Chapter FTCM3: MFTS 23

“MARAMI na talagang halang ang kaluluwa ngayon. Kahit sa ganitong lugar na maayos at tahimik hindi ka na ligtas,” sabi ni Lilybeth habang nililinis ang sugat ni Beliza. Nasa sala sila at katatapos lang kumain at maligo sa tulong nito.

Si Lilybeth na ang bumungad sa kanya nang magising ang dalaga. Nakahanda na ang pagkain niya nang gumising siya bandang tanghalian. Umuulan na noon at pasulpot-sulpot lang si Cardo dahil may kinukumpuni daw ito sa labas ng bahay. Ipinakilala lanh nito si Lilybeth sa kanya.

Mabait si Lilybeth at masayang kakwentuhan. Galing ito sa Hong Kong kung saan nagtatrabaho bilang English tutor at nasa Pilipinas para magbakasyon. Hindi na siya naiilang na manatili sa bahay ni Cardo dahil may iba na silang kasama. Ito na ang tumulong magpakain sa kanya at magpaligo. Kaya naman ipinagpapasalamat niya ang presensiya nito dahil di niya ma-imagine kung si Cardo ang mag-a-assist sa kanya. Baka di na lang siya kumain at maligo.

"Pasensiya na. Pati ikaw binulabog ni Cardo para lang bantayan ako," nahihiya niyang sabi.

"Wala iyon. Gusto ko lang makatulong. Di ka na iba sa akin. Girlfriend ka ni Cardo."

"Ni Jeyrick," pagtatama niya. "Ibang pinsan mo ang boyfriend ko."

Saglit itong natigagal at tumawa. "Ang ibig kong sabihin, ikaw ang girlfriend ni Cardo habang nagtatago ka dito sa Lias. Kailangan kong masanay dahil marami ang mag-uusyoso tungkol sa iyo. Paano kung madulas ako at masabi kong ikaw ang girlfriend ni Jeyrick? Malalagay pa sa alanganin ang seguridad mo."

"Ahhhh!" usal niya at tumango. "Hindi ba sila maghihinala kung bakit biglang nagka-girlfriend si Cardo o may girlfriend talaga siya sa ibang lugar?"

She was fishing for information. Hindi niya alam kung tama na mag-usisa siya sa love life ni Cardo.

"Wala namang ikinukwento ang lalaking iyan. Masyadong mahal ang trabaho niya. Ang alam ko lang, may naging girlfriend siya noong college. Nag-request pa nga na magpadala ako ng malaking Toblerone para daw ibigay sa girlfriend niya."

Nahigit ng dalaga ang hininga. Nakatanggap siya ng Toblerone mula dito dati. Nag-away pa nga sila ng kapatid niya dahil inubos. Pinagtawanan lang siya ni Cardo at sinabing chocolate lang iyon. Di nila dapat pag-awayan ng kapatid niya. Pero big deal iyon sa kanya dahil galing kay Cardo.

"Ilan ang pinadalhan niya ng Toblerone?" tanong niya.

"Huh?" usal ni Lilybeth at maang siyang tiningnan. "Bakit mo naman natanong?"

"W-Wala. Paborito ko lang ang Toblerone."

Sumilip ng sala si Cardo mula sa kusina. May bitbit itong mga damit. "May palalabhan pa ba kayo?"

Nanlaki ang mga mata ni Beliza. "Sandali. Damit ko 'yan." Tumayo siya at nilapitan ito. "Bakit nasa iyo 'yan?"

“Maglalaba ako kaya isasabay ko na.”

Namanhid ang mukha niya. Kinuha nito ang lahat ng damit niya na naiwan sa banyo? “Hindi pwede. Ako na ang maglalaba niyan. Bantay kita, hindi labandero.”

“Kaya ko naman labhan. Isasabay ko na sa ibang labahin ko.”

“Ako na ang bahalang maglaba. Kaya ko na...” At hinablot ang damit dito.

Hindi iyon pinakawalan ni Cardo. “Paano kung dumugo ‘yang sugat mo?” tanong nito sa naghahamong tono. “Hilig mo talaga ang sinasaktan ang sarili mo.”

“Kaysa naman ikaw ang maglaba ng underwear ko!” sigaw niya dito.

Natulala si Cardo sa kanya at tiningnan ang hawak na damit. Parang nag-aalangan ito kung ibibigay ang damit sa kanya o ipipilit pa rin nito na ito ang maglalaba. Narinig niya ang paghagikgik ni Lilybeth sa likuran niya.

