Chapter FCM4: FMBYS 39

Nagpakita pa rin ito sa kanya bago siya umalis. It must mean something. Ayaw pa nitong mawala siya. Siguro ay na-realize nito na mahal niya ito at gusto nitong bigyan sila ng isa pang pagkakataon.

Subalit madilim pa rin ang mukha nito. Na parang ayaw pa rin nito sa presensiya niya sa teritoryo nito. “Iyan na ba ang mga gamit mo?” tanong nito at kinuha ang backpack bag mula sa kanya bago pa siya makahuma. “Ako na ang magdadala.”

“Nasaan si Charles?” tanong niya. Di siya komportable na kasama ito.

“Siya muna ang magbabantay sa kapehan. Ako ang maghahatid sa iyo sa Chupac,” sagot ng binata at isinukbit ang backpack niya sa balikat nito.

Parang gusto niyang bawiin dito ang bag niya. “Gusto mong makatiyak na talagang uuwi na ako at di na kita bubulabugin?”

“Ito pa ang pagkain niya,” sabi ni Manang Fe at ibinigay kay Jeyrick ang maliit na bayong. “Etag iyan. Sana magustuhan ng pamilya niya at may nilagang saging din. Kainin ninyo sa daan.”

“Salamat po, Ma’am,” sabi ni Paloma at muling niyakap ito.

“Jeyrick, huwag mo nang paiiyakin itong dalaga natin. Alam ko na normal lang sa magkarelasyon ang nagkakaaway pero lahat ng bagay napag-uusapan. Ngayon na lang ulit ninyo natagpuan ang isa’t isa. Pakakawalan mo na lang ba siya?” may halong sermon na talumpati ni Ma’am Fe. “Huwag padalos-dalos.”

“Huwag po kayong mag-alala. Mag-uusap po kami ni Paloma nang masinsinan,” sabi ni Jeyrick.

“Kuya Jeyrick, alagaan mo si Ate Paloma,” sabi ni Aiza.

“Alagaan mo ang pag-aaral mo,” sa halip ay sabi ni Jeyrick dito. “Balikan mo na sila Mama. Ako na ang bahala dito.” Lumunok si Paloma nang bumaling ito sa kanya. “Natawagan ko ang pinsan mong si Bernardo. Papunta na siya dito para sunduin ka,” sabi nito. “Ibinigay ni Lerome ang number niya. Sinabi niya sa akin na di ka daw pwedeng bumalik ng Manila nang di ako kasama.”

Kinagat ni Paloma ang pang-ibabang labi. Naghanap pa ito ng signal para lang matawagan si Lerome at tiyakin na mapapaalis na siya ng binata sa buhay nito. “Kakausapin ko sila ni Tita nang masinsinan. Di kita pipilitin gaya nang pangako ko. Pero sana huwag tayong magkahiwalay nang ganito, Jeyrick. Huwag ‘yung galit ka sa akin. Importante ka sa akin at….”

“Di mo na kailangang magkunwari na importante ako sa iyo. Ayoko na kasing makarinig ng kasinungalingan.”

“Jeyrick, mahal kita. Di kasinungalingan iyon. Kahit na piliin mo pang maging pribado ang buhay at mapahiya ako sa mga tao, mas mahalaga ka.”

Pumalatak ito. “Tama na nga. Ibibigay ko na rin naman sa iyo ang gusto mo. Pumapayag na akong magpakita sa mga tao bilang si Carrot Man.”

Tumigil si Paloma sa paglalakad. “A-Anong ibig mong sabihin?”

Nagpatuloy si Jeyrick sa paglalakad. “Tinawagan ko na si Lerome para sabihin na magdala ng reporter sa Chupac. Papayag na akong magpa-interview katulad ng gusto mo. Pwede mo na rin tawagan ang Tita Bevz mo. Hahayaan kong siya ang mag-manage ng career ko. Matutuloy na rin ang pangarap mo na concert.”

“Jeyrick!” Patalon siyang yumakap dito. “Masayang-masaya ako dahil matutupad mo na ang mga pangarap mo, ang pangarap mo sa pamilya mo.”

