Chapter FCM4: FMBYS 40

SINALUBONG ng yakap ni Paloma ang pinsang si Hepburn nang paakyat sa hagdang lupa papunta sa tinutuluyan niyang kuwarto sa viewpoint ng Kadaclan Homestay, ang nag-iisang homestay sa Chupac kung saan sila tumutuloy ni Jeyrick.

“I-I am glad you are finally here,” nanginginig ang boses niyang usal.

Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at ibinagsak ang sarili sa monobloc chair na nasa viewdeck sa labas ng kuwartong tinutuluyan niya. “Sa dinami-dami ng kuwarto dito sa inn, dito mo talaga naisipan sa tuktok.”

“M-May view kasi ng rice terraces.” She requested the room with the lovely view. Para mapag-isa at bigyan ng space si Jeyrick. Para kahit paano ay mapagaan ang loob niya ng magandang tanawin but it was not helping.

“Di ka pa ba nagsasawa sa rice terraces? Ako sawang-sawa na sa bundok, bangin at mga ulap. Akala ko ultimate na ‘yung biyahe hanggang sentro ng Barlig. Di pala. Mas matindi pa pala ang papunta dito sa Kadaclan. Hindi mo naman sinabi na mas buwis-buhay pa pala dito. Anong oras na kami tinawagan ni Carrot Man para pumunta dito? Nakakalokah!”

Napasandal siya sa pader. “Ang mahalaga nandito ka. Hindi ko yata kaya,” sabi niya at humagulgol ng iyak.

Noon na lang sumabog ang emosyon ng dalaga. Pakiramdam kasi niya ay may kakampi siya sa pinsan. She had never felt so alone. Hinahawakan nga ni Jeyrick ang kamay niya kapag inaalalayan siya pero parang napakalayo nito sa kanya. Tinatanong nito kung ayos lang siya, pagod ba siya o kung uhaw ba siya pero wala na ang lambing sa boses nito o init sa mga mata nito. His voice was cold and his eyes were dead.

Parang pinapatay siya na wala na siyang makitang pagmamahal sa mga mata nito. Nami-miss niya ang kislap sa mga mata nito, ang lambing sa boses nito kapag kausap siya. Pinakamagandang babae ang tingin nito sa kanya dati. Ngayon ay ni ayaw siya nitong sulyapan man lang.

“O! Anong di mo na kaya? Ngayon ka pa ba iiyak kung kailan tagumpay ka na? Success na success ang beauty mo. Dapat nga masaya ka dahil sa wakas pumayag na siyang lumabas sa TV kasama ka. Ibig sabihin hindi niya ma-resist ang charm mo.” Nawala ang ngiti nito nang mapagmasdan siya. “No. Wala naman siguro siyang ginawang masama sa iyo para pumayag siya.”

“No. He is a perfect gentleman. Mabuting lalaki si Jeyrick. Hindi siya mapagsamantala.” Minsan nga ay iniisip niya na masyadong puro ang binata. Na-expose na siya sa magulong mundo ng showbiz pero si Jeyrick ay nananatili ang kabutihan sa puso. Pwede itong mag-take advantage sa kanya sa panahon na magkasama sila pero naroon ang respeto nito. “He hates me now. Kung siya ang masusunod, baka ayaw na niya akong makita.”

“Ano bang nangyari?” tanong nito at pinunasan ng tissue ang pisngi niya.

“Nang pumunta ako dito sa Kadaclan, hindi ko sinabi sa kanya na alam kong siya si Carrot Man at gusto siyang I-manage ni Tita. Alam ko naman na di niya tatanggapin. So I pretended that it was my vacation. Na nandoon ako para dalawin si Ma’am Fe. Di naman niya alam na nasa Barlig na ang mga reporter para ma-interview siya dahil walang TV at signal sa lugar niya. A-Ayokong masayang ang pagkakataon na makasama siya. Parang bumalik ulit ako sa pagiging bata. Noong hindi pa ako artista at simple lang ang mangarap para sa amin ni Jeyrick. Sobrang saya namin. Tapos nalaman ko na mahal pa rin niya ako at sinabi ko rin na mahal ko siya. It was magical, Bernardo.”

Tumaas ang kilay nito. “Paano naman si bestie na girlfriend daw niya?”

“Nagkukunwari lang si Beliza na girlfriend ni Jeyrick.”

Pumitik si Hepburn. “Tama nga ako. Ang bruha na iyon talaga nagmamaganda. Ayaw niyang umunlad ang career ni Jeyrick at nagseselos sa iyo. Alam siguro niya na ikaw talaga ang mahal ni Jeyrick at friendzone lang kayo. O tapos?”

