PARANG ipinaghehele sa antok si Paloma habang binabasahan ng kwento ang mga nakababatang kapatid ni Jeyrick. Matapos ang tanghalian ay niyaya siya ng mga kapatid ni Jeyrick na sina Jerwin at Anjel sa kuwarto ng mga ito sa ikalawang palapag ng bahay. Nag-request ang mga ito na basahan niya ng kwento. May koleksyon ng story books ang mga ito na regalo daw ni Jeyrick nang nakaraang birthday ng mga ito.
Parang sponge ang utak ng mga ito na ina-absorb ang lahat ng natutunan. At nang basahin na niya ang kwento tungkol sa folklore ng mga tao sa Cordillera ay siya pa ang natuto sa mga ito tungkol sa tradisyon ng mga Igorot. Siya pa ang tinuruan ng mga ito.
“Kinabukasan, nakita na lang ng mga tao na ang bundok ng Ta-ungay ay nagbago ng anyo. Nagmukha na itong isang magandang babae na nakahiga at ang ulo ay nakabaling sa bayan. Naisip ng mga tao naging anyo ng bundok ang dalagang si Chinayao at ang mga batis na tumatagas sa gilid ng bundok ay ang luha niya para sa namatay niyang minamahal na si Binsay. Nagustuhan ba ninyo ang kwento nina Chinayao at Binsay? Susunod naman nating kwento ang tungkol sa Mt. Amuyao,” sabi niya at nilingon ang mga bata.
Kaya naman pala tahimik na ang mga ito dahil mahimbing na ang tulog ng mga ito. Akala niya kanina ay di mauubusan ng energy ang mga ito at di rin mauubusan ng tanong. Siya nga ang mauubusan ng sagot sa mga ito.
Matapos kumutan ang dalawang bata ay inisip ni Paloma kung bababa siya para samahan si Jeyrick at ang pamilya nito. Subalit naalala niya na maaring nag-uusap-usap ang mga ito sa plano ni Jeyrick na pagsama sa kanya sa Maynila. Alam niya na malaking hakbang iyon. Maraming magbabago sa buhay ng pamilya. Pero sana ay bigyan ng pagkakataon ng mga ito si Jeyrick. Nakalatag na ang lahat para sa binata bilang Carrot Man. Kailangan na lang ng pagsang-ayon nito.
Nakakatulog na siya nang may narinig siyang sumigaw mula sa baba. Nabalikwas siya ng bangon at kasabay ng pag-ingit ng dalawang bata. Nabulabog yata sa ingay. Tinapik niya ang mga ito hanggang bumalik sa pagtulog. Babalik sana siya nang makarinig siya ng sigaw ng isang babae.
“Hindi ko talaga gusto ang Paloma Escalante na iyan sa simula pa lang. Kuya Jeyrick, magmumukha ka lang tanga kapag sumama sa kanya. Gagawin ka lang niyang tanga!”
Bumalikwas ng bangon ang dalaga at bumaba sa kama. Dumating ng pangalawang kapatid ni Jeyrick na si Charlene. Noon pa mang unang beses niyang pumunta sa Kadaclan noong college sila ni Jeyrick ay di na siya nito gusto.
Lumabas ng kuwarto si Paloma. Pababa sana siya ng hagdan nang umaakyat naman ang lalaki na sa tantiya niya ay nasa early twenties at may kalong na batang isang taong gulang at humihikbi ng iyak.
Natigilan ang lalaki. “P-Paloma Escalante.”
“Hi!” bati niya dito. “Iyan na ba ang anak ni Charlene?” At hinaplos niya ang likod ng batang humihikbi at basa ng luha ang pisngi.
“Oo. Si Marcus. Ako ang asawa niyang si Dodong. Patutulugin ko lang si Marcus dahil kanina pa siya umiiyak. Baka inaantok na,” sabi nito. Pero sa palagay niya ay natakot ang bata sa pagsiyaw ni Charlene. “Nagising ka yata sa ingay sa baba.”
“Ano bang nangyayari?” tanong niya.
“Mabuting ituloy mo na ang ang pagtulog mo. Hayaan mo na muna sila,” sabi ni Dodong na may bahid ng pag-aalala ang anyo.
