong matulis na punyal na marahil ay siyang ginamit upang laslasin ang kanyang kaliwang pakpak.
“Mamamatay ka, lambana!”
Muling umatake sa kanya ang nakapangingilabot na nilalang. Pinilit namang makaiwas ni Rosette sa mga atake. Hindi na niya magawang makalipad dahil sinira na ng itim na duwende ang kakayahan niyang iyon. Dahil iyon ang advantage nila sa mga ito ay iyon ang unang pinupuntirya ng mga ito.
Iwinasiwas ng napakapangit na duwende ang punyal nito at sa isang maling pag-iwas ni Rosette at natapakan niya ang maliit na tipak ng bato. Malakas na napatili siya nang dumaosdus ang mga paa niya. Nasa gilid na pala siya ng higanteng bato siyang kinaroroonan nila.
Mabuti na lang at nakakapit pa siya sa gilid upang hindi tuluyang mahulog. Subalit napasigaw na naman siya nang saksakin ng itim na duwende ang isang kamay niyang nakakapit sa gilid ng bato.
“Bumitiw ka na. O ako ang mismong dudurog sa `yo, lambana!” sigaw nito sa kanya. Nang hugutin nito ang punyal ay dobleng hapdi at kirot ang naramdaman niya ngunit hindi niya ginawang bumitaw.
Tumagas mula sa kamay niya ang kanyang dugo at dumaloy iyon sa kanyang braso patungo sa kanyang leeg. Sa isang bahagi ay nakikita niya kung gaano kagiting na nakikipaglaban ang kanyang mga kaibigan sa mga nakakakilabot na mga nilalang. Iyon ang nagbigay sa kanya ng lakas upang mas kumapit pa. Lalaban siya hanggang kaya niya.
“Bumitaw ka na!” Sinaksak uli ng itim na duwende ang isa pa niyang kamay at napasigaw na naman siya sa sobrang sakit.
“Rosette!”
Kasunod ng malakas na boses ni Erastus ang pagkapugot ng ulo ng itim na duwende.
“Erastus…”
“Rosette…”
Gustong maiyak ni Rosette sa magkahalong takot at pag-aalala na mababanaag sa guwapong mukha ni Erastus. Akma itong aabutin ang kamay niya ngunit dumulas na ang mga iyon dahil napuno na sa dugo ang bahaging kinakapitan niya.
“Erastus!!!” tili niya habang nahuhulog.
Iyon na marahil ang katapusan niya. Magkakalasog-lasog ang katawan niya sa sandaling bumagsak siya sa batuhan sa ibaba. Gustuhin man niyang pumikit at tanggapin na lang ang kapalaran ay pinigilan niya ang sarili. Nais niyang hanggang sa huling sandali, ang guwapong mukha ng kanyang iniibig ang huli niyang makikita.
“Rosette!!!”
Subalit ganoon na lang ang takot na pumuno sa puso ni Rosette nang makita niyang tumalon mula sa itaas si Erastus habang nakabanat ang isang braso nito at tila pilit na inaabot siya. Putol na rin ang pakpak nito at hindi na ito makakalipad. Pero bakit tumalon pa rin ito?!
Pareho silang mamamatay sa ginawa nito!
“Rosette!!!”
Nahagip siya ng isang kamay ni Erastus at mahigpit na nayakap, saka pinagpalit ang kanilang puwesto. Nasa ilalim siya nito habang mahigpit siyang niyayakap.
“Nahihibang ka na ba? Bakit ka tumalon!” puno ng takot at pag-aalala na sita niya kay Erastus.
Hindi na rin niya napigil ang mapaiyak. Natatakot siya, hindi para sa sarili kundi para kay Erastus. Tumalon ito upang iligtas siya pero hindi nito alam na mawawalan ng saysay ang pagliligtas na iyon dahil mawawala na rin naman siya matapos ang ilang oras. Kailangan pa ito ng lahi niya. Hindi na nito dapat na iniligtas pa siya.
“Ang tanga-tanga mo! Hindi ka dapat na tumalon!” Histerikal na si Rosette.
Gusto niyang iikot at pagpalitin ang pwesto nila habang malayo pa sila sa ibaba. Subalit tigas sa pagtanggi si Erastus at kinabig siya ng mahigpit.
“Nangako ako sa `yo na poprotektahan kita, Rosette. Poprotekatahan kita palagi. Mula sa nakaraan hanggang sa hinaharap.”
Tuluyang humagulhol si Rosette sa ibabaw ni Erastus. Ang boses nito ay parang namamaalam at para bang dinudurog ang puso niya. Hindi ganitong uri ang gusto niyang pamamamaalam nila sa isa’t isa.