Napilitan siyang bitawan ang damit. Nakakainis! Ipinagsigawan pa niya kay Cardo. Nawala sa isip niya na may ibang tao silang kasama. Why did he like bringing out the worst in her?

“Beliza, hayaan mo na si Cardo na maglaba ng damit mo,” suhestiyon ni Lilybeth.

Nilingon niya ang babae. “Pero...”

“Cardo, hayaan mong mamili si Beliza kung ano lang ang palalabhan niya sa iyo.”

Saka lang napilitang ibigay ng lalaki ang damit sa kanya. Padaskol niyang kinuha iyon mula sa lalaki at tumalikod para kuhanin ang underwear niya. Napaka-clueless ba ni Cardo at di nito naisip na personal na ang underwear?

Humarap siya sa lalaki para ibalik ang damit na lalabhan nito at inilagay sa likod ang underwear niya. “Heto na. Thank you.”

“Basta kung kailangan mo ng tulong sa paglalaba ng iba, sabihin mo lang sa akin,” anito sa nag-aalalang mga mata.

“Hindi naman siguro,” sabi niya.

“Sige na. Maglaba ka na. Sana sinabi mo, marami pa sa bahay,” pagtataboy ni Lilybeth.

“Si Beliza lang ipaglalaba ko,” sabi ni Cardo at iniwan sila.

Inabot ni Lilybeth sa kanya ang maliit na palanggana. “Dito mo muna ilagay ang mga lalabhan mo. Mamaya ka na maglaba at linisin natin ang sugat mo.”

“Salamat,” sabi niya at umupo ulit sa sofa.

“May problema ka ba sa pinsan ko?”

“Ha?” usal niya at inangat ang tingin kay Lilybeth. “Kay Jeyrick?”

“Kay Cardo. Parang... Ayaw mo sa kanya.”

“W-Wala. Medyo weird lang ako dahil.... Dahil sa mga nangyayari nitong nagdaang mga araw. Nabulabog kami ng mga reporter at maraming babaeng naghahanap kay Jeyrick. Muntikan na akong mamatay. Tapos nandito ako sa isang isolated na lugar.” Nagpapanggap na girlfriend ng ex-boyfriend niya. “Wala akong personal na problema kay Cardo. Promise!”

“Sabi mo e,” anito at nagkibit-balikat. “Pwede ka nang mag-review habang nagluluto ako ng miryenda. Gusto mo ng maruya?”

Tumango siya. “Gusto ko. Favorite ni Cardo iyan,” biglang nanulas sa dila niya.

“Ahhhh! Mukhang wala naman akong dapat ipag-alala sa inyo. Mukha naman kayong close.” At nakita niya ang hinala sa mga mata ni Lilybeth bago ngumiti.

Gusto niyang kuskusin na rin ng sabong panlaba ang sarili habang nilalabhan niya ang underwear niya. Bakit ba naalala pa niya ang paborito ni Cardo?

Malakas lang ang memorya ko. Walang ibang ibig sabihin iyon. Wala! Wala! Wala!

Lumabas siya para magsampay ng damit at naabutan si Cardo na nagkukusot ng damit habang kumakanta ng Till I Met You. Malakas pa rin ang buhos ng ulan sa labas pero wala itong pakialam. Basta magko-concert ito.

Tumigil siya at pinanood lang ito habang nakaupo sa harap ng malaking batya. T-shirt niya ang nilalabhan nito. Pumitlag ang puso niya nang ngumiti ito. Na parang may masaya itong naaalala. Siya ba ang naiisip nito? Kung totoo ang biro ng kasamahan nito na ipinatayo nito ang bahay para sa kanya- sa babaeng mahal nito - masaya ba ito na magkasama sila ngayon?

Tinalikuran niya ito at dali-daling umakyat sa kuwarto niya. Doon na lang siya sa kuwarto niya magsasampay. How could her heart react to him like this? May problema yata siya dala ng pagkakasaksak sa kanya.

Hindi. Ganito na siya mula nang bumalik si Cardo sa buhay niya.

Malungkot niyang pinagmasdan ang bumabagsak na ulan. She was trapped here with him. Sana maka-survive ang puso niya. Ayaw na niyang saktan na naman ni Cardo. Mas ligtas ang puso niya kay Jeyrick.

Kapit lang, puso. Madala ka na. Huwag ka nang ma-fall na naman kay Ricardo Chogsayan. Uuwi ka na namang luhaan, basang-basa sa ulan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.