"Yes, of course. I will save this lesson for some other time. See you tomorrow." At tinapik ni Bevs sa pisngi niya at ngumiti.
“Ihahatid ko na po kayo sa parking lot,” anang binata.
“Hindi na. You are quite popular. Baka magising ang buong condo building kapag may nakakilala sa iyo,” sabi ni Tita Bevz.
Matutulog na sana si Jeyrick nang makatanggap pa siya ng text mula kay Paloma. Di mo na sana in-open kay Tita ang tungkol sa mga compositions ko. Galit na galit na siya ngayon. Ininsulto mo daw ang pagiging manager niya.
Naggiyagis ang ngipin ng binata. Sa halip na magpasalamat sa pagtatanggol niya dito, siya pa ang mali. Parang gustong-gusto niya akong makuhang talent. Di ba karapatan ko na magtanong kung ano ang magagawa niya para sa akin? Kung sasakalin din ba niya ako katulad ng ginawa niya sa iyo. Gusto kong malaman kung ano ang plano niya sa akin. Mali pa rin ako?
Oo, pero iniisip niya na nagpapaawa ako sa iyo. Kung may hihingin ka kay Tita Bevz, huwag mo na lang akong idawit. Kung kailangan mo ng training at workshops, sasabihin ko nang maayos sa kanya. Lambingin mo. Pagbibigyan ka niya.
Bumalikwas ng bangon si Jeyrick at tumuloy sa balkonahe para magpahangin sa inis sa sagot sa kanya ni Paloma. “Huh! Ginawa ko iyon para sa kanya. Baka sakaling pagbigyan na ilabas ang mga kanta niya. Tapos ayaw niyang babanggitin ko siya. Nandito ako para gamitin niya, hindi ba? Bakit di pa niya sagarin? Di ba siya natutuwa na ako na ang kusang nagpapagamit sa kanya?”
Mahigpit ang hawak ni Jeyrick sa railing ng verandah ng condo habang nakatanaw sa nagkikislapang ilaw ng mga gusaling natatanaw niya. Halos di niya napapansin ang kislap ng mga bituin.
Ano bang hihingin sa kanya ng mundong ito? Ano ba ang kailangang niyang isuko para pasayahin ang mga tao at sumikat? Ano ang kinailangang isuko ni Paloma para di mawala ang kasikatan nito?
Nakikita niya sa mga mata nito na pagod ito, hindi masaya. Ibang-iba sa panahong magkasama sila sa Kadaclan. O baka kasalanan niya kaya naglaho ang sayang iyon.
Ipinagtatanggol niya si Paloma pero siya mismo ang walang tiwala dito. Siya mismo ang unang bumitaw sa dalaga nang hindi niya paniwalaan na mahal pa siya nito. Pero mahalaga pa rin ito sa kanya. Nasa sistema na yata niya na ipagtanggol ito at gawin ang lahat para mapasaya ito. Kahit di nito hingin. Kahit nasasaktan siya.
Nakarinig siya ng kaluskos mula sa likuran. "Anak, bakit di ka pa natutulog? Maaga pa ang interview mo bukas sa kay Miss Jessica," anang tatay niyang si Mang Melvin.
Bahagya niya itong nilingon. "Di po ako inaantok, Papa."
"Naninibago ka siguro dahil iba ang lamig ng aircon sa natural na simoy ng hangin sa atin. O baka naman masyadong malambot ang kama. Naglatag na nga ako sa sahig."
"Papa naman,” angal niya. Pangarap niya noon na itira sa magandang bahay at malambot na kama ang pamilya niya.
Natawa ito at inakbayan siya. "Biro lang.” Nakakunot ang noo siya nitong pinagmasdan. “Naguguluhan ako. Saglit lang naman tayong hindi nagkita. Paano mo naging nobya si Beliza at bakit malamig ang trato mo kay Paloma?"
Kahit siya ay naguguluhan din. Umakto lang siya ayon sa emosyon niya. "Pa, sa harap lang ng ibang tao ko girlfriend si Beliza. Sinabi niya sa mga tao para protektahan ako sa mga babaeng magkaka-interes sa akin. Para di na daw po nila ako habulin."
"Na ikinapahamak niya dahil sa nagtangkang manakit sa kanya. Nagsinungaling pa kayo sa mga magulang niya." Desisyon iyon ni Beliza dahil tiyak na di ito papayagang sumama ng mga magulang sa kanya.
Gusto niyang komprontahin si Beliza tungkol doon. Ang tanungin ito kung gusto ba siya nito nang higit pa sa kaibigan. Pero natatakot siya sa magiging sagot nito. Na baka makaapekto sa pagkakaibigan nila. Basta ang alam niya, kailangan niya ito ngayon bilang isang kaibigan at para magpanggap na nobya niya. Ang panangga niya kay Paloma.
"Poprotektahan ko po siya. Nakakulong na rin po ang nanakit sa kanya. Si Kuya Cardo po ang bahalang mag-asikaso sa kaso,” sabi niya.
"At si Paloma?"
Pilit siyang ngumiti. "Magkakaayos din po kami. Huwag po kayong mag-alala." Magkakasama sila sa interview at mga show. Di na sila mapaghihiwalay ng dalaga. Pero ayaw na niyang bumalik pa sila sa dati. Baka umasa lang siya na mahal nga siya nito.
Hindi pa niya ipinapaalam sa ama kung ano ang ginawa ni Paloma na pagsisinungaling. Nakiusap siya sa ina na isekreto iyon at maging kay Charlene. Kung anuman ang ginawa ni Paloma sa kanya, silang dalawa lang ang magtutuos.
Huminga ng malalim si Mang Melvin. Mukhang di kumbinsido sa sagot niya. “Anak, alam ko na malaking pagkakataon ang ibinibigay sa iyo ng pagsikat mo. Ni minsan di ko naisip na magkakaroon ako ng anak na lalabas sa TV. Pero di ito ang mundo natin. Kung sa palagay mo hindi ka na masaya at magiging totoo sa sarili mo, pwede kang umuwi sa atin at magkaroon ng simpleng buhay. Maiintindihan ka namin.”
Umiling ang binata. "Papa, nagsisimula pa lang po ang pangarap ko. Ito na po ang pagkakataon ko na mapabuti ang pamilya natin. Tapos pauuwiin ninyo agad ako. Di ko po ito basta-basta bibitawan. Nandiyan din po kayo para patnubayan ako kung sa palagay ninyo may ginagawa akong mali."
Mataman siya nitong pinagmasdan. "Basta huwag mong kalilimutan ang pagiging totoo sa sarili mo, ang pinagmulan mo at ang kaligayahan mo. Maaring di namin kayo nabigyan ng maalwang pamumuhay ng nanay mo pero pinuno namin kayo ng pagmamahal. Iyon ang pinakamagandang kayamanan na ibibigay namin. Di lang sa pera o kasikatan nakabase ang kaligayahan. Huwag mo sanang kalimutan iyon, anak."
Pero ano ba ang totoong kaligayahan? Akala niya ay nakuha na niya iyon nang muli niyang makasama si Paloma at sabihin nitong mahal siya nito. Sa puso niya, alam niyang magiging masaya siya kung magagawa niya ang lahat para dito, kung makikita itong masaya.
Kung magiging totoo siya sa sarili niya, sasabihin niya sa lahat na mahal niya ito. Pero sino ba ang totoong Paloma? Ano ba ang kaibahan nila kung ngayon pa lang ay di na rin siya nagpapakilala kung ano ang totoong siya?