Ikinuwento niya dito kung paano ikinonsidera ni Jeyrick ang pagsama sa kanya sa Maynila at ang pagbubulgar ni Charlene tungkol sa kanya. Pati ang interview ng Tita Bevz niya na isang concert na raw ang naghihintay kay Jeyrick. Na parang kampanteng-kampante ito na mapapasunod niya si Jeyrick.

“Pakiramdam ni Jeyrick niloloko ko lang siya, na pinapaikot nang sabihin ko na mahal ko siya,” pagpapatuloy ni Paloma. “Bakit ba sinabi iyon ni Tita Bevz sa mga reporter? Wala ba siyang tiwala sa akin na makukumbinsi ko si Jeyrick?”

“Kasi ayaw niyang mawala sa limelight ang isyu ninyo ni Carrot Man. Nawawalan na ng interes ang mga reporter sa kanya dahil nga nagtatago naman daw at pinahihirapan sila tapos di ka na nakita ulit ng mga tao. Kilala mo naman ang nanay ko. Strike while the iron is hot. Di niya sasayangin ang pagkakataon.

“Ang totoo papunta na talaga kami ng Kadaclan ni Manong nang tumawag si Jeyrick. Paano nag-aalala si Mama na baka daw magtanan na kayo at tuluyan nang mag-disappear ang career mo. Pero pumayag naman na si Jeyrick na mag-artista under sa management ni Mama. Ibig sabihin gusto ka na niyang makasama. Kung talagang galit siya sa iyo, mas pipiliin tiyak niya na manatili dito sa bundok at magtanim na lang para mas mapahiya ka sa mga tao.”

“Pero ginagawa lang niya to para sa pamilya niya. Wala na siyang tiwala sa akin. Wala na siyang tiwala sa talento at pagmamahal ko. Para sa kanya, isa lang akong laos na singer na gagawin ang lahat para lang kumapit sa kasikatan.”

“Grabe naman siya. Di ka pa naman ganoon ka-la ocean deep.”

“Totoo naman sila. Noon pa sana ako wala sa industriya kung di lang ako naging girlfriend ni Thirdy,” matamlay niyang usal. “Sikat ako di dahil sa talento ko.”

Noon ay si Jeyrick ang unang nag-aangat sa kanya at naniniwala sa talento niya. Kahit wala na siyang tiwala sa sarili niya at palpak siya, sinasabi pa rin nito na magaling siya. Nakikita nito ang kakayanan niya na di nakikita ng ibang tao o kahit ang sarili niya. Ngayon ay di niya alam kung paano pa iaangat ang sarili kung pati ang unang taong naniniwala sa kanya ay walang kwenta na rin ang tingin sa kanya.

“At ginamit ka lang din ni Thirdy. Dapat nga may acting award ka sa pagpapanggap na girlfriend niya. Ikaw itong laging nagigisa ng mga reporter kapag nabubukelya siya na may kasamang boylet niya. Tapos ikaw pa ang sisiraan ni Thirdy nang ayaw mo nang magpanggap na girlfriend niya. Ikaw nga ang di makapaglabas ng full potential mo at ginigipit niya kasi alam niya na kakawala ka rin sa kanya katulad ng paninira at panggigipit niya sa iyo ngayon,” depensa naman ng pinsan niya sa kanya.

“At nagagamit ko rin si Jeyrick kahit pa mahal ko talaga siya. Ayaw daw niyang marinig na sabihin kong mahal ko siya. Kasi alam naman daw niya na hindi totoo. Dati pa daw siguro maniniwala siya pero di na ngayon.”

“Lilipas din iyan. Kung mahal ka talaga niya, di siya basta bibitaw.”

Umiling si Paloma. “It is not easy to take him back. Kasalanan ko. Sana sinabi ko na agad kay Jeyrick na alam ko nang siya si Carrot Man. Sana di na niya nalaman pa sa ibang tao pati na rin ang pagbagsak ng career ko. Sana sinabi ko na ang totoong relasyon namin ni Thirdy noong una pa lang.”

“Kaya mo bang traidurin si Thirdy kahit pa para kay Jeyrick? Kilala kita. Kahit na sinisira at ginigipit ka ni Thirdy, naroon pa rin ang loyalty mo sa baklitang iyon. Pero kung gusto mo ako na lang ang magsabi ng real score ninyo ni Thirdy kay Jeyrick? Para malaman naman niya ang sakripisyo mo. Para naman iyon sa pamilya mo.”

