“Paloma? Paloma Escalante?” gulat na usal ng babae at natigagal sa kanya.
Nagmano si Paloma dito. “Tita Ronalee, good morning po. Kumusta na po kayo?”
Niyakap siya nito. “N-Nandito ka nga. A-Akala ko nakalimutan mo na kami dahil sikat na sikat ka na.”
“Imposible pong mangyari iyon. Pero pasensiya na po kung di ako nakakadalaw.”
“Huwag mong isipin iyon. Alam naman namin na malayo na ang narating mo at masaya kami para sa iyo,” sabi nito at hinaplos ang buhok niya. “Lalo ka pang gumanda. Ni hindi man lang namin napaghandaan ang pagdating mo. Kita mo nga di man lang namin naayos itong bahay. Si Jeyrick kasi…”
“Tita, huwag po ninyo akong intindihin,” sabi niya. “Kahit po anong itsura ng bahay ninyo wala pong problema sa akin. Si Tito Melvin po?”
“Nasa bukid pa. Sa isang linggo pa siya dadalaw dito. Bigla na lang kasing umuwi itong si Jeyrick at nakipagpalit kay Jensen na magbantay ng taniman ng kape. Mamaya nandito na rin si Charlene at ang apo namin,” paliwanag ni Ronalee.
“Naunahan na ni Ate Charlene si Kuya Jey,” natatawang sabi ni Aiza. “May hinihintay yata siya.”
Nagkatinginan sila ni Jeyrick at isang lihim na ngiti ang pinagsaluhan. Pumapayag siyang sabihin nito ang relasyon nila sa pamilya nito. May tiwala siya sa mga ito. Ayaw na rin niyang tratuhin siya ng mga ito na parang ibang tao o bilang artista. Gusto niyang tratuhin ng mga ito bilang isang kapamilya.
“Paano pala kayo nagkitang dalawa? Wala ba siyang shooting?” tanong ni Ronalee.
“Dumalaw po siya kay Ma’am Fe. Ako po ang sumundo sa kanya. Bakasyon po niya ngayon at umiiwas muna siya sa ibang tao para makapagpahinga,” paliwanag ni Jeyrick. “Kaya kung pwede po huwag po muna nating ikalat sa iba na nandito si Paloma.”
“Walang problema. Wala kang aalalahanin dito sa amin,” sabi ni Ronalee. “Mahirap sigurong maging artista at laging dinudumog ng mga tao.”
“Nagpapasalamat naman po ako na may mga tao pong humahanga sa akin. Sila po ang dahilan kaya may trabaho ako. Pero siyempre po gusto ko naman po na makasama kayo nang wala pong ibang nagpapa-picture. Matagal po kayong di nakita kaya po gusto ko pong sulitin na magkakasama tayo,” paliwanag niya.
“Tikman mo itong cake na niluto ko, Ate Paloma,” sabi ni Charles at inilapag ang cupcakes sa harap niya. “Sa akin ipinamana ng tiyuhin ko ‘yung de uling na oven niya sa bakery. Doon po kasi ako nagtrabaho para makatulong din sa gastusin dito sa bahay. Nilinis ko lang pagdating dito. Sinubukan kong mag-bake.”
Tinikman niya ang cheese cupcake. Nag-thumbs up siya habang puno pa ang bibig. “Ayos na ayos! Pwede ka nang magtayo ng bakery dito.”
“Gusto ko nga sana dahil wala namang bakery sa buong Barlig. Ang mga tinapay namin nanggagaling pa sa Talubin sa Bontoc o kaya sa Natonin. Kaso wala naman po kaming puhunan para magtayo ng bakery,” malungkot na usal ni Charles.
“Gusto ko ng carrot cake,” nanulas sa labi niya. “Favorite ko iyon.”
“Pag-aaralan ko pong iluto iyan. Carrot cake,” usal ng binata.
“May tumatawag sa akin. Di ko maintindihan ‘yung Carrot Man na sinasabi nila,” sabi ni Ronalee at hinawakan ang tuhod ni Jeyrick na katabi niya. “Jeyrick, lam mo ba iyon? Ikaw daw si Carrot Man at hinahanap ka ng mga tao. Ano ba ‘yung Carrot Man na iyon? Bago bang super hero?”
Nanigas si Paloma. Nakarating sa pamilya ni Jeyrick ang tungkol sa pagiging Carrot Man nito. Alumpihit ang binata sa kinauupuan. Hinawakan niya ang kamay nito para pakalmahin ito.
“Girlfriend ko na po si Paloma,” biglang nabanggit ni Jeyrick.
Maang na napatingin ang lahat sa kanila ni Jeyrick. Parang hininihintay ng mga ito na sabihin na nagdyo-joke lang ang binata o ikaila niya iyon.
Nakangiti niyang inikot ang mata sa paligid. “Opo. Boyfriend ko na po si Jeyrick.”
“Ang tindi naman ng girlfriend mo, Kuya Jey. Paloma Escalante pa,” sabi ni Charles at tinapika ang balikat ni Jeyrick. “Iba talaga ang kaguwapuhan ng lahi natin. Ibig sabihin pwede din pala akong magka-girlfriend ng Miss Universe. Anong gayuma ang pwede kong gamitin?”
“Sira!” sabi ni Jeyrick at pabiro iton sinuntok sa braso.
Nasapo ni Ronalee ang dibdib at napainom ng tubig. “Anak, masyado mo naman akong binibigla. Ang bilis naman yata. Kailan lang kayo nagkita ulit, di ba?”
