“Bakla, ayusin mo naman ang kilay ni Paloma. Sabog o!” reklamo ni Beliza habang inaayusan siya ng kilay ni Hepburn.
Nasa taas ng Carrot Man Bakeshop sila tumuloy na pinamamahalaan ni Charlie na isang magaling na baker.
Gabi na siya dumating mula sa Baguio mula sa summer class niya sa University of the Cordilleras kung saan itinuloy niya ang pag-aaral. Ayaw na ni Jeyrick na tumuloy sila sa Ogo-og dahil gabi na para tumulay pa daw sila sa mga pilapil.
“E marunong ka pa sa akin. Ikaw na kaya?” angil ni Hepburn sa babae.
“Kalma lang. Ang ingay ninyo,” angal niya na mahilo-hilo pa dahil di siya gaanong nakatulog. Ni-review niya ang speech ni Jeyrick para sa Menaliyam Festival. Ang naturang festival ay itinuturing na ina ng lahat ng festival sa Mountain Province. Ipinagdiriwang nito ang kasagaan at kultura ng Kadaclan. “Make up ko lang pagtatalunan pa ninyo.”
“Siyempre gusto namin na maganda ang pagrampa ni Paloma sa street parade. Iyon ang bilin ni Jeyrick,” sabi ni Beliza na naging malapit na sa kanya mula nang maging official na niyang nobyo si Jeyrick.
“Beliza, huwag ka nang makipag-asaran kay Bernardo. Baka maging kamukha niyan ang anak ninyo ni Cardo,” sabi ni Paloma at ngumiti sa babae.
Ngumiwi si Paloma nang tumili si Hepburn at niyakap si Beliza. “Congratulations, Beliza! Salamat dahil dinadala mo ang anak namin ni Guwapulis. Ako talaga ang asawa niya. Sa iyo ko lang ipinadala ang anak namin kasi wala pa akong matris.”
Pinisil ni Beliza ang ilong ng pinsan niya. “Ang cute-cute mo talaga kahit minsan gusto na kitang gulpihin.”
“Uhm! Ingat-ingat sa panggigigil sa akin dahil ang baby mo magiging kasing ganda ko,” babala ni Hepburn.
Dalawang taon na ang nakakaraan mula nang ikasal ang pinsan ni Jeyrick na si Cardo at si Beliza. Imbitado ata ang buong bayan ng Barlig at kasama silang dumalo ni Jeyrick na siyang bestman. Nakatira ang mga ito sa sweet ponkan orchard ni Cardo sa Lias na ilang minuto lang ang lalakarin mula sa Karanag falls. SP04 na si Cardo at nagtatrabaho naman si Beliza sa treasury ng Barlig.
“Smile, Pretty Buntis,” sabi ni Sunny at kinuhanan sila ng picture.
“Baka pangit ako diyan! Lagot ka sa akin,” banta ni Beliza.
“Blooming ka na. Heto pala ang pasalubong namin ni Hero galing Korea.” At inabot ang paper bag sa kanila.
“Medyas at noodles.” Nanlaki ang mata niya nang makita ang kopya ng libro tungkol sa Lettang Cave. “Para sa akin ito? Di mo na ako kailangang bigyan. Bibili kami.”
Sa araw na iyon ilalabas ang libro tungkol sa Lettang Cave na matatagpuan din sa Kadaclan. Si Hero mismo ang nag-research at si Sunny ang photographer ng misteryosong burial cave ng mga ninuno ng taga-Kadaclan. Noong isang buwan lang ikinasal ang mga ito sa Sagada at sa South Korea nag-honeymoon.
“Miss Paloma, sa palagay ko magugustuhan ng mga fans mo ang libro na iyan,” sabi ni Madison na bahagi ng staff na nagko-cover ng Menaliyam Festival para ipalabas sa video blog ng provincial tourism office ng Mountain Province.
“Hindi pa ako nakaayos,” angal ni Paloma at humalik sa pisngi ng babae.
Bumuntong-hininga ito. “Doble-doble ang trabaho ko dahil siya ang mag-aalaga kay Callie. Hihiramin daw ni Ninong Jeyrick para sa street dance competition. Di na daw kasi ganoon ka-effective ang cuteness factor niya kaya anak ko naman ang gagamitin.”
Hindi na pinakawalan ni Lerome si Madison at ikinasal naman tatlong taon na ang nakakaraan. Ang mga ito ang responsable ngayon para ma-maintain ang tourism program di lang ng Barlig kundi pati Mountain Province. Sinimulan ni Jeyrick bilang Carrot Man at ngayon ay kilala na ang magagandang tanawin sa bayan pati na rin ang mga produkto doon.
Marami na ang nangyari sa apat taong nagdaan mula nang makilala si Jeyrick bilang si Carrot Man. Bumalik sila pareho sa pag-aaral. Si Jeyrick naman ay pinili na kumuha ng ilang units ng anthropology sa University of the Philippines Baguio. Speaker na ito ng indigenous people kahit na di ito madalas na lumalabas sa TV. Sikat pa rin sila ng binata dahil may program sila sa TV na nagtatanghal ng iba’t ibang kultura at awitin di lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.
Di agad nag-quit si Paloma sa showbiz. Nakagawa pa sila ni Jeyrick ng pelikula at nakapag-record ng album na parehong quadruple platinum. Original na kanta niya ang ginamit hanggang magdesisyon sila na bumalik sa pag-aaral. Nariyan pa rin ang Paloma Coffee pero nadagdagan na iyon ng iba pang produkto dahil pati ang magsasaka sa Mindanao ay isinama na nila at may ibang variety. Sikat at dinadayo na rin ang resort ng pamilya ni Paloma sa Cotabato. Habang may sarili nang bakeshop ang pamilya ni Jeyrick sa Kadaclan na si Charles ang namamahala.
