Chapter FCM4: FMBYS 33

MAHIGPIT ang kapit ni Paloma sa kamay ni Jeyrick habang tinatalunton nila ang pathwalk papunta sa bahay ng binata. Pumayag siyang isama dito sa pagdalaw sa bahay ng pamilya nito. Sabado noon at wala daw pasok ang mga kapatid nito. Dadalaw din daw ang kapatid nitong si Charlene at ang pamangkin nito na madalang mangyari dahil sa ibang bayan na nakatira ang babae.

Nakasuot ng baseball cap si Paloma at nakapusod ang mahabang buhok. Nagsuot din siya ng mask habang si Jeyrick naman ay nakasuot ng hood at naka-shades. Gusto ng dalaga na maging pribado ang pagsasama-sama ni Jeyrick at ang pamilya nito. Mas kaunti ang nakakaalam tungkol sa kanya, mas mabuti.

Mapagkakatiwalaan naman daw ang pamilya nito at hindi basta-basta ipapaalam sa iba ang presensiya niya. Iyon ang pangako ng binata sa kanya.

“Nilalamig ang kamay mo,” puna ni Jeyrick.

“M-Malamig kasi ngayon,” sabi niya at tiningala ang asul na langit. Tumila na ang ulan at tumatagaktak ang pawis niya dahil sa paglalakad mula kanina. Tumila na ang ulan at alas otso pa lang ng umaga pero mainit na ang araw.

“Heto nga at pinapawisan ka,” sabi ng lalaki at pinunasan ng palad ang pawis niya sa noo. “Baka namn may sakit ka.”

“Wala,” kaila niya. “Malamig pa rin dito kahit na pinapawisan ako.”

Kinakabahan ang dalaga sa reaksyon ng pamilya nito kapag nalaman na nobya na siya ng binata. Paano kung ayaw ng mga ito sa kanya? Paano kung mas gusto ng mga ito ang katulad ni Beliza na mas simple. Iyon naman ang madalas na gusto ng pamilya; kung sino ang matalik na kaibigan at laging naroon sa tabi ng isang tao, iyon ang madalas na magustuhan ng pamilya para makatuluyan.

“Matutuwa si Mama kapag nakita ka,” bulong ni Jeyrick sa kanya. “Tuwang-tuwa siya kapag nakikita ka sa TV. Sabi niya dati ka daw nakadalaw sa Kadaclan kaso wala naman naniniwala sa mga kamag-anak namin na di tagadito.”

“Pwede naman kaming magpa-picture at I-post niya sa Facebook.”

“Di naman de camera ang cellphone namin at walang Facebook si Mama. Ako nga noong isang taon pa yata nag-Facebook at walang gaanong picture. Sabi nga sa akin ng kaibigan kong si Beliza dinosaur na ako,” anito at tumawa. “Madalas ako sa bukid kaya walang signal. Aanhin ko naman ‘yung Facebook? Pero magiging masaya si Mama kung may picture kayo. Ipapa-print ko na lang para sa kanya kung okay lang sa iyo.”

“Jeyrick, wala akong planong itago na kilala ko ang pamilya ninyo o magkaibigan tayo dati pa.”

“Hindi naman para sa sarili niya kapag ipinagmamalaki ka ni Mama. Di ka na ibang tao sa kanya. Masaya siya sa narating mo.”

Yumuko lang si Paloma nang makita ang matandang lalaki na makakasalubong nila. Alam na ng buong mundo kung ano ang koneksyon nilang dalawa. Wala na siyang dahilan para itago. Isa pa iyon sa ikinatatakot niya.

“Baloy! Sino ‘yang kasama mo,” anang isang kapitbahay ni Jeyrick na nagsisibak ng kahoy. “Girlfriend mo iyan?”

Tumawa lang si Jeyrick at kumaway saka nagpatuloy sa paglalakad. May nakakilala kay Jeyrick. “Malakas ba ang signal ng TV dito?”

“Sakto lang. Iniisip mo ba na may makakakilala sa iyo? Naka-mask ka na nga.”

May TV ang mga tao sa Ogo-og at kahit paano ay may nasasagap na signal sa mga bahayan. It was just a matter of time before someone would tell them. At pakiramdam ng dalaga ay nakalagay sa alanganin ang bagong relasyon nila ni Jeyrick. Humigpit ulit ang pagkakakapit niya dito. Ayaw niyang mawala si Jeyrick sa kanya lalo na ngayong alam na niyang mahal siya nito.

Tumigil sila sa harap ng bahay ni Jeyrick. Dalawang palapag iyon at gawa sa kahoy. Natanaw nila ang dalawang bata na nagsusulat sa notebook. Kumatok ang binata para makuha ang atensiyon ng dalawa.

