PASADO alas dose na ng madaling-araw dumating sila sa Jeyrick sa ookupahin niyang condo sa Quezon City. Kalahating araw silang tensiyonado sa loob ng van. Hindi pa rin makapaniwala ang binata sa nangyayari.
Dati ay dinadaan-daanan lang siya ng mga tao sa Kadaclan. He was just an ordinary person. Pero bago umalis ng Kadaclan ay ipinagmamalaki na siya ng lahat. Parang nilalamon siya ng atensiyon at ng emosyon.
Hindi pa nga siya nakakabawi sa lahat ng natuklasan siya mula sa kasinungalingan ng pagmamahal ni Paloma sa kanya pati ang pagpapanggap ni Beliza na nobya niya ito.
Tatapak na siya sa mundo ni Paloma, isang mundo na wala siyang ideya kung ano ang aasahan niya o kung tatagal siya. Isa itong bagong pagsubok sa buhay niya. Dito nakasalalay ang tagumpay niya kung tama ang desisyon niya at ang mga tao na pagkakatiwalaan niya.
Sinalubong siya ng tiyahin ni Paloma nang pumasok sila sa condo. “Welcome! Welcome to your new home, Jeyrick!” bati ni Maam Bevz na animo’y di tumanda sa paglipas ng mga taon. Mas mukha pa nga itong bata dahil sa banat na banat na mukha. Hinalikan siya nito sa magkabilang pisngi. “Napagod ka siguro sa biyahe.”
Nanigas ang buong katawan ni Jeyrick. Magiliw sa kanya ang matandang babae. Hindi siya sanay. Samantalang nang malaman pa lang nito na nakikipaglapit si Paloma sa katulad niya na di mayaman at di popular sa unibersidad ay parang insekto siya na gusto nitong tirisin.
“Magandang araw po, Ma’am Bevz,” may kapormalan niyang bati.
“Call me Tita Bevz from now on. Parang isang pamilya na tayo ngayong pumayag ka nang maging manager mo,” sabi ng matandang babae at kinamayan ang ama niyang si Melvin at si Lolo Pio.
“Tita, si Beliza po ang girlfriend ni Jeyrick at kasama rin po namin ang reporter ng Star Network na nag-cover kay Jeyrick,” pagpapakilala ni Paloma sa iba pa.
Matapos kumain ay pinasamahan na ni Tita Bevz si Beliza at si Madison sa kabilang condo unit. Tumuloy na rin sa kuwarto nito si Lolo Pio at ang ama niya. Habang naiwan si Jeyrick kasama si Tita Bevz at Paloma sa sala. Dinulutan sila ng green tea ni Hepburn bago ito kumabila sa condo unit ni Beliza para I-check ang kailangan ng mga ito.
"Jeyrick, malapit lang itong unit mo sa station. Kaya kahit alas sais ka na magising bukas para sa agahan. You don’t have to do anything. May dadating para asikasuhin ang pagkain ninyo. Huwag ka na rin mamoroblema sa isusuot mo sa interview. Naghanda na ako ng isusuot mo pati na rin ng tatay mo at lolo mo,” sabi ni Tita Bevz. “Have some tea. It is good for your skin.”
Wala siyang pakialam sa balat niya noon. Di iyon mahalaga sa bukid kapag nagtatrabaho siya o kung tourist guide siya. Ngayon ay mukhang magbabago ang lahat. Puhunan din doon ang itsura ng tao.
“Salamat po sa alok na pagma-manage sa akin,” sabi ni Jeyrick at inilapag sa platito ang green tea. Di niya kasundo ang lasa. “Ang totoo po, wala akong balak na mag-artista at lumabas sa publiko.”
“Mabuti nabago ng pamangkin ko ang isip mo.”
Mapait na ngumiti ang binata at nakatutok naman ang paningin ni Paloma sa tasang hawak. Sa sobrang galit niya sa mga natuklasan tungkol kay Paloma, napuno siya ng galit. Ayaw niya sa lahat ay nagsisinungaling sa kanya. Pwedeng harap-harapan siyang laiitin at maliitin. Matatanggap niya iyon. Pero ibang usapan na kung mamanipulahin siya at sasabihing mahal siya para lang mapasunod siya sa gusto ng mga ito.
Alas diyes ang interview mo para sa magazine show at may guesting ka rin sa game show Will Villarama bukas. Imi-meet ka rin ng fans club mo bukas. Magiging abala ka ang schedule mo at marami ka pang imbitasyon," pag-iisa-isa nito sa magiging schedule niya. "Makakasama mo si Paloma kaya wala kang dapat ipag-alala."
"Tita, kailangan po ba na laging nasa tabi ako ni Jeyrick?" tanong ni Paloma. "Ayoko pong agawin ang atensyon na para sa kanya.”