Umalis man sila sa showbiz, alam nila na isang legacy ang iniwan nila sa pagtataguyod ng talento at kultura ng mga indigenous groups. Mas naa-appreciate na ngayon ang kultura at paniniwala ng mga katutubo. May mga mapanlait pa rin at mga basher pero hindi na mahalaga ang opinyon ng mga ito.
Nakayapak na sumali sa street dance participants si Paloma. Sinalubong siya ni Jeyrick na nakasuot ng elaborate headdress at woven vest at G-string. He looked dignified and every inch a warrior. “Hi, Carrot Man! Ang guwapo mo. How to be yours po?” tanong niya.
“Girlfriend na nga kita, binobola mo pa ako.” Bumulong ito sa kanya. “Pwede bang hindi na lang tayo um-attend ng festival? Sabi ko kasi kay Hepburn huwag kang masyadong pagandahin. Dadami lalo ang karibal ko.”
Tumikhim ang Tita Bevz niya na naka-costume din kahit di kasali sa event. “Move! Move! Hindi lang kayo ang star sa parada na ito. Ayokong sabihan na prima donna ang mga alaga ko. Naghihintay na ang mga fans ninyo.”
Pag-aari na ito at si Hepburn na sosyal na salon at spa kaya di na masyadong involve sa showbiz ang mga ito. Tatanda daw kasi ang tiyahin niya sa intriga. DI na rin nito kailangang masyadong mapagod sa pagtatrabaho dahil malaki naman daw ang cut nito sa mga projects nila ni Jeyrick. Masaya siya na natamasa na rin ng tiyahin ang kasaganaan kung saan di na nito masyadong iintindihin ang pera.
Ang mga kaibigan nilang sina Rjan at Jimerah ang unang nagpa-picture sa kanila. Ang mag-asawa ang namamahala sa online distribution nila ng Paloma Coffee at namamala ng shop nila sa Baguio.
Inalalayan siya ni Jeyrick para makasama sa pagpapa-picture sa ibang participants at mga turista. Kada taon ay humahatak ng turista ang Menaliyam Festival. Hindi kasing crowded ng Panagbenga Festival sa Baguio kaya nakakahinga siya.
Mas at home ang pakiramdam niya sa Kadaclan. Halos magkakakilala ang lahat. Tanggap na siya ng pamilya ni Jeyrick maging si Charlene nang nakita nito na sinsero siya sa kapatid nito. Taon-taon din niyang isinasama doon ang pamilya niya dahil interesado na ang kapatid niyang si Kitty sa iba’t ibang kultura sa Pilipinas.
Si Jeyrick ang isa sa nangunguna sa parada. May hawak itong gangsa at tumutugtog habang sumasayaw. Nakadipa naman si Paloma gaya ng iba at ginaya ang steps ng mga ito. Hindi na siya outsider dahil
Natuwa siya nang makita si Thirdy na kasama ang nobyo na si Bryan Uzon na kumukuha ng video mula sa hagdan sa gilid ng kalsada. Kinawayan niya ang mga ito. Sa Amsterdam na nakabase ang mga ito at tinalikuran na ang showbiz. Iniyakan ng mga fans ang pag-alis nito at hanggang ngayon ay hinihiling na tumaan ito ng kidlat para magkagusto sa lalaki.
Matapos ang street dance ay nagyakap silang dalawa ni Thirdy. “Anong ginagawa mo dito?”
“Dinadalaw kita. I am planning to produce a film. At nakita ko ang libro na ito,” sabi nito at libro tungkol sa Lettang Cave. “I am intrigued. Gusto kong mag-produce ng movie mula sa mytology na nakasulat sa kweba na iyon. That would be an international film fest material. Gusto ko na I-offer sa inyo ni Jeyrick ang movie.”
“That would be great. Pero wala pa namang script.”
“Madali na lang iyon,” sabi ni Thirdy na nag-aral ng Film sa Paris. “Kailangan ko lang makipag-usap sa kultura ng mga tagadito. Na-in love ako sa lugar na ito.”
Masaya ang kwentuhan nila nang maramdan niya ang mga matang nakatutok sa kanya. Nang lumingon niya ay si Jeyrick iyon na pinagkakaguluhan ng mga turista pero nasa kanya ang atensyon.
Nakalabi na ito at nakaismid nang lapitan niya. “What’s with that face?”
“Niyakap mo ang ex-boyfriend mo.”
“Jeyrick, nakita mo ba ‘yung boyfriend ni Thirdy? Kakaloka ka. Ngayon ka pa nagselos. Saka wala siyang dimples katulad mo,” tudyo ni Paloma at dinuro ang dimple nito sa kaliwang pisngi.
“Pwede bang magpakasal na tayo next week?” tanong nito. “Huwag ka nang maghintay maka-graduate.”
“No!” kontra niya dito at pinanlakihan ito ng mata. “Isang taon na lang graduate na tayo. Ngayon ka pa gaganyan.” Nangako siya sa sarili na dapat pareho na silang may diploma ng binata pag humarap sa altar. Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. “Laylayden sik a, Carrot Man. Ikaw ang pinakaguwapo para sa akin.”
Ngumisi ito. “Okay na ako.”
He was really adorable. Tumunog ang gangsa ng grupo nila bilang hudyat na sila na ang susunod na magpe-present. Hindi madali ang pinagdaanan nila ni Jeyrick para sa wakas ay magkasama at maging masaya. Ito na ang mundo niya - totoo, malaya at simple kasama ang Carrot Man ng buhay niya.
WAKAS