PASALAMPAK na ibinaba ni Rubick ang parehabang bagay na kulay pink sa ibabaw ng mesa. Napalingon naman sa kanya ang nasa harap ng lababo na si Lahynna. Kakatapos lang nitong magmumog. At kahit nagagalit siya ay hindi niya pa rin maiwasang matunaw ang puso sa namumutlang anyo ng asawa.
Dalawang linggo na niyang napapansin. Parati itong matamlay. Walang ganang kumain. Maski ang mga paborito nito ay ayaw na ayaw na nito maski ang maamoy man lang. Mas madalas na gusto lang nitong matulog. Sa umaga naman ay ganito. Nagsusuka maski wala pa naman itong kinakain.
Nag-aalala siya pero mas higit na natatakot siyang ma-confirm ang kanyang hinala. Hindi na din siya natahimik kaya kapag makatiyempo lang ay naghahalughog siya sa mga drawers sa kwarto nila. At ito nga ang nakita niya kagabi pa.
Pinigilan niya ang sarili na komprontahin si Lahynna kagabi dahil naaawa naman siyang gisingin ito sa mahimbing na pagtulog. Halos hindi rin siya nakatulog dahil sobrang distracted siya sa na-discover.
At ngayong umaga. Hindi na siya nakapagtimpi.
“Buntis ka?”
Maski alam na niya ang sagot roon ay para pa ring tanga na nagtanong si Rubick. Nang tumango ito ay parang gusto madoble ng takot niya.
Kahit magkakahalong pagtataka at sama ng loob ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon ay hindi pa din napigil ni Rubick ang sarili na alalayan ang asawa sa palapit sa isa sa mga silyang naroroon sa kitchen island.
“Paano nangyari? Bakit ka nabuntis? Naging extra maingat naman ako. Paano nangyari iyon?”
Ayaw niyang ientertain ang nasa isip. Hindi gagawin iyon ni Lahynna. Hindi nito ipapahamak ang sarili.Pero nang sabihin na nito ang ayaw niyang marinig ay parang tuluyan siyang tinakasan ng kaluluwa.
Napasuntok si Rubick sa concrete wall doon sa kitchen.
“Rubick…”
“How dare you!” Masama ang loob na singhal niya rito. “Ginagawa mo akong tanga, Belle!”
“Bakit ganyan ang reaksyon mo? Bakit parang ayaw mo sa anak natin?” Naiiyak namang himutok nito.
Pinigilan niya ang sarili na amuin ito kahit pa gustong-gusto na niya itong lapitan at yakapin. Gusto niyang ipaintindi rito kung ano rin ba ang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.
“Hindi mo ba naiintindihan? Hindi ko kailangan ng anak kung ikaw din lang ang mapapahamak.”
“Ayaw mong magkaanak tayo?”
“O-Oo.” Nahihirapang sagotng lalaki. Sino ang ayaw magkaanak? Siyempre ay gusto rin naman niyang makakita ng mga maliliit na nilalang na nanggaling sa kanya.
Pero ang isiping magiging mitsa iyon ng buhay ng asawa ay hindi niya kaya. Hindi niya kaya na wala ito sa buhay niya. Na mag-iiwan lang ito ng alaala na dahilan kung bakit ito mawawala sa kanya. Kung nalalaman lang ba ni Lahynna na halos mamatay na rin siya sa takot at pag-aalala sa tuwing aatakihin ito ng sakit nito.
“Pero tuwang-tuwa ka sa anak ninyo ni Eina.” Sumisinghot nang sambit nito. Dama niya ang selos at inggit sa boses ng asawa.
Sandali siyang natigilan. Pagkuway binalingan ang sa mga mata niya ay parang napakaimposible at mahirap intindihing asawa.
“Akala ko ba, tapos na tayo diyan? Bakit bumabalik na naman tayo? Paulit-ulit nalang Belle!”
