Chapter FTCM3: MFTS 22

Tumawa si Edward sa likuran niya. “Siguro naman hindi ka na basta malalapitan ng mga tao ngayon o uusisain. Takot lang nilang mahawaan mo.”

“Salamat, ha?” sarkastiko niyang sabi. Wala naman siyang laban sa mga ito. Ang mga ito na ang nagdedesisyon para sa kanya ngayon.

Dumaan sila sa mga bahayan pero mangilan-ngilang tao lang ang nasa labas. Mabuti na lang dahil hindi niya gusto ang pakiramdam na parang may dala siyang epidemya at pinandidirihan ng lahat.

Hindi alam ng dalaga kung gaano sila katagal na naglakad. Tumawid sila ng hanging bridge at binaybay ang talahiban sa taas hanggang wala na halos bahay silang nadadaanan. Wala na rin sila halos nakakasalubong na tao. Saan ba siya planong dalhin nila Cardo?

“Gusto mo bang magpahinga muna?” tanong ni Cardo na di naman nakakalimot na alalayan siya.

“Malayo pa ba?” tanong ni Beliza at pinunasan ang ng likod ng palad niya ang pawis niya sa noo.

“Konting akyat na lang, Ma’am,” sabi ni Edward.

“Doon na tayo,” sabi ni Cardo at itinuro ang dalawang palapag na bahay. Napapaligiran iyon ng mabababang puno sa paligid.

“Sa orange farm?” tanong ni Beliza.

“Sweet ponkan farm,” pagtatama ni Cardo. “Makakapagpahinga ka na doon.”

This is like a dream.

Maliwanag na ang paligid nang sa wakas makarating sila sa tutuluyan niya. Isang dalawang palapag English cottage type na bahay ang matatagpuan sa gitna ng orchard at may chimney pa.

This is like a dream. Ganito ang pangarap kong bahay dati, kumpleto pa ng sweet ponkan orchard.

Napag-usapan nila iyon ni Cardo noong boyfriend pa niya ito. Ito pa nga ang nag-drawing para sa kanya. Weird lang na makita ang lugar na iyon sa Lias. May ganoon ba kagandang safehouse?

Napasin niya na bagong gawa ang bahay. Parang ilang buwan pa lang naitatayo. “Kaninong bahay ito?” tanong ni Beliza nang makapasok sa loob ng bahay.

“Kay Bok Cardo,” sagot ni Edward.

Nilingon niya si Cardo. “Sa iyo?”

Tiningnan lang siya nito at di tumango. Parang ayaw nitong malaman niya kung kanino ang bahay na iyon. Parang natatakot din itong magsalita.

“Sabi niya dito ka daw niya dadalhin,” dugtong ni Edward na ngingisi-ngisi.

“Bok!” saway dito ni Cardo.

“Sabi mo dito mo dadalhin ang babaeng mahal mo at pakakasalan mo kasi pangarap niyang magkaroon ng sweet ponkan farm. Di ba siya iyon?” At itinuro siya ni Edward

“Ha?” bulalas ng dalaga. Siya ang babaeng mahal ni Cardo? Ipinagpatayo siya nito ng dream house niya? Mahal pa rin siya nito hanggang ngayon?

“Ikaw ang girlfriend niya ngayon. Ito naman si Ma’am, kunwari lang.”

Kunwari langh pero bakit parang totoo? Coincidence lang na kapareho ng lugar na iyon ng dream house niya?

“Doon ang kuwarto mo sa taas,” untag ni Cardo sa kanya. Sumunod siya dito nang umakyat ito ng hagdan. Kombinasyon ng white at royal blue ang pintura ng silid. May kama sa tabi ng bintana at gawa sa narra ang cabinet.

Binuksan ni Cardo ang bintana. “Maganda ang view dito. Makikita mo ang ilog dahil mataas ang lugar at ang bukid.”

“Kailangan ba ninyo akong dalhin dito?” tanong ng dalaga at ipinamaywang ang isang kamay. “Usapan natin sa Seaworld ako ihahatid paglabas ko ng health center.”

“Nagdesisyon si Manang Lourdes at Manong George na sumama ka sa amin sa isang ligtas na lugar,” anang si Cardo at itinali ang kurtina para mas makita niya ang tanawin.

“Nagdesisyon sila nang di sinasabi sa akin?” tanong niya sa mataas na boses.

Humugot ng malalim na hininga ang lalaki. “Dahil alam nila na ipipilit mo ang gusto mo. Hindi ka ligtas sa Seaworld kahit na nasa harap ng presinto. Nasa pampublikong lugar ka pa rin. Hindi ka makakagalaw kung gusto mo. At hindi ka maaalagaang mabuti ng mga tao doon dahil may alaga din silang bata at may negosyong inaalala. Kundi ka sasama sa amin, mapipilitan silang pauwiin ka sa Bauko sa pamilya mo.”

“Ayoko,” tanggi niya at mariing pinagdikit ang mga labi.