“College pa lang po kami, gusto na po namin ang isa’t isa. Pero importante po sa kanya ang pamilya niya at pag-aaral. Nagkalayo po kami dahil po sa Maynila na po ako nagtrabaho. Pero nang magkita po kami sa kasalan, na-realize po namin na mahal namin ang isa’t isa,” kwento ni Paloma. Kinakabahan siya dahil parang di masaya ang mga ito lalo na si Aiza. Di ba ito boto sa kanya? Akala pa mandin niya ay magiging masaya ito para sa kanila ni Jeyrick.
“Paano na si Thirdy Concepcion, Paloma? Di na kayo magkakabalikan?” tanong ng dalaga. “Fan na fan ninyo akong dalawa. Akala ko kayo ang may forever.”
“Ako na nga ang boyfriend. Gusto mo pang mapunta siya sa iba. Kapatid ba talaga kita?” angal ni Jeyrick at biglang inagaw kay Aiza ang di pa nakakagatang cupcake na hawak nito.
“Kuya, akin iyan! Huling cupcake na iyan,” reklamo ni Aiza at pilit na inagaw ang cupcake mula dito.
“Wala kang loyalty sa akin,” sabi ni Jeyrick at kinagatan ang cupcake.
“E sa mas guwapo si Thirdy Concepcion kaysa sa iyo. Dapat nga sinusuyo mo ako para maging presidente ng love team ninyo,” sabi ni Aiza at umirap. “Ate Paloma, inagawan niya ako ng cupcake. Ganyan ba gusto mong boyfriend?”
Natawa na lang siya sa pagkukulitan ng dalawa. Pero alam niya na nasaktan din si Jeyrick sa komento ni Aiza kahit pabiro. Iyon mismo ang sinasabi ni Jeyrick na maari itong maliitin ng mga tao at laging ikukumpara kay Thirdy Concepcion.
“Pasensiya ka na kung nabigla kaming lahat dito,” sabi ni Ronalee. “Ni sa hinagap ko di ko lang maisip na katulad mo ang magiging nobya ng anak ko. Simple lang ang buhay ng anak ko. Simple lang kaming mga tao. Hindi ko alam kung ano ang maiaalok sa iyo ni Jeyrick. Ni hindi nga namin siya napagtapos ng pag-aaral.”
“Tita, mabait po ang anak ninyo. Masipag din po si Jeyrick at maalaga po sa pamilya. Siya pa rin po ‘yung Jeyrck na nagustuhan ko dati pa. Mahalaga po iyon sa akin. Wala po sa akin kung iba man siya kay Thirdy. Hindi naman po isa pang Thirdy ang hinahanap ko sa buhay. Si Jeyrick po ang mahal ko,” giit niya. “Tanggap ko po kung ano siya.”
“Pero baka hindi siya magustuhan ng fans mo o ng tiyahin mo,” sabi ng nanay nito.
“Handa naman po akong gawin ang lahat para kay Paloma. Magsisikap po ako. Ayoko pong may masabi na di maganda ang mga tao sa akin. Mahal ko po si Paloma kahit noong di pa siya artista. Gagawin ko po ang lahat para maging karapat-dapat sa kanya,” matapang na wika ni Jeyrick at inakbayan siya.
“Happy naman talaga ako para sa inyo, Ate Paloma,” sabi ni Aiza at humilig sa balikat niya. “Guwapo din naman si Kuya Jeyrick at saka pagdating sa pabaitan walang tatalo diyan. Oras na siguro para magkaroon ng mag-aalaga kay Jeyrick. Palagi na lang kasi kami ang inaalagaan niya. Nag-aalala ako noong una na baka hintayin pa niyang mag-asawa si Jerwin bago siya magka-girlfriend. Ikaw pala ang reward sa pag-aalaga niya sa amin.”
“Hindi ako reward. Ang kuya mo ang reward sa akin,” sabi niya kay Aiza. “He really makes me happy. He is more than I dreamt of.”
“Pero sasama na ba sa iyo si Jeyrick sa Maynila? Doon na ba siya magtatrabaho?” naluluhang tanong ni Ronalee. “Kaya ba niyang mag-isa sa Maynila? Wala naman kaming kamag-anak doon.”
“Nandoon po ako para sa kanya. Di ko po siya pababayaan. Di ko naman po ilalayo si Jeyrick sa inyo,” anang si Paloma. “Irerespeto ko po ang desisyon ninyo kung gusto ninyo na hindi sumama si Jeyrick sa akin. Parang kapamilya na po ninyo ako, Tita. Kaya kung may maitutulong po ako sa inyo, sa pamilya ninyo, huwag po kayong mahihiyang magsabi sa akin.” Kung alam lang ng mga ito, wala siya sa kinalalagyan ngayon kung di dahil kay Jeyrick. Their lives would have been better than this.
“Aalis nga kayo papuntang Maynila,” giit ni Aiza. “Kailan kayo aalis?”
“Kuya, huwag kang umalis,” palahaw ni Jerwin at kumandong kay Jeyrick.
“Sama ako sa Maynila, Kuya,” ungot naman ni Anjel.
“O! Huwag po kayong umiyak. Di naman po ako basta-basta aalis dito. Pag-uusapan po natin ito bilang isang pamilya,” anang si Jeyrick sa ina at mga kapatid.
Lumingon sa kay Paloma ang binata at tumango siya. Malaking desisyon ang gagawin ng binata pero ipinapangako niya na di siya titigil hangga’t di naiaahon ang pamilya nito sa hirap. Hangga’t di nakukuha ni Jeyrick ang estado na nararapat para dito. Tutuparin nila ang mga pangarap nila nang magkasama.