NAGING extra careful si Rubick kay Lahynna. Kahit anong tutol niya na kumuha sila ng stay-in maid ay hindi ito napigil. Alam niya, praning lang ang asawa. Pinatigil siya nito sa trabaho para mabawasan ang stress niya. Ayaw naman nitong maiwan siya na nag-iisa sa bahay at gumawa ng mga gawain roon. Parang ayaw na nga din siya nitong pakilusin. Gusto nito na lahat nalang ay idudulot sa kanya. Maski yata pagkain niya, kulang nalang ay subuan siya nito.
“Kailangan ko din naman mag-exercise ano? Kailangan ko ding kumilos kahit magaan lang na bagay.” Giit pa niya nang agawin nito sa kanya ang pitsel at baso dahil kukuha siya ng tubig na maiinom.
“Saka na, kapag malapit ka nang manganak.”
Halos ayaw nang umalis ni Rubick sa tabi niya. Parang ayaw na ding pumasok sa trabaho.
Maayos ang lahat. Nalagpasan niya ang mahirap na first trimester ng pagbubuntis. Maging sa kalagitnaan ng second trimester ay naka-survive siya maski paminsan-minsan sumusumpong ang dibdib niya.
Nang nasa ika-anim na buwan na si Lahynna, dapat ay malaki na ang tiyan niya pero parang bilbil lamang iyon lalo kapag naka-maternity dress siya. Regular ang pagpapa-check up nila sa kanyang OB-Gyne at kahit may mga hint ang doktor niya patungkol sa mapanganib na sitwasyon ay pilit silang nagpapakatatag at naniniwalang malalagpasan din niya ang lahat.
Mas naging tutok si Rubick sa kanya nang pumasok siya sa third trimester ng pagbubuntis. Nang itinigil ang kanyang mga treatment sa kanyang sakit ay naging calculative ang asawa sa alternate na ibinigay sa kanya.
“Dahan-dahan, okay?”
Kasu-kasunod niya si Rubick habang naglalakad sila papunta sa dining. Nangingiti nalang sa kanila si Sally, ang kanilang stay-in house maid. Nasa lababo ito sa kitchen at kitang-kita naman sila roon sa dining dahil hinahati lang ng counter ang dalawang bahagi ng bahay.
“Ang OA naman nito. Parang ang laki-laki ng tiyan ko. Hindi na nga yata lumalaki si baby sa loob.” Natatawang sita niya kay Rubick.
“Better na ang nag-iingat, ano?”
Napailing nalang si Lahynna. Praning talaga itong asawa niya. Pero ang kapraningan nito ang mas na minamahal niya rito.Ipinaghila siya nito ng silya at nang makaupo na siya ay pumuwesto na rin ito sa kabesera. Nagsimula itong magbilin ng kung anu-ano habang dinudulutan siya ng pagkain sa kanyang plato.
“Kumain ka ng madami. Ang payat-payat mo na.” pasitang anito.
“Kapag malaki na si baby, dito siya sa tabi ko pupwesto kapag kumakain.” Sabi ni Lahynna na hindi inintindi ang sinasabi ng asawa.
Para siyang baliw, nangangarap ng gising.
“Bakit diyan? Dito dapat sa kanan ko. Ganon ang set up sa dining.” nakasimangot na sambit nito.
Habang tumatagal ay lumalala ang excitement niya. At alam niyang ganoon rin si Rubick. Madalas nitong haplusin ang kanyang tiyan at kausapin ang kanilang anak. Iyon din kasi ang payo ng doktor. Natatawa nalang siya kapag ang ikinukwento ng asawa ay kung paaano sila nagkakilala o ‘di kaya ay ang pangako nitong tuturuan ng online games ang anak sa oras na ipanganak na sa mundo.
Kahit nagpapa-ultrasound ay hindi nila inaalam ang gender ng anak nila. Gusto nilang maging surprise ang gender no’n. Ang inaalam nalang nila ay kung okay ba ang baby nila. Kung normal ba iyon at walang complication. So, far ay magaganda naman ang resulta.
“Siyempre ako ang magsusubo sa kanya kaya dapat nandito siya sa tabi ko.” Nakalabing saad niya.
“Pwede ko din naman siyang subuan.” Pumitik ito sa hangin. “Kapag lalaki si Baby, dito siya sa kabisera.” Sabi nitong itinuro ang kinapupwestuhan.
“Biased ka. Paano kung babae?” Sinimangutan niya si Rubick.
“Edi dito pa din siya. Siya pa din ang boss.”
Pinagtawanan nalang niya ang sinabi ng asawa. Halatang excited na ito. At ganoon din naman siya.
Nagpatuloy sila sa masayang pagkain. Patuloy din ang asawa sa pagbibilin sa kanya. Pero paulit-ulit nalang ito sa mga sinasabi. Siguro iniisip na baka may nakalimutan pa ito sa mga ibinilin.
