HINDI mapakali si Beliza habang palakad-lakad sa sala. Isang oras na ang nakakalipas pero di pa rin bumabalik si Cardo. “Nasaan na ba iyon?”
“Kumukuha ng yakon na request mo,” sabi ni Lilybeth na nanonood ng TV. “Baka nagpapatila lang ng ulan.”
“Saan pa ba siya kukuha ng yakon?”
“Sa gubat meron no’n.”
“Paano kung may masamang mangyari sa kanya? Baka sinugod siya ng mabangis na hayop o kaya nadulas at nalaglag sa bangin. O baka naman natagpuan siya ng stalker ko,” usal niya at tumigil sa paglakad.
“Di naman siguro,” sabi nito at ngumuso sa mangkok ng French fries na niluto nito. “Ikain mo na lang iyan.”
Sinabunutan niya ang sarili. “Hindi na siya dapat umalis. Kasalanan ko ito kapag may nangyaring masama sa kanya. Hindi ko na dapat ginawang isyu ‘yung isda na bigay ng fans niya. Sana nag-thank you na lang ako. Nainis yata siya sa akin.”
“Kahit naman yata anong gawin mo di maiinis si Cardo sa iyo,” sabi ni Lilybeth at sumubo ng French fries. “Parang handa siyang gawin ang lahat para sa iyo. Kahit hindi na parte ng trabaho niya, gagawin niya para sa iyo.”
“Baliw siya para gawin iyon,” sabi niya at pumunta sa kusina. Binuksan niya ang refrigerator at nakita ang chalet sa freezer.
Inilabas niya iyon nang maabutan siya ni Lilybeth. “Anong ginagawa mo?”
“Maglilinis ng chalet. Pwede mo ba akong tulungan? Ano sa palagay mo ang gustong luto ni Cardo dito?”
“Akala ko ba ayaw mo niyan dahil bigay ng mga babaeng may gusto sa kanya?” nakataas ang kilay na tanong ng babae.
“Hindi ko dapat ginawa iyon kahit totoong girlfriend pa ako ni Cardo. Pero pwede ko naman siyang kausaping mabuti. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ginawa ko iyon. Baka naman nahusgahan ko agad sila.”
“Pero naiintindihan kita,” sabi ni Lilybeth sa magaang boses.
“Talaga?” tanong niya.
“Oo. Tutulungan na lang kitang magluto. Pasasarapin natin.”
Nililinis ni Lilybeth ang chalet at naghihiwa naman ng gulay si Beliza nang bumukas ang pinto sa harapan. Iniwan niya ang ginagawa at tumakbo sa sala.
Nakatayo sa pinto si Cardo. Basang-basa ang suot nitong T-shirt at pantalon. Nakangiti nitong ibinuka ang mga bisig. “Beliza, heto na ang yakon mo.”
Sinugod niya ito ng yakap. Wala siyang pakialam kahit na basa ito at mabasa din ang damit niya. She was just gla d that he was alive. “Mabuti bumalik ka na. Nag-alala ako sa iyo.”
“Diyan lang naman ako sa gubat naghanap ng yakon. Nahirapan lang ako dahil inabutan ako ng ulan.”
“Sana bumalik ka na agad nang umulan.”
“Aba! Papayag ba naman akong di gumaling ang bulutong ng girlfriend ko?”
Kumalas siya sa pagkakayakap nito at hinampas ang dibdib nito. “Sira! Huwag ka nang uulit. Nag-alala ako sa iyo.”
“Thank you,” sabi nito at pinisil ang ilong niya. “O! Huwag ka nang magseselos ha?”
“Hindi ako nagseselos. Mukha mo!” Pinanlakihan niya ito ng mata. “Kaya nga niluto ko na ang chalet na dala ng mga fans mo.”
“Akala ko ba ayaw mo dahil baka sumakit ang tiyan mo?” tanong ng lalaki.
“I overreacted. Di na mauulit.”
“Magpalit na kayo ng damit dahil pareho na kayong basang dalawa,” singit naman ni Lilybeth. “Ang dami ninyong drama.”