“Dahil kahit sinabi mong hindi. Hindi iyon ang nakikita ko. Tuwang-tuwa ka sa anak ni Eina dahil nakakaramdam ka ng lukso ng dugo. Bakit ba hirap na hirap kang aminin? Ano bang magagawa ko kung ‘yon ang nararamdaman mo? Wala naman di ba? Wala na rin akong magagawa kung gusto mong magpakaama sa kanya. Hindi kita mapipigilan pero ‘wag mo namang itanggi!”
Maaaring naging pasaway siya noon, naging patapon ang buhay. Pero hindi naman siya sinungaling. Lahat ng mga maling ginawa niya, hinarap niya ang mga consequences. Hindi siya nagsinungaling para lang pagtakpan ang kanyang mga naging mali. Hindi siya kagaya ng kanyang ama! Akala niya, alam iyon ni Lahynna. At ang sakit-sakit na pinagdududahan nito ang katapatan ng mga salita niya.
“Hindi ko anak ang batang iyon. Kaya kong patunayan ‘yon sayo. By whatever fucking test, kaya ko at handa akong magpa-test, mapatunayan lang na hindi sa akin ang batang iyon! Pero si Eina ang ayaw ipa-test ang anak niya dahil alam niyang mapapahiya siya!”
Sandaling natahimik si Lahynna. Tila iniintindi ng maayos ang mga sinabi niya. At sana naman, sana… tanggapin na ng isip nito ang mga sinabi niya. Dahil alam naman talaga niya sa sarili na hindi kanya ang anak ni Eina. Isang beses lang may nangyari at gumamit pa siya ng proteksyon. Siya ang available sa barkada kaya siya ang itinuturo.
Minsan nga ay gusto niyang mandiri na minsang pinatulan niya si Eina maski na alam naman niya ang reputasyon ng babae sa lipunan.
At kung patungkol naman sa bata, talagang natutuwa lang siya sa anak ni Eina dahil napakabibo noon. Maski naman nagkaroon sila ng gap ni Eina, hindi niya gustong idamay ang isang inosenteng bata.
Oo, minsan niyang naisabay papunta sa sentro ang mag-ina dahil nadaanan niyang naglalakad ang mga iyon. Hindi siya ganoon kawalang puso para hindi mag-alok ng libreng sakay kung iisa naman ang pupuntahan nila.Pero wala naman iyong ibigsabihin. Lahat ng aksyon niya ay dala nalang ng pagmamagandang-loob na natutunan niya sa asawa.
“Pero Rubick, gusto ko din namang magkaanak tayo. Gusto ko ring…” Narinig niyang sumigok si Lahynna.
Abot-abot ang pagpipigil niyang abutin ito at yakapin. Gusto niya itong i-console pero gusto rin niyang malaman nito na nagtatampo rin siya sa pagdududa nito sa kanya. O siguro nga, kasalanan din niya na nagduda ito. Alam na nga niyang nagseselos si Lahynna sa pinsan nito pero nakikipaglapit pa din siya sa bata. Pero alangan namang idamay niya ang nangungulit na bata sa pagdistansya niya sa ina nito?
“Gusto ko ring maging pamilya tayo. Gusto ko ding maging masaya ka sa tabi ko. Choice ko ito. Choice kong magkaanak tayo. Bakit hindi mo ako suportahan?”
“Yeah. Choice mo iyan. Pero ako, tinanong mo ba ako kung gusto ko? Binigyan mo ba ako ng choice?” Masama ang loob na sumbat ni Rubick sa asawa. “No. You gave me no choice but to accept what you want. Hindi mo naisip na dalawa tayo sa relasyon, dalawa tayong dapat na nagdesisyon!”
Hindi niya gawaing magtaas ng boses kay Lahynna pero sa pagkakataong iyon, hindi niya kayang kontrolin ang sarili. Naiisip palang niya ang kalalabasan ng desisyon nito ay natatakot na siya para rito. Nang tumulo ang mga luha ni Lahynna ay hindi na nakapagpigil si Rubick. Inisang hakbang niya ang paglapit sa asawa. Lumuhod sa harapan nito at hinawakan ang dalawang kamay nito. Mahigpit.
“Masaya naman tayo, di ba? Kahit wala tayong anak?”