“Yes, boss! ‘Yong gagamitin kong shampoo, hindi mo ba ibibilin?” Nangingiting tanong niya rito.
“Ah, oo nga. Bumili ako no’ng bagong brand. Sabi no’ng secretary ko, mas maganda daw ‘yon kesa do’n sa dati mong ginagamit. Teka, nasa bag ko ‘yon, e.”
“Mamaya na nga iyan.” Awat niya rito nang akma itong tatayo.
Sineryoso pala ng loko ang biro niya.
“Baka makalimutan ko. Huwag mo nang gamitin ‘yong dati. Ipapatapon ko na iyon kay Sally.”
Kung minsan ay nagugulat siya kay Rubick. Bigla nalang itong uuwi na may dalang kung anu-ano. Recommended daw ng mga empleyada nitong may asawa na. Basta patungkol sa kanya, handa itong makinig sa advices and recommendations ng mga may malalim na karanasan sa buhay. Pero hindi nawawala ang pagiging maingat.
Matapos ang almusal ay tinulungan na rin niya itong ayusin ang sarili para sa pagpasok sa trabaho. Araw-araw iyon at natutuwa siya dahil feel na feel niya ang pagiging asawa. Matagal na siya nitong pinatigil muna sa trabaho niya sa DJP dahil baka ma-stress daw siya. And she gladly and willingly did. Pumayag ito sa gusto niya kaya maluwag sa dibdib na pumayag rin siya sa gusto nito. Inaabala nalang niya ang sarili sa ibang bagay. Gumawa siya ng account sa blogging site para may mapagkaabalahan. Hindi naman ito tutol. Para na rin daw hindi siya maburyong.
“O, lakad na. Baka ma-late ka.” Pagtataboy niya sa asawa.
Humalik ito sa kanya. Smack lang. Bilang pamamamaalam. Na sa totoo lang ay nakaapat na yata itong pamamaalam pero hindi pa din umaalis.
“‘Yong mga bilin ko, ha? Kapag may hindi maganda sa pakiramdam mo, tawagan mo agad ako. O magpakuha ka agad ng taxi at magpadala sa ospital.”
“Opo. Ang kulit naman.”
Marahang pinisil niya ang matangos na ilong ng asawa. Marami nang nagbago rito. Mas may kumpiyansa na ito. At mas minamahal niya ito sa araw-araw.
“Huwag nalang kaya akong pumasok sa trabaho? Iba kasi ang pakiramdam ko. Baka—”
Natawa siya sa sinabi ni Rubick. Parati namang iba ang pakiramdam nito. “Everything will be fine. Sige na.” Tinapik-tapik niya ito sa braso.
Alanganin pa ang asawa na pumunta sa garahe pero nagpatuloy pa din dahil sa pagtutulak niya rito. Pagkalabas ng sasakyan sa gate na ibinukas ni Sally ay bumaba ang wind shield ng kotse nito para kawayan siya. Gumanti rin siya ng kaway pero sandali lang iyon.
Napatutop siya sa sintido. Nakakaramdam siya ng pagkahilo. Inabot ng isang kamay niya ang hamba ng pinto para doon kumuha ng suporta. Pero nagsimula ring sumikip ang dibdib niya. Napadaklot sa dibdib ang kamay niyang nakatutop sa sintido.
“Belle… anong nangyayari?” Nasa tabi na agad niya si Rubick.
Bago siya tuluyang bumagsak ay nasambot siya ng asawa. Wala na itong inaksayang panahon. Dali-daling ikinarga ni Rubick ang asawa sa kotse at idineretso sa ospital.
IYAK NG IYAK ang ina ni Lahynna sa labas ng delivery room habang pilit itong pinapakalma ng ina ni Rubick. Siya naman ay pilit pinatatatag ang sarili. Gusto siyang takasan ng kaluluwa pero patuloy na lumalaban ang loob. Naroong maya-maya siyang tumayo at maglakad ng paroo’t-parito.
Paano siya kakalma?
Sinabi ng doktor na hindi maganda ang kondisyon ni Lahynna. Tumaas ang blood pressure at dahil may problema ito sa pumping organs ay hindi iyon kayanin. Nagkaroon ito ng hypertension at kinailangang maisailalim sa early delivery. May tsansa ring mag-eclampsia si Lahynna.
Lumalakad palang sa pitong buwan ang tiyan ng asawa. At maliit pa din ang umbok sa tiyan nito kumpara sa normal kaya may duda siya kung pupwede na itong manganak. Gaano lang kaliit ang sanggol sa tiyan nito?
Binalaan na sila ng doktor ng asawa na hindi advisable ang pagbubuntis sa kondisyon ng kalusugan nito pero tumuloy pa din sila. Naisip kasi niyang kung pipigilan niya si Lahynna, baka ma-depressed lang ito. Mas mahirap iyon dahil baka mas mag-detoriate ang kalusugan ni Lahynna.