“Alam mo na ngayon kung bakit ka nandito,” kaswal na sabi ni Cardo. “May privacy at di basta mapupuntahan ng mga tao. Makakapaglakad-lakad ka pa sa may orchard kung gusto mo. May duyan sa labas. Makakapag-relax ka. Pwede ka ring mag-review dahil tahimik dito. Walang manggugulo sa iyo na kapitbahay. Hindi ka masusundn dito. Di tulad sa Seaworld Inn na kundi ka mag-aalala na pagbabantaan ka ng stalker mo, baka hanapin ka ulit ng reporters at fans ni Jeyrick. Hindi ka nila mahahanap dito. Ligtas ka dito.”

Pinagsalikop ni Beliza ang palad at umupo sa kama. Kailangan niyang kumalma. Wala namang masamang intensiyon si Cardo o ang pamilya niya. Gusto lang ng mga ito na ligtas siya. Ano ba talaga ang ikinakatakot niya? Di naman siya gagawan ng masama ni Cardo. Gentleman naman ito. Ano bang problema sa kanya?

Kumatok si Edward sa pinto at pumasok dala ang mga gamit niya. “Magpapaalam na ako. Uuwi muna ako sa Natonin.” Sa susunod na bayan ang Natonin.

Naalarma si Beliza. “Anong gagawin mo doon?”

“Kailangan ko nang ibalik ang sasakyan. Kung may susunod man, pwede ko silang iligaw. Pwede nilang isipin na doon ka nagtago,” paliwanag ni Edward.

“Kaming dalawa lang ni Cardo dito?” Kapag silang dalawa lang, lalayasan talaga niya ito. Hindi siya papayag. Kasehodang maglakad siya paalis ng Lias.

“Dadating ang pinsan kong si Lilybeth para samahan ka. Huwag kang mag-alala. Siya lang naman ang nakakaalam kung sino ka talaga. Mapagkakatiwalaan siya,” sabi ni Cardo. He looked at her with kind eyes. Sinasabi nito na wala siyang dapat ipag-alala.

“Mabuti naman,” taas-noo niyang sabi.

“Paano? Maiwan ko muna kayo, mga lovebirds,” sabi ni Edward.

Ihinatid ito ni Cardo sa labas. Di na siya pinalabas nito. Madilim ang mukhka niya nang bumalik. “Alam ba niya ang tungkol sa atin?” tanong niya sa lalaki.

“Anong tungkol sa atin?” maang-maangang tanong nito.

“Na ex-girlfriend mo ako.”

Umiling ito. “Wala akong sinasabi.”

Minulagatan niya ng mata ang lalaki. “Bakit alam niya na gusto kong magkaroon ng sweet ponkan orchard dati?”

Natigagal si Cardo. “Ano?”

Parang mali yata ang pagkakatanong niya. Di talaga siya nag-iisip minsan. “S-Sabi niya binili mo para sa akin.”

“Iniisip mo na ikaw ang babaeng mahal ko?” bahagya pang natatawang tanong nito.

“Kung hindi, bakit kamukha ito ng plano nating bahay na pina-drawing ko nang tanungin mo kung ano ang dream house ko,” katwiran naman niya.

“Hindi ba pwedeng nagustuhan ko lang ang design?” Tinapik nito ang dingding. “Hindi lang naman ito ang unang design na ganyan.”

“Pero dream house ko ito,” angil niya at ipinadyak ang paa.

“Ano ang problema kung kapareho ito ng dream house mo?” tanong nito at bahagyang umuklo sa harap niya para magpantay ang mukha niya.

Nanginig ang labi ni Beliza. Pakiramdam niya ay lumalalim ang hukay na pinagbaunan niya sa sarili niya. Itatanong ba niya kay Cardo kung mahal pa siya nito? Bakit pa? Para saan pa?

Tumalikod siya. “Matutulog na ako. Sumasakit na ulo ko sa antok.”

“Hindi ka ba kakain muna ng agahan? Magluluto ako.”

“Hindi. Matutulog na ako.” Di na siya nag-abalang lingunin ito.

“Sige. Sabihin mo lang kapag may kailangan ka. Sweet dreams.”

Di na siya sumagot at nagmamadaling umakyat na parang hinahabol siya ng sampung kabayo. Habol niya ang hininga nang makapasok sa kwarto at isinara ang pinto. Nandito siya sa bahay na kamukha ng dream house nila ni Cardo. Sila ni Cardo sa iisang bahay at magpapanggap siyang girlfriend nito?

At nagpapanggap din akong girlfriend ni Jeyrick. Kailan ba ako magkakaroon ng totoong boyfriend? This is pathetic.

Torture pa para sa kanya ang kwento ni Edward. Imbento lang iyon. Ano ngayon kung itinayo ni Cardo ang bahay na ito para sa babaeng mahal nito o mamahalin nito?

Labas na siya doon. Break na sila. Pero bakit apektado pa rin siya? Bakit kailangang sa Lias pa siya dalhin ni Cardo kung saan marami silang alaala?

She needed to wake up from this nightmare. Mababaliw na yata siya. Pwede bang paggising niya ay bumalik na siya sa normal na buhay? Na hindi si Jeyrick si Carrot Man at hindi nakadestino sa Barlig si Cardo.

Kung pwede lang sana.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.