Chapter FCM4: FMBYS 36

“Ito na ba ang uso ngayon sa Pilipinas? Ngayon lang ba sila nakakita ng nagbubuhat ng carrot? Ano kaya ang bubuhatin ko para sumikat din?” natatawang tanong ni Charles.

“Naguwapuhan sila kay Kuya Jeyrick at mukha silang misteryoso. Marami po ang gustong makakilala sa kanya. Naka-save pa nga po diyan ang video na ipinalabas na siya sa TV at pinaghahanap ng mga reporter para ma-interview. Marami na pong mga fans si Kuya Jey. Kagabi nga nabalita na po si Kuya sa South Korea. Sikat na sikat na talaga si Kuya,” sabi ni Charlene at binuksan ang video clip na nagpalabas kay Jeyrick sa isang news program sa South Korea. Hinarap siya ng babae. “Miss Paloma, ngayon mo nga sabihin na mahal mo ang kapatid ko kahit hindi siya sikat. Hindi kasi talaga ako naniniwala sa ganoong klaseng pag-ibig. Walang ganoon.”

“Alam mo na ba ang tungkol sa pagiging viral ng picture ko bago ka pumunta, Paloma?” tanong ni Jeyrick na matalim ang tingin sa kanya.

Kung pwede lang ay maglaho na lang si Paloma sa harap ng mga ito. Hindi niya matagalan ang akusasyon sa mga bata ng binata. Kaduda-duda na ngayon ang pagmamahal na inalay niya kay Jeyrick. Pero hindi siya pwedeng tumakbo. Hindi siya pwedeng magtago. Kailangan niyang harapin ito.

Lumunok ang dalaga at matapang na tiningnan sa mga mata si Jeyrick. “Aaminin ko na nalaman ko ang tungkol sa pagiging Carrot Man mo bago pa ako makarating ng Barlig. Pero dati pa ako may plano na puntahan ako. Nangako ako sa iyo nang magkita tayo sa kasalan. May usapan na tayo, Jeyrick. Di ba magka-text pa nga tayo noon? Ikaw itong hindi nagparamdam sa akin. Sinubukan kitang tawagan nang malaman kong viral ka na pero di na kita ma-contact. Tumupad ako sa pangako ko sa iyo, Jeyrick. Kahit anong pagdaanan ko, kahit nang itaboy mo ako, pumunta pa rin ako sa iyo.”

Nakita niya ang paglamlam ng mga mata ni Jeyrick sa kabila ng pag-aalinlangan. Hindi nito maaring balewalain basta ang intensyon niya. Di niya pinutol ang ugnayan nila. At nasa Kadaclan siya dahil sa pangako niya. Iyon ang mahalaga. Naging ito man si Carrot Man o hindi, gumawa siya ng paraan para magkasama sila.

Biglang humarang si Charlene sa pagitan nila. “Maniwala naman ako sa kanya. Sigurado ako na noong una pa lang, wala s’yang planong puntahan ka, Kuya Jey. Sikat na siya. Bakit ka niya babalikan dito? Pero pumunta siya para hanapin ka para lang makadikit ulit sa pangalan mo. Na-interview na siya ng mga reporter. Kunyari daw tutulong sa iyo.”

“Hindi kunwari iyon,” giit ni Paloma. “Gusto kong tulungan si Jeyrick at ang pamilya ninyo.”

“Sana noon mo pa inalok ng tulong si Kuya kung talagang maganda ang intensyon mo sa kanya. Dati pa pala kayo nagkita,” tungayaw ni Charlene.

“Hindi ko alam kung anong kalagayan ni Jeyrick noong magkita kami sa kasal ng mga kaibigan namin sa Baguio. Your brother has too much pride. Hindi niya aaminin na nahihirapan siya. Hindi siya basta-basta hihingi ng tulong. Nalaman ko na lang nang dahil sa pagsikat niya bilang Carrot Man,” paliwanag niya sa babae. “Mabuti nga nalaman ko ang kalagayan niya dahil sa pagiging Carrot Man. At kahit sikat na si Jeyrick, ayaw pa rin niyang tanggapin ang oportunidad.”

“Di mo pa rin sinabi sa akin na alam mo na ang tungkol sa pag-viral ng picture ko sa internet,” sabi ni Jeyrick nang walang kangiti-ngiti. “Maraming pagkakataon para sabihin mo sa akin pero di mo ginawa.”

“Jey, kung sinabi ko sa iyo iyon nang magkita pa lang tayo, baka ikaw mismo ang naglaglag sa akin sa bangin. You like your privacy so much. Ayaw mo rin na madikit sa pangalan ko. Kaya nga wala ako binanggit hangga’t di ka pa pumapayag at ang pamilya mo na lumuwas ka kasama ko sa Maynila. Gusto ko lang makatulong. Pwede kong isama dito ang mga reporter at wala kang magagawa. Wala kang ibang tataguan. But I did not. Ikaw at ikaw pa rin ang masusunod sa gusto mo.”

“Kuya Jeyrick, hindi naman dapat masamain ang pagtulong ni Ate Paloma o ang paglilihim niya. Mabuti ang intensiyon niya,” sabi ni Aiza at hinawakan siya sa kamay. Masaya siya dahil may mga nakakaunawa pa rin sa kanya.

“Anak, kung sikat na sikat ka na, di titigil ang mga reporter hangga’t di ka nahahanap. Mabuti at nariyan si Paloma para alalayan ka. Baka ito na ang pagkakataon mo para mabago ang buhay mo,” sabi ni Aling Ronalee. “At magpasalamat tayo dahil nandiyan si Paloma para alalayan ka. Handa siyang tumulong nang walang kapalit.”