Sinunod nalang nila ang alternate at advice ng OB-Gyne at physician nito. Akala niya ay maayos ang lahat. Wala naman kasing idinadaing si Lahynna. Ang tanging ipinag-alala niya rito ay nabawasan ang gana nito sa pagkain.At ginagawa naman niya ang lahat para mapunan ang kakulangan nito sa nutrisyon. Sa huli nilang check up, kahut may hint ng pag-aalala ang doktor ay na-assure pa din silang maayos ang lahat dahil wala namang problema kundi ang medyo mababang timbang ni Lahynna. Masigla naman ito maski ganoon.
Kaya ngayong nangyayari ito, bukod sa nagtataka ay higit na natatakot siya. Traydor ang sakit ng asawa. Bukod roon ay malapit ito sa mga complication dahil sa pagbubuntis.
Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pang mangyari ito ngayon. Bakit ngayon pa kung kailan maayos na ang lahat sa pagitan nila? Ngayon pa na masaya na sila at tanggap na niya ang desisyon ng asawa. Na-e-excite na natatakot siya nitong nakaraan pero ngayon. Higit na ang takot niya kaysa sa excitement.He was so afraid she might not make it.
Sa tuwing magkakaaberya si Lahynna ang kapal-kapal ng mukha niyang lumapit sa Diyos. At kailanman ay ‘di siya nabigong pagbibigyan siya Nito.Pero ngayon, ngayon na binago na niya ang kanyang buhay, ngayon na nagpapakaayos na siya, ngayon na ba siya sisingilin ng nasa Itaas sa lahat ng mga naging kasalanan niya? Ang babaeng mahal ba niya ang magiging kabayaran ng lahat ng pagkakamali niya noon?
‘Diyosko! ‘Wag naman po! Ako nalang. Huwag siya. Huwag ang babaeng mahal ko… ‘wag ang anak namin.’
Hindi kinaya ni Rubick ang tensyon. Lumayo muna siya roon at nakita ang sarili na naglalakad papunta sa chapel. Kailangan niyang humiling ulit. Alam naman niyang hindi niya deserve na maging masaya dahil madaming beses siyang nagkamali. Pero sana naman, hindi sa ganitong paraan siya bawian.
“Diyos ko!” Napaluhod siya sa gitna ng mismong altar habang nagsisimula na namang mag-init ang kanyang mga mata. Sumasakit ang lalamunan niya sa pagpipigil na umiyak. “Alam ko pong wala na akong ginawa kundi humiling. At sobrang nagpapasalamat po ako dahil parati Kang sumasagot sa mga kahilingan ko. Hindi Mo ako binibigo. Pero nagmamamakaawa ako Sayo…”
Bumulwak ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata. Napakapit si Rubick sa mga hita habang buong pagkataong nakaluhod sa harap ng altar. Nakatingala sa hapis na imahe ng mukha ng Panginoong nakapako sa krus. Nakatunghay sa kanya. Tila ipinapaunawa kung gaano kahirap ang pinagdaanan nito para lang matubos siya sa kasalanan pero pinili niyang dagdagan pa ang paghihirap nito sa krus.
Natatakot siyang lalo. Dahil baka ito na ang araw ng paniningil…
“Isa pa po, Panginoon. Isa pa pong kahilingan. Diyos ko, huwag Niyo po munang kunin ang asawa ko. Alam ko pong kalabisang hilingin ko Sayo ang mahabang kaligayahan kasama siya dahil sa dami ng mga pagkakamali ko. Pero nagbago naman po ako dahil ibinigay Mo siya sa akin. Nahanap ko ang daan pabalik Sayo dahil sa kanya. Huwag Mo sana akong hayaang maligaw ulit.”
Tuluyan na siyang humagulhol sa harap ng altar. Wala siyang pakialam kung may mapadaan man roon at makita siya. Hindi niya kayang kontrolin ang sarili sa pagmamakaawa sa Itaas. Kahit ano ay gagawin niya, pagbigyan lang siya sa kanyang kahilingan.
Kung may ilang sandali pa siya sa ganoong posisyon. Humahagulhol. Nang may maramdamang tumatapik sa kanyang likuran. Ang kanyang ina.
“Anak, kailangan ka ng asawa mo sa delivery room.”
Pagkarinig sa ina ay agad siyang napakatayo.
“Anong nangyari?”
“Nahihirapang manganak si Hynna, Rubick.” Sabi ng kanyang biyenan. Naroroon rin pala sa loob ng chapel at di niya agad napansin. “Ayaw niyang magpa-CS at takot siya sa operation. Ipinipilit niya ang normal delivery at ikaw ang hinahanap niya.”