Natawa nalang sila ni Cardo. Masaya lang siya na nakabalik na ito nang ligtas.
“I WILL teach you Krav Maga.”
“Krav Maga?” tanong ni Beliza at kinusot ang mata.
Nasa bakanteng kuwarto sila sa baba na malapit sa kusina. Nakalatag ang rubber mat sa baba at may kicking bag na nakasabit sa isang gilid ng kuwarto. Ginawang training room ni Cardo ang kuwartong iyon para makapag-practice marahil ito.
“Isang form ito ng martial arts na galing sa Israel. Tuturuan lang kita ng praktikal na paraan kung paano mo madedepensahan ang sarili mo.”
Ipinaliwanag ng lalaki sa kanya na pwede niyang magamit ang mga technique sa mas malaki, mas matanda o mas maganda ang pangangatawan sa kanya. Kailangan lang niya ng bilis at tamang paraan para mapuruhan ang kalaban.
“Kailangan ko ba talagang gawin ito ngayon?” Nilingon ni Beliza ang sugatang braso. “Hindi pa magaling ang sugat ko.”
Pang-apat na araw na niya sa bahay ni Cardo. Nae-enjoy niya ang pananatili doon dahil parang bumalik siya sa normal niyang buhay. Wala siyang kailangang alalahanin. Nakakapag-review siya kasama si Cardo, nakakapagkwentuhan sila ni Lilybeth at oras na sana para manood sila ng teleserye ng dalaga sa hapong iyon.
Nang banggitin ng binata sa kanya ang tungkol sa pagdepensa sa sarili niya, pakiramdam niya ay nagising siya sa isang panaginip. Hinihila siya nito sa realidad at sa pagiging Carrot Man ni Jeyrick.
“Kailangang matuto kang depensahan ang sarili mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon maswerte ka gaya nang nakaraang natakasan mo ang gustong pumatay sa iyo. Hindi sa lahat ng pagkakataon nasa tabi mo ako para depensahan ka.”
Nanginig ang labi ni Beliza. Ilang araw pa lang silang magkasama ni Cardo pero nasanay na siya na lagi itong nakaalalay sa kanya. Pero tama ang binata. Di pwedeng nakadepende lang siya dito. Nakadepende sa sarili niya ang kaligtasan niya.
Tumango siya. “Sige.”
Naging seryoso lalo ang mukha nito. Hindi ito ang Cardo na laging nang-aasar sa kanya. He was a police enforcer now. Her protector. At kailangan aralin ang lahat ng ituturo nito. Naging seryoso na rin si Beliza.
“Una kong ituturo sa iyo ang tamang pagsuntok. Malaking damage ang magagawa ng suntok sa kalaban sa tamang lugar. Kinuha nito ang kaliwang kamay niya at ikinuyom. “Pareho nating sasanayin ang braso mo. Hindi lang natin masyadong pahihirapan ang kanang kamay mo sa ngayon.”
Tumango siya at lumunok. Simpleng hawak lang nito sa kanya pero parang may kuryente nang dumadaloy sa katawan niya.
Focus, Beliza! Focus!
Nagulat siya dahil si Cardo pala ang nag-uutos niyon sa kanya. Iginigiya nito ang kamay niya kung paano ang tamang pagsuntok. “Kailangan ng buong atensiyon mo kapag kaharap mo ang kalaban.”
Hindi niya ininda ang sakit na nararamdaman niya. Naranasan na niya ang totoong pag-atake. Nasaktan siya pero napilitan siyang lumaban. Mas mataas ang survival niya kung matututo siyang depensahan ang sarili.
Tinuruan siya ng binata kung paano ang tamang pagsuntok at ang tamang pagsipa. Simple lang iyon noong una pero kailangan niyang lagyan ng puwersa kalaunan para mas maging epektibo sa pakikipaglaban. She wanted to call Cardo heartless. Gusto niyang magreklamo pero alam niyang di ito nakikipaglaro sa kanya.
Makalipas ang dalawang oras ay tumatagaktak na ang pawis ni Beliza. Habol na rin niya ang hininga pero mas masigla na siya at mas focus.