“Pero hindi pa din tayo kompleto. Gusto ko lang namang ibigay sayo ang bagay na nawala sayo noon. Gusto kong magkaroon ka ng isang buong pamilya. Pangarap mo iyon, ‘di ba?”
Inabot niya ang basa sa luhang mukha ni Lahynna. Magaang pinahid ng mga hinlalaki ang bumubukal na luhang umaagos roon.
“No, Belle.” Salungat niya rito. Tumulo na din ang mga luhang kanina pa niya kinikimkim. “Pangarap ko lang na makasama ka. Nang matagal. Habambuhay.”
Marahang hinila niya ito para maglapat ang kanilang mga labi. Gusto niyang iparamdam sa mainit na halik na iyon ang assurance sa mga sinabi niya, habang naghahalo ang kanilang mga luha.
Nang pakawalan nila ang mga labi ng isa’t-isa ay kinabig niya ito ulit at mahigpit na niyakap. Isang desisyon ang mabilis na pumasok sa utak niya. Masakit at mahirap na desisyon.
“Ilang buwan na?” pabulong na tanong niya.
“Two months.” Pabulong din na tugon nito.
Mas humigpit ang yakap niya rito. Dalawang buwan na pero hindi pa nito sinasabi sa kanya?
“We have to terminate your pregnancy.”
Bigla ay naitulak siya ni Lahynna. Kitang-kita niya ang mariing pagtutol nito at dalawang kamay na sumapo sa impis na sinapupunan na para bang sa ganoong paraan ay magagawa nitong protektahan ang maliit na buhay.
Maaaring itakwil na siya ng tuluyan ng nasa Itaas, pero kailangan niyang gawin iyon. Mas pipiliin niya si Lahynna kesa nasa loob ng sinapupunan nito.
“No, Rubick. Hindi mo gagawin ‘yon. Hindi natin gagawin iyon!” puno ng determinasyong sambit nito.
“Pero hindi iyan makakabuti sayo. Sinabi na ng doktor mo!”
“Hindi ko ipapalaglag ang baby ko.” giit nito.
Napatayo siya mula sa pagkakaluhod sa harapan ni Lahynna. Hindi niya kinaya ang magkahalong galit at sama ng loob na nasa mga mata nito. Naihilamos ni Rubick ang mga kamay sa kanyang mukha. Nakailang pabalik-balik siya sa paglalakad at nang hindi makuntento sa space na nilalakadan ay natadyakan niya ang isang silya sa kanyang dadaanan. Saka mabilis na lumabas ng bahay.
Pinaharurot niya ang Audi habang idina-dial ang number ng landline sa bahay ng biyenan.
“Ma?” pagkumpirma niya sa narinig na boses ng sumagot.
“Yes, hijo. Napatawag ka?”
“Pwede pong puntahan niyo muna si Lahynna rito sa bahay?”
“Bakit? Anong nangyari?” Tila nataranta kaagad ang ginang. At wala siya sa mood para magpaliwanag. Hindi niya kaya.
“Puntahan niyo nalang po muna siya, please? Siya nalang ang magpapaliwanag.”
Ini-end na niya ang tawag saka pabalewalang itinapon sa back seat ang cellphone. Mas pinabilis niya rin ang speed ng sasakyan no’ng nasa hi-way na habang walang direksyon ang pagmamaneho. Wala na din siyang pakialam kung mahuli man siya ng mga traffic enforcer. Hindi na alam ni Rubick ang kanyang ginagawa. Parang ayaw gumana ng kanyang utak. Hindi niya alam kung galit lang ba siya, masama ang loob, o natatakot?
Siguro lahat na. Pero pinakamatimbang ang takot. Hindi dahil sa responsibilidad. He can raise a child. Kahit isang dosena pa. Kung hindi lang ganito ang kondisyon ng kalusugan ni Lahynna.
At bakit ba hindi iyon maintindihan ng kanyang asawa? Bakit hindi nito maintindihan na para sa kanya ay mas mahalaga ito kaysa anu pa man?
… Dahil ito na ang buhay niya. Kapag nawala pa ito sa kanya, ano pa ang silbi niya sa mundo? She means the world to him.