“At ang pangarap mo,” anito sa malamig na boses.

Nailang siya. Akala niya ay pumapayag na ito dahil nakita nito ang magandang pagkakataon. O kahit paano ay naniniwala ito na maganda ang intensyon niya dito. Bakit malamig pa rin ang trato nito sa kanya?

“Siyempre magkakasama na tayo. Naalala mo dati pangarap natin pareho na sumikat para maiahon ang pamilya natin sa hirap? ”

“Ikaw ang may pangarap no’n, Paloma. Pangarap mong sumikat at gagawin mo ang lahat para panghawakan ang pangarap mo kahit magpanggap ka pa na mahal mo ang isang tao.”

Kumalas siya sa pagkakayakap dito. “I really care for you. Hindi kita ginagamit.”

“Gusto mo rin ba na sabihin ko sa mga tao na nagmamahalan tayong dalawa? Na sa simula pa lang ako ang mahal mo? Sayang naman ang script mo kundi natin magagamit. Magaling kang umarte dahil napaniwala mo ako. Pwede din naman akong magpanggap. Kailangan kong ihanda ang sarili ko sa showbiz. Kasama ba ito sa workshop na sinasabi mo?” nakangising tanong nito.

“Huwag mo itong gawin sa atin, Jeyrick. Mahal kita.”

Sinibat siya nito ng matalim na tingin. “Huwag na huwag mo nang sasabihin pa na mahal mo ako kung ayaw mong mapahiya sa mga tao. Hindi mo na kailangang magsinungaling para paikutin ako. Nakuha mo na ang gusto mo.”

“Jeyrick…”

“Iyon ang una kong patakaran. Gusto mo akong sumama sa iyo at maging talent ng tiyahin mo, di mo kailanman sasabihin na mahal mo ako kahit kanino at lalong-lalo na sa akin.”

“Kahit na iyon naman talaga ang nararamdaman ko?”

“Isekreto natin gaya ng napag-usapan. I can be a charity case. Pero masisira ang image mo kung magiging love interest mo ako. Bababa ang value mo kapag pinatulan mo ang kagaya ko.”

“Pinoprotektahan lang kita sa sasabiin ng mga tao.”

“Huwag kang mag-alala. Aalagaan ko ang image mo.”

Mabagal siyang naglakad pababa ng hagdan dahil nanlalabo sa luha ang mga mata niya. Parang ayaw na niyang umalis sa lugar na iyon. Ayaw na niyang humarap pa sa camera at magpanggap. Mas gusto niyang itago na lang si Jeyrick sa mundo.

Tumigil ito sa paglalakad at binalikan siya. Hinaplos ng daliri nito ang pisngi niya. “Huwag ka nang umiyak. Baka mamaya isipin nila di ka namin inaalagaan dito. Baka mapasama pa ako.”

“Di naman ganoon…”

“Kailangan mong maging maganda sa harap ng camera. You are my guardian angel after all. O mas tamang fairy godmother. Magugustuhan ka ng mga tao at titiyakin kong mas mamahalin ka ng mga tao. Huwag kang mag-alala. Gagawin ko ang lahat para maging kagaya mo. Ano bang tawag doon? Fake it ‘till you make it.” Matamis ang ngiti nito subalit nasa mga mata nito ang galit. Na titiyakin nito na pagsisisihan niya na nagsinungaling siya nang sabihing mahal niya ito. “Halika na. Kailangang maghanda pa tayo para sa interview natin.”

Hinawakan ni Jeyrick ang kamay niya at hinila siya patawid sa pilapil ng rice terraces. Heto na. Magkasama sila ni Jeyrick. Matutupad na ang mga pangarap nila nang magkasama pero di siya masaya.

Dahil matapos niyang ialay dito ang puso niya ay ihinagis nito sa lupa at tinapak-takapan. Her heart was broken into pieces. But she must endure it. She must endure. Kahit mamatay-matay siya sa sakit, kailangan niyang tulungan si Jeyrick na tuparin ang pangarap nito gaya ng pangako niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.