Siya na ang nagbukas ng kuwarto para dito nang maipasok nito ang anak nito. Pero pagsara ng pinto ay di rin niya napigilan ang sarili na bumaba ng hagdan.
Di siya dapat makigulo sa usapan ng pamilya. Pero kung nadadamay na pati ang pangalan niya o nag-aaway-away na ang mga ito tungkol sa kanya, di pwedeng maupo na lang siya sa isang tabi. Kung anuman ang ayaw sa kanya ni Charlene o kung may akusasyon man ito sa kanya, mas mabuting siya na ang humarap dito. Kung nag-aalala ito sa relasyon nila ni Jeyrick o sa pagsama ng binata sa kanya sa Maynila, kailangang siya mismo ang luminaw sa mga agam-agam nito.
Marahan siyang bumaba ng hagdan kaya dinig na dinig niya ang mainit na diskusyon sa baba. “Mahal ka kamo ni Paloma Escalante at naniwala ka naman? Anim na taon siyang di nagpakita sa iyo tapos basta ka na lang maniniwala na mahal ka niya? Tumanda kang utu-uto, Kuya Jeyrick,” angil ni Charlene dito.
“Bakit naman hindi? Di ba ako pwedeng mahalin ni Paloma?” tanong ni Jeyrick sa malamig na boses.
“Hindi. Kaya dapat magsuspetsa ka kung bakit sinabi niyang mahal ka niya,” sabi ni Charlene at natanaw ito ni Paloma na palakad-lakad sa sala. Habang ang iba naman ay naaupo sa sofa subalit nakita niyang madilim na ang mukha ng nobyo niya.
“Nagmamahalan kami. Labas ka na sa relasyon namin, Charlene. Di ko hinihingi ang opinyon mo kung sino ang dapat kong mahalin. Nirespeto ko nang pinili mong huwag ituloy ang pag-aaral mo para pakasalan si Dodong at bumuo ng pamilya. Alamin mo kung saan ka lulugar,” sabi ni Jeyrick sa mas mabigat na boses.
“Di naman ordinaryong babae lang ang gusto mo, Kuya Jeyrick. Si Paloma Escalante siya. At kung magkakarelasyon kayo, lahat na lang kakalkalin ng mga reporter at ng mga tao. Gulo lang ang dala niya sa atin,” iiling-iling na sabi ni Charlene. “Sa simula pa lang ayoko na sa babaeng iyon.”
“Bakit naman ganyan ang pagsasalita mo sa girlfiend ng kapatid mo? Kita mo naman kung gaano niya kamahal ang kuya mo. Dinayo pa niya dito sa Kadaclan. Charlene, sino namang babae ang gagawa no’n kung di niya mahal ang kapatid mo? Handa pa siyang tumulong sa atin,” mahinahong paliwanag ni Aling Ronalee.
“Oo nga, Ate Charlene,” sang-ayon ni Aiza. “Mahal talaga ni Ate Paloma si Kuya Jey. Marami naman ibang lalaki diyan na nagkakagusto sa kanya - mayayaman at sikat. Bakit naman mas pipiliin pa niya si Kuya kundi niya mahal? Si Thirdy Concepcion hinahabol-habol siya pero hindi na niya binalikan.”
“Ate Paloma, kanina ka pa diyan?” tanong ni Charles na papasok ng sala at may dalang pitsel ng tubig. Gusto marahil nitong pakalmahin ang lahat sa mainit na dikusyon. “Ano, nagising ka ata sa ingay ng kwentuhan namin.”
“H-Hindi,” kaila niya at tuloy-tuloy na bumaba. “Magpupunta lang sana ako sa banyo. Nakatulog na kasi sina Jerwin at Anjel.” Ngumiti siya sa direksyon ng kapatid ni Jeyrick. “Hello, Charlene. Kumusta ka na?”
Maasim na ngumiti ang babae. “Okay naman ako kanina bago pumunta dito. Akala ko kasi masaya kapag nabuo kami ng mga kapatid ko. Pero ngayon hindi na. May nakasira na kasi ng araw namin.”