Mapait siyang ngumiti. “Di niya maiintindihan iyon. Lalo lang siyang maniniwala na mababang klase akong babae. Na nababayaran ang pag-ibig ko.”

“Ginawa mo ang kailangan mo para maka-survive sa industriya. Wala siyang ideya kung gaano kahirap ang mundong ito. Mabuti nga may koneksyon siya katulad mo. Maaalalayan mo na siya ngayon, Ate.”

“Hindi ko alam kung ano ang plano niya, Bern.”

Nasaktan niya si Jeyrick. Hindi na niya ito kilala kanina. Di rin niya alam kung ano ang tumatakbo sa utak nito. Hindi nga niya maintindihan kung bakit pinili nito na lumabas sa TV samantalang wala itong tiwala sa kanya.

“May paparating. Pumasok ka muna sa kuwarto mo. Baka may makakita sa iyong reporter. Ang chaka mo, ‘te,” pagtataboy ni Hepburn sa kanya at kinaladkad siya papasok sa kuwarto.

Pagkasara niya ay narinig niya ang boses ni Junior na anak ng may-ari ng homestay. Nakinig na lang siya mula sa pinto. “Sir, si Miss Paloma po?” tanong nito.

“Nagpapahinga pa siya. Napagod kararampa sa rice terraces.”

“Dumating na ang crew ng Star Network at ang head ng tourism ng Barlig. Magpapahinga lang sila at kakain pero pwede na daw ba siyang ma-interview matapos ang isang oras? Kinakausap na ng tatay ko si Jeyrick. Aalalayan siya sa pagsagot tungkol sa kultura ng mga taga-Kadaclan,” sabi ni Junior. “Parating na rin si Lolo Pio na lolo ni Jeyrick para alalayan siya sa interview at pagpunta sa Maynila.”

“Gusto ko rin makausap si Carrot Man para malaman niya kung ano ang ihinanda namin para sa career niya. Medyo mabilis ang pangyayari pero masaya kami na sa wakas pumayag na siyang makita ng mga tao,” sabi ni Hepburn. “Fan niya ako.”

“Wala nga kaming kamalay-malay na nandito rin si Miss Paloma. Sana nakapaghanda kami sa pagdating niya,” anang si Junior. “Kumain muna kayo. Malayo din ang pinanggalingan ninyo.”

“Susunod na ako, Manong. Salamat,” sabi ng pinsan niya at nang makaalis ay kinatok nito ang pinto niya. Pinagbuksan ito ni Paloma. “Narinig mo iyon? May interview ka daw. Magpaganda ka na.”

“Wala ako sa mood magpa-interview. Pwede bang si Jeyrick na lang ang I-focus ng interview? Siya naman ang importante.” Hindi siya makakaharap sa mga tao nang miserable siya at nagdurugo ang puso niya. “Alalayan mo na lang siya.”

Tinapik nito ang pisngi niya. “Pull yourself together. Isantabi mo muna ‘yang drama mo sa pag-ibig. Kailangan mong gawin ang trabaho mo. Saka di lang naman ito para sa iyo kundi para rin kay Carrot Man. Gusto mo siyang tulungan. Gusto mong makabawi sa kanya. Patunayan mo sa kanya na mahal mo siya. Na kahit galit siya sa iyo, tutulong ka para mapabuti ang buhay nila ng pamilya niya. That is love.”

“Kahit na masakit, kailangang ngumiti,” sabi niya at kinagat ang pang-ibabang labi.

“Artista ka. A very good one. Kung nagawa mong tagalan si Thirdy Concepcion at maging mabuting girlfriend niya, kaya mo rin ‘yan kay Jeyrick.” Niyakap siya ng pinsan. “Babalikan kita mamaya para matiyak na maganda ang make up mo okay? Natural look lang ‘yung parang walang make up kahit meron.”

Pilit siyang ngumiti para ipakita sa pinsan na okay lang siya. Kaya niyang humarap sa camera at magkunwari na di dinurog ni Jeyrick ang puso niya. Pero nang maramdaman muli niya ang pangingilid ng luha ay hinayaan niya ang sarili na umiyak nang isa pang beses.

Mas madaling magpanggap na mahal niya ang isang katulad ni Thirdy. Mas mahirap palang itago na ayos lang siya kahit naghuhumiyaw sa sakit ang puso niya.

Kakayanin ba niya ito ngayong lagi na silang magkakasama ni Jeyrick?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.