Pagak na tumawa si Charlene. “Mama, iba po ang mundo dito sa Kadaclan na mababait ang mga tao. Hindi po santa si Paloma Escalante na tutulong nang walang kapalit. Ginagamit lang niya si Kuya Jeyrick.”

“Charlene, sumosobra ka na. Di na tama ang inaakusa mo kay Paloma,” sabi ni Jeyrick na tumayo na sa tabi at kinabig siya sa balikat, animo’y pinoprotektahan siya mula sa pagsalakay ng kapatid nito.

“Kuya, kayong lahat ang mali ng akala sa kanya. Hindi ba niya sinabi sa iyo na hindi na siya sikat ngayon? Hindi naman na siya ganoon kasikat. Wala na nga siyang project mula nang mag-break sila ni Thirdy Concepcion.”

Naramdaman ni Paloma ang paghigpit ng kamay ni Jeyrick nakahawak sa balikat niya. Di man ito nagsalita pero nabanggit na niya dito ang tungkol sa pagtanggi ng record label producers sa mga kanta niya. Pero di niya binanggit kay Jeyrick na ginigipit siya ni Thirdy para bumalik siya dito.

“Kanino mo naman nalaman ‘yan, Ate Cha?” tanong ni Charles. “Baka naman sinisiraan lang nila si Ate Paloma.”

“Sa internet. Usap-usapan na wala talaga siyang talento sa simula pa lang. Di siya ganoon kagaling. Noon pa sana siya nawalan ng career kundi lang siya naging girlfriend ng sikat. At kaya nagpapakahirap siya na umakyat ng bundok at tawirin ang mga rice terraces dito para makasama si Kuya Jeyrick dahil gagamitin siya para sumikat gaya nang ginamit niya si Thirdy Concepcion noon. Palaos na siya.”

Pumitlag si Paloma na parang sinampal. Gusto niyang pabulaanan ang sinabi ni Charlene pero alam niya sa puso niya na iyon din naman ang tingin ng mga tao sa paligid niya. Gusto ng Tita Bevz niya na gamitin niya si Jeyrick para manatiling relevant sa showbiz. Muli ay mag-iingay siya di dahil sa talento niya kundi dahil sa sikat na tao na kadikit ng pangalan niya.

Yumuko siya at tahimik na umiyak sa habag sa sarili. Akala niya at tsansa na niyang maging masaya pero parang mailap pa rin. Akala niya ay hawak na niya ang puso ni Jeyrick pero nararamdaman niya ang unti-unting pagluwag ng pagkakahawak nito sa paligid niya. As if he was letting her go.

Hinawi ni Charlene ang buhok niya at pilit na siniapat ang mukha niya. “Ang galing mo. Bumango ang pangalan mo mula nang ma-link kay Kuya Jeyrick. Sigurado ako na kaya mo gustong sumama sa iyo si Kuya Jeyrick sa Maynila para package deal kayo sa projects. Kung siya nandoon, nandoon din siya. At sa huli, parang ikaw pa ang lumalabas na mabait at tumutulong sa kanya.”

Sinalubong niya ang tingin nito. “At di mo ako dapat husgahan dahil lang sa relasyon namin ni Thirdy na kami ang totoong nakakaalam. Gusto kong tulungan si Jeyrick dahil mahal ko siya. Hindi simple ang mundo ng showbiz. Maraming mapagsamantala. Nandoon ako para alalayan siya at protektahan siya hanggang maabot niya ang mga pangarap niya.”

“Nandito ka para protektahan siya sa ibang mapagsamantala sa showbiz? Sino naman ang magpoprotekta kay Kuya Jeyrick sa isang katulad mo? Gamit na gamit na ang kapatid ko. Nagpa-interview na kagabi ang tiyahin mo sa TV. Na kesyo magkasama na daw kayo ni Kuya at kinukumbinsi mo na siyang bumaba ng bundok.” Napailing si Charlene. “At naghahanda na daw sila ng benefit concert para sa kay Kuya. May ganyan na pala kayong plano. Alam na ba iyan ni Kuya Jeyrick?”

Namanhid ang katawan ni Paloma. Nanguna na naman ang tiyahin niya sa pagdedesisyon sa mga bagay na nakakasira sa kanya at sa tsansa niya na makasama si Jeyrick. Ni hindi man lang siya nito kinausap bago ito nagsalita sa reporter.

“Pwede bang iwan muna ninyo kami ni Paloma?” tanong ni Jeyrick sa iba pero di pa rin inaalis ang tingin sa kanya.

Hinawakan ni Charlene ang braso ng kapatid. “Kuya, hindi kita iiwan kasama si Paloma. Paiikutin ka lang niya. Huwag ka nang magpauto.”

“Iwan mo na kami,” sabi ni Jeyrick sa mas matigas na boses. “Ganoon ba ako kainutil na ibang tao pa ang kailangang magdesisyon para sa buhay ko? Ganoon na ba ako katanga sa paningin mo?”

Yumuko si Charlene. “Sorry, Kuya.”

Hinawakan ni Aling Ronalee sa balikat si Charlene at inakay palayo. “Sa taas na muna kami, anak. Mas mabuti nga kung kayo ni Paloma ang mag-usap.”

“Ate, kaya mo iyan,” sabi lang ni Aiza sa kanya at pinisil ang braso niya bago sumunod sa ina at sa mga kapatid.

Hindi alam ni Paloma kung ano ang isasagot dito. She felt like she was grasping on straws. Hindi niya alam kung ano pa ang panghahawakan niya kay Jeyrick. Paano siya kakapit kung si Jeyrick na mismo ang maaring bumitiw sa kanya.

Nakalagay sa balag ng alanganin ang kaligayahan niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.