“Erastus…”
“Huwag kang umiyak, mahal ko. Magkikita pa tayo…”
Inabot ni Erastus ang ulo niya at kinabig palapit. Eksaktong paglalapat ng mga labi nila ang pagbagsak ng mga katawan nila sa batuhan. Tuluyang nagsara / pumikit ang mga mata ni Erastus at gaanoon na lang kalakas ang naging pagpalahaw ni Rosette.
“Erastussss!!!”
Niyakap nang mahigpit ni Rosette ang walang buhay na katawan ni Erastus. May umaagos na mapulang likido mula sa ulo nito. Dugo iyon ni Erastus!
Walang tigil ang pag-iyak at paghikbi ni Rosette at ayaw na niyang bitiwan pa ang katawan ni Erastus subalit nagsimula nang magbago ang anyo nito. Nagiging abo ito mula sa paa paakyat sa katawan nito. Isang katotohanang wala nang buhay ang lalaking mahal niya.
“Hindi!!!”
Naghuhurumentado na siya sa pag-iling. Hindi niya iyon matatanggap. Hindi pupwedeng mawala si Erastus. Ngayon pa?! Ngayon pa na sinabi nitong mahal din siya nito. Wala na ring silbi na maligtas siya mula sa sumpa ng halik ng mortal, kung ganitong mawawala rin sa kanya ang lalaking iniibig niya nang sobra-sobra.
“Erastus… hindi! Bumalik ka sa akin, mahal ko!” Mabaliw-baliw si Rosette habang niyayakap ng mahigpit ang natitirang katawan ni Erastus. Na para bang sa ganoong paraan ay mapipigilan niya ang paglalaho ng katawan nito.
“Huwag mo akong iwan. Pleaseee! Huwag mo naman akong iwan, Erastus!” palahaw pa rin niya hanggang sa abo na lang ang niyayakap niya. “Erastusssss!!!”
Pakiwari ni Rosette ay naging abo na rin ang puso niya ng mga sandaling iyon.
“Tama na Rosette! Wala na siya.”
Kung si Xeen man ang narinig ni Rosette na sumasaway sa kanya ay nawalan na siya ng pakialam. Durog na durog ang pakiramdam niya ng mga sandaling iyon. Halos ayaw makisama ng buo niyang pagkatao dahil nakatutok lang ang atensyon niya sa nangyari kay Erastus. Ni hindi niya pinansin ang ginawang pagpahid ni Xeen ng dagta sa pakpak niya at muli iyong nabuo.
“Nahuli ako!” puno ng pagsisisi si Xyro. “Patawarin n’yo ako, hindi ko agad naibigay kay Erastus ang sisidlan ng kanyang kapangyarihan.”
Maski ang sinabing iyon ni Xyro ay hindi na rin niya inintindi. Para siyang nasisiraan ng bait habang iniipon ang mga abo ni Erastus subalit nawalan iyon ng saysay nang liparin ng hangin ang kahit kaisa-isang alikabok ng engkanto.
Lumipad at nabuo iyon sa himpapawid. Nahulma ang anyo ni Erastus na animo puting usok. Kuhang-kuha ng porma ng usok ang anyo ng lalaking mahal niya. Ni hindi niya namalayan na nagawa niyang makalipad ulit upang lapitan ang anyong usok ni Erastus. Subalit natigilan ulit siya nang ang berdeng liwanag mula sa sisidlang hawak pala ni Xyro ay lumipad rin patungo sa direksyon ng imahe ni Erastus.
Nagkorteng berdeng bola ang enerhiya sa mismong tapat ng ulo ng imahe ni Erastus at sumanib iyon doon. Nabalot ng nakasisilaw na liwanag ang buong paligid at ang liwanag na iyon ay nagmumula sa imahe. Patuloy sa pagkakagulo ang lahat hanggang sa marinig nila ang napakalakas na pagsabog. Mula sa bahaging kinaroroonan ni Erastus ay lumipad sa iba’t ibang direksyon ay kulay puti at berdeng enerhiya na pumapaslang sa masasamang elemento.
Iyon ang nagtuldok sa napakalaking digmaang nagaganap sa Engkantasya. At nagtuldok rin sa pag-asa ni Rosette na makikita pa niya ang lalaking labis niyang iniibig. Ang lalaking ibinigay ang buhay nito para iligtas siya at ang buong lahi niya. Ang lalaking nangakong poprotekatahan siya palagi.
Na alam niyang imposible nang mangyari. Naibigay na nito ang lahat. Ibinigay na nito ang sarili para sa kanilang kaligtasan.