“Bakit hindi mo iyon maintindihan, Belle?”
NARAMDAMAN ni Lahynna ang pagbukas-sara ng pinto sa master’s bedroom. Alam niyang si Rubick na iyon. Pinilit niyang umuwi na rin ang kanyang ina maski gusto pang samahan siya sa bahay nilang mag-asawa. Alam niyang uuwi si Rubick. Hindi siya nito matitiis.
Alam rin niya na kailangan lang nito ng panahon para sa sarili. Para maintindihan siya. Kung bakit siya nagdesisyon ng ganoon. Alam naman niya kung gaano ka-traydor ang sakit niya. Gusto niyang, sakaling mawala man siya sa mundo, may iiwan siyang buhay na alaala rito. At siyempre, gusto rin naman niyang maski paano ay matupad ang pangarap nitong magkaroon ng isang buong pamilya. Kung sandali lang iyon ay ano pa?
Naiintindihan niyang sa ngayon ay hindi pa iyon maintindihan ni Rubick. Natatakot lang ito na posibleng hindi maging maganda ang resulta ng lahat. Pero naniniwala siyang may awa ang nasa Itaas. Hindi iyon ibibigay sa kanila kung hindi para sa kanila.
Napapikit si Lahynna nang maramdaman na lumundo ang kama sa bandang likuran niya. Nakatalikod kasi siya sa bandang pinto kaya di niya alam ang mga galaw nito hanggang maramdaman ito roon sa ibabaw ng kama.
Naramdaman rin niya ang isang kamay nitong mapagmahal na humahaplos sa kanyang buhok. Pagkuway hinagkan siya sa kanyang sintido.
“I’m sorry, love…” Mahinang bulong nito sa kanya.
Bigla nalang tumulo ang mga luha ni Lahynna. Hindi niya alam kung bakit. Siguro dahil ramdam niya ang pagmamahal sa bawat haplos nito. Ramdam niya ang pang-unawa sa tinig nito. Para roon ay masaya siyang si Rubick ang naging asawa niya. Masaya siyang ito ang lalaking mahal niya.
Marahang bumalikwas siya ng bangon at hinarap ang bahagyang nagulat na asawa. Dim light lamang ang liwanag sa loob ng silid pero maliwanag sa kanyang mga mata na nakikita kung paanong nahihirapan ang asawa na tanggapin ang desisyon niya. Parang may brilyanteng kumikinang sa mga mata nito at hindi siya pwedeng magkamali na luha ang dahilan ng mga iyon.
“I’m sorry din, naging makasarili ako sa desisyon ko. But I want you to understand that it is what will make us happy.” Bumaba ang isang kamay nito sa pisngi niya at magaang humaplos roon. “Everything will be okay. Miracle happens. We just need to believe and have faith in Him.”
Kagat-labing tumango ito. Tila pinipigilan lang ang sarili na umiyak na rin. “We have to believe.” Sa pagak na boses ay sang-ayonni Rubick.
Bumangon siya at mahigpit na niyakap si Rubick habang pinipispis ang likod nito.
“I’m so afraid to lose you, Belle. Hindi ko kakayanin. Ikamamatay ko kapag nawala ka sa ‘kin…”
Naramdaman ni Lahynna ang pag-agos ng luha nito sa kanyang likod. At gustong madurog ng puso niya para sa asawa. Ramdam na ramdam niya ang paghihirap ng loob nito.
“Hindi ako mawawala.” She assured him. Kahit pa hindi rin naman siya sigurado.
Dahil magmula ng maglihi siya ay dumadalas ang breathlessness niya. Hindi niya lang magawang sabihin rito dahil ayaw niyang mag-alala ito. Baka mas maging eager pa itong ipaalis ang baby nila.
“Ipangako mo sa akin iyan.” Giit pa nito na mahigpit na rin siyang niyayakap.
“I promised…”
That was the promise she was sure she might break. Hindi niya alam kung hanggang saan ang kanyang buhay. Pero lalaban siya hanggang sa kaya niya. Lalaban siya para rito at sa magiging anak nila.