“Kuya! Nandito na si Kuya,” sigaw ng dalawa at niyakap ang binata.

“Kuya Jey, may pasalubong ka po?” tanong ng batang lalaki na hula niya ay mag-a-anim na taon na. Ito marahil si Jerwin, ang bunso nila Jeyrick.

Ginulo ni Jeyrick ang buhok nito. “Meron. Siya,” sabi nito at ngumuso sa kanya. Puno ng kuryosidad siyang tiningnan ng dalawang bata.

Hinubad ni Paloma ang face mask at ang cap. “Hello.”

Nanlaki ang mga mata ni Anjel, ang bunsong babae sa pamilya ni Jeyrick at walong taon na. “Ikaw po ‘yung kumakanta sa TV. ‘Yung babaeng kasama lagi ni Thirdy Concepcion. Ikaw po ‘yung crush ni Kuya.”

“Kamukha lang niya, Ate. Bakit po magkakaroon ng tao sa TV dito? Sira ang TV natin,” sabi ni Jerwin.

“Sa ibang TV ako lumabas at naglakad ako papunta dito. Sinundo ako ni Kuya Jeyrick,” sagot naman ni Paloma at sinakyan ang tanong ng bata.

“Ikaw po ba talaga si Paloma Escalante?” namamangha pa ring tanong ni Anjel.

Tumango ang dalaga at umuklo sa harap nito. “Anjel, di mo na ba ako naalala? Ako si Ate Paloma. Magkalaro pa tayo noong bata ka pa.”

“A-Akala ko po hindi totoo iyon. Ikinukwento lang po sa akin ni Kuya Jeyrick kapag nakikita ka niya sa TV. Pinagtatawanan po ako ng mga kaibigan ko kapag sinasabi ko iyon,” kwento ng batang babae.

“Gusto mo magpa-picture pa tayo at ipakita mo sa kanila.” Niyakap at hinalikan ito sa pisngi. “Ang laki-laki mo na.” Binalingan niya si Jerwin na nakatitig sa kanya. “Ikaw siguro si Jerwin. Hello. Mas pogi ka kay Kuya Jeyrick.”

“Di po ba ninyo ako nakalaro noon?” malungkot na tanong ni Jerwin.

“Hindi. Di ka pa kasi ipinapanganak noon,” sabi niya at hinaplos ang buhok nito. “Pero pwede naman tayong maglaro ngayon kung gusto mo.”

“Naku! Baka sumuko ka sa mga iyan,” sabi ni Jeyrick. “Makukulit ang mga iyan.”

“Okay lang. Nakaka-miss naman na may kalarong bata,” sabi niya. “Nami-miss ko tuloy ang kapatid ko.”

Nami-miss niya ang kapatid niyang si Kitty. Apat na taon na ito at nasa Cotabato. Nakapag-asawa ang nanay niya ng taga-Cotabato. Kahit na gusto niyang mapalapit sa batang kapatid, mas gusto niya na tahimik ang buhay nito sa Cotabato at magkaroon ng normal na pamilya.

“Nasaan sila Mama?” tanong ni Jeyrick.

“Naliligo po. Si Kuya Charles po at Ate Aiza nag-ani ng cassava,” paliwanag naman ni Aiza. “May ipapatikim daw po ba na bagong luto si Kuya.”

“Kuya Jeyrick! Kuya Jeyrick! Totoo ba na may dala kang girlfriend?” hangos na tanong ng isang lalaki na may dalang sako. “Si Ate Beliza ba?”

“Friends nga lang sila. Ako unang makakaalam kung may girlfriend na si Kuya Jey,” sabi naman ng isa pang babae dito.

“Hello, Aiza! Hello, Charles!” bati ni Paloma sa mga ito at kumaway sa mga kapatid ni Jeyrick.

“Ate Paloma!” Niyakap siya ni Aiza. “Nandito ka talaga!”

“Dalagang-dalaga ka na. Si Charles binata na,” sabi niya.

“Ate Paloma,” usal ni Charles at napakamot sa ulo. “Natalo tuloy ako ng singkwenta pesos. Akala ko si Ate Beliza.”

“Di na kita sisingilin ng fifty basta ipagluto mo ng masarap na pagkain si Ate Paloma. May bisita tayong celebrity,” excited na sabi ni Aiza na mas matangkad na sa kanya.

Sumaludo si Charles. “Ako ang bahala diyan.”

“Bakit parang nagkakaingay kayo?” tanong ng nanay ni Jeyrick na si Ronalee at pumunta sa sala. Tinutuyo pa nito ang basang buhok dahil kaliligo lang.

“Ma, nandito po si Ate Paloma,” sabi ni Charles.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.