Tumayo si Jeyrick at hinawakan sa siko ang kapatid. “Charlene, mabuti pa umidlip ka muna sa taas. Samahan mo ang mag-ama mo. Baka pagod ka lang sa biyahe mo.”
Pumiksi si Charlene. “Bakit ako, Kuya? Bakit di na lang ang girlfriend mo ang pabalikin mo kung saan man siya nanggaling? Tahimik na ang buhay natin pero bumalik siya dito para manggulo.”
“Charlene, wala akong planong guluhin ang pamilya ninyo,” mahinahong sabi ni Paloma. “Nandito ako para makatulong. Pareho nating mahal ang kapatid mo at sa palagay ko pareho tayong interesado sa kung ano ang makakabuti sa kanya. Hindi natin kailangang magtalo.”
“Ako, sigurado ako na mahal ko ang kapatid ko. Gusto ko siyang mapunta sa tao na malinis ang intensyon sa kanya. ‘Yung alam ko na nandiyan para sa kanya at di siya iniwan. Di ‘yung di nagparamdam ng anim na taon tapos basta na lang magpapakita sa kapatid ko at sasabihing mahal niya,” sabi ni Charlene at nilapitan siya.
“Hindi ko ginustong mawala sa buhay ko si Jeyrick. Alam niya na ginawa ko ang lahat para makasama siya,” paglilinaw ni Paloma. Akala siguro ni Charlene ay basta na lang niyang iniwan si Jeyrick dahil sumikat na siya.
“Ako ang umiwas at di nagpakita kay Paloma noon. Di niya ako iniwan dahil sikat na siya. Gusto ko na pagtuunan niya ng pansin ang pangarap niya,” depensa naman ni Jeyrick sa kanya. “At nakaraan na iyon. Gusto akong makasama ni Paloma. Sana maging masaya ka para sa amin.”
Maasim na ngumiti si Charlene. “Kuya, wala akong planong makipaglokohan. Alam ko naman na magaling siyang artista. Hindi siya pumunta dito dahil puro at dalisay ang pagmamahal niya sa iyo. Na parang napakalaking sakripisyo ang ginagawa niya nang piliin ka niya. Di siya nagpakahirap sa pagtawid sa landslide o nagpakahirap na tumawid ng mga bundok at pilapil para ialay sa iyo ang puso niya sa isang ordinaryong lalaki kagaya mo. Nandito ka dahil sikat ka na rin ngayon, Kuya.”
Nahigit ni Paloma ang hininga at nakita niya na natilihan din si Jeyrick. Hindi ito pwedeng mangyari. Alam na ni Charlene bago pa man nagdesisyon si Jeyrick na sumama sa kanya sa Maynila. Nagsimulang gumapang ang takot sa buong pagkatao ni Paloma. As if there was an impending doom.
“Paano naman sisikat ang kapatid mo?” naguguluhang tanong ni Aling Ronalee.
“Siya po si Carrot Man, Mama. Sikat na sikat na po siya sa internet ngayon.” Inilabas ni Charlene ang cellphone nito at ipinakita ang pictures ni Jeyrick. “May nakakuha po ng pictures ni Kuya habang nagbubuhat ng mga carrots sa Bauko at kumalat po iyon sa social media. Nag-viral po siya. Makikita din ninyo diyan kung ano ang sinasabi ng mga tao sa kanya. In-screencap ko na po ang comment ng mga tao.”
Nagkulumpunan ang iba para tingnan ang mga kuha ni Jeyrick. Tahimik lang si Jeyrick habang nakatingin sa pamilya nito. Sumandal si Paloma sa dingding at niyakap ang sarili. Parang isa siyang tusong hayop na sa kalaunan ay nasukol. Her breathing became shallow. Parang gusto na lang niyang maging parte ng dingding habang pinapanood ang pagkakatuklas ng pamilya ni Jeyrick sa pagiging Carrot Man nito.
Nanlaki ang mga mata ni Aiza. “Ay grabe! Ang daming fans ni Kuya.”
“G-Gusto nga nila ang kuya mo. Ito pala ang Carrot Man na sinasabi nila sa akin. Sikat na pala ang anak ko,” namamanghang sabi ni Aling Ronalee. “Napansin nila ang anak ko.”