"Makakatulong sa kompiyansa niya kung nasa tabi mo siya. Tama, Jeyrick?"
Tumango ang binata. “Opo.”
Habang masayang-masaya si Tita Bevz sa pagdating niya, parang isang talunan si Paloma. Ayaw ba siya nitong makasama o gusto lang nito na ipakita na ayaw siya nitong gamitin? Wala na itong kailangang patunayan sa kanya. Nakuha na nito ang gusto.
"You are really destined for stardom, Jeyrick. That’s why we must strike while the iron is hot. Maraming nagiging viral na nawawala rin sa limelight dahil hindi sila nabibigyan ng tamang project o hindi nau-utilize ang kasikatan nila. We will make sure that your star will shine brighter.” Nagniningning ang mga mata ni Tita Bevz. O mas tamang peso sign ang nakikita niya. Kahit naman dati ay isa nang produkto ang tingin nito kay Paloma at iyon na rin ang tingin nito sa kanya. “Bukas makikilala mo ang magiging personal assistant mo at ang social media team mo."
"Dadating po ang abogado ko bukas, Ma'am. Sana po nakahanda na ang draft ng kontrata. Gusto ko pong i-review ng lawyer namin bago po ako pumirma."
May mahahalaga siyang kondisyon sa kontrata niya lalo na kung pag-uusapan ang imahe niya bilang isang Igorot. May mga paniniwala sila at tradisyon na di niya basta-basta tatalikuran.
Saglit na natigagal ang matandang babae pero nakabawi rin naman. Di marahil nito inaasahan na magiging demanding siya. "Of course. Hijo, salamat sa pagtitiwala sa akin. Ima-manage kong mabuti ang career mo gaya ng pagma-manage ko sa career ng pamangkin ko.” Hinaplos nito ang buhok ni Paloma. “Look at my niece. Malayo na ang narating niya. Samantalang ang ibang kasabayan niya nalaos na. Alam ko kung ano ang mas makakabuti sa iyo."
Napatiim-baga siya nang maalala kung gaano kasabik si Paloma nang humawak ng gitara at mag-compose ng kanta. Kung paanong parang humihinga ito ng hangin sa bawat nota mula sa sarili nitong kanta. Doon niya nakitang pinakamasaya sa Paloma. At pinakamalungkot din nang sinabi nito na walang sumusuporta dito. Na kahit sarili nitong tiyahin ay ayaw ilabas ang kanta nito dahil di daw ganoon kaganda.
"Alam po ba ninyo na magaling mag-compose ang pamangkin ninyo? Bakit hindi ninyo siya sinuportahan?" lumabas sa labi ni Jeyrick.
Naumid si Tita Bevz at nanlaki naman ang mga mata ni Paloma habang umiiling. "Excuse me? Ano naman ang mapapala sa pagiging composer lang ng pamangkin ko? It is not as prestigious and as rewarding as being a singer. Iba na ang labanan ngayon, hijo. Wala ka pang naiintindihan kung ano ang mabenta ngayon.”
Totoo nga sinasabi ni Paloma sa kanya na wala itong nakuhang suporta sa manager at tiyahin. Hindi ito nagpapaawa lang sa kanya. Dati pa naman ay wala nang kalayaan si Paloma na mamili kung ano ang gusto nito - mula sa mga kaibigan, kursong kukunin na pawang parte ng imaheng binubuo dito. Mistula itong taong puppet. Paano kung ganoon din ang gawin sa kanya ni Tita Bevz?
"Kung sinasabi ninyo na iu-utilize ang talento ko at ilalabas ang potensyal ko, Bakit hindi ninyo sinuportahan si Paloma sa mga pangarap niya? Paano kung may mga bagay na magaling din po ako at di ninyo ako hahayaang gawin iyon? Paano ko po kayo mapagkakatiwalaan sa career ko?"
Mabigat ang bagsak ng salita ni Jeyrick. Hindi niya gusto ang pagmamaliit kay Paloma ng tiyahin nito. At di siya papayag na ganoon din ang mangyari sa kanya. Di na si Jeyrick ang dating binatilyo na pwedeng kayan-kayanin. Pinakikinggan na siya. Di na siya pwedeng tapak-tapakan.
Mariing nagdikit ang mga labi ng tiyahin ni Paloma sa inis pero wala itong nagawa kundi titigan na lang siya. Akmang sasagot ito pero nagsalita na si Paloma.
"Jeyrick, mabuti pa magpahinga ka na. Bukas na lang natin pag-usapan iyan o sa ibang araw," sabi ni Paloma na may halong pagsusumamo sa mga mata. Parang takot ito sa tiyahin at hinawakan ang matandang babae sa braso. "Tita Bevz, umuwi na po tayo. It is past your sleep time. Ang wrinkles ninyo.”